Maging Malapít sa Diyos
‘Maging mga Tagatulad sa Diyos’
MABAIT. Mahabagin. Mapagpatawad. Maibigin. Nakalulungkot, bihira nang makita ang ganiyang tao sa ngayon. Kumusta ka naman? Pakiramdam mo ba na kahit na anong pagsisikap ang gawin mo, hindi mo pa rin maipakita ang gayong magagandang katangian? Baka ipadama sa iyo ng mapanghatol mong puso na imposible kang magkaroon ng magagandang katangian dahil sa kinalakhan mong masasamang ugali o mapait na mga karanasan. Pero itinuturo ng Bibliya ang nakapagpapatibay na katotohanang ito—alam ng ating Maylalang na kaya nating maglinang ng positibong mga katangian.
Pinapayuhan ng Salita ng Diyos ang mga tunay na Kristiyano: “Kaya nga, maging mga tagatulad kayo sa Diyos, bilang mga anak na minamahal.” (Efeso 5:1) Isa itong nakaaantig na kapahayagan ng pagtitiwala ng Diyos sa kaniyang mga mananamba. Bakit? Nilalang ng Diyos na Jehova ang tao ayon sa Kaniyang larawan, ayon sa Kaniyang wangis. (Genesis 1:26, 27) Pinagkalooban ng Diyos ang tao ng mga katangiang gaya ng sa Kaniya. a Kaya nga, sa payo ng Bibliya sa mga Kristiyano na “maging mga tagatulad kayo sa Diyos,” para bang sinasabi mismo ni Jehova sa kanila: ‘May tiwala ako sa inyo. Alam kong kaya ninyo akong tularan kahit hindi kayo sakdal.’
Anu-anong katangian ng Diyos ang matutularan natin? Sinasagot iyan ng nauna at ng sumunod na mga teksto. Pansinin na sinimulan ni Pablo ang payo na tularan ang Diyos sa mga salitang “kaya nga.” Ang mga salitang ito ay kaugnay ng naunang teksto, na bumabanggit sa pagiging mabait, mapagpatawad, at pagiging mahabagin na may paggiliw. (Efeso 4:32; 5:1) At sa kasunod na teksto pagkatapos ng payo na tularan ang Diyos, sinabihan ni Pablo ang mga Kristiyano na itaguyod ang buhay na kakikitaan ng pag-ibig na walang pag-iimbot. (Efeso 5:2) Totoo, pagdating sa pagiging mabait, mahabagin, maibigin, at lubos na mapagpatawad, mayroon tayong pinakamabuting halimbawa—ang Diyos na Jehova.
Bakit gusto nating tularan ang Diyos? Pansinin ang matinding pangganyak na mababasa sa mga salita ni Pablo: “Maging mga tagatulad kayo sa Diyos, bilang mga anak na minamahal.” Hindi ba’t nakaaantig-damdamin iyan? Para kay Jehova, ang kaniyang mga mananamba ay gaya ng mga anak na kaniyang minamahal. Kung paanong sinisikap tularan ng isang bata ang kaniyang ama, ginagawa rin ng mga tunay na Kristiyano ang buo nilang makakaya upang tularan ang kanilang makalangit na Ama.
Hindi pinipilit ni Jehova ang mga tao na tularan siya. Sa halip, binigyang-dangal tayo ni Jehova sa pamamagitan ng pagkakaloob sa atin ng kalayaang magpasiya. Kaya nakadepende sa iyo kung tutularan mo ang Diyos o hindi. (Deuteronomio 30:19, 20) Pero huwag mong kaliligtaan na kaya mong ipakita ang mga katangian ng Diyos. Sabihin pa, para matularan mo ang Diyos, kailangan mo munang alamin kung anong uri siya ng Diyos. Matutulungan ka ng Bibliya na malaman kung ano ang mga katangian at kung paano kumikilos ang Diyos na nagtataglay ng di-mapapantayang personalidad anupat milyun-milyong tao ang naaakit na tularan siya.
[Talababa]
a Ipinakikita ng Colosas 3:9, 10 na ang pagkalalang ayon sa larawan ng Diyos ay may kinalaman sa personalidad ng isang tao. Sinumang nagnanais paluguran ang Diyos ay hinihimok na damtan ang kanilang sarili ng “bagong personalidad,” na “ginagawang bago ayon sa larawan ng Isa [Diyos] na lumalang nito.”