Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pag-aalaga sa mga May-edad Na

Pag-aalaga sa mga May-edad Na

“Mumunting mga anak, umibig tayo, huwag sa salita ni sa dila man, kundi sa gawa at katotohanan.”1 JUAN 3:18.

1, 2. (a) Anu-anong hamon ang napapaharap sa maraming pamilya? Anu-anong tanong ang bumabangon? (b) Paano makapaghahanda ang mga magulang at mga anak sa nagbabagong mga kalagayan?

MASAKIT makitang ang mga magulang mo, na dating malalakas at hindi umaasa sa iba, ay kailangan na ngayong alagaan. Baka nabuwal at nabalian ng buto ang nanay o tatay mo, nag-ulianin at nagpagala-gala, o natuklasang may malubhang sakit. Sa kabilang panig naman, baka ang mga may-edad na ay mahirapang tanggapin na humihina na ang kanilang katawan at marami na silang limitasyon. (Job 14:1) Ano ang puwedeng gawin para matulungan sila? Paano sila maaalagaan?

2 Sinasabi ng isang artikulo tungkol sa pag-aalaga sa mga may-edad na: “Mahirap pag-usapan ang mga isyung may kaugnayan sa pagtanda, pero kung ang pamilya ay nakapag-usap tungkol sa mga opsyon at nakagawa ng mga plano, mas handa sila sa anumang mangyayari.” Makikita natin ang kahalagahan ng gayong pag-uusap kung kinikilala natin na talagang hindi maiiwasan ang mga problemang kaakibat ng pagtanda. Kaya talakayin natin kung paano maaaring magtulungan ang magkakapamilya para maharap ang ilang hamon.

 PAGPAPLANO PARA SA “KAPAHA-PAHAMAK NA MGA ARAW”

3. Ano ang kailangang gawin ng pamilya kapag nangangailangan na ng higit na tulong ang may-edad nang mga magulang? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulong ito.)

3 Darating at darating ang panahon na ang karamihan sa mga may-edad na ay mangangailangan ng pag-aaruga ng iba. (Basahin ang Eclesiastes 12:1-7.) Kapag nangyari iyan sa may-edad nang mga magulang, sila at ang kanilang mga anak ay dapat magdesisyon kung anong pag-aalaga ang pinakamabuti at abot-kaya nila. Makabubuting magmiting ang buong pamilya at pag-usapan kung anong tulong ang kailangan, kung paano iyon mailalaan, at kung paano sila magtutulungan. Ang lahat, lalo na ang mga magulang, ay dapat na magsabi ng kanilang niloloob at maging realistiko. Ligtas bang manatiling nakatira sa kanilang sariling bahay ang mga magulang? * Pag-usapan kung ano ang magagawa ng bawat isa para maalagaan nang maayos ang mga magulang. (Kaw. 24:6) Halimbawa, baka ang ilan ay puwedeng mag-alaga sa kanila araw-araw at ang iba naman ay makapagbibigay ng pinansiyal na tulong. Tandaan, bawat isa ay may papel na dapat gampanan; pero puwedeng magbago ang papel na iyon sa paglipas ng panahon at baka kailangang magsalitan ang mga miyembro ng pamilya sa mga tungkulin.

4. Saan makakakuha ng tulong ang mga miyembro ng pamilya?

Sa pasimula pa lang ng pag-aalaga mo sa iyong magulang, sikapin nang alamin ang mga puwede mong matutuhan tungkol sa kalagayan niya. Kung may sakit siya na patuloy na lalala, alamin kung ano ang mga aasahan mong mangyayari. (Kaw. 1:5) Makipag-ugnayan sa mga ahensiya ng gobyerno na naglalaan ng serbisyo sa mga may-edad na. Alamin ang mga programa sa komunidad na makakatulong para maging mas mahusay at magaan ang pag-aalaga sa iyong magulang. Dahil sa magiging mga pagbabago sa inyong pamilya, baka makadama ka ng lungkot, takot, pagkalito, o iba pang negatibong damdamin. Sabihin sa isang mapagkakatiwalaang kaibigan ang iyong nadarama. Higit sa lahat, ibuhos mo kay Jehova ang laman ng iyong puso. Maibibigay niya ang kapayapaan ng isip na kailangan mo para maharap ang anumang sitwasyon.Awit 55:22; Kaw. 24:10; Fil. 4:6, 7.

