Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Ngayong Nakilala Na Ninyo ang Diyos”—Ano ang Susunod?

“Ngayong Nakilala Na Ninyo ang Diyos”—Ano ang Susunod?

“Nakilala na ninyo ang Diyos.”—GAL. 4:9.

1. Bago magpalipad ng eroplano, bakit kailangang gumamit ng isang checklist ang mga piloto?

BAGO magpalipad ng eroplano, maingat munang sinusuri ng mga piloto ang kondisyon ng eroplano gamit ang isang checklist na may mahigit 30 detalye. Kung hindi nila ito gagawin, mas malaki ang posibilidad na magkaroon ng aksidente. Alam mo ba kung sino ang lalo nang hinihimok na gumawa nito? Ang makaranasang mga piloto! Kahit beterano na ang isang piloto, kailangan pa rin niyang isa-isahin ang mga nasa checklist.

2. Anong checklist ang inirerekomenda sa mga Kristiyano?

2 Gaya ng isang pilotong palaisip sa kaligtasan, maaari ka ring gumamit ng isang checklist, wika nga, para matiyak na hindi manghihina ang pananampalataya mo sa harap ng pagsubok. Baguhan ka man o matagal nang naglilingkod sa Diyos, napakahalagang regular na suriin kung matibay ang iyong pananampalataya at debosyon sa Diyos na Jehova. Kung hindi mo ito gagawin nang palagian, baka masira ang iyong kaugnayan kay Jehova. Nagbabala ang Bibliya: “Siyang nag-iisip na nakatayo siya ay mag-ingat upang hindi siya mabuwal.”—1 Cor. 10:12.

3. Ano ang kailangang gawin ng mga Kristiyano sa Galacia?

3 Kailangang patuloy na suriin ng mga Kristiyano sa Galacia ang kanilang pananampalataya at pahalagahan ang kanilang espirituwal na kalayaan. Dahil sa pantubos ni Jesus, nagkaroon ng pagkakataon ang mga nananampalataya sa kaniya na makilala ang Diyos sa isang natatanging paraan—maaari silang maging mga anak ng Diyos! (Gal. 4:9) Para maingatan ang gayong pinagpalang kaugnayan, kailangang iwan ng mga taga-Galacia ang turo ng mga tagapagtaguyod ng Judaismo, na naggigiit ng pagsunod sa Kautusang Mosaiko. Hindi na ipinatutupad ng Diyos ang Kautusang ito, at hindi kailanman naging sakop nito ang mga Gentil na kabilang sa kongregasyon. Kapuwa ang mga Judio at Gentil ay kailangang sumulong sa espirituwal. Dapat nilang maunawaan na hindi na  hinihiling ng Diyos na sundin ng mga tao ang Kautusan para maituring silang matuwid.

PANIMULANG MGA HAKBANG PARA MAKILALA ANG DIYOS

4, 5. Anong payo ang ibinigay ni Pablo sa mga taga-Galacia? Ano ang kaugnayan nito sa atin?

4 Ang payo ni apostol Pablo sa mga taga-Galacia ay isinulat para paalalahanan ang lahat ng Kristiyano na huwag talikuran ang mga katotohanan sa Bibliya at huwag bumalik sa mga bagay na nasa likuran. Kinasihan ni Jehova ang apostol na patibayin hindi lang ang mga taga-Galacia, kundi ang lahat ng Kaniyang mga mananamba.

5 Makabubuting alalahanin natin kung paano tayo pinalaya mula sa espirituwal na pagkaalipin at naging Saksi ni Jehova. Para magawa iyan, pag-isipan ang dalawang tanong na ito: Natatandaan mo pa ba ang mga hakbang na ginawa mo para maging kuwalipikado sa bautismo? Naaalaala mo pa ba kung paano mo nakilala ang Diyos at kung ano ang nadama mo nang makilala ka Niya?

6. Anong checklist ang rerepasuhin natin?

6 May siyam na panimulang hakbang tayong ginawa. Ang mga hakbang na ito, na gaya ng isang checklist, ay nakatala sa kahong  “Mga Hakbang na Umaakay sa Bautismo at Higit Pang Pagsulong.” Kung lagi nating aalalahanin ang siyam na hakbang na ito, titibay ang ating determinasyon na huwag balikan ang mga bagay sa sanlibutan. Gaya ng isang makaranasang piloto na ligtas na nakapagpapalipad ng eroplano dahil nirerepaso muna niya ang isang checklist, makapananatili kang tapat kung rerepasuhin mo ang ating espirituwal na checklist.

