Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TAMPOK NA PAKSA

Kapag May Sakuna—Mga Hakbang na Makapagliligtas ng Buhay

Kapag May Sakuna—Mga Hakbang na Makapagliligtas ng Buhay

“Halos matumba ako dahil sa isang nakabibinging pagsabog. Lumabas ang usok at nagsimulang umapoy ang aming opisina.”—Joshua.

Lindol . . . bagyo . . . pag-atake ng terorista . . . pamamaril sa paaralan. Madalas na ulo ito ng mga balita. Pero siyempre, iba ang nababasa lang kaysa sa talagang nararanasan. Ano ang maaari mong gawin bago, habang, at pagkatapos ng sakuna para mas malaki ang tsansang makaligtas ka?

BAGO—MAGHANDA!

WALANG pinipili ang sakuna. Napakahalaga ng paghahanda para makaligtas. Pero anong paghahanda ang dapat gawin?

  • Ihanda ang isip. Tanggapin natin na talagang nangyayari ang sakuna at posibleng manganib ka at ang iyong pamilya. Huli na kung tapos na ang sakuna saka ka pa lang maghahanda.

  • Alamin ang mga sakunang maaaring mangyari sa inyong lugar. Alamin ang mga lugar na mapagtataguan. Tiyaking matibay ang inyong bahay at ligtas ang lokasyon nito hangga’t maaari. Alisin ang mga puwedeng pagsimulan ng apoy. Maglagay ng mga smoke detector, at palitan ang baterya nito kahit man lang minsan sa isang taon.

  • Maghanda ng mga suplay para sa emergency. Maaaring mawala ang kuryente, tubig, linya ng telepono, at transportasyon. Kung may sasakyan ka, sikaping nasa kalahati ng tangke ang laman nito. Laging magtabi ng pagkain, tubig, at emergency kit sa inyong bahay.—Tingnan ang kahong “ Nakahanda Na Ba ang mga Kailangan Mo?

    Napakahalaga ng paghahanda para makaligtas

  • Alamin ang mga numero ng telepono ng mga kaibigan mong nasa malapit at malayong lugar.

  • Gumawa ng escape plan at praktisin ito. Alamin ang pinakamalapit na labasan sa inyong gusali, at ang emergency plan sa paaralan ng inyong anak. Pag-usapan kung saan magkikita-kita ang inyong pamilya—gaya ng sa isang paaralan o library—sa malapit na lugar at sa isa pang mas malayo sa inyong lugar. Iminumungkahi ng mga awtoridad na praktisin ng inyong pamilya na maglakad papunta sa mga lugar na iyon.

  • Magplanong tumulong sa iba, kasama na ang matatanda at mga maysakit.

HABANG—KUMILOS AGAD

“Nang magsimula ang apoy, hindi pa rin kumikilos ang marami,” ang kuwento ni Joshua, na nabanggit sa umpisa. “Ang ilan ay nag-shut down pa ng computer o kumuha ng tubig na maiinom. Sinabi ng isang lalaki, ‘Maghintay muna tayo.’” Kahit atubili ang ilan, sumigaw si Joshua: “Lumabas na tayo!” Natauhan ang mga katrabaho niya at sumunod sa kaniya pababa ng hagdan. “Kapag may nadapa, tulungan siya at magpatuloy sa pagbaba,” ang sabi ni Joshua. “Makakalabas din tayo!”

  • Kapag may sunog. Mabilis na gumapang papalabas ng gusali. Kapag may usok, hindi mo nakikita ang paligid at karamihan ng mga namamatay sa sunog ay dahil sa nalalanghap na usok. Iwan ang mga personal na gamit. Mahalaga sa kaligtasan ang bawat segundo.

  • Kapag may lindol. Magtago sa ilalim ng matibay na furniture o tumabi sa dingding sa loob ng bahay. Asahang may mga aftershock, kaya lumabas at lumayo sa mga gusali. Maaaring hindi agad dumating ang mga rescuer, kaya sikaping magligtas ng iba kung kaya mo.

  • Kapag may tsunami. Kapag umatras ang tubig mula sa baybayin, pumunta na agad sa mas mataas na lugar. Asahan mong mas malalaking alon ang kasunod nito.

  • Kapag may buhawi o bagyo. Pumunta agad sa lugar na maaaring pagtaguan.

  • Kapag may baha. Lumabas sa mga gusaling pinasok ng tubig. Huwag lumusong o magmaneho patawid sa baha. Ang tubig ng baha ay may tangay na mga basura. Hindi rin makikita ang panganib gaya ng walang-takip na mga manhole, bumagsak na mga linya ng kuryente, at iba pa.

