Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pag-alaala sa Ating Maylalang Mula sa Kabataan Patuloy

Pag-alaala sa Ating Maylalang Mula sa Kabataan Patuloy

Pag-alaala sa Ating Maylalang Mula sa Kabataan Patuloy

AYON SA SALAYSAY NI DAVID Z. HIBSHMAN

“Kung sumapit na ako sa wakas ng aking buhay, talagang umaasa ako na sana’y naging tapat ako kay Jehova. Isinasamo ko sa kaniya na pangalagaan ang aking si David. Jehova, salamat po sa pagbibigay ninyo sa kaniya sa akin at sa aming pag-aasawa. Napakaganda, napakaligaya!”

ISIP-ISIPIN ang aking damdamin nang pagkatapos ilibing ang aking asawa noong Marso 1992, nasumpungan ko itong huling isinulat niya sa kaniyang talaarawan. Mga limang buwan lamang bago nito, ipinagdiwang namin ang ika-60 anibersaryo ni Helen sa buong-panahong ministeryo.

Tandang-tanda ko pa ang araw noong 1931 nang kami ni Helen ay magkatabi sa upuan sa kombensiyon sa Columbus, Ohio, E.U.A. Wala pang 14 na taóng gulang si Helen, subalit pinahalagahan niya ang kahalagahan ng pangyayaring iyon nang higit kaysa sa pagpapahalaga ko. Ang sigasig ni Helen sa ministeryo ay nakita karaka-raka pagkatapos nang sila ng kaniyang nabiyudang ina ay maging mga payunir, gaya ng tawag sa buong-panahong mga ebanghelisador sa mga Saksi ni Jehova. Iniwan nila ang kanilang maginhawang tahanan upang mangaral sa mga lalawigan sa gawing timog ng Estados Unidos.

Ang Aking Pamanang Kristiyano

Noong 1910, lumipat ang aking mga magulang kasama ang kanilang dalawang maliliit na anak mula sa gawing silangan ng Pennsylvania tungo sa Grove City, sa kanlurang bahagi ng estado. Doon ay ibinigay nila ang paunang bayad sa isang hindi marangyang tahanan at naging aktibong mga miyembro ng Reformed Church. Di-nagtagal pagkatapos niyan ay dinalaw sila ni William Evans, isang Estudyante ng Bibliya, gaya ng tawag noon sa mga Saksi ni Jehova. Si Tatay, na noon ay nasa kalagitnaang-20 pa lamang ang edad, at si Nanay naman, na mas bata ng limang taon, ay nakinig sa palakaibigang taga-Wales na ito at inanyayahan siya para kumain. Di-nagtagal, niyakap nila ang mga katotohanan sa Bibliya na kanilang natututuhan.

Upang mapalapit sa kongregasyon, inilipat ni Tatay ang pamilya mga 40 kilometro sa bayan ng Sharon. Pagkalipas ng ilang buwan, noong 1911 o 1912, nabautismuhan sina Tatay at Nanay. Si Charles Taze Russell, ang unang presidente ng Samahang Watch Tower, ang nagbigay ng diskurso sa bautismo. Ako’y isinilang noong Disyembre 4, 1916, nang ang aking mga magulang ay mayroon nang apat na anak. Noong isilang ako, ito ang ipinahayag: “Isa pang kapatid na lalaki na mamahalin.” Kaya ang pangalan ko ay David, na nangangahulugang “Minamahal.”

Nang ako’y apat na linggo pa lamang, ako’y isinama sa aking unang kombensiyon. Noong panahong iyon, ang aking tatay at ang aking nakatatandang mga kapatid na lalaki ay naglalakad ng ilang kilometro patungo sa mga pulong sa kongregasyon samantalang kami naman ng ate ko ay isinasama ni Nanay sakay ng trambiya. Ang mga pulong ay binubuo ng mga sesyon sa umaga at sa hapon. Sa bahay, ang mga usapan ay kadalasang nakasentro sa mga artikulo sa Ang Bantayan at sa The Golden Age, ang mas naunang pangalan ng Gumising!

