Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Naglilingkod na Kasama ng Bantay

Naglilingkod na Kasama ng Bantay

Naglilingkod na Kasama ng Bantay

“Sa ibabaw ng bantayan, O Jehova, ay palagi akong nakatayo sa araw, at sa aking pinagbabantayan ay nakatanod ako sa lahat ng gabi.”​—ISAIAS 21:8.

1. Sa anong dakilang mga pangako isang saksi mismo si Jehova?

SI Jehova ang Dakilang Tagapaglayon. Ang rebeldeng anghel na naging Satanas na Diyablo ay walang magagawa upang hadlangan ang Kaniyang dakilang layunin na mapabanal ang Kaniyang sariling pangalan at magtatag ng isang maluwalhating pamamahala ng Kaharian sa malaparaisong lupa. (Mateo 6:9, 10) Sa ilalim ng pamamahalang iyan, ang sangkatauhan ay tunay na pagpapalain. “Lalamunin [ng Diyos] ang kamatayan magpakailanman, at tiyak na papahirin ng Soberanong Panginoong Jehova ang mga luha mula sa lahat ng mukha.” Tatamasahin ng maligaya at nagkakaisang mga tao ang kapayapaan at kasaganaan magpakailanman. (Isaias 25:8; 65:17-25) Si Jehova mismo ang saksi sa dakilang mga pangakong ito!

2. Sinong mga taong saksi ang ibinangon ni Jehova?

2 Gayunman, ang Dakilang Maylalang ay mayroon ding mga taong saksi. Bago ang panahong Kristiyano, “isang ulap ng mga saksi,” pasimula kay Abel, ang tumakbo sa takbuhan ng pagbabata, na kadalasa’y sa harap ng gabundok na mga hadlang. Ang kanilang napakahuhusay na halimbawa ay nagpapatibay-loob sa mga Kristiyano sa ngayon. Si Kristo Jesus ang sukdulang halimbawa ng isang matapang na saksi. (Hebreo 11:1–​12:2) Halimbawa, gunitain natin ang kaniyang pangwakas na patotoo sa harap ni Poncio Pilato. Ipinahayag ni Jesus: “Dahil dito ako ipinanganak, at dahil dito ako dumating sa sanlibutan, upang ako ay magpatotoo sa katotohanan.” (Juan 18:37) Mula 33 C.E. hanggang sa taóng ito ng 2000 C.E., tinutularan ng masisigasig na Kristiyano ang halimbawa ni Jesus at patuloy na nagpapatotoo, anupat buong-tapang na ipinahahayag ang “mariringal na bagay ng Diyos.”​—Gawa 2:11.

Babilonikong Sektaryanismo

3. Paano sinasalansang ni Satanas ang patotoong ibinibigay tungkol kay Jehova at sa kaniyang kalooban?

3 Sa nakalipas na mga milenyo, ang mahigpit na Kalaban, si Satanas na Diyablo, ay buong-kabalakyutang nagsikap na pasinungalingan ang patotoo ng mga saksi ng Diyos. Bilang “ang ama ng kasinungalingan,” ang “malaking dragon” na ito . . . , ang orihinal na serpiyente,” ay malaon nang “nagliligaw sa buong tinatahanang lupa.” Wala siyang tigil sa kaniyang pakikidigma laban sa mga “tumutupad sa mga kautusan ng Diyos,” lalo na sa mga huling araw na ito.​—Juan 8:44; Apocalipsis 12:9, 17.

4. Paano nagsimula ang Babilonyang Dakila?

4 Mga 4,000 taon na ang nakalilipas, matapos ang Baha noong panahon ni Noe, ibinangon ni Satanas si Nimrod, “isang makapangyarihang mangangaso na salansang kay Jehova.” (Genesis 10:9, 10) Ang pinakamalaking lunsod ni Nimrod, ang Babilonya (Babel), ay naging sentro ng makademonyong relihiyon. Nang guluhin ni Jehova ang wika ng mga nagtatayo ng tore ng Babel, ang mga tao ay nangalat sa palibot ng lupa, at dinala nila ang kanilang huwad na relihiyon. Kaya nga ang Babilonya ang pinagmulan ng isang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, na pinanganlang Babilonyang Dakila sa aklat ng Apocalipsis. Inihula ng aklat na iyan ang wakas ng sinaunang sistemang ito ng relihiyon.​—Apocalipsis 17:5; 18:21.

