Pampatibay-Loob “Mula sa Bibig ng mga Bata”
Noong Disyembre 2009, pinagtibay ng Korte Suprema ng Russia ang isang desisyon na bumuwag sa relihiyosong organisasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Taganrog, Russia. Kinumpiska ang kanilang Kingdom Hall, at idineklarang mapanganib sa publiko ang 34 sa ating publikasyon. Ipinost sa opisyal na Web site ng mga Saksi ni Jehova ang nakagugulat na pangyayaring ito, pati na ang mga larawan ng mga Saksi sa Taganrog, kabilang ang mga bata.
Makalipas ang ilang buwan, ang Administrative Center of Jehovah’s Witnesses sa Russia ay tumanggap ng kahon na may kalakip na liham mula sa isang pamilyang Saksi sa Queensland, Australia, na nakaalam sa desisyon ng Korte. Ganito ang sabi ng liham: “Mahal na mga Kapatid, Ang aming mga anak na sina Cody at Larissa ay naantig sa pananampalataya ng mga kaibigan sa Russia sa kabila ng pagsubok na nararanasan nila. Gumawa sila ng mga card at liham, na inilakip namin sa isang maliit na kahon ng mga regalo para sa mga bata sa Taganrog, upang malaman nila na may mga bata sa malayo na tapat ding naglilingkod kay Jehova at nagmamalasakit sa kanila. Ipinaaabot nila ang kanilang pagbati at pagmamahal.”
Nang matanggap ng mga bata sa Taganrog ang mga regalo, gumawa sila ng mga liham na may drowing bilang pasasalamat sa pamilya sa Australia. Isang kapatid na naglilingkod sa sangay sa Russia ang naantig sa pampatibay-loob na ito “mula sa bibig ng mga bata.” Sumulat siya kina Cody at Larissa: “Alam natin kung gaano kasakit para sa mga bata at adulto na maparusahan sa isang bagay na hindi naman nila ginawa. Walang ginawang masama ang ating mga kapatid sa Taganrog, pero kinumpiska ang Kingdom Hall nila. Ikinalungkot nila ito nang husto. Mapapatibay silang malaman na may nag-aalala sa kanila sa kabilang panig ng mundo. Salamat sa inyong pag-ibig at kabaitan!”—Awit 8:2.
Talagang bahagi tayo ng pandaigdig na kapatiran, at ang pag-ibig natin sa isa’t isa ay tumutulong sa atin na mabata ang mga hirap at pagsubok sa buhay. Habang pinagdedebatihan sa mga hukuman kung ang mga publikasyon ng mga Saksi ni Jehova ay pumupukaw ng pagkapoot, ipinakikita naman ng mga batang Saksi mula sa iba’t ibang bansa at kultura ang kanilang pag-ibig at malasakit sa isa’t isa. Pinatutunayan nilang totoo ang mga salita ni Jesus: “Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.”—Juan 13:35.