Ipinakikilala ng mga Nilalang ang Diyos na Buháy
“Ikaw ang karapat-dapat, Jehova, na Diyos nga namin, na tumanggap ng kaluwalhatian . . . sapagkat nilalang mo ang lahat ng bagay.”—APOC. 4:11.
1. Ano ang dapat nating gawin para mapanatiling matibay ang ating pananampalataya?
MARAMI ang nagsasabi na naniniwala lang sila sa mga bagay na nakikita nila. Paano natin matutulungan ang gayong mga indibiduwal na manampalataya kay Jehova, yamang sinasabi ng Bibliya na “walang taong nakakita sa Diyos kailanman”? (Juan 1:18) At tayo naman, paano natin mapananatiling matibay ang ating pananampalataya sa “di-nakikitang Diyos,” si Jehova? (Col. 1:15) Una, kailangan nating alamin kung anong mga turo ang nagpapalabo sa katotohanan tungkol kay Jehova. Pagkatapos, dapat nating gamitin nang may kahusayan ang Bibliya para pabulaanan ang mga pangangatuwirang “ibinangon laban sa kaalaman sa Diyos.”—2 Cor. 10:4, 5.
2, 3. Anong dalawang turo ang bumubulag sa mga tao sa katotohanan tungkol sa Diyos?
2 Ang isang maling turo na bumubulag sa maraming tao sa katotohanan tungkol sa Diyos ay ang doktrina ng ebolusyon. Ang paniniwalang ito ay salungat sa Bibliya at nagpapahiwatig na walang magandang kinabukasan ang tao. Itinuturo ng ebolusyon na basta na lang umiral ang lahat ng nabubuhay, na parang sinasabing walang layunin ang buhay ng tao.
3 Sa kabilang banda, itinuturo ng mga pundamentalista ng Sangkakristiyanuhan na ang uniberso, kasama ang ating planeta at ang lahat ng nabubuhay rito, ay ilang libong taon pa lang umiiral. Ang mga nagtuturo ng doktrinang ito, na tinatawag na creationism, ay maaaring may malaking pagpapahalaga sa Bibliya, pero iginigiit nila na nilalang ng Diyos ang lahat ng bagay sa loob ng anim na araw na tig-24 na oras lang, mga ilang libong taon ang nakalilipas. Tinatanggihan nila ang mapanghahawakang ebidensiya ng siyensiya na salungat sa paniniwala nilang iyon. Kaya naman ang turo ng creationism ay nakasisira sa kredibilidad ng Bibliya, anupat pinagtitingin itong mali at di-makatuwiran. Ang gayong mga indibiduwal ay gaya ng ilan noong unang siglo na may sigasig sa Diyos “ngunit hindi ayon sa tumpak na kaalaman.” (Roma 10:2) Paano natin gagamitin ang Salita ng Diyos para pabulaanan ang doktrina ng ebolusyon at ng creationism na “matibay ang pagkakatatag”? * Magagawa lang natin iyon kung sisikapin nating kumuha ng tumpak na kaalaman tungkol sa mga turo ng Bibliya.
PANANAMPALATAYANG SALIG SA EBIDENSIYA AT LOHIKAL NA PANGANGATUWIRAN
4. Saan dapat nakasalig ang ating pananampalataya?
4 Itinuturo ng Bibliya na dapat nating pahalagahan ang kaalaman. (Kaw. 10:14) Gusto ni Jehova na manampalataya tayo sa kaniya salig sa ebidensiya at lohikal na pangangatuwiran, hindi salig sa pilosopiya ng tao o mga relihiyosong tradisyon. (Basahin ang Hebreo 11:1.) Para tumibay ang pananampalataya natin sa Diyos, dapat munang kumbinsido tayo na umiiral si Jehova. (Basahin ang Hebreo 11:6.) Sumapit tayo sa konklusyong iyan, hindi dahil gusto lang natin itong paniwalaan, kundi dahil sinuri natin ang mga katibayan at ginamit ang ating “kakayahan sa pangangatuwiran.”—Roma 12:1.
5. Ano ang isang dahilan na makakukumbinsi sa atin na may Diyos?
5 Nagbigay si apostol Pablo ng isang dahilan na makakukumbinsi sa atin na may Diyos, kahit hindi natin Siya nakikita. Tungkol kay Jehova, sumulat si Pablo: “Ang kaniyang di-nakikitang mga katangian ay malinaw na nakikita mula pa sa pagkalalang ng sanlibutan, sapagkat napag-uunawa ang mga ito sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa, maging ang kaniyang walang-hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos.” (Roma 1:20) Paano mo matutulungang maniwala sa sinabi ni Pablo ang isa na nag-aalinlangan sa pag-iral ng Diyos? Magagamit mo ang ilan sa sumusunod na ebidensiya mula sa paglalang na nagpapatunay sa kapangyarihan at karunungan ng ating Maylalang.