Isang Bansa ng mga Saksi

5. Anong bansa ang inorganisa ni Jehova upang maging kaniyang saksi, ngunit bakit niya ipinahintulot na mapatapon ito?

5 Mga 500 taon matapos ang panahon ni Nimrod, inorganisa ni Jehova ang mga inapo ng tapat na si Abraham tungo sa pagiging bansang Israel upang magsilbing Kaniyang saksi sa lupa. (Isaias 43:10, 12) Maraming indibiduwal sa bansang iyon ang matapat na naglingkod kay Jehova. Gayunman, sa paglipas ng mga siglo, ang Israel ay pinasamâ ng huwad na paniniwala ng karatig na mga bansa, at ang tipang bayan ni Jehova ay tumalikod sa kaniya upang sumamba sa mga huwad na diyos. Dahil dito, noong 607 B.C.E., winasak ng mga hukbo ng Babilonya, sa pangunguna ni Haring Nabucodonosor, ang Jerusalem at ang templo nito at ipinatapon sa Babilonya ang karamihan sa mga Judio.

6. Anong mabuting balita ang ipinahayag ng makahulang bantay ni Jehova, at kailan ito natupad?

6 Kay laking tagumpay nito para sa huwad na relihiyon! Gayunman, ang pananaig ng Babilonya ay pansamantala lamang. Mga 200 taon bago ang kaganapang iyon, nag-utos si Jehova: “Yumaon ka, maglagay ka ng tanod upang masabi niya kung ano ang kaniyang nakikita.” Anong balita ang kailangang ipahayag ng bantay na ito? “Siya ay bumagsak na! Ang Babilonya ay bumagsak na, at ang lahat ng mga nililok na imahen ng kaniyang mga diyos ay binasag na niya sa lupa!” (Isaias 21:6, 9) Gaya ng inaasahan, noong 539 B.C.E., nagkatotoo ang makahulang pahayag. Bumagsak ang makapangyarihang Babilonya, at di-nagtagal ay nakabalik din ang tipang bayan ng Diyos sa kanilang sariling lupain.

7. (a) Ano ang natutuhan ng mga Judio mula sa disiplina ni Jehova? (b) Sa anong mga bitag nahulog ang mga Judio matapos ang pagkakatapon, at ano ang naging resulta?

7 Natuto ng aral ang nagbalik na mga Judio na talikuran ang idolatriya at espiritistikong relihiyon. Gayunman, sa paglipas ng mga taon, sila’y nahulog naman sa ibang bitag. Ang ilan ay nasilo ng pilosopiyang Griego. Ang iba naman ay higit na nagpahalaga sa tradisyon ng tao kaysa sa Salita ng Diyos. Ang iba pa ay naakit naman ng nasyonalismo. (Marcos 7:13; Gawa 5:37) Nang ipanganak si Jesus sa lupa, ang bansa ay muli na namang tumalikod sa dalisay na pagsamba. Bagaman tumalab sa indibiduwal na mga Judio ang mabuting balitang ipinahayag ni Jesus, ang bansa sa kabuuan ay tumanggi sa kaniya at sa gayon ay tinanggihan sila ng Diyos. (Juan 1:9-12; Gawa 2:36) Ang Israel ay hindi na naging saksi ng Diyos, at noong taóng 70 C.E., ang Jerusalem at ang templo nito ay muli na namang winasak, sa pamamagitan naman ngayon ng hukbong Romano.​—Mateo 21:43.

8. Sino ang naging saksi ni Jehova, at bakit napapanahon ang babala ni Pablo sa saksing ito?

8 Samantala, isang Kristiyanong “Israel ng Diyos” ang ipinanganak, at ito ngayon ang nagsisilbing saksi ng Diyos sa mga bansa. (Galacia 6:16) Dali-dali namang nagbalak si Satanas na pasamain ang bagong espirituwal na bansang ito. Sa pagtatapos ng unang siglo, nakikita na sa mga kongregasyon ang mga impluwensiya ng sektaryanismo. (Apocalipsis 2:6, 14, 20) Napapanahon ang babala ni Pablo: “Maging mapagbantay: baka may sinumang tumangay sa inyo bilang kaniyang nasila sa pamamagitan ng pilosopiya at walang-lamang panlilinlang alinsunod sa tradisyon ng mga tao, alinsunod sa panimulang mga bagay ng sanlibutan at hindi alinsunod kay Kristo.”​—Colosas 2:8.

