Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sanayin ang Iyong Anak na Maglingkod kay Jehova

Sanayin ang Iyong Anak na Maglingkod kay Jehova

“Paparituhin mo [ang lalaki ng tunay na Diyos] at turuan niya kami kung ano ang dapat naming gawin sa bata na ipanganganak.”—HUK. 13:8.

AWIT: 88, 120

1. Ano ang ginawa ni Manoa nang ibalita sa kaniya na magiging ama na siya?

ISANG napakagandang balita ang dala ng babae sa kaniyang asawa. Alam nilang hindi na sila magkakaanak dahil baog ang babae. Pero isang anghel ni Jehova ang nagpakita sa kaniya at sinabing magkakaroon siya ng isang anak na lalaki! Tiyak na tuwang-tuwa ang asawa niyang si Manoa, pero alam din ni Manoa na malaking responsibilidad ang nakaatang sa kaniyang balikat. Sa isang bansang punô ng kasamaan, paano nila palalakihin ang kanilang anak para maging lingkod ng Diyos? Nakiusap si Manoa kay Jehova: “Ang lalaki ng tunay na Diyos [ang anghel] na kasusugo mo lamang, pakisuyo, paparituhin mo siyang muli sa amin at turuan niya kami kung ano ang dapat naming gawin sa bata na ipanganganak.”—Huk. 13:1-8.

2. Ano ang nasasangkot sa pagtuturo sa iyong anak? (Tingnan din ang kahong “ Ang Pinakamahalaga Mong Estudyante sa Bibliya.”)

2 Kung isa kang magulang, maiintindihan mo si Manoa. Responsibilidad mo ring tulungan ang iyong anak na makilala at ibigin si Jehova. (Kaw. 1:8) Magagawa mo ito sa pamamagitan ng makabuluhan at progresibong Pampamilyang Pagsamba. Siyempre pa, para maikintal mo ang katotohanan sa isip ng iyong anak, higit pa sa lingguhang pag-aaral ng pamilya ang kailangan. (Basahin ang Deuteronomio 6:6-9.) Ano pa ang puwede mong gawin? Tatalakayin sa artikulong ito at sa kasunod kung paano matutularan ng mga magulang ang halimbawa ni Jesus. Bagaman hindi siya isang magulang, makikinabang ka sa paraan ng pagtuturo niya at pagsasanay sa kaniyang mga alagad—may pag-ibig, kapakumbabaan, at kaunawaan. Isa-isahin natin ang mga katangiang ito.

MAHALIN ANG IYONG ANAK

3. Paano ipinakita ni Jesus na mahal niya ang kaniyang mga alagad?

3 Hindi nahiya si Jesus na sabihin sa kaniyang mga alagad na iniibig niya sila. (Basahin ang Juan 15:9.) Naging malapít din siya sa kaniyang mga alagad at regular na nakisama sa kanila para ipakitang mahal niya sila. (Mar. 6:31, 32; Juan 2:2; 21:12, 13) Hindi lang siya isang guro sa kanila kundi isang kaibigan din. Kaya nakatitiyak ang mga alagad na mahal sila ni Jesus. Paano mo matutularan ang paraan ng pagtuturo ni Jesus?

4. Paano mo maipakikita sa iyong mga anak na mahal mo sila? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)

4 Sabihin sa iyong mga anak na mahal mo sila, at laging ipakitang mahalaga sila sa iyo. (Kaw. 4:3; Tito 2:4) Si Samuel, na nakatira sa Australia, ay nagsabi: “Noong bata pa ako, gabi-gabi akong binabasahan ni Daddy ng Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya. Sinasagot niya ang mga tanong ko, ’tapos yayakapin niya ako at hahalikan bago matulog. Nagulat ako nang malaman kong lumaki pala si Daddy sa isang pamilyang hindi nakasanayang yumakap o humalik sa isa’t isa! Pero talagang sinikap niyang ipakitang mahal niya ako. Kaya naging malapít ako sa kaniya. Kontento rin ako at panatag.” Tulungan ang iyong mga anak na ganiyan din ang madama. Laging sabihing mahal mo sila. Yakapin mo sila at halikan. Kumaing kasama nila, makipagkuwentuhan at makipaglaro sa kanila.