KAPANGYARIHAN NG DIYOS—MAKIKITA SA PAGLALANG
6, 7. Paano nakikita ang kapangyarihan ni Jehova sa dalawang pananggalang na pumoprotekta sa atin?
6 Makikita ang kapangyarihan ni Jehova sa dalawang pananggalang na pumoprotekta sa atin—ang atmospera at ang magnetic field ng lupa. Ang atmospera ay hindi lang naglalaan ng hanging malalanghap natin. Ipinagsasanggalang din tayo nito sa mga debri na bumubulusok mula sa kalawakan. Ang malalaking bato na maaaring magdulot ng matinding pinsala ay kadalasang nasusunog pagpasok sa atmospera ng lupa. Ito ang lumilikha ng matitingkad na kislap ng liwanag sa kalangitan, na tinatawag na bulalakaw.
7 Ang magnetic field ng lupa ay pumoprotekta rin sa atin. Ang pananggalang na ito ay nagmumula sa pinakagitna ng lupa. Ang outer core ng lupa, na halos binubuo ng tunaw na bakal, ay lumilikha ng napakalakas na magnetic field sa palibot ng lupa at umaabot hanggang sa kalawakan. Pinoprotektahan tayo nito sa radyasyon mula sa mga solar flare at pagsabog sa panlabas na rehiyon ng araw. Kung walang magnetic field ang lupa, masusunog ng nakapipinsalang radyasyon ang lahat ng nabubuhay sa ibabaw ng lupa. Sa halip, ina-absorb ng magnetic field ang radyasyon o kaya’y sinasangga ito pabalik sa kalawakan. Makikita natin ang ebidensiya ng magnetic field sa kamangha-manghang galaw ng makukulay na liwanag sa kalangitan malapit sa North Pole at South Pole. Walang alinlangan, ‘malakas ang kapangyarihan’ ni Jehova.—Basahin ang Isaias 40:26.
KARUNUNGAN NG DIYOS—MAKIKITA SA KALIKASAN
8, 9. Paano makikita ang karunungan ni Jehova sa mga siklong sumusustine sa buhay?
8 Makikita ang karunungan ni Jehova sa mga siklo na sumusustine sa buhay sa lupa. Para ilarawan: Isiping nakatira ka sa isang mataong lunsod na napapaderan. Walang paraan para makapagpasok doon ng sariwang tubig at hindi rin maitatapon sa labas ang dumi o basura nito. Di-magtatagal, magiging napakarumi ng lunsod at hindi na ito puwedeng tirhan. May pagkakatulad sa lunsod na iyan ang ating planeta. Limitado lang ang ating suplay ng sariwang tubig at hindi natin maitatapon sa kalawakan ang ating basura. Pero ang “napapaderang lunsod” na ito ay may kakayahang sumustine sa bilyun-bilyong nilalang magpakailanman. Paano naging posible iyon? Dahil sa kamangha-manghang kakayahan nitong i-recycle ang mga bagay na kailangan natin para mabuhay.
9 Kuning halimbawa ang siklo ng oksiheno. Bilyun-bilyong nilalang ang lumalanghap ng oksiheno at naglalabas ng carbon dioxide. Magkagayunman, hindi nauubos ang suplay natin ng oksiheno, at hindi napupuno ng “basurang” carbon dioxide ang ating atmospera. Bakit? Dahil sa kamangha-manghang proseso na tinatawag na photosynthesis. Sa prosesong ito, ginagamit ng mga berdeng pananim ang carbon dioxide, tubig, sinag ng araw, at mga nutriyente para makagawa ng carbohydrates at oksiheno. Kapag lumalanghap tayo ng oksiheno, nakukumpleto natin ang siklo. Talagang literal na ginagamit ni Jehova ang mga pananim na nilikha niya para magbigay “sa lahat [ng tao] ng buhay at ng hininga.” (Gawa 17:25) Kamangha-mangha ngang karunungan!
10, 11. Paano makikita ang karunungan ni Jehova sa monarch butterfly at tutubi?
10 Makikita rin ang walang-kapantay na karunungan ni Jehova sa napakaraming nilalang sa ating planeta. Tinatayang may 2 milyon hanggang 100 milyong species sa lupa. (Basahin ang Awit 104:24.) Pansinin ang karunungang makikita sa pagkakadisenyo ng ilan sa mga nilalang na ito.
