“Huwag Tayong Manghihimagod”
“Huwag tayong manghihimagod sa paggawa ng kung ano ang mainam.”
1, 2. Paano lalago ang tiwala natin sa pamamagitan ng pagbubulay-bulay sa pansansinukob na organisasyon ni Jehova?
KAMANGHA-MANGHANG isipin na bahagi tayo ng isang pansansinukob na organisasyon. Malinaw na inilalarawan ng mga pangitain sa Ezekiel kabanata 1 at Daniel kabanata 7 kung paano minamaniobra ni Jehova ang mga bagay-bagay para matupad ang kaniyang layunin. Pinangungunahan ni Jesus ang makalupang bahagi ng organisasyon ni Jehova. Pinapatnubayan niya ito sa pangangaral, pagtuturo at pagpapasigla sa mga mángangarál, at sa pagtulong sa iba na maging mananamba rin ni Jehova. Dahil dito, napakikilos tayong magtiwala sa organisasyon ni Jehova.
2 Nakaaalinsabay ka ba sa organisasyong iyon? Patuloy bang sumisidhi ang sigasig mo sa katotohanan, o nananamlay ito? Kapag binubulay-bulay natin ang mga tanong na iyan, baka mapansin nating unti-unti nang tumatamlay ang ating sigasig. Puwedeng mangyari iyan. Noong unang siglo, kinailangang payuhan ni apostol Pablo ang kaniyang mga kapuwa Kristiyano na isaalang-alang ang sigasig ni Jesus. Sinabi ni Pablo na matutulungan sila nito na ‘hindi manghimagod at manghina sa kanilang mga kaluluwa.’ (Heb. 12:3) Sa katulad na paraan, ang maingat na pagsusuri sa nakaraang artikulo, na tumatalakay sa naisasagawa ng organisasyon ni Jehova, ay makatutulong para mapanatili natin ang ating sigasig at pagbabata.
3. Ano ang kailangan para hindi tayo manghimagod? Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?
3 Ipinahiwatig ni Pablo na higit pa ang kailangan para hindi tayo manghimagod. Sinabi niyang kailangan tayong magsikap sa “paggawa ng kung ano ang mainam.” (Gal. 6:9) Isaalang-alang natin ang limang aspekto ng ating gawain na tutulong para manatili tayong matatag at makaalinsabay sa organisasyon ni Jehova. Pagkatapos, makapagpapasiya ka kung alin sa mga aspektong iyon ang kailangan mong bigyang-pansin pati na ng iyong pamilya.
MAKIPAGTIPON PARA MAPATIBAY AT SUMAMBA
4. Bakit natin masasabi na ang pagtitipun-tipon ay isang mahalagang bahagi ng tunay na pagsamba?
4 Ang pagtitipun-tipon ay isang mahalagang gawain ng mga lingkod ni Jehova. Sa langit, ang mga anghel ay inaanyayahang humarap kay Jehova para makipagpulong. (1 Hari 22:19; Job 1:6; 2:1; Dan. 7:10) Sa sinaunang Israel, ang bansa ay kailangang magtipon ‘upang makapakinig at matuto.’ (Deut. 31:10-12) Noong unang siglo, kaugalian ng mga Judio na pumunta sa mga sinagoga para magbasa mula sa Kasulatan. (Luc. 4:16; Gawa 15:21) Ang mga pagtitipon ay patuloy na naging mahalagang bahagi ng pagsamba nang mabuo ang kongregasyong Kristiyano, at mahalaga pa rin ito sa ngayon. ‘Isinasaalang-alang ng mga tunay na Kristiyano ang isa’t isa upang mag-udyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa.’ Kailangan nating patuloy na ‘patibayin ang loob ng isa’t isa, at lalung-lalo na samantalang nakikita nating papalapit na ang araw ni Jehova.’