9. Gaya ng ibinabala ni Pablo, anong mga pangyayari ang umakay sa pag-iral ng Sangkakristiyanuhan?

9 Nang dakong huli, nakapasok sa relihiyon ng maraming nag-aangking Kristiyano ang pilosopiyang Griego, mga relihiyosong ideya ng Babilonya, at nang maglaon ay ang “karunungan” ng tao na gaya ng teoriya ng ebolusyon at ng mapanuring kritisismo. Nangyari ang inihula ni Pablo: “Alam ko na pagkatapos ng aking pag-alis ay papasok ang mapaniil na mga lobo sa gitna ninyo at hindi pakikitunguhan ang kawan nang magiliw, at mula sa inyo mismo ay babangon ang mga tao at magsasalita ng pilipit na mga bagay upang ilayo ang mga alagad kasunod nila.” (Gawa 20:29, 30) Bunga ng apostasyang ito, umiral ang Sangkakristiyanuhan.

10. Anong mga pangyayari ang nagpapatunay na hindi lahat ay sumuko sa tiwaling pagsamba na isinasagawa sa Sangkakristiyanuhan?

10 Yaong mga tunay na nakatalaga sa dalisay na pagsamba ay dapat na “makipaglaban nang puspusan ukol sa pananampalataya na ibinigay nang minsanan sa mga banal.” (Judas 3) Maglalaho ba sa lupa ang saksi sa dalisay na pagsamba at kay Jehova? Hindi. Habang lumalapit ang panahon ng pagpuksa sa rebeldeng si Satanas at sa lahat niyang mga gawa, naging maliwanag na hindi lahat ay sumuko sa apostatang pagsamba na isinasagawa sa Sangkakristiyanuhan. Sa huling bahagi ng ika-19 na siglo, sa Pittsburgh, Pennsylvania, E.U.A., naorganisa ang isang grupo ng taimtim na mga estudyante ng Bibliya at naging pundasyon ng modernong-panahong uring saksi ng Diyos. Itinawag-pansin ng mga Kristiyanong ito ang patunay ng Kasulatan na ang wakas ng kasalukuyang sistema ng sanlibutan ay malapit na. Bilang katuparan ng hula ng Bibliya, ang “katapusan[g]” ito ng sanlibutan ay nagsimula noong 1914 at ipinahiwatig ito ng pagsiklab ng unang digmaang pandaigdig. (Mateo 24:3, 7) Matibay ang ebidensiya na kasunod ng taóng iyon ay pinalayas sa langit si Satanas at ang kaniyang kampon ng mga demonyo. Ang batbat-ng-kaguluhang ika-20 siglo ay naglaan ng maliwanag na katibayan ng mga gawa ni Satanas at ng isang pambihirang katuparan ng tanda ng maharlikang pagkanaririto ni Jesus taglay ang kapangyarihan ng makalangit na Kaharian.​—Mateo, kabanata 24 at 25; Marcos, kabanata 13; Lucas, kabanata 21; Apocalipsis 12:10, 12.

11. Anong pagtatangka ang ginawa ni Satanas, ngunit paano nabigo ang kaniyang pagtatangka?

11 Noong Hunyo 1918, buong-pagngingitngit na sinikap ni Satanas na lipulin ang mga estudyante[ng iyon] ng Bibliya, na noon ay nangangaral sa ilang bansa. Sinikap din niyang sirain ang kanilang legal na korporasyon, ang Watch Tower Bible and Tract Society. Ibinilanggo ang mga responsableng opisyal ng Samahan, na may-kabulaanang pinaratangan ng sedisyon, gaya ng ginawa kay Jesus noong unang siglo. (Lucas 23:2) Subalit noong 1919, pinalaya ang mga opisyal na ito, na nagpangyaring maipagpatuloy nila ang kanilang ministeryo. Nang maglaon, sila’y lubusan nang pinawalang-sala.