5. Bakit makabubuti na patiunang pag-aralan ang mga opsyon sa pag-aalaga sa mga may-edad na?

5 May mga pamilya na patiuna nang pinag-aaralan ang kanilang mga opsyon sa pag-aalaga—gaya ng pagpisan ng magulang sa isang anak, pagtira nito sa nursing home, o iba pang opsyon. Sa gayon, napaghahandaan ng pamilya ang “kabagabagan at nakasasakit na mga bagay” na kaakibat ng pagtanda. (Awit 90:10) Maraming pamilya ang hindi nagpaplano kaya napipilitan silang gumawa ng mahihirap na desisyon nang madalian kapag may bumangong krisis. “Kadalasan nang iyon ang pinakamaling panahon para gumawa ng desisyon,” ang sabi ng isang eksperto. Sa gayong apurahang sitwasyon, tensiyonado ang pamilya kaya baka mag-away-away pa sila. Pero kung patiunang magpaplano ang pamilya, mas madali silang makapag-a-adjust sa mga pagbabago.Kaw. 20:18.

Maaaring magmiting ang pamilya para pag-usapan ang pag-aalaga sa may-edad nang magulang (Tingnan ang parapo 6-8)

6. Paano makakatulong kung pag-uusapan ng pamilya ang mga kaayusan tungkol sa tirahan ng may-edad nang mga magulang?

6 Baka mag-alangan kang ipakipag-usap sa mga magulang mo ang mga kaayusan tungkol sa kanilang tirahan at ang posibilidad na kailangan silang lumipat. Pero marami ang nagsabi na nakatulong nang malaki ang gayong pag-uusap. Bakit? Dahil kapag kalmado ang sitwasyon, mas madaling magkaunawaan ang pamilya at makagawa ng praktikal na mga plano. Napatunayan nilang kapag may patiunang pag-uusap sa maibigin at mabait na paraan, mas madaling gumawa ng mga  desisyon kung kailangan na. Kahit gusto ng mga magulang na manatili silang nakabukod at independiyente hangga’t posible, makakatulong pa rin kung ipakikipag-usap nila sa kanilang mga anak ang gusto nilang paraan ng pag-aalaga kapag kinailangan na ito.

7, 8. Anu-ano ang dapat pag-usapan ng pamilya, at bakit?

7 Mga magulang, sa panahon ng pag-uusap, sabihin sa inyong pamilya ang mga gusto ninyo at ang inyong pinansiyal na kakayahan. Makakatulong iyon para makapagdesisyon sila ayon sa inyong kagustuhan sakaling hindi na ninyo ito kayang gawin. Malamang na igagalang nila ang kahilingan ninyo at ang pagnanais ninyong manatiling independiyente hangga’t maaari. (Efe. 6:2-4) Halimbawa, inaasahan mo bang kukunin ka ng isa sa iyong mga anak para pumisan sa pamilya niya, o iba ang inaasahan mo? Maging realistiko at alalahaning maaaring iba ang pananaw ng mga anak mo at kailangan ang panahon para mai-adjust ng sinuman—magulang man o anak—ang kaniyang pag-iisip.

8 Maraming problema ang maiiwasan kung may pagpaplano at pag-uusap. (Kaw. 15:22) Kasali sa dapat pag-usapan ang tungkol sa medikal na pangangalaga at mga kahilingan ng magulang sa pagpapagamot. Pag-usapan ang mga impormasyon sa Durable Power of Attorney for Health Care na ginagamit ng mga Saksi ni Jehova. Karapatan ng bawat isa na malaman ang mga opsyon niya sa pagpapagamot at tanggapin o tanggihan ang alinman sa mga ito. Ang isang advance medical directive ay nagsasabi ng mga tagubilin ng indibiduwal may kaugnayan sa bagay na iyon. Kapag ang isa ay may piniling health-care representative (kung pinahihintulutan ito ng batas), matitiyak niya na isang taong pinagkakatiwalaan niya ang gagawa ng angkop na mga desisyon para sa kaniya kung kinakailangan. Dapat na may kopya ng Durable Power of Attorney ang mga may-edad na at ang kanilang mga tagapag-alaga at health-care representative sakaling kailanganin ito. Isinasama ng ilan ang kopya nito sa kanilang testamento at iba pang mahahalagang dokumentong may kinalaman sa insurance, deposito sa bangko, mga ahensiya ng gobyerno, at iba pa.

PAGHARAP SA MGA PAGBABAGO

9, 10. Kailan maaaring mangailangan ng higit na tulong ang may-edad nang mga magulang?