5. Paano natin mapatitibay ang isa’t isa sa mga pulong?
5 Ang isang mahalagang paraan para mapatibay ang isa’t isa ay ang pakikibahagi sa mga pulong. Halimbawa, puwede tayong magpahayag ng ating pananampalataya sa pamamagitan ng pagsagot sa nakaimprentang tanong, pagkakapit sa isang teksto, at paglalahad ng isang maikling karanasan na nagdiriin sa kahalagahan ng pagsunod sa mga simulain ng Bibliya. (Awit 22:22; 40:9) Tiyak na sasang-ayon ka na kahit ilang taon ka nang dumadalo sa mga pulong, napatitibay ka pa rin kapag naririnig mo ang taos-pusong mga komento ng ating mga kapatid na lalaki at babae
6. Paano nakatutulong ang mga pulong para manatili tayong aktibo sa espirituwal?
6 Ano ang iba pang dahilan kung bakit gusto ng Diyos na magtipun-tipon tayo nang regular? Ang mga pulong, asamblea, at mga kombensiyon ay tumutulong sa atin na magsalita nang may katapangan at maharap ang pagsalansang o kawalang-interes ng mga tao sa ating teritoryo. (Gawa 4:23, 31) Tumitibay ang ating pananampalataya dahil sa mga pagtalakay sa Kasulatan. (Gawa 15:32; Roma 1:11, 12) Ang pagtuturo at pagpapalitan ng pampatibay-loob sa mga pulong ay tumutulong sa atin na maranasan ang tunay na kaligayahan at nagbibigay sa atin ng “katahimikan mula sa mga araw ng kapahamakan.” (Awit 94:12, 13) Ang Teaching Committee ng Lupong Tagapamahala ang nangangasiwa sa paghahanda ng lahat ng espirituwal na programa para turuan ang mga lingkod ni Jehova sa buong daigdig. Talagang nagpapasalamat tayo sa napakahusay na pagtuturong tinatanggap natin sa mga pulong linggu-linggo!
7, 8. (a) Ano ang pangunahing layunin ng mga pulong sa kongregasyon? (b) Paano nakatutulong sa iyong espirituwalidad ang mga pulong?
7 Pero mayroon pa tayong mas mahalagang dahilan sa pagdalo sa mga pulong. Ang pangunahing layunin ng ating pagtitipon ay ang sambahin si Jehova. (Basahin ang Awit 95:6.) Isa ngang napakalaking pribilehiyo na purihin ang ating kamangha-manghang Diyos! (Col. 3:16) Nararapat si Jehova sa ating regular na pagsamba sa pamamagitan ng ating pagdalo sa mga pulong at pakikibahagi sa teokratikong mga pagtitipon. (Apoc. 4:11) Hindi nga nakapagtatakang pinapayuhan tayong ‘huwag pabayaan ang ating pagtitipon, gaya ng kinaugalian ng iba’!
8 Ang ating mga pulong ay paglalaan ni Jehova para makapagbata tayo hanggang sa puksain niya ang balakyot na sistemang ito ng mga bagay. Kung ganiyan ang pangmalas natin sa mga pulong, ituturing natin ang mga ito bilang “mga bagay na higit na mahalaga” na dapat nating unahin kahit abala tayo sa ating buhay. (Fil. 1:10) Hinding-hindi tayo dapat lumiban sa mga pulong, lalo na kung wala namang mabigat na dahilan.
HANAPIN ANG MGA TAPAT-PUSO
9. Bakit natin masasabing mahalaga ang gawaing pangangaral?
9 Ang lubusang pakikibahagi sa gawaing pangangaral ay tumutulong din sa atin na makaalinsabay sa organisasyon ni Jehova. Si Jesus ang nagpasimula ng gawaing ito nang siya ay nasa lupa. (Mat. 28:19, 20) Mula noon, ang pangangaral at paggawa ng mga alagad ay isa sa pangunahing gawain ng buong organisasyon ni Jehova. Maraming karanasan sa ngayon ang nagpapatunay na sinusuportahan ng mga anghel ang ating gawain at inaakay tayo sa “mga wastong nakaayon ukol sa buhay na walang hanggan.” (Gawa 13:48; Apoc. 14:6, 7) Ang layunin ng makalupang bahagi ng organisasyon ni Jehova ay ang organisahin at suportahan ang gawaing pangangaral. Pinakamahalaga rin ba sa iyong buhay ang ministeryo?
10. (a) Ipaliwanag kung paano natin mapananatili ang ating sigasig sa katotohanan. (b) Paano nakatulong sa iyo ang ministeryo para huwag kang manghimagod?