5, 6. (a) Ano ang ginagawa ni Jesus sa mga minamahal niya? (b) Ipaliwanag kung paano nakatutulong ang tamang disiplina para madama ng iyong mga anak na talagang mahal mo sila.

5 Sinabi ni Jesus: “Ang lahat ng mga minamahal ko ay aking sinasaway at dinidisiplina.” * (Apoc. 3:19) Paulit-ulit na nagtalo ang mga alagad ni Jesus kung sino ang pinakadakila sa kanila, pero hindi siya nawalan ng pag-asa. Kapag hindi nila nasusunod ang payo niya, hindi niya iyon kinukunsinti. Maibigin at mahinahon niya silang sinasaway sa angkop na panahon at lugar.—Mar. 9:33-37.

6 Para ipakitang mahal mo ang iyong mga anak, disiplinahin sila. Minsan, sapat nang ipaliwanag sa kanila kung bakit tama o mali ang isang bagay. Pero paano kung hindi pa rin sila sumunod? (Kaw. 22:15) Tularan si Jesus. Sa tamang panahon at lugar, disiplinahin ang iyong mga anak sa maibigin at mahinahong paraan. Maging matiyaga sa pagpatnubay, pagsasanay, at pagtutuwid sa kanila. “Hindi pabago-bago ang mga magulang ko sa pagbibigay ng disiplina,” ang sabi ni Elaine, isang sister sa South Africa. “Kapag sinabi nila kung ano ang mangyayari sa akin kapag hindi ako sumunod, talagang ginagawa nila iyon. Pero hindi nila ako dinidisiplina nang galít sila o nang hindi ipinapaliwanag kung bakit ako dinidisiplina. Kaya panatag ako at natitiyak kong mahal nila ako. Alam ko ang mga limitasyon ko, at naiintindihan ko ang dapat kong gawin.”

MAGING MAPAGPAKUMBABA

7, 8. (a) Paano nagpakita ng kapakumbabaan si Jesus sa kaniyang mga panalangin? (b) Paano matututo ang iyong mga anak na umasa sa Diyos kapag nananalangin ka?

7 Isipin kung ano ang nadama ng mga alagad ni Jesus nang marinig nila, o malaman nang maglaon, ang isa sa huling mga panalangin niya bilang tao: “Abba, Ama, ang lahat ng mga bagay ay posible sa iyo; alisin mo sa akin ang kopang ito. Gayunma’y hindi ang ibig ko, kundi ang ibig mo.” * (Mar. 14:36) Mula sa pananalitang ito ni Jesus, natutuhan ng kaniyang mga tagasunod na kahit ang sakdal na Anak ng Diyos ay mapagpakumbabang nanalangin para sa tulong ng Diyos, kaya dapat na ganoon din ang gawin nila.

8 Ano ang puwedeng matutuhan ng iyong mga anak sa mga panalangin mo? Totoo, kapag nananalangin ka, hindi pagtuturo ang pangunahing layunin mo. Pero kapag mapagpakumbaba kang nananalanging kasama ng iyong mga anak, natututo silang umasa kay Jehova. Sinabi ni Ana na taga-Brazil: “Kapag may problema, gaya noong magkasakit ang lolo’t lola ko, humihiling ang mga magulang ko kay Jehova ng lakas para makayanan ang sitwasyon at ng karunungan para makagawa ng tamang mga desisyon. Kahit napakabigat ng problema, ipinauubaya nila ito kay Jehova. Kaya naman natuto akong umasa kay Jehova.” Kapag nananalanging kasama ng iyong mga anak, manalangin hindi lang para sa kanila. Hilingin mo rin kay Jehova na tulungan ka—halimbawa, tulungan kang makipag-usap sa amo mo para makadalo ka sa kombensiyon, makapagpatotoo sa iyong kapitbahay, o iba pang bagay. Mapagpakumbabang umasa sa Diyos, at ganiyan din ang gagawin ng iyong mga anak.