Pakikinabang Mula sa Maiinam na Halimbawa

Maraming pilgrim, gaya ng tawag noon sa mga naglalakbay na mga tagapagsalita, ang dumalaw sa aming kongregasyon. Karaniwang gumugugol sila ng isa o dalawang araw sa amin. Isang tagapagsalita na hindi ko malilimot ay si Walter J. Thorn, na inalaala ang kaniyang Dakilang Maylalang sa ‘mga araw ng kaniyang kabinataan.’ (Eclesiastes 12:1) Nang ako’y bata pa, sumama ako kay Tatay sa pagpapalabas ng “Photo-Drama of Creation,” isang apat-na-bahaging pelikula na may nakarekord na paglalahad ng kasaysayan ng sangkatauhan.

Bagaman walang anak sina Brother Evans at ang kaniyang asawa, si Miriam, sila’y naging espirituwal na mga magulang at mga lolo’t lola sa aming pamilya. Laging tinatawag ni William si Tatay na “Anak,” at ikinintal nila ni Miriam sa aming pamilya ang espiritu ng pag-eebanghelyo. Noong mga unang taon ng ika-20 siglo, si Brother Evans ay naglakbay pabalik sa Wales upang ipakilala ang katotohanan ng Bibliya sa dako roon sa palibot ng Swansea. Doon ay nakilala siya bilang ang mangangaral mula sa Amerika.

Noong 1928, nagbitiw si Brother Evans sa kaniyang trabaho at nagsimulang mangaral sa mga burol ng West Virginia. Ang aking dalawang nakatatandang kapatid na lalaki, ang 21-anyos na si Clarence at ang 19-anyos na si Carl, ay sumama sa kaniya. Lahat kaming apat na lalaki ay gumugol ng maraming taon sa buong-panahong ministeryo. Sa katunayan, lahat kami ay naglingkod bilang mga naglalakbay na tagapangasiwa ng mga Saksi ni Jehova noong aming kabataan. Hindi pa natatagalan, ang bunsong kapatid na babae ni Nanay, si Mary, na ngayo’y mahigit nang 90, ay sumulat: “Anong laking pasasalamat natin na si Brother Evans ay masigasig sa ministeryo at dumalaw sa Grove City!” Si Tiya Mary ay isa pa na nakaalaala sa kaniyang Maylalang mula sa kaniyang kabataan.

Pagdalo sa mga Kombensiyon

Si Tatay lamang at si Clarence ang nakadalo sa makasaysayang kombensiyon sa Cedar Point, Ohio, noong 1922. Gayunman, noong 1924, nagkaroon kami ng kotse, at ang aming buong pamilya ay nagtungo sa kombensiyon sa Columbus, Ohio. Inaasahan na gagamitin naming mga anak ang aming mga naipong pera upang ibayad sa aming pagkain sa panahon ng walong-araw na kombensiyon. Ang pangmalas ng aking mga magulang ay na dapat matutong suportahan ng lahat ng miyembro ng pamilya ang kanilang sarili. Kaya nag-alaga kami ng mga manok at kuneho at nagmantini ng mga bahay-pukyutan, at lahat kaming mga lalaki ay may mga ruta na pinaghahatiran ng diyaryo.

Nang dumating ang kombensiyon sa Toronto, Canada, noong 1927, mayroon kaming anim-na-buwang kapatid na lalaki, si Paul. Ako ang naatasang maiwan sa bahay at mag-alaga kay Paul na katulong ang aking may-asawang tiya habang ang aking mga magulang ay nagtungo sa Toronto na kasama ng iba pang mga anak. Ako’y ginantimpalaan ng sampung dolyar, na ipinambili ko ng isang bagong amerikana para sa akin. Lagi kaming sinasanay na magdamit nang maayos para sa mga pulong at ingatan ang aming damit.

Noong panahon ng di-malilimot na kombensiyon sa Columbus, Ohio, noong 1931, sina Clarence at Carl ay may-asawa na at nagpapayunir na kasama ng kani-kanilang asawa. Bawat isa sa kanila ay nakatira sa sariling-gawa na mobile home. Napangasawa ni Carl si Claire Houston ng Wheeling, West Virginia, at iyan ang dahilan kung bakit ako’y nakaupong katabi ng nakababatang kapatid na babae ni Claire, si Helen, sa kombensiyon sa Columbus.