10 Kapag masigasig tayo sa ministeryo, mananatili ang sigasig natin sa katotohanan. Pansinin ang sinabi ni Mitchel, isang matagal nang elder at regular pioneer: “Nasisiyahan akong ibahagi sa mga tao ang katotohanan. Kapag may mga bagong artikulo sa Ang Bantayan o Gumising!, namamangha ako sa karunungan, unawa, at pagkatimbang ng bawat isyu. Sabik na sabik akong lumabas sa larangan para makita ang reaksiyon ng mga tao, at kung paano ko mapupukaw ang kanilang interes. Dahil sa aking ministeryo, nananatili akong matatag. Sinisikap kong unahin ito at hindi ko hinahayaan na may makaagaw sa panahong inilalaan ko para dito.” Sa katulad na paraan, ang pagiging abala sa sagradong paglilingkod ay makatutulong sa atin na manatiling matatag sa mga huling araw na ito.
MAKINABANG SA MGA PAGLALAANG ESPIRITUWAL
11. Bakit natin dapat samantalahin ang espirituwal na pagkaing tinatanggap natin kay Jehova?
11 Si Jehova ay naglalaan ng maraming publikasyon para patibayin tayo. Tiyak na may pagkakataon na matapos mong mabasa ang isang publikasyon ay nasabi mo: ‘Ito mismo ang kailangan ko! Parang ipinasulat ito ni Jehova para sa akin!’ Hindi lang nagkataon iyan. Sa pamamagitan ng mga paglalaang ito, tinuturuan tayo ni Jehova at pinapatnubayan. Sinabi niya: “Pagkakalooban kita ng kaunawaan at tuturuan kita hinggil sa daan na dapat mong lakaran.” (Awit 32:8) Sinisikap ba nating mabasa at mabulay-bulay ang lahat ng espirituwal na pagkaing natatanggap natin? Sa paggawa nito, patuloy tayong makapamumunga at hindi tayo manghihina sa espirituwal sa maligalig na mga huling araw na ito.
12. Ano ang makatutulong para mapahalagahan natin ang mga espirituwal na paglalaan sa atin?
12 Makabubuting isaalang-alang natin ang mga gawaing nasasangkot para regular tayong makatanggap ng nakapagpapalusog na espirituwal na pagkain. Ang Writing Committee ng Lupong Tagapamahala ang nangangasiwa sa pagsasaliksik, pagsusulat, pagpu-proofread, pagpili ng mga artwork, at pagsasalin ng lahat ng ating nakaimprentang publikasyon at ng mga materyal na nasa Web site natin. Ipinadadala naman ng mga sangay na nag-iimprenta ang mga literatura sa mga kongregasyon, malapit man o malayo. Bakit ginagawa ang lahat ng ito? Para mapaglaanan ng saganang espirituwal na pagkain ang bayan ni Jehova. (Isa. 65:13) Maging masikap nawa tayo sa pagkain ng lahat ng espirituwal na paglalaang tinatanggap natin sa pamamagitan ng organisasyon ni Jehova.
SUPORTAHAN ANG MGA KAAYUSAN NG ORGANISASYON
13, 14. Sino ang mga sumusuporta sa mga kaayusan ni Jehova sa langit? Paano natin maipakikita ang gayon ding suporta?
13 Sa isang pangitain, nakita ni apostol Juan si Jesus na nakasakay sa kabayong puti para lupigin ang mga nagrerebelde kay Jehova. (Apoc. 19:11-15) Nakita rin niyang nasa likuran ni Jesus ang tapat na mga pinahiran na binuhay-muli sa langit at ang tapat na mga anghel na nakasakay rin sa mga kabayo. (Apoc. 2:26, 27) Napakahusay na halimbawa ng pagsuporta sa mga kaayusan ni Jehova!
14 Sa katulad na paraan, lubusang sinusuportahan ng malaking pulutong ang mga pinahirang kapatid ni Kristo na narito pa sa lupa at nangunguna sa organisasyon. (Basahin ang Zacarias 8:23.) Bilang indibiduwal, paano natin maipakikita ang pagsuporta sa mga kaayusan ni Jehova? Ang isang paraan ay ang pagpapasakop sa mga nangunguna sa atin. (Heb. 13:7, 17) Nagsisimula iyan sa ating kongregasyon. Ang sinasabi ba natin tungkol sa mga elder ay nagpapakita ng paggalang natin sa kanila at sa kanilang pangangasiwa? Pinasisigla ba natin ang ating mga anak na igalang ang tapat na mga lalaking ito at makinig sa kanilang mga payo mula sa Kasulatan? Isa pa, pinag-uusapan ba natin bilang pamilya kung paano natin susuportahan ang pambuong-daigdig na gawain sa pamamagitan ng ating donasyon? (Kaw. 3:9; 1 Cor. 16:2; 2 Cor. 8:12) Itinuturing ba nating isang pribilehiyo ang paglilinis at pagmamantini ng Kingdom Hall? Ang espiritu ni Jehova ay malayang dumadaloy kapag umiiral ang gayong paggalang at pagkakaisa. Sa tulong ng espiritung iyan, patuloy tayong tumatanggap ng lakas para hindi manghimagod sa mga huling araw na ito.