Sa maraming kaso, mas pinipili ng pamilya na manatiling independiyente ang may-edad nang mga magulang hangga’t posible. Baka kaya pa ng mga ito na magluto, maglinis, regular na uminom ng gamot, at makipag-usap nang malinaw, sa gayo’y hindi kailangang masyadong asikasuhin ng mga anak. Pero sa paglipas ng panahon, kapag hiráp nang maglakad ang mga magulang, hindi na nakakapamilíng mag-isa, o nagiging sobrang malilimutin na, baka kailangan nang tumulong ang mga anak.

10 Ang mga may-edad na ay maaaring maging malilituhin o madepres. Maaaring magsimula nang humina ang kanilang pandinig,  paningin, at memorya, at baka mahirapan na silang magpigil ng pag-ihi o pagdumi. Kapag lumitaw ang ganitong mga problema, kumonsulta sa doktor. Baka kailangang magkusa ang mga anak sa pag-aasikaso nito at maging sa ilang personal na aktibidad ng kanilang mga magulang. Para mapangalagaang mabuti ang mga magulang, baka kailangang ang mga anak ang maging tagapagsalita nila, sekretarya, drayber, at iba pa.Kaw. 3:27.

11. Ano ang maaaring gawin para maging mas madali ang pag-a-adjust sa mga pagbabago?

11 Kung permanente ang problema sa kalusugan ng iyong mga magulang, baka kailangang gumawa ng pagbabago sa pag-aalaga sa kanila o sa kaayusan tungkol sa kanilang tirahan. Miyentras kaunti ang mga pagbabago, mas madaling mag-adjust. Kung malayo ang tirahan mo sa iyong mga magulang, sapat na kayang isang Saksi o kapitbahay ang regular na dumalaw sa kanila at magsabi sa iyo kung ano ang kalagayan nila? Kailangan lang ba nila ng tulong sa pagluluto at paglilinis? Sapat na kaya ang kaunting pagbabago sa kanilang tirahan para mas ligtas at maalwan silang makapagparoo’t parito, makapaligo, at makagawa ng iba pang bagay? Baka kailangan lang nila ng mag-aasikaso sa mga gawaing-bahay. Pero kung hindi na ligtas na nagsasarili sila, baka kailangan na nila ng permanenteng makakasama. Anuman ang sitwasyon, alamin ang mga serbisyong inilalaan sa kanilang lugar. *Basahin ang Kawikaan 21:5.

KUNG ANO ANG GINAGAWA NG ILAN

12, 13. Paano patuloy na pinararangalan at inaalagaan ng mga anak ang kanilang mga magulang kahit nakatira sila sa malayo?

12 Gusto nating maging ligtas at komportable ang ating mga magulang dahil mahal natin sila. Napapanatag tayo kapag naaalagaan silang mabuti. Pero dahil sa ibang mga pananagutan, maraming anak ang nakatira malayo sa kanilang mga magulang. Kaya naman ang ilan ay nagbabakasyon sa trabaho para madalaw ang mga ito at makatulong sa pag-aalaga at sa pag-aasikaso ng mga gawaing-bahay. Maipadarama rin ng mga anak ang kanilang pagmamahal sa pamamagitan ng regular na pagtawag sa telepono—araw-araw kung posible—pagsulat, o pag-i-e-mail.Kaw. 23:24, 25.

13 Anuman ang sitwasyon, kailangang magpasiya ang pamilya kung paano pangangalagaan sa araw-araw ang mga magulang. Kung malayo ang tirahan mo sa iyong mga magulang at Saksi naman sila, puwede kang humingi ng payo sa mga elder nila. Higit sa lahat, ipanalangin ang bagay na ito. (Basahin ang Kawikaan 11:14.) Kahit hindi Saksi ang mga magulang mo, dapat mo pa ring “parangalan . . . ang iyong ama at ang iyong ina.” (Ex. 20:12; Kaw. 23:22) Siyempre pa, hindi pare-pareho ang magiging desisyon ng bawat pamilya. Kinukuha ng ilan ang kanilang may-edad nang magulang para tumira sa kanila o malapit sa kanila. Pero hindi iyan laging posible. Mas gusto ng ilang magulang na manatiling nakabukod at ayaw nilang maging pabigat sa kanilang mga anak. Ang iba naman ay maaaring may pinansiyal na kakayahang kumuha ng mag-aalaga sa kanila sa bahay at iyon ang gusto nila.Ecles. 7:12.

