INTERBYU | RAJESH KALARIA
Ang Paniniwala ng Isang Brain Pathologist
MAHIGIT 40 taon nang pinag-aaralan ng propesor na si Rajesh Kalaria ng Newcastle University, England, ang utak ng tao. Dati siyang naniniwala sa ebolusyon, pero nang maglaon, nagbago ang pananaw niya. Ininterbyu siya ng Gumising! tungkol sa kaniyang trabaho at paniniwala.
Kuwentuhan mo naman kami ng ilang bagay tungkol sa kinagisnan mong relihiyon.
Isinilang si Tatay sa India. Si Nanay naman, kahit taga-India ang mga magulang niya, ay ipinanganak sa Uganda. Pareho silang lumaki sa kaugaliang Hindu. Pangalawa ako sa tatlong magkakapatid. Tumira kami sa Nairobi, Kenya, at marami sa mga tagaroon ay Hindu.
Bakit ka naging interesado sa siyensiya?
Mahilig ako sa mga hayop, at madalas akong mag-hiking at mag-camping kasama ng mga kaibigan ko para makakita ng maiilap na hayop. Noong una, gusto kong maging veterinary surgeon. Pero nang magtapos ako sa kolehiyo sa Nairobi, pumunta ako sa England para mag-aral ng pathology sa University of London. Nang maglaon, nagpakadalubhasa ako sa utak ng tao.
Nakaimpluwensiya ba sa iyong relihiyosong paniniwala ang pinag-aralan mo?
Oo. Habang mas pinag-aaralan ko ang siyensiya, mas nahihirapan akong paniwalaan ang mitolohiya at mga turo ng Hindu, gaya ng pagsamba sa mga hayop at imahen.
Bakit ka naniwala sa ebolusyon?
Noong kabataan pa ako, marami ang naniniwalang nagsimula sa Africa ang ebolusyon, at madalas naming pag-usapan ang ideyang iyan sa paaralan. Pinalilitaw rin ng mga guro namin at mga propesor sa unibersidad na ang lahat ng iginagalang na siyentipiko ay naniniwala sa ebolusyon.
Bakit mo pinag-isipan ulit ang tungkol sa pinagmulan ng buhay?
Ilang taon na akong nag-aaral ng biology at anatomy nang ikuwento sa akin ng isang kaeskuwela ko ang mga natututuhan niya sa Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. At napaisip ako nito. Kaya nang magkaroon ng asamblea ang mga Saksi sa paaralan namin sa Nairobi, dumalo ako. Nang maglaon, ipinaliwanag sa akin ng dalawang misyonera ang ilang turo ng Bibliya. Ang paniniwala nila sa Dakilang Disenyador, na sumasagot sa mahahalagang tanong sa buhay, ay malayong-malayo sa mitolohiya. Sa tingin ko, makatuwiran ang turo ng Bibliya.
Nakahadlang ba ang kaalaman mo sa medisina sa paniniwala mo sa paglalang?
Hindi! Habang nag-aaral ako ng anatomy, nakikita ko kung gaano kahusay at kakomplikado ang pagkakadisenyo ng mga nilalang. Hindi nga makatuwirang isipin na ang gayon kahusay na disenyo ay basta lumitaw na lang.
Puwede ka bang magbigay ng halimbawa?
Mula noong 1971, pinag-aaralan ko na ang utak ng tao, at hanggang ngayon, hangang-hanga pa rin ako sa bahaging ito ng ating katawan. Dito nanggagaling ang ating mga iniisip at memorya. Ito rin ang kumokontrol sa ating katawan at sa ating mga pandama, at nagpoproseso ng mga impormasyong nanggagaling sa loob at labas ng ating katawan.
Gumagana ang ating utak dahil sa masalimuot na chemistry nito at sa komplikadong mga network ng neuron, ang pangunahing selula ng utak. Ang utak ng tao ay may bilyon-bilyong neuron, na naghahatid ng impormasyon sa isa’t isa sa pamamagitan ng mahahabang hibla na tinatawag na axon. Mula sa axon, ang isang neuron ay nakagagawa ng libo-libong koneksiyon sa iba pang mga neuron sa pamamagitan ng sanga-sangang mga hibla na tinatawag na dendrite. Bilang resulta, ang koneksiyon sa ating utak ay hindi mabilang! Isa pa, ang napakaraming neuron at dendrite ay hindi magulo, kundi napakaayos. Talagang kahanga-hanga iyan!
Pakipaliwanag naman.
Maayos na nadedebelop ang mga koneksiyon sa utak habang nasa sinapupunan ang sanggol at kahit naipanganak na ito. Ang mga neuron ay nagpo-produce ng mga hibla para matarget ang mga neuron na maaaring ilang sentimetro ang layo—isang napakalaking distansiya pagdating sa cellular level. Heto pa, ang tinatarget ng isang hibla ay hindi lang isang espesipikong selula kundi espesipikong bahagi ng selulang iyon.
Habang napo-produce ang isang bagong hibla mula sa isang neuron, may sinusunod itong kemikal na mga “karatula” gaya ng “hinto,” “deretso,” o “liko,” hanggang sa maabot ng hibla ang target nito. Kapag walang malinaw na mga instruksiyon, maliligaw ang mga hiblang ito. Napakaayos talaga ng buong proseso, na nagmumula sa mga instruksiyon na nasa ating DNA.
Pero hindi pa natin talaga lubusang nauunawaan kung paano nadedebelop at gumagana ang utak, kasama na kung paano nabubuo ang memorya, emosyon, at iniisip. Para sa akin, ang mismong paggana ng utak—hindi pa kasama kung paano ito mahusay na gumagana at nadedebelop—ay nagpapakita na may Isa na di-hamak na mas matalino kaysa sa atin.
Bakit ka naging Saksi ni Jehova?
Ipinakita sa akin ng mga Saksi ang mga ebidensiya na ang Bibliya ay Salita ng Diyos. Halimbawa, hindi aklat-aralin sa siyensiya ang Bibliya, pero laging tama ang sinasabi nito tungkol sa siyensiya. Tumpak din ang mga nilalaman nitong hula. At napapabuti ng Bibliya ang buhay ng mga taong sumusunod sa mga turo nito. Totoo iyan sa akin. Mula nang maging Saksi ni Jehova ako noong 1973, ang Bibliya na ang naging gabay ko sa buhay. Bilang resulta, naging masaya at makabuluhan ang buhay ko.