MAMUHAY AYON SA ATING MENSAHE
15. Bakit kailangan tayong puspusang makipaglaban para makapamuhay ayon sa mataas na pamantayan ni Jehova?
15 Para makapagbata at makaalinsabay sa organisasyon ni Jehova, kailangan din tayong patuloy na mamuhay ayon sa mensaheng dala natin at “tiyakin kung ano ang kaayaaya sa Panginoon.” (Efe. 5:10, 11) Dahil kay Satanas, sa ating di-kasakdalan, at sa masamang sanlibutang ito, patuloy tayong nakikipagpunyagi na gawin ang tama. Ang ilan sa inyo, mahal naming mga brother at sister, ay kailangang puspusang makipaglaban araw-araw para mapanatili ang inyong kaugnayan kay Jehova. Iyan ang dahilan kung bakit mas napapamahal kayo kay Jehova. Huwag kayong manghimagod! Ang pamumuhay ayon sa layunin ni Jehova ay magbibigay sa atin ng kasiyahan. Makatitiyak din tayo na hindi mawawalan ng saysay ang ating pagsamba.
Masikap na tulungan ang iba na maging bahagi rin ng napakalaking organisasyon ni Jehova
16, 17. (a) Ano ang dapat nating gawin kapag nagkasala tayo nang malubha? (b) Ano ang matututuhan natin kay Anne?
16 Kung gayon, ano ang dapat nating gawin kapag nagkasala tayo nang malubha? Humingi agad ng tulong. Lalo lamang lalala ang problema kapag inilihim ito. Tandaan kung ano ang nadama ni David nang manahimik siya dahil sa kaniyang mga kasalanan. Sinabi niya: “Nanghina ang aking mga buto dahil sa pagdaing ko buong araw.” (Awit 32:3) Oo, ang paglilihim ng mga kasalanan ay maaaring magdulot sa atin ng emosyonal at espirituwal na panghihimagod, pero ang “nagtatapat at nag-iiwan ng mga iyon ay pagpapakitaan ng awa.”
17 Pansinin ang halimbawa ni Anne. * Noong siya ay tin-edyer, nag-regular pioneer siya. Pero nagsimula siyang magkaroon ng dobleng pamumuhay. Napasamâ siya nang husto dahil dito. Sinabi niya: “Lagi akong nagi-guilty. Hindi ako masaya at laging nadedepres.” Ano ang ginawa niya? Isang araw, tinalakay sa pulong ang Santiago 5:14, 15. Naisip niyang kailangan niya ang tulong ng mga elder. Sinabi niya: “Ang mga tekstong iyon ay reseta ni Jehova para sa espirituwal na paggaling. Hindi laging madaling inumin ang gamot, pero nakapagpapagaling ito. Pinakinggan ko ang payo sa mga tekstong iyon at napabuti ako.” Pagkalipas ng ilang taon, si Anne ay masigasig na muling naglilingkod kay Jehova taglay ang mabuting budhi.
18. Ano ang dapat nating maging determinasyon?
18 Isa ngang pribilehiyo na mabuhay sa mga huling araw na ito at maging bahagi ng organisasyon ni Jehova! Maging determinado nawa tayong huwag balikan ang mga bagay na tinalikuran na natin. Sa halip, magtulungan tayo bilang isang pamilya para regular na makadalo sa pulong kasama ng kongregasyon, hanapin ang mga tapat-puso sa ating teritoryo, at pahalagahan ang regular na espirituwal na pagkaing tinatanggap natin. Suportahan din natin ang mga nangunguna sa atin at mamuhay ayon sa mensaheng ipinangangaral natin. Kung gagawin natin iyan, makaaalinsabay tayo sa organisasyon ni Jehova at hindi tayo manghihimagod sa paggawa ng kung ano ang mainam!
^ par. 17 Binago ang pangalan.