‘Panatilihing Nakatuon ang Pag-iisip sa mga Bagay na Nasa Itaas’
“Panatilihin ninyong nakatuon ang inyong mga pag-iisip sa mga bagay na nasa itaas.”
1, 2. (a) Bakit nanganganib ang kongregasyon sa Colosas? (b) Ano ang ipinayo sa mga kapatid sa Colosas para manatili silang matatag?
NANGANGANIB ang unang-siglong Kristiyanong kongregasyon sa Colosas! Iginigiit ng ilan sa kanila na kailangang sundin ang Kautusang Mosaiko. Itinataguyod naman ng iba ang paganong pilosopiya ng asetisismo, o labis na pagkakait sa sarili. Para malabanan ang maling mga turong ito, nagbabala si apostol Pablo sa mga taga-Colosas: “Mag-ingat: baka may sinumang tumangay sa inyo bilang kaniyang nasila sa pamamagitan ng pilosopiya at walang-katuturang panlilinlang ayon sa tradisyon ng mga tao, ayon sa panimulang mga bagay ng sanlibutan at hindi ayon kay Kristo.”
2 Kung itutuon ng mga pinahirang Kristiyanong iyon ang kanilang isip sa “panimulang mga bagay ng sanlibutan,” para na rin nilang tinatalikuran ang pagliligtas ni Jehova. (Col. 2:20-23) Para tulungan silang maingatan ang kanilang matalik na kaugnayan sa Diyos, nagpayo si Pablo: “Panatilihin ninyong nakatuon ang inyong mga pag-iisip sa mga bagay na nasa itaas, hindi sa mga bagay na nasa ibabaw ng lupa.” (Col. 3:2) Oo, dapat ituon ng mga kapatid ni Kristo ang kanilang isip sa pag-asa nilang tumanggap ng walang-kasiraang mana na ‘nakalaan para sa kanila sa langit.’
3. (a) Sa anong pag-asa nakatuon ang isip ng mga pinahirang Kristiyano? (b) Anong mga tanong ang isasaalang-alang natin sa artikulong ito?
3 Sa ngayon, itinutuon din ng mga pinahirang Kristiyano ang kanilang isip sa makalangit na Kaharian ng Diyos at sa kanilang pag-asang maging “mga kasamang tagapagmana ni Kristo.” (Roma 8:14-17) Pero paano naman ang mga may pag-asang mabuhay nang walang hanggan sa lupa? Paano nila maikakapit ang mga salita ni Pablo? Paano maitutuon ng “ibang mga tupa” ang kanilang isip sa “mga bagay na nasa itaas”? (Juan 10:16) At paano tayo makikinabang sa halimbawa ng mga tapat na gaya nina Abraham at Moises, na nagtuon ng kanilang isip sa mga bagay na nasa itaas sa kabila ng mga hamon?
ANG IBIG SABIHIN NG PAGTUTUON NG ISIP SA MGA BAGAY NA NASA ITAAS
4. Paano maitutuon ng ibang mga tupa ang kanilang isip sa mga bagay na nasa itaas?
4 Bagaman hindi sa langit ang pag-asa ng ibang mga tupa, maitutuon din nila ang kanilang isip sa mga bagay na nasa itaas. Paano? Magagawa nila ito kung uunahin nila sa kanilang buhay ang Diyos na Jehova at ang kaniyang Kaharian. (Luc. 10:25-27) Kaya naman tinutularan natin si Kristo bilang ating huwaran. (1 Ped. 2:21) Gaya ng ating mga kapatid noong unang siglo, napalilibutan tayo ng maling pangangatuwiran, makasanlibutang pilosopiya, at materyalistikong pananaw ng sanlibutan ni Satanas. (Basahin ang 2 Corinto 10:5.) Bilang mga tagatulad ni Jesus, dapat tayong maging mapagbantay laban sa gayong mga pagsalakay sa ating espirituwalidad.