Isang “Tanod” na Nakabantay

12. Sino sa ngayon ang bumubuo sa uring bantay, o “tanod,” ni Jehova, at anong saloobin ang taglay nila?

12 Samakatuwid, nang magsimula ang “panahon ng kawakasan,” si Jehova ay muling naglagay ng isang bantay sa eksena, na nagbababala sa mga tao hinggil sa mga pangyayaring may kaugnayan sa katuparan ng Kaniyang mga layunin. (Daniel 12:4; 2 Timoteo 3:1) Hanggang sa araw na ito, ang uring bantay na iyan​—ang pinahirang mga Kristiyano, ang Israel ng Diyos​—ay kumikilos ayon sa paglalarawan ni Isaias sa makahulang bantay: “Siya ay matamang nagbigay-pansin, na may buong pagbibigay-pansin. At siya ay sumigaw na parang leon: ‘Sa ibabaw ng bantayan, O Jehova, ay palagi akong nakatayo sa araw, at sa aking pinagbabantayan ay nakatanod ako sa lahat ng gabi.’ ” (Isaias 21:7, 8) Ito ay isang bantay na dibdibang bumabalikat sa kaniyang tungkulin!

13. (a) Anong mensahe ang ipinahayag ng bantay ni Jehova? (b) Paano masasabing bumagsak na ang Babilonyang Dakila?

13 Ano ang nakita ng bantay na ito? Muli, ang bantay ni Jehova, ang kaniyang uring saksi, ay nagpatalastas: “Siya ay bumagsak na! Ang Babilonya ay bumagsak na, at ang lahat ng mga nililok na imahen ng kaniyang mga diyos ay binasag na niya [ni Jehova] sa lupa!” (Isaias 21:9) Sa pagkakataong ito, pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I, ang Babilonyang Dakila naman, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, ang bumagsak mula sa matayog na awtoridad nito. (Jeremias 50:1-3; Apocalipsis 14:8) Hindi nga kataka-taka! Ang Malaking Digmaan, gaya ng tawag dito noon, ay nagsimula sa Sangkakristiyanuhan, kung saan ang mga klero sa magkabilang panig ang nagpalaki sa alitan sa pamamagitan ng paghimok sa kanilang magigiting na mga kabataan na makipagdigma. Kay laking kahihiyan! Noong 1919, hindi mahadlangan ng Dakilang Babilonya ang mga Estudyante ng Bibliya, gaya ng tawag noon sa mga Saksi ni Jehova, sa pagtakas mula sa kanilang di-aktibong kalagayan at pagsasagawa ng pandaigdig na kampanya ng pagpapatotoo na nagpapatuloy pa rin hanggang ngayon. (Mateo 24:14) Palatandaan iyan na bumagsak na ang Babilonyang Dakila, kung paanong ang pagpapalaya sa Israel noong ikaanim na siglo B.C.E. ay palatandaan na bumagsak na ang sinaunang Babilonya.

14. Anong magasin ang kilalang ginagamit ng uring bantay ni Jehova, at paano pinagpala ni Jehova ang paggamit dito?

14 Ang uring bantay ay laging nagsasagawa ng kaniyang tungkulin taglay ang sigasig at matinding hangarin na gawin ang tama. Noong Hulyo 1879, pinasimulan ng mga Estudyante ng Bibliya ang paglalathala ng magasing ito, na kilala noon bilang Zion’s Watch Tower and Herald of Christ’s Presence. Sa bawat isyu mula 1879 hanggang Disyembre 15, 1938, makikita sa unahang pabalat nito ang mga salitang “ ‘Bantay, Kumusta ang Gabi?’​—Isaias 21:11.” * Patuluyan, sa loob ng 120 taon, Ang Bantayan ay regular na nagbabantay sa mga kaganapan sa daigdig at sa makahulang kahalagahan ng mga ito. (2 Timoteo 3:1-5, 13) Ginagamit ng uring bantay ng Diyos at ng mga kasamahan nitong “ibang tupa” ang magasing ito sa kanilang buong-siglang paghahayag sa sangkatauhan na ang pagbabangong-puri sa soberanya ni Jehova sa pamamagitan ng Kaharian ni Kristo ay malapit na. (Juan 10:16) Pinagpala ba ni Jehova ang patotoong ito? Buweno, mula sa unang isyu na 6,000 kopya noong 1879, Ang Bantayan ay lumawak tungo sa isang pandaigdig na sirkulasyon na mahigit na 22,000,000 kopya sa 132 wika​—121 sa mga ito ang inilalathala nang magkakasabay. Angkop na angkop nga na ang pinakamalawak na ipinamamahaging magasin tungkol sa relihiyon sa buong lupa ay yaong isa na dumadakila sa pangalan ng tunay na Diyos, si Jehova!

