Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Salita ba ay “Diyos” o “isang diyos”?

Ang Salita ba ay “Diyos” o “isang diyos”?

Ang Salita ba ay “Diyos” o “isang diyos”?

ANG tanong na iyan ay kailangang isaalang-alang kapag isinasalin ng mga tagapagsalin ng Bibliya ang unang talata ng Ebanghelyo ni Juan. Sa Bagong Sanlibutang Salin, ganito ang mababasa sa talata: “Nang pasimula ay ang Salita, at ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay isang diyos.” (Juan 1:1) Sa ibang salin, ipinahihiwatig ng huling bahagi ng talata ang ideya na ang Salita ay “tulad-Diyos,” o katulad nito. (A New Translation of the Bible ni James Moffatt; The New English Bible) Pero sa maraming salin, ganito ang binabanggit sa huling bahagi ng Juan 1:1: “At ang Salita ay Diyos.”​—Magandang Balita Biblia.

Malinaw na ipinakikita ng balarila ng wikang Griego at ng konteksto na tama ang pagkakasalin ng Bagong Sanlibutang Salin at na “ang Salita” ay hindi dapat isiping tumutukoy sa “Diyos” na binabanggit sa unang bahagi ng talata. Gayunpaman, dahil walang balintiyak na pantukoy ang wikang Griego noong unang siglo, nagkaroon ng iba’t ibang opinyon ang ilan hinggil sa talatang ito. Kaya naman napakahalagang malaman ang tungkol sa isang salin ng Bibliya sa wikang sinasalita noong unang mga siglo ng ating Karaniwang Panahon.

Ito ang diyalektong Sahidic ng wikang Coptic, o tinatawag na Sahidic Coptic. Ang wikang Coptic ay ginagamit sa Ehipto nang sumunod na mga siglo pagkatapos ng ministeryo ni Jesus sa lupa, at ang diyalektong Sahidic ay isang sinaunang anyong pampanitikan ng wikang iyon. Tungkol sa pinakaunang mga salin ng Bibliya sa wikang Coptic, ganito ang sinabi ng The Anchor Bible Dictionary: “Yamang isinalin sa wikang Coptic ang [Septuagint] at ang [Kristiyanong Griegong Kasulatan] noong ika-3 siglo C.E., ang salin sa wikang Coptic ay salig sa [mga manuskritong Griego] na di-hamak na mas nauna pa sa karamihan ng umiiral na mga reperensiya.”

May dalawang dahilan kung bakit napakahalagang malaman ang tungkol sa mga tekstong Sahidic Coptic. Una, gaya ng nabanggit na, ipinakikita nito kung ano ang unawa ng mga Kristiyano sa mga turo ng Bibliya bago ang ikaapat na siglo, kung kailan naging opisyal na doktrina ang Trinidad. Ikalawa, ang balarila ng wikang Coptic ay may pagkakatulad sa balarila ng wikang Ingles. Ang naunang mga salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ay sa wikang Syriac, Latin, at Coptic. Ang wikang Syriac at Latin, gaya ng wikang Griego noon, ay walang balintiyak na pantukoy, pero mayroon nito ang wikang Coptic. Karagdagan pa, ganito ang sinabi ng iskolar na si Thomas O. Lambdin sa kaniyang akda na Introduction to Sahidic Coptic: “Ang paggamit ng mga pantukoy sa wikang Coptic, pamanggit at balintiyak, ay katulad na katulad ng paggamit ng mga pantukoy sa wikang Ingles.”

Kung gayon, ang salin sa wikang Coptic ay nagbibigay ng kapansin-pansing ebidensiya hinggil sa unawa noon sa Juan 1:1. Ano ang ebidensiyang iyon? Ang saling Sahidic Coptic ay gumagamit ng balintiyak na pantukoy kasama ng salitang “diyos” sa huling bahagi ng Juan 1:1. Kaya kapag isinalin, ganito ang mababasa: “At ang Salita ay isang diyos.” Maliwanag na alam ng mga sinaunang mga tagapagsalin na ang mga salita ni Juan na nakaulat sa Juan 1:1 ay hindi nangangahulugang si Jesus ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. Ang Salita ay isang diyos, hindi Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.

[Dayagram/Mga Larawan sa pahina 24]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

JUAN 1:1. TEKSTONG SAHIDIC COPTIC; P. CHESTER BEATTY-813; NA MAY SALING INTERLINEAR (Makikita sa unang bilog ang pamanggit na pantukoy at sa ikalawang bilog naman ang balintiyak na pantukoy.)

Nang pasimula ay umiral ang Salita

at ang Salita ay umiral kasama ng

Diyos at isang diyos

ang Salita

[Credit Line]

Reproduced by Permission of the Chester Beatty Library