Ang Buong-Panahon na Ministeryo

Ako’y nagtapos sa haiskul noong 1932 nang ako’y 15 anyos, at noong sumunod na taon ay inihatid ko ang segunda manong kotse sa aking kuya na si Clarence, na nagpapayunir sa South Carolina. Nag-aplay ako para sa paglilingkod bilang payunir at nagsimulang gumawa na kasama ni Clarence at ng kaniyang asawa. Si Helen noon ay nagpapayunir sa Hopkinsville, Kentucky, at sumulat ako sa kaniya sa kauna-unahang pagkakataon. Sa kaniyang sagot, nagtanong siya: “Ikaw ba ay isang payunir?”

Sa aking sulat​—na itinago ni Helen hanggang sa kaniyang kamatayan makalipas ang halos 60 taon​—ako’y sumagot: “Payunir ako, at umaasa akong sana’y lagi akong payunir.” Sa sulat na iyon, sinabi ko kay Helen ang tungkol sa pamamahagi ng buklet na The Kingdom, the Hope of the World sa mga klerigo at sa mga hukom sa aking atas na pangangaral.

Noong 1933, iginawa ako ni Tatay ng isang tolda na may gulong​—isang treyler na dalawa-punto-kuwatro-metro ang haba, at dalawang-metro ang lapad na ang mga dingding ay yari sa lona na binanat sa palibot ng makikitid na nakatayong poste at isang bintana kapuwa sa harap at sa likod. Iyan ang aking hamak na tirahan sa sumunod na apat na taon ng pagpapayunir.

Noong Marso 1934, sina Clarence at Carl, ang kani-kanilang mga asawa, si Helen at ang kaniyang ina, ang hipag ni Clarence at ako​—walo kami​—ay pumakanluran upang dumalo sa kombensiyon sa Los Angeles, California. Ang ilan ay sumakay at natulog sa aking treyler. Natulog ako sa kotse, samantalang ang iba ay nagpahinga sa inupahang tuluyan. Yamang nasiraan kami ng kotse, dumating kami sa Los Angeles noong ikalawang araw ng anim-na-araw na kombensiyon. Doon, noong Marso 26, sa wakas ay sinagisagan namin ni Helen ang aming pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig.

Sa kombensiyon ay personal na nakipagkita si Joseph F. Rutherford, noo’y presidente ng Samahang Watch Tower, sa lahat ng payunir. Pinatibay-loob niya kami, na sinasabing kami’y magigiting na tagapagtanggol ng katotohanan sa Bibliya. Noong okasyong iyon, gumawa ng paglalaan upang bigyan ang mga payunir ng tulong na salapi upang sila’y makapagpatuloy sa kanilang ministeryo.

Isang Edukasyon sa Buhay

Nang bumalik kami mula sa kombensiyon sa Los Angeles, ibinahagi naming lahat ang mensahe ng Kaharian sa mga tao sa lahat ng lalawigan ng South Carolina, Virginia, West Virginia, at Kentucky. Pagkalipas ng mga taon ay sumulat si Helen tungkol sa panahong iyon: “Walang masasandalang kongregasyon, ni mga kaibigang tutulong, sapagkat kami’y mga estranghero nga sa isang di-kilalang lupain. Subalit alam ko na ngayon na ako’y tumatanggap ng isang edukasyon. Ako’y yumayaman.”

Siya’y nagtanong: “Ano ba ang ginagawa ng isang kabataang babae sa kaniyang panahon na malayo sa mga kaibigan at sa kaniyang pinagmulan? Buweno, kanais-nais naman. Hindi ko natatandaan kailanman na ako’y nabagot. Nagbasa ako nang nagbasa. Hindi kami kailanman pumalya sa pagbabasa ng ating literatura sa Bibliya at sa pag-aaral. Nanatili akong malapit sa aking ina, anupat natuto akong magbadyet ng salaping taglay namin, mamili, magpalit ng plat na mga gulong, magluto, manahi, at mangaral. Hindi ko pinagsisisihan ito at masaya akong gawin itong muli.”

Si Helen at ang kaniyang ina ay kontentong naninirahan sa isang maliit na treyler noong mga taóng iyon, bagaman ang kaniyang ina ay may isang magandang tahanan. Pagkatapos ng kombensiyon sa Columbus, Ohio, noong 1937, lumala ang kalagayan ng kalusugan ng ina ni Helen, at siya’y naospital. Namatay siya sa kaniyang atas sa Philippi, West Virginia, noong Nobyembre 1937.