ANG MGA NAKILALA NG DIYOS AY PATULOY NA SUMUSULONG SA ESPIRITUWAL

7. Anong parisan ang kailangan nating sundin, at bakit?

7 Ang checklist ng piloto ay nagpapaalaala sa kaniya na mayroon siyang rutin na dapat sundin bago lumipad ang eroplano. Maaari din nating regular na suriin ang ating sarili at ang rutin na sinusunod natin mula nang mabautismuhan tayo. Sumulat si Pablo kay Timoteo: “Patuloy kang manghawakan sa parisan ng nakapagpapalusog na mga salita na narinig mo sa akin kalakip ang pananampalataya at pag-ibig na may kaugnayan kay Kristo Jesus.” (2 Tim. 1:13) Ang “nakapagpapalusog na mga salita” na iyon ay matatagpuan sa Salita ng Diyos. (1 Tim. 6:3) Kung paanong ang sketch ng isang pintor ay nagbibigay ng ideya tungkol sa magiging hitsura ng isang larawan, ang ‘parisan ng katotohanan’ ay nagbibigay ng pangkalahatang ideya tungkol sa mga kahilingan sa atin ni Jehova. Suriin natin ngayon ang mga hakbang na umakay sa ating bautismo at tingnan kung nakasusunod tayo sa parisan ng katotohanan.

8, 9. (a) Tungkol sa kaalaman at pananampalataya, ano ang kailangan nating gawin? (b) Ilarawan kung bakit mahalaga ang patuluyang pagsulong bilang mga Kristiyano.

8 Ang una sa checklist natin ay ang pagkuha ng kaalaman. Sa tulong nito, magkakaroon tayo ng pananampalataya. Pero kailangang patuloy na lumago ang ating kaalaman at lumaki ang ating pananampalataya. (2 Tes. 1:3) Ang paglago, o paglaki, ay nangangahulugan ng patuluyang pagsulong. Kaya naman, pagkatapos ng bautismo, kailangan tayong patuloy na lumago o lumaki sa espirituwal na paraan.

Ang isang puno ay patuloy sa paglaki. Ganiyan din dapat ang isang Kristiyano

9 Maihahalintulad natin ang ating espirituwal na paglaki sa pisikal na paglaki ng isang puno. Puwedeng lumaki nang husto ang isang puno, lalo na kung malalim ang pagkakaugat nito. Halimbawa, ang ilan sa matatayog na sedro ng Lebanon ay maaaring lumaki nang sintaas ng 12-palapag na gusali, magkaroon ng matitibay at malalalim na ugat, at maaaring umabot nang hanggang 12 metro ang sirkumperensiya ng katawan nito. (Sol. 5:15) Sa simula, napakabilis ng paglaki ng punong ito. Habang lumalalim  at lumalawak ang mga ugat nito, lumalapad at tumataas ang puno. Pero sa kalaunan, hindi na gaanong napapansin ang paglaki nito. Maihahalintulad natin diyan ang ating espirituwal na paglaki bilang mga Kristiyano. Sa simula, baka mabilis ang pagsulong natin nang mag-aral tayo ng Bibliya at mabautismuhan. Tuwang-tuwa ang mga kapatid dahil nakikita nila ang pagsulong natin. Baka nga maging kuwalipikado pa tayo sa pagpapayunir at ibang mga pribilehiyo. Pero sa paglipas ng mga taon, baka hindi na gaanong kapansin-pansin ang pagsulong natin sa espirituwal. Gayunpaman, kailangan pa rin nating lumago sa pananampalataya at kaalaman “upang maging isang tao na husto ang gulang, hanggang sa sukat ng laki na nauukol sa kalubusan ng Kristo.” (Efe. 4:13) Kaya naman bilang mga Kristiyano, para tayong isang napakaliit na binhi na lumaki at naging isang matibay na puno.