14. Ano ang maaaring maging problema ng mga pangunahing nag-aalaga sa mga magulang?

14 Sa maraming pamilya, ang anak na pinakamalapit ang tirahan sa mga magulang ang nagiging pangunahing tagapag-alaga. Pero dapat niyang balansehin ang pangangailangan ng kaniyang mga magulang at ang pangangailangan ng kaniyang asawa’t mga anak. Limitado lang ang panahon at lakas ng bawat indibiduwal. Baka magbago rin ang sitwasyon ng tagapag-alaga at kailanganing pag-aralan uli ng pamilya ang kasalukuyan nilang kaayusan. Masyado bang napapabigatan ang isang miyembro ng pamilya? May  magagawa ba ang ibang mga anak para mas makatulong, marahil ay humalili sa pag-aalaga sa mga magulang?

15. Paano maiiwasang masaid ang pisikal at emosyonal na lakas ng nag-aalaga sa magulang?

15 Kapag ang may-edad nang magulang ay nangangailangan ng palagiang pag-aasikaso, maaaring masaid ang pisikal at emosyonal na lakas ng nag-aalaga. (Ecles. 4:6) Dahil mahal ng mga anak ang kanilang mga magulang, gusto nilang gawin ang lahat para sa mga ito. Pero kung napakaraming kailangang gawin ng pangunahing tagapag-alaga, baka hindi niya ito kayanin. Dapat siyang maging realistiko at huwag mahiyang humingi ng tulong. Ang pagtulong sa kaniya sa pana-panahon ay baka sapat na para hindi kailanganing ipasok sa nursing home ang mga magulang.

16, 17. Anu-ano ang posibleng madama ng mga anak habang nag-aalaga sa kanilang may-edad nang mga magulang? Paano nila madaraig iyon? (Tingnan din ang kahong “Pag-aalaga Bilang Pasasalamat.”)

16 Nakakalungkot makitang tumatanda at nahihirapan ang ating mga magulang. Ang mga tagapag-alaga ay nakadarama ng lungkot, kabalisahan, pagkasira ng loob, galit, panunumbat ng budhi, at hinanakit pa nga. Kung minsan, ang isang may-edad nang magulang ay nakapagsasalita ng masakit o parang hindi nagpapahalaga. Sakaling mangyari iyon, huwag agad sumamâ ang loob. Sinabi ng isang eksperto sa mental na kalusugan: “Ang pinakamabuting gawin para madaig ang nadarama mo, lalo na kung hindi ka komportable rito, ay aminin ito. Huwag ikaila ang iyong nadarama ni husgahan ang iyong sarili dahil doon.” Ipakipag-usap ito sa iyong asawa, sa isang kapamilya, o sa isang pinagkakatiwalaang kaibigan. Makakatulong ang gayong pag-uusap para maintindihan mo ang iyong nadarama at makapanatili kang balanse.

17 Maaaring dumating ang panahon na hindi na posible para sa mga anak na alagaan sa bahay ang kanilang mahal na magulang. Baka ipasiya nilang paalagaan na siya sa nursing home. Isang sister ang halos araw-araw na bumibisita sa kaniyang nanay sa nursing home. Sinabi niya: “Hindi namin kayang alagaan si Mommy nang 24 oras araw-araw. Hindi madali para sa amin na ipasok siya sa nursing home. Napakasakit n’on. Pero iyon ang pinakamabuti para sa kaniya sa mga huling buwan ng buhay niya, at payag naman siya.”

18. Sa ano makatitiyak ang mga nag-aalaga sa kanilang mga magulang?

18 Ang pag-aalaga sa iyong tumatanda nang mga magulang ay hindi madali. Walang iisang solusyon na puwede sa lahat ng sitwasyon. Pero sa pamamagitan ng maingat na pagpaplano, pagtutulungan, mahusay na komunikasyon, at higit sa lahat, taimtim na pananalangin, magagampanan mo ang iyong pananagutan na parangalan ang mga mahal mo sa buhay. Sa paggawa niyan, masisiyahan ka dahil alam mong ibinibigay mo ang pangangalaga at atensiyon na kailangan nila. (Basahin ang 1 Corinto 13:4-8.) Pinakamahalaga, tiyak na magkakaroon ka ng kapayapaan ng isip at pagpapalain ka ni Jehova.Fil. 4:7.

^ par. 3 Maaaring makaapekto ang kultura sa desisyon ng mga magulang at mga anak. Sa ilang lugar, normal lang at mas gusto ng magkakapamilya na manirahang magkakasama o regular na magkita-kita.

^ par. 11 Kung ang iyong magulang ay nakatira pa sa sariling bahay, tiyaking may susi sa pinto ang pinagkakatiwalaang mga tagapag-alaga para makapasok sila sakaling magka-emergency.