5. Paano natin masusuri ang ating pananaw sa materyal na mga bagay?
5 Naiimpluwensiyahan ba tayo ng pananaw ng sanlibutan sa materyal na mga bagay? Kadalasan na, mahahalata sa ating mga iniisip at ikinikilos kung ano ang mahalaga sa atin. Sinabi ni Jesus: “Kung nasaan ang iyong kayamanan, doroon din ang iyong puso.” (Mat. 6:21) Para malaman kung saan tayo inaakay ng ating puso, dapat tayong gumawa ng personal na pagsusuri sa pana-panahon. Tanungin ang sarili: ‘Gaano karaming panahon ang nauubos ko sa pag-iisip tungkol sa pera? Lagi bang laman ng isip ko ang mga pagkakakitaan, investment, o pagkakaroon ng mas maalwang buhay? O sinisikap ko bang mamuhay nang simple at magpokus sa espirituwal na mga bagay?’ (Mat. 6:22) Makikita sa pananalita ni Jesus na ang mga nakapokus sa ‘pag-iimbak ng kayamanan sa lupa’ ay nagsasapanganib ng kanilang kaugnayan kay Jehova.
6. Paano natin malalabanan ang mga pagnanasa ng laman?
6 Hindi tayo sakdal kaya may tendensiya tayong magpakasasa sa mga bagay na mali. (Basahin ang Roma 7:21-25.) Kung hindi tayo magpapagabay sa banal na espiritu ng Diyos, baka magpadala tayo sa “mga gawang nauukol sa kadiliman.” Kasama rito ang “walang-taros na pagsasaya at mga paglalasingan, . . . bawal na pakikipagtalik at mahalay na paggawi.” (Roma 13:12, 13) Para malabanan ang “mga bagay na nasa ibabaw ng lupa”
‘NANAMPALATAYA SI ABRAHAM KAY JEHOVA’
7, 8. (a) Anong mga hamon ang napaharap kina Abraham at Sara? (b) Sa ano nagpokus si Abraham?
7 Nang utusan ni Jehova si Abraham na lumipat sa Canaan kasama ang kaniyang sambahayan, agad siyang sumunod. Dahil sa pananampalataya at pagkamasunurin ni Abraham, nakipagtipan sa kaniya si Jehova. Sinabi ng Diyos: “Gagawa ako ng isang dakilang bansa mula sa iyo at pagpapalain kita.” (Gen. 12:2) Pero maraming taon na ang lumipas, wala pa ring anak si Abraham at ang asawa niyang si Sara. Nakalimutan na kaya ni Jehova ang pangako niya? Bukod diyan, hindi madali ang buhay sa Canaan. Iniwan ni Abraham at ng kaniyang sambahayan ang kanilang tahanan at mga kamag-anak sa Ur, isang mayamang lunsod sa Mesopotamia. Mahigit 1,600 kilometro ang nilakbay nila papunta sa Canaan at nanirahan sila sa mga tolda. Dumanas din sila ng taggutom at pandarambong. (Gen. 12:5, 10; 13:18; 14:10-16) Sa kabila nito, hindi nila inisip na balikan ang kasaganaan sa Ur!—Basahin ang Hebreo 11:8-12, 15.
8 Sa halip na magpokus sa “mga bagay na nasa ibabaw ng lupa,” si Abraham ay “nanampalataya kay Jehova.” (Gen. 15:6) Oo, itinuon niya ang kaniyang isip sa mga bagay na nasa itaas, o sa mga pangako ng Diyos. Kaya naman ginantimpalaan ang pananampalataya ni Abraham nang makipag-usap sa kaniya ang Kataas-taasang Diyos, na sinasabi: “‘Pakisuyo, tumingala ka sa langit at bilangin mo ang mga bituin, kung talagang mabibilang mo ang mga iyon.’ At sinabi niya sa kaniya: ‘Magiging gayon ang iyong binhi.’” (Gen. 15:5) Tiyak na napatibay nito si Abraham! Tuwing titingin siya sa mabituing kalangitan, maaalala niya ang pangako ni Jehova na pararamihin ang kaniyang binhi. At nang dumating ang panahong itinakda ng Diyos, nagkaanak nga si Abraham, gaya ng ipinangako sa kaniya.
