Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nagbabago ba ang Isip ng Diyos?

Nagbabago ba ang Isip ng Diyos?

Nagbabago ba ang Isip ng Diyos?

TUNGKOL sa Diyos, sinasabi ng Bibliya: “Sa kaniya ay wala man lamang pagbabago sa pagbaling ng anino.” At tiniyak mismo ng Diyos: “Ako ay si Jehova; hindi ako nagbabago.” (Santiago 1:17; Malakias 3:6) Ibang-iba nga ang Diyos na Jehova sa mga taong mahirap palugdan at hindi mapagkakatiwalaan dahil pabagu-bago ang kanilang isip!

Pero nagtatanong ang ilang mambabasa ng Bibliya kung nagbabago ba ang isip ng Diyos. Halimbawa, may pagkakataong nagbigay ang Diyos na Jehova sa mga Kristiyano ng kapangyarihang gumawa ng himala, pero hindi na ngayon. Noong sinaunang panahon, pinayagan ng Diyos ang poligamya, ngunit hindi na ngayon. Sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, hiniling ni Jehova na ipangilin ang Sabbath, pero hindi na ngayon. Hindi ba ipinakikita ng mga halimbawang ito na nagbago ang Diyos?

Una sa lahat, makatitiyak tayo na hindi kailanman binabago ng Diyos ang kaniyang pamantayan hinggil sa pag-ibig at katarungan. Hindi rin nagbabago ang kaniyang “walang-hanggang layunin” na pagpalain ang mga tao sa pamamagitan ng kaniyang Kaharian. (Efeso 3:11) Pero kung paanong maaaring magbago ang tingin mo sa isang tao na palaging bumibigo sa iyo, gayon din naman iniaayon ni Jehova ang kaniyang pamamaraan depende sa nagbabagong kalagayan.

Binabago rin ng Diyos ang kaniyang mga tagubilin sa kaniyang bayan ayon sa kanilang kalagayan at pangangailangan. Hindi natin ito dapat ikagulat. Pansinin kung ano ang gagawin ng isang mahusay na tour guide kapag may nakita siyang panganib. Sasabihin niya sa kaniyang grupo na ibang ruta ang daraanan nila na malayo sa panganib. Pero hindi ibig sabihin nito na nagbago ang kaniyang isip at hindi na sila pupunta sa kanilang patutunguhan, ’di ba? Kaya suriin natin ang tatlong nabanggit na halimbawa na nakalilito sa ilan.

Bakit Wala Nang Himala?

Bakit binigyan ng Diyos ng kapangyarihang gumawa ng himala ang ilan sa unang-siglong mga Kristiyano? Marahil alam mo na noong piniling bayan pa ng Diyos ang Israel, madalas ipakita ng Diyos na sumasakanila siya sa pamamagitan ng mga himala. Sa pamamagitan ni Moises, ipinakita ng Diyos ang kaniyang kamangha-manghang kapangyarihan nang iligtas niya ang Israel mula sa Ehipto at inakay sila sa ilang patungo sa Lupang Pangako. Nakalulungkot, paulit-ulit na hindi nanampalataya ang mga Israelita sa Diyos. Nang sa wakas ay itakwil ni Jehova ang Israel at itatag niya ang kongregasyong Kristiyano, binigyan niya ng kapangyarihang gumawa ng mga himala ang mga apostol at ang iba pa. Halimbawa, pinagaling nina apostol Pedro at Juan ang isang lalaking isinilang na pilay, at binuhay-muli ni Pablo ang isang lalaki. (Gawa 3:2-8; 20:9-11) Ang mga himalang ginawa nila ay nakatulong para itatag ang Kristiyanismo sa maraming lupain. Kung gayon, bakit wala nang himala ngayon?

Ipinaliwanag ito ni apostol Pablo sa pamamagitan ng isang ilustrasyon: “Noong ako ay sanggol pa, nagsasalita akong gaya ng sanggol, nag-iisip na gaya ng sanggol, nangangatuwirang gaya ng sanggol; ngunit ngayong ganap na ang aking pagkatao, inalis ko na ang mga ugali ng isang sanggol.” (1 Corinto 13:11) Kung paanong nagbabago ang pakikitungo ng mga magulang sa isang munting bata kapag adulto na ito, binago rin ni Jehova ang pakikitungo niya sa kongregasyong Kristiyano nang hindi na ito isang “sanggol.” Ipinaliwanag ni apostol Pablo na ang makahimalang mga kaloob na iyon gaya ng pagsasalita ng banyagang mga wika o panghuhula ay “maglalaho.”​—1 Corinto 13:8.

Bakit Pinayagan ang Poligamya?

