Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Sino si Gog ng Magog na binabanggit sa aklat ng Ezekiel?
Sa loob ng maraming taon, ipinaliliwanag sa mga publikasyon natin na ang Gog ng Magog ay pangalang ibinigay kay Satanas na Diyablo matapos siyang ihagis mula sa langit. Ang paliwanag na ito ay batay sa sinasabi ng aklat ng Apocalipsis na pangungunahan ni Satanas na Diyablo ang pagsalakay sa bayan ng Diyos sa buong daigdig. (Apoc. 12:1-17) Kaya ipinapalagay noon na si Gog ay tumutukoy kay Satanas.
Pero may mahahalagang tanong na bumabangon tungkol sa paliwanag na iyan. Bakit? Pag-isipan ito: Tungkol sa panahong matatalo si Gog, sinabi ni Jehova sa kaniya: “Sa mga ibong maninila, mga ibon mula sa bawat uri ng pakpak, at sa mababangis na hayop sa parang ay ibibigay kita bilang pagkain.” (Ezek. 39:4) Sinabi pa ni Jehova: “Sa araw na iyon ay bibigyan ko si Gog ng isang dako roon, isang dakong libingan sa Israel . . . Doon nila ililibing si Gog at ang kaniyang buong pulutong.” (Ezek. 39:11) Pero paano makakain ng ‘mga ibong maninila at mababangis na hayop sa parang’ ang isang espiritung nilalang? Paano mabibigyan si Satanas ng “dakong libingan” sa lupa? Maliwanag na ipinakikita ng Bibliya na si Satanas ay ibibilanggo sa kalaliman sa loob ng 1,000 taon, hindi kakainin o ililibing.—Apoc. 20:1, 2.
Sinasabi ng Bibliya na pagkatapos ng 1,000 taon, pakakawalan si Satanas mula sa kalaliman, at “lalabas siya upang iligaw yaong mga bansa na nasa apat na sulok ng lupa, ang Gog at Magog, upang tipunin sila para sa digmaan.” (Apoc. 20:8) Pero paano ililigaw ni Satanas si Gog kung siya mismo si Gog? Kaya si “Gog” ay hindi tumutukoy kay Satanas sa hula ni Ezekiel o sa aklat ng Apocalipsis.
Kung gayon, sino si Gog ng Magog? Para masagot iyan, kailangan nating alamin mula sa Kasulatan kung sino ang sasalakay sa bayan ng Diyos. Hindi lang pagsalakay ni ‘Gog ng Magog’ ang binabanggit sa Bibliya. May binabanggit din dito na pagsalakay ng “hari ng hilaga” at pagsalakay ng “mga hari sa lupa.” (Ezek. 38:2, 10-13; Dan. 11:40, 44, 45; Apoc. 17:14; 19:19) Magkakaibang pagsalakay ba ang mga ito? Malamang na hindi. Lumilitaw na iisang pagsalakay ang tinutukoy ng Bibliya, iba-iba lang ang tawag. Bakit natin nasabi iyan? Dahil sinasabi ng Kasulatan na ang lahat ng mga bansa ay masasangkot sa huling pagsalakay na ito na magiging mitsa ng digmaan ng Armagedon.—Apoc. 16:14, 16.
May binanggit din si propeta Daniel, na kapanahon ni Ezekiel, tungkol sa hari ng hilaga. Sinabi niya: “May mga ulat na liligalig sa kaniya, mula sa sikatan ng araw at mula sa hilaga, at siya ay tiyak na hahayo sa matinding pagngangalit upang lumipol at magtalaga ng marami sa pagkapuksa. At itatayo niya ang kaniyang malapalasyong mga tolda sa pagitan ng malaking dagat at ng banal na bundok ng Kagayakan; at siya ay darating hanggang sa kaniyang kawakasan, at walang tutulong sa kaniya.” (Dan. 11:44, 45) Kapareho ito ng sinasabi ng aklat ng Ezekiel tungkol sa mga gagawin ni Gog.—Ezek. 38:8-12, 16.
Ano ang susunod na mangyayari bilang resulta ng huling pagsalakay na ito? Sinasabi ni Daniel: “Sa panahong iyon ay tatayo [sa Armagedon] si Miguel [Jesu-Kristo], ang dakilang prinsipe na nakatayo [mula noong 1914] alang-alang sa mga anak ng iyong bayan. At magkakaroon nga ng isang panahon ng kabagabagan [ang malaking kapighatian] na hindi pa nangyayari magbuhat nang magkaroon ng bansa hanggang sa panahong iyon. At sa panahong iyon ay makatatakas ang iyong bayan, ang bawat isa na masumpungang nakasulat sa aklat.” (Dan. 12:1) Ang pagkilos na ito ni Jesus, ang kinatawan ng Diyos, ay inilalarawan din sa Apocalipsis 19:11-21.
Pero sino ang tinutukoy na “Gog at Magog” sa Apocalipsis 20:8? Sa panahon ng huling pagsubok pagkatapos ng 1,000 taon, ang mga magrerebelde kay Jehova ay kakikitaan ng mapamaslang na saloobing gaya ng kay ‘Gog ng Magog,’ ang mga bansang aatake sa bayan ng Diyos bago ang Armagedon. At pareho ang kahihinatnan ng dalawang grupong ito—walang-hanggang kamatayan! (Apoc. 19:20, 21; 20:9) Kaya ang mga magrerebelde pagkatapos ng Milenyo ay angkop na tawaging “Gog at Magog.”
Bilang masigasig na mga estudyante ng Salita ng Diyos, pinananabikan nating malaman kung sino ang magiging “hari ng hilaga” sa malapit na hinaharap. Pero sinuman ang manguna sa koalisyong ito ng mga bansa, nakatitiyak tayo sa dalawang bagay: (1) si Gog ng Magog at ang mga hukbo niya ay matatalo at pupuksain; at (2) ang bayan ng Diyos ay ililigtas ng ating namamahalang Hari, si Jesu-Kristo, at aakayin sila tungo sa mapayapang bagong sanlibutan.—Apoc. 7:14-17.