9. Paano natin matutularan si Abraham?
9 Gaya ni Abraham, hinihintay rin natin ang katuparan ng mga pangako ng Diyos. (2 Ped. 3:13) Kung hindi nakatuon ang isip natin sa mga bagay na nasa itaas, baka mainip tayo at magparelaks-relaks na lang sa ating espirituwal na mga gawain. Halimbawa, may mga isinakripisyo ka ba noon para makapagpayunir o makabahagi sa iba pang larangan ng paglilingkod? Kung oo, maganda ang ginawa mo. Pero kumusta naman ngayon? Tinutularan mo ba si Abraham, na patuloy na nagpokus sa “lunsod na may tunay na mga pundasyon”? (Heb. 11:10) “Nanampalataya [siya] kay Jehova, at ibinilang itong katuwiran sa kaniya.”
NAKITA NI MOISES “ANG ISA NA DI-NAKIKITA”
10. Paano pinalaki si Moises?
10 Si Moises ay nagtuon din ng kaniyang isip sa mga bagay na nasa itaas. Noong kabataan siya, “tinuruan si Moises sa lahat ng karunungan ng mga Ehipsiyo.” Hindi ito ordinaryong edukasyon. Ang Ehipto ang pinakamakapangyarihang bansa noon at kabilang si Moises sa sambahayan ni Paraon. Hindi nga nakapagtataka na si Moises ay naging “makapangyarihan sa kaniyang mga salita at mga gawa.” (Gawa 7:22) Isip-isipin ang mga oportunidad na bukás sa kaniya! Gayunman, nakatuon ang isip ni Moises sa isang bagay na mas mahalaga
11, 12. Anong edukasyon ang pinakamahalaga kay Moises? Bakit natin nasabi iyan?
11 Bata pa lang si Moises, tiyak na tinuruan na siya ng kaniyang inang si Jokebed tungkol sa Diyos ng mga Hebreo. Mas pinahalagahan ni Moises ang kaalaman tungkol kay Jehova kaysa anupamang bagay. Kaya naman handa siyang isakripisyo ang kaniyang pagkakataong yumaman at maging makapangyarihan. (Basahin ang Hebreo 11:24-27.) Oo, dahil sa kaniyang espirituwal na edukasyon at pananampalataya kay Jehova, naudyukan si Moises na ituon ang kaniyang isip sa mga bagay na nasa itaas.
12 Natanggap ni Moises ang pinakamataas na sekular na edukasyon noong panahong iyon, pero ginamit ba niya ito para maging makapangyarihan, tanyag, o mayaman? Hindi. Sa katunayan, sinasabi ng Bibliya na “tumanggi [siyang] tawaging anak ng anak na babae ni Paraon, na pinili pang mapagmalupitan kasama ng bayan ng Diyos kaysa sa magtamo ng pansamantalang kasiyahan sa kasalanan.” Maliwanag, ginamit ni Moises ang kaniyang espirituwal na edukasyon para gawin ang kalooban ni Jehova.
13, 14. (a) Ano ang kailangang matutuhan ni Moises para magampanan ang iaatas ni Jehova sa kaniya? (b) Gaya ni Moises, ano ang kailangan nating gawin?
13 Mahal na mahal ni Moises si Jehova at ang Kaniyang bayan. Sa edad na 40, naisip ni Moises na handa na siyang tulungan ang bayan ng Diyos na makalaya sa pagkaalipin sa Ehipto. (Gawa 7:23-25) Pero bago ibigay ni Jehova sa kaniya ang atas na iyon, may kailangan pang matutuhan si Moises. Kailangan niyang malinang ang mga katangiang gaya ng kapakumbabaan, pagtitiis, kaamuan, at pagpipigil sa sarili. (Kaw. 15:33) Kailangan ni Moises ng pagsasanay para maihanda siya sa mga pagsubok na darating. Ang pagiging pastol sa loob ng 40 taon ang tutulong sa kaniya na malinang ang makadiyos na mga katangiang ito.
14 Nakatulong nga ba kay Moises ang karanasan niya bilang isang pastol? Oo! Sinasabi ng Salita ng Diyos na si Moises ay naging “pinakamaamo sa lahat ng taong nasa ibabaw ng lupa.” (Bil. 12:3) Naging mapagpakumbaba siya, at nakatulong ito sa kaniya para mapakitunguhan ang iba’t ibang uri ng tao na may iba’t ibang problema. (Ex. 18:26) Tayo rin ay kailangang maglinang ng espirituwal na mga katangian na makakatulong sa atin para makaligtas sa “malaking kapighatian” patungo sa matuwid na bagong sanlibutan ng Diyos. (Apoc. 7:14) Marunong ba tayong makitungo sa iba, pati na sa mga taong sa tingin natin ay sumpungin o balat-sibuyas? Makabubuting sundin ang payo ni apostol Pedro: “Parangalan ang lahat ng uri ng mga tao, magkaroon ng pag-ibig sa buong samahan ng mga kapatid.”
