Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Ano’ng Ginagawa Nila Roon?”

“Ano’ng Ginagawa Nila Roon?”

“Ano’ng Ginagawa Nila Roon?”

IYAN ang tanong ng maraming taong dumaraan sa malaking pasilidad ng mga Saksi ni Jehova sa Lunsod ng Mogale (Krugersdorp), malapit sa Johannesburg, Timog Aprika. Kaya ipinasiya ng mga Saksi na buksan sa publiko ang pasilidad ng sangay sa dalawang espesyal na araw, Oktubre 12 at 13, 2007. Dalawa ang layunin nito​—para matigil ang mga tsismis at para maipakita sa publiko kung ano ang ginagawa ng tanggapang pansangay para suportahan ang gawain na iniutos ni Jesu-Kristo.​—Mateo 28:19, 20.

Ang mga naglilingkod sa tanggapang pansangay ay naglagay ng malalaking karatula sa pasukán para anyayahan ang publiko, at namahagi sila ng espesyal na imbitasyon sa mga naninirahan malapit sa sangay. Inanyayahan din nila ang kanilang katransaksiyong mga negosyante kasama ang kani-kanilang pamilya. Ang resulta? Mahigit 500 di-Saksi ang bumisita sa pasilidad.

Nakatawag-pansin ang MAN Roland Lithoman web-offset press na nakapag-iimprenta ng 90,000 magasin bawat oras. Humanga rin ang mga bisita sa bookbindery, pati na sa malawak na lugar para sa pag-aayos at paghahatid ng mahigit sa 14 na tonelada ng literatura araw-araw. Naghanda ng magagandang displey ang mga Saksi mula sa iba’t ibang departamento, at ang isa rito ay tungkol sa maikling kasaysayan ng paglilimbag gamit ang makina, mula sa Gutenberg hanggang sa modernong paglilimbag na litho-offset. Makikita naman sa isang displey kung paano pinangangalagaan ng sangay ang kapaligiran. Halimbawa, may pantanging aparato na nag-aalis ng nakalalasong gas at amoy mula sa mga dryer ng mga press, at may mga filter na sumasala sa mga alikabok mula sa papel.

Naglathala ng isang artikulo ang isang lokal na pahayagan at sinabi na ang 700 boluntaryong nakatira sa lugar na iyon ay “mga ordenadong ministro na inialay ang kanilang sarili kay Jehova.” Sinabi rin nito na “napakalinis at nasa oras ang lahat ng bagay” sa palimbagan. Bumisita rin ang isang lalaki na salansang sa mga Saksi ni Jehova. Pagkatapos ay sumulat siya: “Binabati ko kayo. Bihirang makasumpong ang isa ng gayon kahusay na organisasyon.”

Tuwang-tuwa ang marami sa pagbisita sa pasilidad at nagulat silang makita na ang sangay ay maraming salig-Bibliyang literatura sa 151 wika at nag-iimprenta ng mga publikasyon para sa 18 bansa sa timog at sentral Aprika. Bukás sa publiko ang pasilidad ng sangay ng mga Saksi ni Jehova sa buong mundo tuwing oras ng trabaho. Bakit hindi mo subukang dumalaw sa sangay sa inyong bansa?

[Larawan sa pahina 14]

Pagdating ng mga bisita sa pasilidad ng sangay

[Larawan sa pahina 14]

Imbitasyon

[Larawan sa pahina 15]

Pasilidad ng sangay sa Lunsod ng Mogale, Timog Aprika

[Larawan sa pahina 15]

MAN Roland Lithoman web-offset press

[Larawan sa pahina 15]

Bookbindery

[Larawan sa pahina 15]

Pag-aayos at paghahatid ng mga literatura