Pag-aasawa at Patuloy na Paglilingkod

Noong Hunyo 30, 1938, kami ni Helen ay nagpakasal sa isang simpleng seremonya sa bahay na kaniyang sinilangan sa Elm Grove, malapit sa Wheeling, West Virginia. Ang aming mahal na si Brother Evans, na nagpakilala ng katotohanan sa aking pamilya mga taon ang aga bago ako isilang, ang nagbigay ng pahayag sa kasal. Pagkatapos ng kasal, kami ni Helen ay nagplanong bumalik sa gawaing pagpapayunir sa gawing silangan ng Kentucky, subalit sa aming malaking pagkagulat, kami’y inanyayahan sa gawaing paglilingkod sa sona. Ang gawaing ito’y nagsasangkot ng pagdalaw sa mga grupo ng mga Saksi ni Jehova sa gawing kanluran ng Kentucky at sa mga bahagi ng Tennessee upang tulungan sila sa kanilang ministeryo. Mayroon lamang noon na mga 75 tagapaghayag ng Kaharian sa lahat ng lugar na dinalaw namin.

Nang panahong iyon, pinilipit ng nasyonalismo ang pag-iisip ng marami, at inaasahan kong mabilanggo sa lalong madaling panahon dahil sa aking Kristiyanong neutralidad. (Isaias 2:4) Gayunman, dahil sa aking rekord ng gawaing pangangaral, tumanggap ako ng klasipikasyon mula sa lupon na nangangalap ng mga sundalo na nagpahintulot sa akin na magpatuloy sa buong-panahong ministeryo.

Nang simulan namin ang naglalakbay na ministeryo, halos lahat ay nagkomento tungkol sa aming kabataan. Sa Hopkinsville, Kentucky, isang Kristiyanong sister ang bumati kay Helen nang may mahigpit na pagyapos at nagtanong: “Natatandaan mo ba ako?” Noong 1933, si Helen ay nakapagpatotoo sa kaniya sa tindahan sa lalawigan na pinangangasiwaan ng kaniyang asawa. Siya ay isang guro sa Sunday-school, subalit pagkatapos mabasa ang aklat na iniwan sa kaniya ni Helen, tumayo siya sa harap ng klase at humingi ng paumanhin dahil sa pagtuturo sa kanila ng mga turong hindi ayon sa Bibliya. Pagkatapos magbitiw sa simbahan, nagsimula siyang magpahayag ng mga katotohanan ng Bibliya sa kaniyang pamayanan. Kami ni Helen ay naglingkod sa gawing kanluran ng Kentucky sa loob ng tatlong taon, at ang tahanan ng sister na ito at ng kaniyang asawa ay naging aming tahanan.

Noong mga panahong iyon ay mayroon kaming maliliit na lokal na mga asamblea, at si A. H. Macmillan ay naglingkod sa isa sa mga ito. Tumuloy siya sa tahanan ng mga magulang ni Helen nang bata pa si Helen, kaya noong panahon ng kombensiyon, pinili niyang tumira na kasama namin sa aming 5-metro-ang-haba na mobile home, kung saan mayroon kaming ekstrang kama. Inalaala rin niya ang kaniyang Dakilang Maylalang sa kaarawan ng kaniyang kabinataan, na inialay ang kaniyang buhay kay Jehova noong 1900, nang siya ay 23 taóng gulang.

Noong Nobyembre 1941 ang gawain ng naglalakbay na mga kapatid ay pansamantalang pinatigil, at ako’y naatasan bilang isang payunir sa Hazard, Kentucky. Minsan pa ay gumawa kaming kasama ng aking kapatid na si Carl at ng kaniyang asawa, si Claire. Dito ay sumama sa amin si Joseph Houston, ang pamangkin ni Helen, at nagsimulang magpayunir. Nagpatuloy siya sa buong-panahong ministeryo sa loob ng halos 50 taon, at namatay na bigla dahil sa atake sa puso noong 1992 samantalang matapat na naglilingkod sa pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York.