KUNG PAANO ITUTUON ANG ISIP SA MGA BAGAY NA NASA ITAAS
15, 16. (a) Bakit napakahalagang ituon natin ang ating isip sa mga bagay na nasa itaas? (b) Bakit mahalagang panatilihin ng mga Kristiyano ang mabuting paggawi?
15 Nabubuhay tayo sa “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” (2 Tim. 3:1) Kaya para makapanatiling gisíng sa espirituwal, dapat nating ituon ang ating isip sa mga bagay na nasa itaas. (1 Tes. 5:6-9) Tingnan natin ang tatlong paraan para magawa ito.
16 Paggawi: Alam ni Pedro na mahalaga ang mabuting paggawi. Sinabi niya: “Panatilihing mainam ang inyong paggawi sa gitna ng mga bansa, upang . . . luwalhatiin nila ang Diyos . . . bilang resulta ng inyong maiinam na gawa na dito sila ay mga saksi.” (1 Ped. 2:12) Tayo man ay nasa bahay, trabaho, paaralan, o ministeryo, at kahit sa paglilibang, sinisikap nating mapanatili ang ating mabuting paggawi para makapagbigay ng kaluwalhatian kay Jehova. Totoo, hindi tayo sakdal at lahat tayo ay nagkakamali. (Roma 3:23) Pero kung patuloy nating ipakikipaglaban “ang mainam na pakikipaglaban ng pananampalataya,” magtatagumpay tayo laban sa ating di-sakdal na laman.
17. Paano natin matutularan ang pag-iisip ni Kristo Jesus? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
17 Saloobin: Para mapanatili ang mabuting paggawi, kailangan natin ng tamang saloobin. Sinabi ni Pablo: “Panatilihin ninyo sa inyo ang pangkaisipang saloobing ito na nasa kay Kristo Jesus din.” (Fil. 2:5) Ano ba ang saloobin ni Jesus? Mapagpakumbaba siya. Ito ang nagpakilos sa kaniya na maging mapagsakripisyo sa ministeryo. Pangunahin sa kaniya ang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. (Mar. 1:38; 13:10) Para kay Jesus, ang Salita ng Diyos ang dapat masunod. (Juan 7:16; 8:28) Dahil sa masikap niyang pag-aaral ng Banal na Kasulatan, nagagawa niya itong sipiin, ipagtanggol, at ipaliwanag. Matutularan natin ang pag-iisip ni Kristo kung mapagpakumbaba tayo at masipag sa ministeryo at personal na pag-aaral ng Bibliya.
18. Anong pagsisikap ang dapat nating gawin?
18 Pagsisikap: Layunin ni Jehova na “sa pangalan ni Jesus ay lumuhod ang bawat tuhod niyaong mga nasa langit at niyaong mga nasa lupa.” (Fil. 2:9-11) Pero kahit sa napakataas na posisyon ni Jesus, mapagpakumbaba pa rin siyang nagpapasakop sa kaniyang Ama, at gayon din ang dapat nating gawin. (1 Cor. 15:28) Paano? Sa pamamagitan ng buong-pusong pagsisikap na gampanan ang ating atas na “gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa.” (Mat. 28:19) Gayundin, gusto nating “gumawa . . . ng mabuti sa lahat,” kapuwa sa ating mga kapatid at sa mga di-kapananampalataya.
19. Ano ang dapat na determinado nating gawin?
19 Laking pasasalamat natin sa paalala ni Jehova na ituon ang ating isip sa mga bagay na nasa itaas! At para magawa iyan, dapat na “takbuhin natin nang may pagbabata ang takbuhan na inilagay sa harap natin.” (Heb. 12:1) Lahat nawa tayo ay gumawa “nang buong kaluluwa na gaya ng kay Jehova,” at tiyak na gagantimpalaan tayo ng ating makalangit na Ama.