Tanong ng mga Mambabasa
Tinatanggap Ba ng mga Saksi ni Jehova ang Matandang Tipan?
Itinuturing ng mga Saksi ni Jehova ang Bibliya na Salita ng Diyos at pareho nilang tinatanggap ang Matandang Tipan at Bagong Tipan bilang mahahalagang bahagi nito. Gayunman, mas gusto nilang gamitin ang mga angkop na tawag na “Hebreong Kasulatan” at “Kristiyanong Griegong Kasulatan,” yamang Hebreo at Griego ang pangunahin at orihinal na mga wikang ginamit sa pagsulat sa mga ito.
Sa kabilang panig naman, ang ilang nag-aangking Kristiyano ay nag-aatubili na gamitin ang Matandang Tipan. Sinasabi nilang inilalarawan nito ang isang magagaliting Diyos na nagpapahintulot ng mga digmaan, pagpatay, at iba pang mga pagkilos na mahirap isiping gagawin ng isang maibigin at banal na Diyos na inilalarawan naman sa Bagong Tipan. Sinasabi naman ng iba na ang Matandang Tipan ay pangunahin nang tungkol sa relihiyong Judio kaya hindi na iyan mahalaga sa mga Kristiyano. Pero ang kanila bang mga dahilan para hindi tanggapin ang kalakhang bahagi ng Bibliya ay kasuwato ng utos ng Diyos na mababasa sa Deuteronomio 12:32 na huwag daragdagan o babawasan ang kaniyang salita?
Noong mga 50 C.E., nang dalawin ng Kristiyanong apostol na si Pablo ang mga mamamayan ng Tesalonica sa Gresya, “nangatuwiran siya sa kanila mula sa Kasulatan, na ipinaliliwanag at pinatutunayan sa pamamagitan ng mga reperensiya na ang Kristo ay kailangang magdusa at bumangon mula sa mga patay.” (Gawa 17:1-3) Ang ilan sa kaniyang mga tagapakinig ay naging Kristiyano, at nang maglaon ay pinapurihan sila ni Pablo: “Nang tanggapin ninyo ang salita ng Diyos, na inyong narinig mula sa amin, tinanggap ninyo ito, hindi bilang salita ng mga tao, kundi, gaya ng kung ano nga ito sa totoo, bilang ang salita ng Diyos.” (1 Tesalonica 2:13) Noong panahon na siya ay dumalaw roon, malamang na sa 27 aklat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang Ebanghelyo ni Mateo pa lamang ang natapos isulat. Kaya ang “Kasulatan” na ginamit ni Pablo para magpatunay “sa pamamagitan ng mga reperensiya” ay maliwanag na mga teksto mula sa Hebreong Kasulatan.
Sa katunayan, tuwirang sumipi ang mga manunulat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Hebreong Kasulatan ng mga 320 ulit at di-tuwirang sumipi rin ng ilang daang ulit. Bakit? “Sapagkat ang lahat ng bagay na isinulat noong una ay isinulat sa ating ikatututo, upang sa pamamagitan ng ating pagbabata at sa pamamagitan ng kaaliwan mula sa Kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa.” (Roma 15:4) Maliwanag na ipinahihiwatig nito na yaong mga tumatanggap sa buong Bibliya sa ngayon ay talagang nakikinabang nang malaki.
Ang Kristiyanong Griegong Kasulatan ay resulta ng unti-unting pagsisiwalat ng layunin ng Diyos at isinulat salig sa Hebreong Kasulatan. Kaya’t masasabing karugtong ito ng Hebreong Kasulatan at makatuwirang bahagi ng Salita ng Diyos. Hinding-hindi nito pinawawalang-saysay ang Hebreong Kasulatan. Si Herbert H. Farmer, propesor ng teolohiya sa Cambridge University, ay nangatuwiran na ang mga Ebanghelyo ay “hindi maaaring maunawaan kung wala ang kasaysayan ng bayan na nasa ilalim ng [tipang Kautusan] na nakaulat sa Matandang Tipan.”
Hindi kailangang rebisahin ang Salita ng Diyos. Gayunman, “ang landas ng mga matuwid ay tulad ng maningning na liwanag na lumiliwanag nang lumiliwanag hanggang sa ang araw ay malubos.” (Kawikaan 4:18) Sa pamamagitan ng pagdaragdag ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa kanon ng Bibliya, unti-unting naisiwalat ng Diyos kung paano niya tutuparin ang kaniyang layunin nang hindi pinawawalang-saysay ang Hebreong Kasulatan. Lahat ng ito ay bahagi ng “pananalita ni Jehova [na] namamalagi magpakailanman.”—1 Pedro 1:24, 25.