10. Bakit kailangan pa ring sumulong kahit ang may-gulang na mga Kristiyano?

10 Pero hanggang diyan na lang ba? Hindi. Ang ating kaalaman sa Salita ng Diyos at pananampalataya ay gaya ng mga ugat na magpapatibay sa atin. Kailangang patuloy na lumakas ang mga ugat na ito. (Kaw. 12:3) Marami nang kapatid ang nakagawa ng ganiyang pagsulong. Halimbawa, isang brother na mahigit 30 taon nang naglilingkod bilang elder ang nagsabi na patuloy pa rin ang kaniyang pagsulong. Sinabi niya: “Sumidhi ang pagpapahalaga ko sa Bibliya. Patuloy kong sinisikap na ikapit ang mga simulain at kautusan ng Bibliya sa iba’t ibang paraan. Patuloy ring lumalaki ang pagpapahalaga ko sa ministeryo.”

PATATAGIN ANG IYONG PAKIKIPAGKAIBIGAN SA DIYOS

11. Paano natin higit na makikilala si Jehova sa paglipas ng panahon?

11 Kasama rin sa ating espirituwal na paglaki ang pagkakaroon ng mas malapít na kaugnayan kay Jehova, ang ating Kaibigan at Ama. Gusto niyang makadama tayo ng kapanatagan at pagmamahal, gaya ng isang bata na nakadarama ng pagmamahal at kapanatagan kapag niyayakap siya ng kaniyang maibiging magulang o gaya ng nadarama natin kapag kasama ang ating tunay at tapat na kaibigan. Siyempre pa, hindi tayo basta-basta magkakaroon ng ganitong malapít na kaugnayan kay Jehova. Kailangan ang panahon para higit siyang makilala at mahalin. Kaya naman dapat tayong maglaan ng panahon para basahin ang kaniyang Salita araw-araw. Basahin din natin ang bawat isyu ng Ang Bantayan at Gumising! at iba pang salig-Bibliyang mga publikasyon.

12. Ano ang kailangan para makilala tayo ni Jehova?

12 Nakatutulong din sa espirituwal na paglaki ng mga kaibigan ng Diyos ang  taimtim na panalangin at mabuting pakikipagsamahan. (Basahin ang Malakias 3:16.) Ang mga tainga ni Jehova ay “nakatuon sa kanilang pagsusumamo.” (1 Ped. 3:12) Gaya ng isang maibiging magulang, pinakikinggan ni Jehova ang ating mga pagdaing. Kaya kailangan tayong ‘magmatiyaga sa pananalangin.’ (Roma 12:12) Hindi tayo makapananatiling may-gulang na mga Kristiyano kung wala ang tulong ng Diyos. Hindi natin kakayanin sa ating sariling lakas ang panggigipit ng sanlibutan. Kung manghihimagod tayo sa pananalangin, tinatanggihan natin ang lakas na maibibigay ng Diyos. Kontento ka na ba sa kalidad ng iyong panalangin, o kailangan mong pasulungin ang bagay na ito?—Jer. 16:19.

13. Bakit mahalaga sa espirituwal na paglaki ang pakikisama sa mga kapuwa Kristiyano?

13 Nalulugod si Jehova sa lahat ng “nanganganlong sa kaniya.” Kaya naman, kahit nakilala na natin ang Diyos, kailangan nating patuloy na makisama sa kongregasyon. (Na. 1:7) Dahil napakasama ng sanlibutan, kailangan nating gumugol ng panahon kasama ng ating mga kapatid. Ano ang magiging pakinabang natin? Nasa kongregasyon ang mga taong mag-uudyok sa atin sa “pag-ibig at sa maiinam na gawa.” (Heb. 10:24, 25) Hindi natin masusunod ang payo ni Pablo na magpakita ng ganitong pag-ibig kung hindi tayo makikisama sa mga kapatid sa kongregasyon. Isama sa iyong checklist ang regular na pagdalo at pakikibahagi sa mga pulong.