Noong 1943 kami’y naatasan sa Rockville, Connecticut. Sa wari, ito ay isang kakaibang daigdig para sa amin ni Helen sapagkat nasanay kaming mangaral sa timog. Sa Rockville, si Helen ay regular na nagdaraos ng mahigit sa 20 pantahanang pag-aaral sa Bibliya sa isang linggo. Sa kalaunan, umupa kami ng isang maliit na kuwarto para sa isang Kingdom Hall, at naorganisa ang pinakasentro ng isang maliit na kongregasyon.

Samantalang naglilingkod sa Rockville, kami’y inanyayahang mag-aral sa ikalimang klase ng Watchtower Bible School of Gilead sa South Lansing, New York. Nakatutuwa, natuklasan namin na sina Aubrey at Bertha Bivens, mga kaibigan mula noong mga panahon ng aming pagpapayunir sa Kentucky, ay magiging kaklase namin.

Ang Paaralan at ang Aming Bagong Atas

Bagaman kami’y medyo nasa kabataan pa, karamihan sa aming mga kaklase ay mas bata pa. Oo, inaalaala nila ang kanilang Dakilang Maylalang sa kaniyang kabataan. Kami ay nagtapos noong Hulyo 1945, habang papatapos ang Digmaang Pandaigdig II. Samantalang naghihintay ng aming mga atas misyonero, kami’y gumawang kasama ng Flatbush Congregation sa Brooklyn, New York. Sa wakas, noong Oktubre 21, 1946, kasama ng anim pang mga kaklase pati na ang mga Bivens, kami’y sumakay ng eroplano patungo sa aming bagong tahanan sa Guatemala City, Guatemala. Nang panahong iyon, wala pang 50 Saksi ni Jehova sa buong bansang iyon ng Sentral Amerika.

Noong Abril 1949 ang ilan sa aming mga misyonero ay lumipat sa Quetzaltenango, ang ikalawang lunsod sa laki at kahalagahan sa bansang iyon. Ang lunsod na ito’y mahigit na 2,300 metro ang taas mula sa dagat, at ang hangin sa bundok ay sariwa at malinis. Binuod ni Helen ang aming gawain dito, sa pagsulat: “Pribilehiyo namin na mangaral sa maraming bayan at nayon. Kami’y bumabangon ng mga alas kuwatro ng umaga at sumasakay ng bus (na kadalasa’y may nakaladlad na mga lona kapalit ng mga bintana) patungo sa isang malayong bayan. Mangangaral kami roon sa loob halos ng walong oras bago umuwi sa gabi.” Ngayon ay may mga kongregasyon sa marami sa mga lugar na ito, pati na ang anim sa Quetzaltenango.

Di-nagtagal ay nagkaroon ng panawagan para sa mga misyonero na maglingkod sa Puerto Barrios sa Baybayin ng Caribbean, ang ikatlong pinakamalaking lunsod sa Guatemala. Ang aming minamahal na mga kasamang Bivens, na kasama naming naglingkod sa loob ng limang taon sa Guatemala, ay kabilang sa mga inilipat sa bagong atas na ito. Ang paghihiwalay ay masakit at nagdulot ng kahungkagan sa aming buhay. Palibhasa’y kami lamang ni Helen ang naiwan sa tahanang misyonero, lumipat kami sa isang maliit na apartment. Noong 1955, tinanggap namin ni Helen ang isang bagong atas sa mas tropikal na lunsod ng Mazatenango. Ang aking bunsong kapatid na lalaki, si Paul, at ang kaniyang asawa, si Dolores, na nagtapos sa Gilead noong 1953, ay naglingkod doon nang sandaling panahon bago kami dumating.

Noong 1958 ay mayroon kaming mahigit na 700 Saksi, 20 kongregasyon, at tatlong sirkito sa Guatemala. Kami ni Helen ay muling nakibahagi sa paglalakbay na gawain, na dumadalaw sa maliliit na grupo ng mga Saksi at sa ilang kongregasyon, pati na ang isa sa Quetzaltenango. Pagkatapos, noong Agosto ng 1959, kami’y inanyayahang bumalik sa Guatemala City, kung saan tumira kami sa tanggapang pansangay. Ako’y naatasang magtrabaho sa sangay, samantalang si Helen ay nagpatuloy sa pagmimisyonero sa loob ng 16 na taon pa. Pagkatapos ay naglingkod din siya sa tanggapang pansangay.