Isang Pasulong na Paglilinis

15. Anong pasulong na paglilinis ang pinasimulan bago pa man ang 1914?

15 Noong mga 40 taon pataas hanggang magsimula ang makalangit na pamamahala ni Kristo noong 1914, ang mga Estudyante ng Bibliya ay napalaya na sa maraming doktrina ng Sangkakristiyanuhan na wala sa Bibliya, gaya ng pagbibinyag ng sanggol, imortalidad ng kaluluwa ng tao, purgatoryo, pagpapahirap sa apoy ng impiyerno, at Trinitaryong Diyos. Subalit kinailangan ang karagdagang panahon upang maalis ang lahat ng maling ideya. Halimbawa, noong mga taon ng 1920, maraming Estudyante ng Bibliya ang nagsusuot ng alpiler na may emblema ng krus at korona, at nagdiriwang sila ng Pasko at ng iba pang paganong kapistahan. Gayunman, upang maging dalisay ang pagsamba, lahat ng bakas ng idolatriya ay dapat alisin. Ang Salita ng Diyos, ang Banal na Bibliya, ang dapat na siyang tanging saligan ng Kristiyanong pananampalataya at paraan ng pamumuhay. (Isaias 8:19, 20; Roma 15:4) Hindi tamang magdagdag sa Salita ng Diyos o kaya’y mag-alis ng anuman mula rito.​—Deuteronomio 4:2; Apocalipsis 22:18, 19.

16, 17. (a) Anong maling ideya ang pinanghawakan ng uring bantay sa loob ng ilang dekada? (b) Ano ang tamang paliwanag sa “altar” at “haligi” sa “Ehipto”?

16 Isang halimbawa ang magtatampok kung gaano kahalaga ang simulaing ito. Noong 1886 nang ilathala ni C. T. Russell ang isang aklat na tinawag na The Divine Plan of the Ages, ang tomong ito ay may tsart na doo’y iniuugnay sa mga panahon ng sangkatauhan ang Great Pyramid ng Ehipto. Inakala na ang monumentong ito ni Paraon Khufu ang siyang haligi na tinutukoy sa Isaias 19:19, 20: “Sa araw na iyon ay magkakaroon ng isang altar para kay Jehova sa gitna ng lupain ng Ehipto, at ng isang haligi para kay Jehova sa tabi ng hangganan nito. At iyon ay magiging isang tanda at isang patotoo para kay Jehova ng mga hukbo sa lupain ng Ehipto.” Ano ang kaugnayan ng piramide sa Bibliya? Buweno, bilang isang halimbawa, ang haba ng ilang pasilyo sa Great Pyramid ay inaakalang nagpapahiwatig ng panahon ng pasimula ng “malaking kapighatian” sa Mateo 24:21, gaya ng pagkaunawa noon. Ang ilan sa mga Estudyante ng Bibliya ay naging abala sa pagsukat sa iba’t ibang bahagi ng piramide upang matiyak ang mga bagay-bagay gaya ng araw ng pag-akyat nila sa langit!

17 Ang tinatawag na Bibliyang nasa Bato na ito ay pinahalagahan sa loob ng ilang dekada, hanggang sa liwanagin sa mga isyu ng Nobyembre 15 at Disyembre 1, 1928 ng Watchtower, na hindi kailangan ni Jehova ang batong monumento na itinayo ng mga paganong paraon at naglalaman ng makademonyong mga tanda ng astrolohiya upang patunayan ang patotoong nasa Bibliya. Sa halip, ang hula ng Isaias ay naunawaang may espirituwal na pagkakapit. Gaya sa Apocalipsis 11:8, ang “Ehipto” ay sagisag ng sanlibutan ni Satanas. Ang “altar kay Jehova” ay nagpapagunita sa atin hinggil sa kaayaayang mga haing ibinibigay ng pinahirang mga Kristiyano habang sila’y pansamantalang naninirahan sa daigdig na ito. (Roma 12:1; Hebreo 13:15, 16) Ang haligi “sa tabi ng hangganan [ng Ehipto]” ay tumutukoy sa kongregasyon ng pinahirang mga Kristiyano, na “isang haligi at suhay ng katotohanan” at na tumatayong isang saksi sa “Ehipto,” ang sanlibutan na malapit na nilang lisanin.​—1 Timoteo 3:15.

