Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

3. Tanggapin ang Tulong ng Iba

3. Tanggapin ang Tulong ng Iba

Kung Paano Mo Maiintindihan ang Bibliya

3. Tanggapin ang Tulong ng Iba

Nang lakbayin ng manggagalugad na si Edward John Eyre ang tiwangwang na Nullarbor Plain, tinuruan siya ng mga katutubo kung paano kumuha ng tubig sa mga burol ng buhangin at sa mga puno ng eukalipto. Dahil tinanggap niya ang tulong mula sa mga pamilyar sa lupain, nailigtas ni Eyre ang kaniyang buhay.

GAYA ng ipinakikita ng halimbawang ito, kadalasang kailangan ang tulong mula sa iba para magtagumpay sa isang mahirap na gawain. Ganiyan din kapag nagbabasa ka ng Bibliya.

Hindi umaasa si Jesus na maiintindihan ng kaniyang mga tagasunod ang Bibliya nang walang tulong ng iba. Minsan, “lubusan niyang binuksan ang kanilang mga pag-iisip upang maintindihan ang kahulugan ng Kasulatan.” (Lucas 24:45) Alam ni Jesus na kailangan ng tulong ng mga mambabasa ng Bibliya upang maintindihan nila ang itinuturo ng Kasulatan.

Sino ang Tutulong?

Inatasan ni Jesus ang kaniyang tunay na mga tagasunod na tumulong. Bago siya umakyat sa langit, nag-utos si Jesus: “Kaya humayo kayo at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, . . . na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo.” (Mateo 28:19, 20) Isa sa pangunahing gawain ng mga Kristiyano ang pagtuturo, at kasali rito ang pagpapaliwanag kung paano ikakapit ang mga simulain ng Bibliya sa araw-araw na pamumuhay. Tinutulungan ng mga tunay na Kristiyano ang iba na maintindihan ang Bibliya.

Hindi pa natatagalan matapos ibigay ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod ang atas na iyon, isang kawili-wiling bagay ang nangyari. Sinasabi ng Bibliya ang tungkol sa isang opisyal ng reyna sa Etiopia na nagbabasa ng isang bahagi ng hula ni Isaias. Nalito siya sa nabasa niyang mga talata: “Gaya ng isang tupa ay dinala siya sa patayan, at gaya ng isang kordero na walang imik sa harap ng manggugupit nito, gayon niya hindi ibinubuka ang kaniyang bibig. Sa panahon ng kaniyang pagkaaba ay inalis sa kaniya ang kahatulan. Sino ang magsasabi ng mga detalye ng kaniyang salinlahi? Sapagkat ang kaniyang buhay ay inalis mula sa lupa.”​—Gawa 8:32, 33; Isaias 53:7, 8.

Tinanong ng opisyal si Felipe, isang makaranasang Kristiyano na bihasa sa Kasulatan: “Tungkol kanino ito sinasabi ng propeta? Tungkol sa kaniyang sarili o tungkol sa iba pang tao?” (Gawa 8:34) Ang taimtim na Etiope ay galing na sa Jerusalem upang sumamba, at malamang na nanalangin siya para sa patnubay. Lumilitaw, may-pananabik siyang nagbabasa taglay ang kapakumbabaan. Pero hindi pa rin niya maintindihan ang talatang iyon. Kaya mapagpakumbaba siyang humingi ng tulong kay Felipe. Tuwang-tuwa ang lalaki sa paliwanag ni Felipe anupat napakilos siyang maging Kristiyano.​—Gawa 8:35-39.

Gaya ni Felipe at ng iba pang sinaunang mga Kristiyano, ganiyan din ang ginagawa ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon. Sa mahigit na 235 lupain, kusang tinutulungan ng mga Saksi ang iba na maintindihan kung ano talaga ang itinuturo ng Bibliya. Nagtuturo sila ng Kasulatan ayon sa paksa anupat sinusuri kung ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol dito. *​—Tingnan ang kahong  “Kasiya-siyang Sagot sa mga Tanong Tungkol sa Bibliya.”

‘Nasagot ang Lahat ng Tanong Ko’

Sina Steven, Valvanera, at Jo-Anne, na binanggit sa unang artikulo, ay nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. “Hindi ako makapaniwala na naroon lang pala sa Bibliya ang sagot, kailangan ko lang ihambing ang ilang simulain o ulat ng Bibliya,” ang sabi ni Steven. “Noong hindi pa ako nag-aaral ng Bibliya, walang nagturo nito sa akin. Mabuti na lang at nalaman kong ang Bibliya ay nagbibigay ng kasiya-siyang sagot at wala itong pagkakasalungatan.”

Sang-ayon dito si Valvanera. “Lahat ng natutuhan ko sa mga Saksi ay malinaw at makatuwiran,” ang sabi niya. “Natutuhan ko na hindi ko kailangang paniwalaan ang mga bagay dahil lamang sa iyon ang itinuro ng ‘Simbahan,’ kundi dahil may makatuwirang paliwanag sa mga ito.” Ganito naman ang sinabi ni Jo-Anne: “Dahil nasagot ng Bibliya ang lahat ng tanong ko, tumindi ang aking pagpipitagan sa Awtor nito dahil patiuna niyang ipinasulat sa Bibliya ang sagot sa lahat ng katanungan na maaaring bumangon sa isip ng mga tao.”

May kilala ka bang Saksi ni Jehova? Bakit hindi mo hilingin sa kaniya na ipakita sa iyo kung paano mag-aaral ng Bibliya? Kung wala kang kilalang Saksi ni Jehova, pakisuyong sumulat sa isa sa mga adres na nasa pahina 4 ng magasing ito. Taglay ang bukás na isip, at sa tulong ng banal na espiritu ng Diyos at ng isang kuwalipikadong tagapagturo ng Bibliya, maaari mong maintindihan ang Bibliya!

[Talababa]

^ par. 10 Ang aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova ay nakatulong sa marami na pag-aralan ang Kasulatan ayon sa paksa.

[Kahon/Larawan sa pahina 8]

 Kasiya-siyang Sagot sa mga Tanong Tungkol sa Bibliya

Ilan sa mga paksang tinatalakay ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang programa ng pag-aaral sa Bibliya:

• Ano ang layunin ng Diyos para sa lupa?

• Nasaan ang mga patay?

• Nabubuhay na ba tayo sa “mga huling araw”?

• Bakit kaya pinahihintulutan ng Diyos ang pagdurusa?

• Paano magiging maligaya ang aking buhay pampamilya?

[Mga larawan sa pahina 7]

Upang maintindihan ang Bibliya . . . hingin ang tulong ng espiritu ng Diyos sa panalangin, basahin ito taglay ang bukás na isip, at tanggapin ang tulong ng iba