Higit Pang mga Pagpapala

Noong mga nakalipas na taon ay waring ako ang pinakabata sa mga naglilingkod kay Jehova. Ngayon ay kadalasang ako ang pinakamatanda, gaya ng kaso noong mag-aral ako sa paaralang pansangay sa Patterson, New York, noong 1996. Kung paanong ako’y tumanggap ng maraming tulong sa aking kabataan mula sa mga nakatatanda sa akin, pribilehiyo ko nitong nakalipas na mga dekada na tumulong sa maraming kabataan na nagnanais alalahanin ang kanilang Maylalang sa kanilang kabataan.

Patuloy na nagpapaulan si Jehova ng mga pagpapala sa kaniyang bayan dito sa Guatemala. Noong 1999 may mahigit na 60 kongregasyon sa Guatemala City. At sa hilaga, timog, silangan, at kanluran, ay marami pang mga kongregasyon at libu-libong tagapaghayag ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Ang tagapaghayag ng Kaharian na wala pang 50 nang dumating kami mga 53 taon na ang nakalipas ay dumami tungo sa mahigit na 19,000!

Higit Pang Dahilan Upang Ipagpasalamat

Walang sinuman ang nabubuhay nang walang mga problema, subalit lagi nating maihahagis ang ating “pasanin kay Jehova.” (Awit 55:22) Madalas na pinalalakas niya tayo sa pamamagitan ng tulong ng maibiging mga kasama. Halimbawa, ilang taon bago ang kaniyang kamatayan, ibinigay sa akin ni Helen ang isang maliit na plakeng nakakuwadro na doo’y nakasulat ang teksto sa Bibliya sa Hebreo 6:10: “Ang Diyos ay hindi liko upang hindi alalahanin ang inyong gawa at ang pag-ibig na ipinakita ninyo sa Kaniya sa pamamagitan ng paglilingkod sa Kaniyang bayan at patuloy pa ring naglilingkod sa kanila.”​—Weymouth.

Bahagi ng kasamang kalatas nito ay kababasahan ng ganito: “Aking pinakamamahal, wala akong gaanong maibibigay sa iyo, maliban sa LAHAT NG PAGMAMAHAL KO . . . Ang tekstong ito ay angkop na angkop sa iyo, at hinihiling ko na ilagay mo ito sa iyong mesa, hindi dahil sa ibinigay ko ito sa iyo, kundi sapagkat ito’y kapit sa iyo dahil sa iyong mahabang panahon sa paglilingkuran.” Hanggang sa ngayon, ang plakeng ito ay nasa mesa ko pa sa opisina sa sangay ng Guatemala.

Naglingkod ako kay Jehova mula sa aking kabataan, at ngayon sa aking katandaan, nagpapasalamat ako kay Jehova dahil sa aking mabuting kalusugan na nagpapahintulot sa akin na pangasiwaan ang aking atas na mga tungkulin. Habang regular akong nagbabasa ng Bibliya, madalas kong mabasa ang mga kasulatan na sa palagay ko’y sasalungguhitan ng mahal kong si Helen sa kaniyang Bibliya. Naisip ko ito nang basahin kong muli ang Awit 48:14: “Ang Diyos na ito ang ating Diyos hanggang sa panahong walang takda, magpakailan kailanman. Siya ang papatnubay sa atin hanggang sa tayo ay mamatay.”

Kaluguran kong ibahagi sa iba ang pangitain ng araw ng pagkabuhay-muli kapag ang mga tao ng lahat ng dating mga bansa ay sasalubungin ng kanilang mga minamahal mula sa kamatayan tungo sa isang bagong sanlibutan. Anong gandang pag-asa! Mga luha ng kagalakan ang iluluha sa panahong iyon habang ginugunita natin na si Jehova nga ang Diyos na “umaaliw doon sa mga ibinaba”!​—2 Corinto 7:6.

[Larawan sa pahina 25]

Paikot mula sa itaas sa kaliwa: Sina Inay, Itay, Tiya Eva, at mga kapatid na sina Carl at Clarence, noong 1910

[Mga larawan sa pahina 26]

Kasama si Helen noong 1947 at noong 1942