9. (a) Paano tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na mapagpakumbabang maglingkod sa iba? (b) Kung mapagpakumbaba at mapagsakripisyo ka, ano ang matututuhan ng iyong mga anak?

9 Sa salita at sa gawa, sinanay ni Jesus ang kaniyang mga alagad na mapagpakumbabang maglingkod sa iba. (Basahin ang Lucas 22:27.) Tinuruan niya ang kaniyang mga apostol na maging mapagsakripisyo sa paglilingkod kay Jehova at sa pakikitungo sa mga kapananampalataya nila. Kung mapagpakumbaba ka at mapagsakripisyo, matuturuan mo ang iyong mga anak na tularan ka. Si Debbie, na may dalawang anak, ay nagsabi: “Kahit kailan, hindi ako nagselos kapag nagbibigay ng panahon sa iba ang mister ko bilang elder. Alam kong kapag kailangan siya ng pamilya, nandiyan siya palagi.” (1 Tim. 3:4, 5) Sinabi naman ng mister niyang si Pranas: “Nang maglaon, sabik na sabik ang mga anak namin na tumulong sa mga asamblea at iba pang teokratikong proyekto. Sumulong sila, naging palakaibigan, at gustong-gusto nilang kasama ang mga kapatid!” Ang buong pamilya ay naglilingkod na ngayon kay Jehova nang buong panahon. Kung mapagpakumbaba at mapagsakripisyo ka, malamang na matututo ang iyong mga anak na maglingkod sa iba.

MAGPAKITA NG KAUNAWAAN

10. Paano nagpakita ng kaunawaan si Jesus nang puntahan siya ng ilang taga-Galilea?

10 Nagpakita si Jesus ng kaunawaan. Hindi lang ang ginagawa ng mga tao ang tinitingnan niya, kundi kung bakit nila iyon ginagawa. Minsan, ang ilan sa mga taga-Galilea ay parang interesadong-interesado na sumunod sa kaniya. (Juan 6:22-24) Pero nababasa ni Jesus ang puso nila at naunawaan niyang mas interesado sila sa pagkain kaysa sa itinuturo niya. (Juan 2:25) Nakita niya kung ano ang problema, kaya matiyaga niya silang itinuwid at ipinaliwanag kung paano nila iyon mababago.—Basahin ang Juan 6:25-27.

Nasisiyahan ba at nakikinabang sa pangangaral ang iyong anak? (Tingnan ang parapo 11)

11. (a) Magbigay ng halimbawa kung paano makatutulong ang kaunawaan para makita kung nasisiyahan sa ministeryo ang iyong anak. (b) Paano mo matutulungan ang iyong anak na masiyahan at makinabang sa ministeryo?

11 Kahit hindi ka nakababasa ng puso, puwede mo pa ring maunawaan kung ano talaga ang nadarama ng iyong anak sa ministeryo. Maraming magulang ang humihinto saglit kapag naglilingkod sa larangan para makapagpahinga at makapagmeryenda ang mga anak nila. Pero makabubuting itanong sa sarili, ‘Ministeryo ba talaga ang gusto ng anak ko o meryenda lang?’ Kapag nakita mong hindi gaanong nasisiyahan o nakikinabang sa ministeryo ang mga anak mo, magtakda kayo ng mga tunguhin. Mag-isip kung paano sila matutulungan para lubusan silang makabahagi sa ministeryo.

12. (a) Paano binabalaan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod tungkol sa imoralidad? (b) Bakit tamang-tama ang babala ni Jesus?