  • Alam mo ba? Ang dalawang talampakang rumaragasang tubig ay sapat na para matangay ang isang sasakyan. Karamihan ng mga namamatay sa baha ay resulta ng pilit na pagmamaneho patawid sa baha.

  • Kapag sinabi ng awtoridad na lumikas, lumikas agad! Ipaalam sa mga kaibigan mo kung nasaan ka dahil baka isapanganib nila ang kanilang buhay sa paghahanap sa iyo.

    Kapag sinabi ng awtoridad na lumikas na, lumikas agad!

  • Alam mo ba? Baka mas maaasahan ang text kaysa sa pagtawag sa telepono.

  • Kapag sinabi ng awtoridad na manatili sa bahay o sa shelter, manatili roon. Kapag nagkaroon ng kemikal, biyolohikal, o nuklear na aksidente o pag-atake, huwag lumabas, patayin ang mga bentilasyon, at isarang mabuti ang lahat ng pinto at bintana. Kapag ang sakuna ay dulot ng nuklear, pumunta sa pinakamababang bahagi ng gusali para mabawasan ang pagkakahantad sa radiation. Manood ng balita sa TV o makinig sa radyo. Huwag lumabas hangga’t hindi sinasabi ng mga awtoridad na puwede nang lumabas.

PAGKATAPOS—MANATILING LIGTAS!

Para maiwasan ang sakit at panganib, pansinin ang mga sumusunod:

  • Sumama sa mga kaibigan, kung posible, sa halip na sa evacuation center.

  • Panatilihing malinis ang iyong tinutuluyan.

  • Gumamit ng mga pamproteksiyon, kapag naglilinis. Kung posible, magsuot ng gloves, matigas na sapatos, hard hat, at mask. Mag-ingat sa linya ng kuryente at sa mga baga.

  • Panatilihing normal ang pang-araw-araw na rutin, hangga’t maaari. Kailangang makita ng mga anak mong kalmado ka at di-nawawalan ng pag-asa. Ituloy ang pagtuturo sa mga anak mo ng mga leksiyon sa paaralan, paglalaro, at pagsamba bilang pamilya. Huwag tumutok sa mga balita tungkol sa mga nangyayaring trahedya at huwag ipahalata sa pamilya mo na nag-aalala ka at nadidismaya. Magpatulong at tumulong.

    Pagkatapos ng sakuna, panatilihing normal ang iyong rutin hangga’t maaari

  • Asahang maraming bagay ang mawawala sa iyo. Ang gobyerno at iba pang nagkakawanggawa ay nakapokus sa pagtulong sa mga tao para makaraos, at hindi para palitan ang lahat ng nawala sa mga biktima. Para makaraos, kailangan natin ng malinis na tubig, pagkain, damit, at matutuluyan.—1 Timoteo 6:7, 8.

  • Asahang maaapektuhan ang iyong emosyon kaya magpatulong. Karaniwan nang lumilitaw ito kapag nahimasmasan ka na. Kabilang sa sintomas ang pagkabalisa, depresyon, pabago-bagong emosyon, at hiráp mag-isip, magtrabaho, at matulog. Ipakipag-usap ito sa nagmamalasakit na mga kaibigan.

Nakaligtas si Joshua sa sunog, pero marami sa mga katrabaho niya ang namatay. Tinulungan siya ng mga Kristiyanong elder at mga doktor. “Tiniyak nila na normal lang ang nadarama kong kalungkutan at mawawala rin iyon,” ang sabi ni Joshua. “Pagkaraan ng anim na buwan, nabawasan na ang mga bangungot ko. Pero mas matagal nawala ang ilang sintomas.”

Naghahanap tayo ng katarungan kapag may mga sakuna. May kamaliang sinisisi ng ilan ang Diyos. Gaya ni Joshua, sinisisi ng maraming nakaligtas ang kanilang sarili. “Iniisip ko pa rin na marami pa sana akong nailigtas,” ang sabi niya. “Napatibay ako ng katotohanang malapit nang ilapat ng Diyos ang katarungan sa lupa at itama ang lahat ng mali. Samantala, pinahahalagahan ko ang bawat araw ng aking buhay at ginagawa ko ang lahat para maingatan ito.”—Apocalipsis 21:4, 5. *

^ par. 33 Para sa higit pang impormasyon tungkol sa mga pangako ng Diyos sa hinaharap at kung bakit niya pinahihintulutan ang pagdurusa, tingnan ang aklat na Ano Ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? Mada-download ito sa www.mr1310.com/tl.