18. (a) Paano patuloy na nililinaw ni Jehova ang mga bagay-bagay para sa tapat na mga estudyante ng Bibliya? (b) Kung nahihirapang unawain ng isang Kristiyano ang isang paglilinaw sa Kasulatan, anong matalinong saloobin ang dapat taglayin?

18 Sa paglipas ng mga taon, si Jehova ay patuloy na nagbibigay sa atin ng higit pang paglilinaw sa katotohanan, lakip na ang mas maliwanag na pagkaunawa sa kaniyang makahulang salita. (Kawikaan 4:18) Nitong nakaraang mga taon, tayo’y pinasigla na muling unawain nang mas malalim​—bukod sa iba pang bagay​—ang salinlahi na hindi lilipas bago dumating ang wakas, ang talinghaga ng mga tupa at mga kambing, ang kasuklam-suklam na bagay at kung kailan ito tatayo sa isang dakong banal, ang bagong tipan, ang pagbabagong-anyo, at ang pangitain hinggil sa templo sa aklat ng Ezekiel. Kung minsan ay baka mahirap unawain ang gayong mga bagong paliwanag, subalit ang mga dahilan para sa mga ito ay nagiging maliwanag sa takdang panahon. Kung hindi lubusang nauunawaan ng isang Kristiyano ang isang bagong paliwanag hinggil sa isang kasulatan, makabubuti para sa kaniya na mapagpakumbabang ulitin ang mga salita ng propetang si Mikas: “Ako ay magpapakita ng mapaghintay na saloobin sa Diyos ng aking kaligtasan.”​—Mikas 7:7.

19. Paano naipakita ng pinahirang nalabi at ng kanilang mga kasamang ibang tupa ang tulad-leong katapangan sa mga huling araw na ito?

19 Alalahanin na ang bantay ay “sumigaw na parang leon: ‘Sa ibabaw ng bantayan, O Jehova, ay palagi akong nakatayo sa araw, at sa aking pinagbabantayan ay nakatanod ako sa lahat ng gabi.’ ” (Isaias 21:8) Ang pinahirang nalabi ay nagpakita ng tulad-leong katapangan sa paglalantad sa huwad na relihiyon at sa pagpapakita sa mga tao ng daan tungo sa kalayaan. (Apocalipsis 18:2-5) Bilang “ang tapat at maingat na alipin,” sila’y naglalaan ng mga Bibliya, magasin, at iba pang publikasyon sa napakaraming wika​—“pagkain sa tamang panahon.” (Mateo 24:45) Nangunguna sila sa pagtitipon sa “malaking pulutong . . . mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika.” Ang mga ito rin ay nilinis sa pamamagitan ng tumutubos na dugo ni Jesus at ipinakita ang kanilang mga sarili na may pusong leon sa pag-uukol sa Diyos ng ‘sagradong paglilingkod araw at gabi.’ (Apocalipsis 7:9, 14, 15) Nitong nakaraang taon, ano na kaya ang naging bunga ng natitirang maliit na grupo ng pinahirang mga Saksi ni Jehova at ng kanilang mga kasama, ang malaking pulutong? Sasabihin ito sa ating susunod na artikulo.

[Talababa]

^ par. 14 Mula Enero 1, 1939, ito’y hinalinhan ng “ ‘Kanila ngang makikilala na ako ay si Jehova.’​—Ezekiel 35:15.”

Natatandaan Mo Ba?

• Anong mga saksi ang ibinangon ni Jehova sa paglipas ng mga taon?

• Saan nagmula ang Babilonyang Dakila?

• Bakit pinahintulutan ni Jehova na ang Jerusalem, ang kabiserang lunsod ng kaniyang bansa ng mga saksi, ay mawasak noong 607 B.C.E.? noong 70 C.E.?

• Anong espiritu ang ipinakita ng uring bantay ni Jehova at ng kanilang mga kasama?

[Mga Tanong]

[Larawan sa pahina 7]

“Sa ibabaw ng bantayan, O Jehova, ay palagi akong nakatayo”

[Mga larawan sa pahina 10]

Ang uring bantay ni Jehova ay dibdibang bumabalikat sa kanilang tungkulin