12 Paano pa nagpakita ng kaunawaan si Jesus? Nagbabala siya tungkol sa maling mga hakbang na umaakay sa kasalanan. Halimbawa, alam ng mga tagasunod niya na mali ang seksuwal na imoralidad. Pero binabalaan sila ni Jesus tungkol sa mga hakbang na umaakay rito. Sinabi niya: “Ang bawat isa na patuloy na tumitingin sa isang babae upang magkaroon ng masidhing pagnanasa sa kaniya ay nangalunya na sa kaniya sa kaniyang puso. Ngayon, kung ang kanang mata mong iyan ay nagpapatisod sa iyo, dukitin mo ito at itapon mula sa iyo.” (Mat. 5:27-29) Tamang-tama ang pananalitang iyon para sa mga Kristiyanong namumuhay sa ilalim ng pamamahala ng Roma. Sa mga tanghalang Romano, “nakikita ng mata at naririnig ng tainga ang mga kalaswaan,” ang isinulat ng isang istoryador, “at ang pinakamahahalay na eksena ang labis na pinapalakpakan.” Kaya makikita ang pag-ibig at kaunawaan ni Jesus sa babala niya sa kaniyang mga alagad.

13, 14. Paano mo mapoprotektahan ang iyong anak laban sa imoral na libangan?

13 Matutulungan ka ng kaunawaan na maprotektahan ang espirituwalidad ng iyong mga anak. Sa ngayon, kahit maliit na bata ay maaaring mahantad sa pornograpya at iba pang imoral na materyal. Dapat lang na sabihin ng Kristiyanong mga magulang sa kanilang mga anak na mali ang imoral na libangan. Pero makatutulong din ang kaunawaan para makita mo kung paano puwedeng magkainteres sa pornograpya ang iyong anak. Tanungin ang sarili: ‘Ano ba ang puwedeng makatukso sa anak ko na tumingin sa pornograpya? Alam ba niya kung bakit talagang mapanganib ito? Madali ba akong lapitan, para kapag natutukso siyang tumingin sa pornograpya, lalapit siya sa akin at hihingi ng tulong?’ Kahit bata pa ang mga anak mo, puwede mong sabihin sa kanila: “Kung may makita kayong imoral na website at natutukso kayong tingnan iyon, sabihin n’yo sa akin. Huwag kayong mahihiya. Gusto ko kayong tulungan.”

14 Matutulungan ka rin ng kaunawaan na maging matalino sa pagpili ng libangan. “Ang musika, pelikula, o babasahin na pinipili nating mga magulang ang siyang makakahiligan ng pamilya,” ang sabi ni Pranas, na binanggit kanina. “Marami kang puwedeng sabihin tungkol sa maraming bagay, pero ang ginagawa mo ang titingnan at gagayahin ng iyong mga anak.” Kapag nakikita ng mga anak mo na malinis na libangan ang pinipili mo, malamang na ganoon din ang pipiliin nila.—Roma 2:21-24.

PAKIKINGGAN KA NG TUNAY NA DIYOS

15, 16. (a) Bakit ka makatitiyak na tutulungan ka ng Diyos na sanayin ang iyong mga anak? (b) Ano ang tatalakayin natin sa susunod na artikulo?

15 Ano ang nangyari nang hilingin ni Manoa kay Jehova na tulungan siyang palakihin ang kaniyang anak? “Pinakinggan ng tunay na Diyos ang tinig ni Manoa.” (Huk. 13:9) Mga magulang, pakikinggan din kayo ni Jehova. Sasagutin niya ang mga panalangin ninyo at tutulungan kayong sanayin ang inyong mga anak. Mapalalaki ninyo sila nang may pag-ibig, kapakumbabaan, at kaunawaan.

16 Kung paanong tinutulungan ni Jehova ang mga magulang na sanayin ang kanilang maliliit na anak, matutulungan din niya sila na sanayin ang kanilang tin-edyer na mga anak. Tatalakayin sa susunod na artikulo kung paano mo matutularan ang pag-ibig, kapakumbabaan, at kaunawaan ni Jesus habang sinasanay mo ang iyong tin-edyer na anak na maglingkod kay Jehova.

^ par. 5 Ayon sa Bibliya, kasama sa pagdidisiplina ang pagpatnubay, pagsasanay, pagtutuwid, at kung minsan, pagpaparusa—pero hindi dahil sa galit.

^ par. 7 Sinasabi ng The International Standard Bible Encyclopedia: “Noong panahon ni Jesus, ang salitang ʼabbāʼ ay karaniwan nang ginagamit ng mga anak para ipakita ang malapít nilang kaugnayan at paggalang sa kanilang ama.”