Ipinakita ni Jesus na nagtakda ang Diyos ng pamantayan sa pag-aasawa nang sabihin Niya sa unang mag-asawa: “Iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina at pipisan sa kaniyang asawa, at ang dalawa ay magiging isang laman.” (Mateo 19:5) Ang pag-aasawa ay habang-buhay na pagsasama ng dalawang tao. Pero nang gawin ng Diyos na isang bansa ang Israel at bigyan sila ng Kautusan, karaniwan na ang poligamya. Kaya bagaman hindi ang Diyos ang nagpasimula ng poligamya ni hinimok man niya ang mga tao na gawin ito, nagbigay siya ng mga kautusan para kontrolin ito. Nang maitatag ang kongregasyong Kristiyano, maliwanag na ipinagbawal ng Salita ng Diyos ang poligamya.​—1 Timoteo 3:2.

Pinahihintulutan ng Diyos na Jehova ang ilang bagay hanggang sa dumating ang panahon para ituwid ang mga ito. (Roma 9:22-24) Ipinakita ni Jesus na pansamantalang pinayagan ni Jehova ang pagdidiborsiyo at poligamya bilang ‘pagbibigay-laya’ dahil sa ‘katigasan ng puso’ ng Israel.​—Mateo 19:8; Kawikaan 4:18.

Bakit Pansamantala Lamang ang Pangingilin ng Sabbath?

Itinatag ng Diyos ang pangingilin ng lingguhang Sabbath pagkatapos iligtas ang mga Israelita mula sa Ehipto. Nang maglaon, isinama niya ito sa Kautusang ibinigay niya sa bansang Israel. (Exodo 16:22-30; 20:8-10) Ipinaliwanag ni apostol Pablo na inihandog ni Jesus ang kaniyang sarili bilang hain at “pinawi . . . ang Kautusan ng mga utos na binubuo ng mga tuntunin” at “ang sulat-kamay na dokumento.” (Efeso 2:15; Colosas 2:14) Kasama sa “pinawi” ang kautusan tungkol sa Sabbath, dahil sinabi pa ng Bibliya: “Kung gayon ay huwag kayong hatulan ng sinumang tao sa pagkain at pag-inom o may kinalaman sa kapistahan o sa pangingilin ng bagong buwan o ng isang sabbath.” (Colosas 2:16) Pero bakit ibinigay ng Diyos ang Kautusan, pati na ang Sabbath?

Isinulat ni apostol Pablo: “Ang Kautusan ay naging tagapagturo natin na umaakay tungo kay Kristo.” Saka niya idinagdag: “Ngayong dumating na ang pananampalataya, wala na tayo sa ilalim ng isang tagapagturo.” (Galacia 3:24, 25) Hindi nagbago ang isip ng Diyos, sa halip, ginamit niya ang Sabbath bilang isang pansamantalang kaayusan upang turuan ang mga tao na kailangang regular silang magbulay-bulay sa espirituwal na mga bagay. Bagaman pansamantala lamang ang kautusan ng Sabbath, ipinakikita nito na darating ang panahon na ang mga tao ay magkakaroon ng namamalaging kapahingahan, ibig sabihin, mawawala na ang sakit at pagdurusa at magiging malapít sila sa Diyos.​—Hebreo 4:10; Apocalipsis 21:1-4.

Isang Mapagkakatiwalaan at Maibiging Diyos

Ang tinalakay na mga halimbawa sa Bibliya ay nagpapakitang ang Diyos na Jehova ay nagbigay ng iba’t ibang utos at tagubilin sa iba’t ibang panahon. Pero hindi iyan nangangahulugan na nagbago ang kaniyang isip. Sa halip, kumilos siya ayon sa pangangailangan ng kaniyang bayan sa ilalim ng iba’t ibang kalagayan, at ginawa niya iyon para sa kanilang kapakanan. Ganiyan din sa ngayon.

Dahil hindi nagbabago ang mga pamantayan ni Jehova, nalalaman natin kung ano ang dapat nating gawin upang palugdan siya. Bukod diyan, makatitiyak tayo na matutupad ang lahat ng ipinangako ng Diyos. Sinasabi ni Jehova: “Ang lahat ng aking kinalulugdan ay gagawin ko . . . Inanyuan ko iyon, gagawin ko rin naman.”​—Isaias 46:10, 11.

[Blurb sa pahina 21]

Hindi kailanman binabago ng Diyos ang kaniyang pamantayan hinggil sa pag-ibig at katarungan

[Blurb sa pahina 22]

Ipinaliwanag ni Pablo na darating ang panahon na “maglalaho” ang makahimalang mga kaloob

[Blurb sa pahina 23]

Ang pag-aasawa ay habang-buhay na pagsasama ng dalawang tao