14. Bakit kailangang handa tayong magsisi at gumawa ng mga pagbabago sa buhay?

14 Bago tayo naging Kristiyano, kinailangan tayong magsisi at manumbalik, o tumalikod sa kasalanan. At kahit ngayon, dapat na handa pa rin tayong magsisi at gumawa ng mga pagbabago sa buhay. Yamang hindi tayo sakdal at may mga kahinaan, napakadali nating mahulog sa kasalanan. Ang kasalanan ay gaya ng ahas na nakahandang tumuklaw sa atin. (Roma 3:9, 10; 6:12-14) Dapat tayong maging alisto at huwag ipagwalang-bahala ang ating mga kahinaan. Mabuti na lamang at si Jehova ay matiisin sa atin habang pinaglalabanan natin ang ating mga kahinaan at gumagawa ng kinakailangang mga pagbabago. (Fil. 2:12; 2 Ped. 3:9) Malaking tulong ang matalinong paggamit ng ating panahon at lakas, anupat iniiwasan ang makasariling mga tunguhin. Isinulat ng isang sister: “Pinalaki ako sa katotohanan, pero iba ang pangmalas ko kay Jehova. Iniisip kong dapat siyang katakutan nang husto at hindi ko siya mapalulugdan kahit kailan.” Nang maglaon, ang sister na ito ay nanghina sa espirituwal at nakagawa ng mga pagkakamali sa buhay. “Hindi ito dahil sa hindi ko mahal si Jehova,” ang sabi niya, “kundi dahil hindi ko siya talaga nakilala. Pero pagkatapos ng marubdob na mga panalangin, gumawa ako ng mga pagbabago.” Idinagdag pa niya: “Napatunayan kong inakay ako ni Jehova gaya ng isang bata, tinulungan akong mapagtagumpayan ang bawat hadlang, at tinuruan ako kung ano ang kailangan kong gawin.”

15. Ano ang nakikita ni Jesus at ng kaniyang Ama?

15 “Patuloy [na] salitain sa mga tao” ang mabuting balita. Ito ang sinabi ng anghel ng Diyos kay Pedro at sa iba pang mga apostol matapos silang makahimalang palayain sa bilangguan. (Gawa 5:19-21) Oo, kasama rin sa ating checklist ang lingguhang pakikibahagi sa pangangaral. Nakikita ni Jesus at ng kaniyang Ama ang ating pananampalataya at ministeryo. (Apoc. 2:19) Gaya ng sinabi ng elder na sinipi kanina: “Ang ministeryo ang siyang buhay natin.”

16. Bakit mahalagang bulay-bulayin ang iyong pag-aalay kay Jehova?

16 Bulay-bulayin ang iyong pag-aalay. Ang kaugnayan natin kay Jehova ang pinakamahalagang pag-aari natin. Kilala niya ang mga  taong nauukol sa kaniya. (Basahin ang Isaias 44:5.) Suriin ang iyong kaugnayan kay Jehova at ipanalangin na manatili itong matatag. Huwag ding kalimutan ang petsa ng iyong bautismo. Ipaaalaala nito sa iyo ang pinakamahalagang desisyong ginawa mo sa buhay.

KAILANGAN ANG PAGBABATA PARA MANATILING MALAPÍT KAY JEHOVA

17. Bakit kailangan ang pagbabata para manatili tayong malapít kay Jehova?

17 Nang sumulat si Pablo sa mga taga-Galacia, idiniin niya ang kahalagahan ng pagbabata. (Gal. 6:9) Kailangan din iyan ng mga Kristiyano sa ngayon. Mapapaharap ka sa mga pagsubok, pero tutulungan ka ni Jehova. Patuloy na manalangin ukol sa banal na espiritu, at makadarama ka ng kagalakan at kapayapaan sa kabila ng mga problema. (Mat. 7:7-11) Pag-isipan ito: Kung may malasakit si Jehova sa mga ibon, lalo nang may malasakit siya sa iyo, na nagmamahal sa kaniya at nag-alay ng iyong sarili sa kaniya. (Mat. 10:29-31) Anumang panggigipit ang mapaharap sa iyo, huwag sumuko. Huwag balikan ang mga bagay na iniwan mo sa sanlibutan. Kayraming pagpapala ang tinatamasa ng mga nakilala ni Jehova!

18. Yamang ‘nakilala mo na ang Diyos,’ ano ang gusto mong gawin ngayon?

18 Kung nakilala mo na si Jehova at nabautismuhan ka kamakailan, ano ang susunod? Sikaping makilala pa nang higit si Jehova at sumulong sa espirituwal na pagkamaygulang. At kung matagal ka nang bautisado, ano ang susunod? Patuloy na palalimin at palawakin ang iyong kaalaman kay Jehova. Huwag nating pabayaan ang ating kaugnayan sa kaniya. Sa pana-panahon, repasuhin natin ang ating espirituwal na checklist para matiyak na patuloy na lumalago ang ating kaugnayan sa ating maibiging Ama, Kaibigan, at Diyos—si Jehova.—Basahin ang 2 Corinto 13:5, 6.