11 Halimbawa, ang monarch butterfly ay may utak na sinlaki lang ng dulo ng bolpen. Pero ang paruparong ito ay may kakayahang maglakbay nang halos 3,000 kilometro mula sa Canada hanggang sa isang kagubatan sa Mexico gamit ang posisyon ng araw sa nabigasyon nito. Pero paano kapag nagbago ang posisyon ng araw? Sinangkapan ni Jehova ang pagkaliit-liit na utak nito ng kakayahang mag-adjust sa galaw ng araw para makarating pa rin sa patutunguhan nito. Pag-isipan din ang mata ng tutubi. Ang nilalang na ito ay may dalawang mata na bawat isa’y binubuo ng mga 30,000 lente. Pero kahit napakaliit ng utak nito, naiintindihan nito ang mga signal mula sa lahat ng lenteng iyon at nadedetek kahit ang bahagyang paggalaw sa paligid.
12, 13. Ano ang hinahangaan mo sa pagkakadisenyo ni Jehova sa mga selulang bumubuo sa iyong katawan?
12 Mas hahanga tayo sa pagkakadisenyo ni Jehova sa mga selulang bumubuo sa lahat ng nabubuhay na nilalang. Halimbawa, ang iyong katawan ay binubuo ng mga 100 trilyong selula. Bawat selula ay may isang sangkap na parang maliit at paikot na hagdan, tinatawag na DNA (deoxyribonucleic acid). Dito nakaimbak ang karamihan sa impormasyong kailangan para mabuo ang iyong katawan.
13 Gaano karaming impormasyon ang nasa DNA? Ihambing natin ang isang gramo ng DNA sa isang compact disc (CD). Kasya sa isang CD ang lahat ng impormasyong nasa isang diksyunaryo, na kahanga-hanga dahil ito’y napakanipis na plastik lang. Pero ang isang gramo lang ng DNA ay makapag-iimbak ng impormasyong mailalaman sa isang trilyong CD! Sa ibang pananalita, ang isang kutsaritang tuyong DNA ay makapag-iimbak ng sapat na impormasyong kailangan para mabuo ang mga katangian ng mga 2.5 trilyon katao!
14. Batay sa mga natuklasan ng mga siyentipiko, ano ang nadarama mo tungkol kay Jehova?
14 Sa paglalarawan ni Haring David sa impormasyong kailangan para mabuo ang katawan ng tao, binanggit niya na ito’y waring nakasulat sa isang aklat. Sinabi niya tungkol sa Diyos na Jehova: “Nakita ng iyong mga mata maging ang aking pagkabinhi, at sa iyong aklat ay nakatala ang lahat ng bahagi nito, tungkol sa mga araw nang bigyang-anyo ang mga iyon at wala pa ni isa man sa kanila.” (Awit 139:16) Matapos pag-isipan ni David ang pagkakalalang sa kaniyang katawan, naudyukan siyang purihin si Jehova. Ang mga natuklasan ng mga siyentipiko nitong nakaraang mga taon ay higit pang nagpapasidhi sa paghanga natin sa pagkakalalang sa atin ni Jehova. Sumasang-ayon tayo sa isinulat ng salmista tungkol kay Jehova: “Pupurihin kita sapagkat sa kakila-kilabot na paraan ay kamangha-mangha ang pagkakagawa sa akin. Ang iyong mga gawa ay kamangha-mangha, gaya ng lubos na nababatid ng aking kaluluwa.” (Awit 139:14) Oo, pinatutunayan ng mga bagay na nilalang na talagang may Diyos na buháy!
TULUNGAN ANG IBA NA LUWALHATIIN ANG DIYOS NA BUHÁY
15, 16. (a) Paano tayo tinutulungan ng ating mga publikasyon na pahalagahan ang kakayahan ni Jehova sa paglalang? (b) Anong artikulo sa seksiyong “May Nagdisenyo ba Nito?” ang nagustuhan mo?
15 Sa loob ng maraming dekada, ang magasing Gumising! ay nakatulong sa milyun-milyon na matuto tungkol sa Diyos mula sa mga bagay na nilalang niya. Halimbawa, ang isyu ng Setyembre 2006 ay pinamagatang “Mayroon Bang Maylalang?” Ang buong isyu ay nilayong makatulong sa mga binulag ng doktrina ng ebolusyon at creationism. Tungkol sa espesyal na isyung iyon, isang sister ang sumulat sa tanggapang pansangay sa Estados Unidos: “Maganda ang kinalabasan ng kampanya sa pamamahagi ng espesyal na isyung ito. May babae pa ngang humiling ng 20 kopya. Nagtuturo siya ng biology at gusto niyang magkaroon ng kopya ang lahat ng kaniyang estudyante.” Isang brother naman ang sumulat: “Mula pa noong huling bahagi ng dekada ng 1940, aktibo na ako sa pangangaral. Malapit na akong mag-75, pero ang pamamahagi ng espesyal na isyu ng Gumising! sa buwang ito ang pinakamasayang karanasan ko sa ministeryo.”
16 Nitong nakaraang mga taon, karamihan sa isyu ng Gumising! ay may seksiyong “May Nagdisenyo ba Nito?” Itinatampok sa maiikling artikulong ito ang kamangha-manghang pagkakadisenyo ng mga nilalang at kung paano sinisikap gayahin ng mga tao ang mga gawa ng Dakilang Disenyador. Noong 2010, inilabas ang brosyur na Saan Nagmula ang Buhay? Ang magagandang larawan at dayagram sa publikasyong iyon ay dinisenyo para lalo nating pahalagahan ang kakayahan ni Jehova sa paglalang. Ang mga tanong sa dulo ng bawat seksiyon ay tumutulong sa mambabasa na pag-isipan ang impormasyong nabasa niya. Nasubukan mo na bang gamitin ang brosyur na ito kapag nagpapatotoo sa bahay-bahay, sa publiko, o nangangaral nang di-pormal?
17, 18. (a) Mga magulang, paano ninyo mapalalakas ang loob ng inyong mga anak na ipagtanggol ang kanilang pananampalataya? (b) Paano ninyo ginagamit sa inyong pagsamba bilang pamilya ang mga brosyur tungkol sa paglalang?
17 Mga magulang, ginagamit ba ninyo ang makulay na brosyur na ito sa inyong pagsamba bilang pamilya? Kung oo, matutulungan ninyo ang inyong mga anak na higit na magpahalaga sa ating Diyos na buháy. Marahil ay may mga anak kayong nasa high school. Sila ang partikular na pinupuntirya ng mga nagtuturo ng ebolusyon. Ang ebolusyon ay inihaharap ng mga siyentipiko, guro sa paaralan, dokumentaryo tungkol sa kalikasan, at mga palabas sa TV at sinehan bilang isang bagay na totoo. Matutulungan ninyo ang inyong mga anak na tin-edyer na malabanan ang gayong propaganda sa tulong ng isa pang brosyur, The Origin of Life—Five Questions Worth Asking, na inilabas din noong 2010. Gaya ng brosyur na Saan Nagmula ang Buhay?, hinihimok ng publikasyong ito ang mga kabataan na sanayin ang kanilang “kakayahang mag-isip.” (Kaw. 2:10, 11) Tuturuan sila nitong mapatunayan kung tama o mali ang itinuturo sa kanila sa paaralan.
18 Ang brosyur na Origin of Life ay dinisenyo para tulungan ang mga estudyante na pagtimbang-timbangin ang mga balitang natuklasan na ng mga siyentipiko ang mga fosil na magpapatunay sa ebolusyon. Pasisiglahin sila nito na pag-isipan kung talaga ngang pinatutunayan ng gayong mga ulat na ang tao ay nagmula sa hayop. Tuturuan din sila nitong mangatuwiran sa mga nagsasabing napatunayan na ng mga siyentipiko sa kanilang laboratoryo na puwede ngang basta umiral ang buhay. Mga magulang, kung ginagamit ninyo ang mga brosyur na ito, mapalalakas ninyo ang loob ng inyong mga anak na ipagtanggol ang pananampalataya nila sa Maylalang.—Basahin ang 1 Pedro 3:15.
19. Ano ang pribilehiyo nating lahat?
19 Marami tayong matututuhan tungkol sa magagandang katangian ni Jehova sa mga artikulo tungkol sa paglalang na tinatanggap natin mula sa kaniyang organisasyon. Matitibay na ebidensiya ito na nag-uudyok sa atin na purihin ang ating Diyos. (Awit 19:1, 2) Isa ngang pribilehiyo na ibigay kay Jehova ang karangalan at kaluwalhatian na talagang nararapat sa kaniya, ang Maylalang ng lahat ng bagay!—1 Tim. 1:17.
^ par. 3 Para sa impormasyon kung paano mangangatuwiran sa mga nagtuturo ng creationism, tingnan ang pahina 24 hanggang 28 ng brosyur na Saan Nagmula ang Buhay?