Ang Apostolic Fathers—Talaga Bang Kaayon ng mga Apostol?
Ang Apostolic Fathers—Talaga Bang Kaayon ng mga Apostol?
SA PASIMULA ng ikalawang siglo C.E., ang malinaw na mga turo ni Kristo ay dinumhan ng mga huwad na turo. Gaya ng inihula sa Bibliya, pagkamatay ng mga apostol, iniwan ng ilan ang katotohanan at naniwala sa “mga alamat.” (2 Timoteo 4:3, 4, Magandang Balita Biblia) Noong mga 98 C.E., nagbabala si Juan, ang huling nabubuhay na apostol, tungkol sa gayong maling mga turo at sa mga tao na “nagsisikap na magligaw” sa tapat na mga Kristiyano.—1 Juan 2:26; 4:1, 6.
Di-nagtagal, lumitaw ang mga lalaking nakilala bilang Apostolic Fathers. Ano ang naging reaksiyon nila sa itinuturong mga kasinungalingan tungkol sa Bibliya? Sinunod ba nila ang babala ng Diyos sa pamamagitan ni apostol Juan?
Sino Sila?
Ang pananalitang “Apostolic Fathers” ay tumutukoy sa mga manunulat ng relihiyon na maaaring nakakakilala sa isa sa mga apostol ni Jesus o naturuan ng mga alagad na natuto mula sa mga apostol. Karaniwan na, ang mga ito ay nabuhay noong mga huling taon ng unang siglo C.E. hanggang sa kalagitnaan ng ikalawang siglo. * Kabilang sa kanila si Clemente ng Roma, Ignatius ng Antioquia, Papias ng Hierapolis, at Polycarp ng Smirna. Nang panahon ding iyon, may mga di-kilalang awtor na sumulat ng mga akdang kilala bilang The Didache, ang Epistle of Barnabas, Martyrdom of Polycarp, at ang ikalawang liham ni Clemente.
Sa ngayon, mahirap ihambing ang pagkakatulad ng mga turo ng Apostolic Fathers sa mga turo ni Jesus. Tiyak na layunin ng mga lalaking ito na ingatan o itaguyod ang isang uri ng Kristiyanismo. Hinahatulan nila ang idolatriya at kahalayan sa moral. Naniniwala sila na si Jesus ang Anak ng Diyos at na siya ay binuhay-muli. Pero hindi nila nahadlangan ang pagpasok ng apostasya. Sa halip, ang ilan sa kanila ay nagdagdag pa nga ng maling turo.
Hindi Mahalagang mga Pagbabago?
Ang ilang turo ng sinaunang “Kristiyano” ay malayung-malayo na sa mga turo ni Kristo at ng kaniyang mga apostol. Halimbawa, sinabi ng awtor ng The Didache na ipasa muna ang alak bago ang tinapay, na salungat sa ginawa ni Jesus nang pasimulan niya ang Hapunan ng Panginoon, na kilala ring Huling Hapunan. (Mateo 26:26, 27) Sinabi rin ng awtor na ito na kung walang dakong may tubig para ilubog ang babautismuhan, puwede na rin ang pagbubuhos ng tubig sa ulo nito. (Marcos 1:9, 10; Gawa 8:36, 38) Hinimok din ng akdang iyon ang mga Kristiyano na gawin ang mga ritwal na gaya ng sapilitang pag-aayuno dalawang beses sa isang linggo at ang pagdarasal ng Ama Namin tatlong beses sa isang araw.—Mateo 6:5-13; Lucas 18:12.
Itinuro naman ni Ignatius na dapat magkaroon ng bagong organisasyon ang kongregasyong Kristiyano, at iisang obispo lamang ang mangangasiwa “bilang kinatawan ng Diyos.” Ang obispong ito ang mamamahala sa mga pari. Dahil sa mga bagong ideyang ito, nadagdagan pa ang mga turong wala sa Bibliya.—Mateo 23:8, 9.
Pagpapalabis, Pagiging Martir, at Idolatriya
Dahil sa pagpapalabis, lalong lumayo sa katotohanan ang ilan sa Apostolic Fathers. Dahil uhaw sa katotohanan si Papias, sumangguni siya sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Kasabay nito, naniniwala siya na sa inihulang Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo, ang mga punong ubas ay magkakaroon ng 10,000 sanga, na ang bawat isa ay may 10,000 maliliit na sanga, na ang bawat isa’y may 10,000 supang, na ang bawat supang ay may 10,000 kumpol, na ang bawat isa ay may 10,000 ubas, at ang bawat ubas ay katumbas ng 1,000 litro ng alak.
Mamatamisin pa ni Polycarp na mamatay bilang isang martir kaysa itatwa ang kaniyang pananampalatayang Kristiyano. Iniulat na naturuan siya ng mga apostol at ng iba pa na
nakakakilala kay Jesus. Sumipi siya sa Bibliya, at lumilitaw na sinikap niyang mamuhay ayon sa mga simulaing Kristiyano.Pero ang debosyon ng ilan kay Polycarp ay nauwi sa idolatriya. Sinasabi sa Martyrdom of Polycarp na pagkamatay niya, gustong kunin ng mga “tapat” ang kaniyang labí. Itinuturing nilang “mas mahalaga pa sa mamahaling hiyas, at mas dalisay pa sa ginto” ang kaniyang mga buto. Maliwanag, nadagdagan na naman ang huwad na mga turo.
Apokripal na mga Aklat
Tinanggap ng ilang Apostolic Fathers ang apokripal na mga aklat na para bang ang mga ito ay mula sa Diyos. Halimbawa, binanggit ni Clemente ng Roma ang apokripal na mga aklat na Wisdom at Judith. Binabanggit ng manunulat ng The Epistle of Polycarp ang Tobit upang maging kapani-paniwala ang ideya na ang pagbibigay ng donasyon sa mga kawanggawa ay makapagliligtas sa buhay ng isa.
Noong ikalawang siglo C.E., may mga huwad na ebanghelyo na nagpalaganap ng maling mga ulat tungkol sa buhay ni Jesus. Tinanggap ito ng mga Apostolic Fathers at madalas pa nga nilang sipiin ang mga ito. Halimbawa, sumipi si Ignatius sa tinatawag na Gospel of the Hebrews. At tungkol kay Clemente ng Roma, isang reperensiya ang nagsasabi: “Waring nakilala ni Clemente si Kristo, hindi sa pamamagitan ng mga Ebanghelyo, kundi sa pamamagitan ng apokripal na mga aklat.”
Dumagsa ang Maling mga Turo
Sa paggamit ng mga alamat, mahiwagang mga ideya, at pilosopiya para ipaliwanag ang pananampalatayang Kristiyano, dumagsa ang maling mga turo. Halimbawa, binanggit ni Clemente ang alamat ng phoenix bilang katibayan ng pagkabuhay-muli. Ayon sa alamat, ang phoenix ay isang ibon na nabuhay-muli mula sa mga abo nito at sa mitolohiya ng mga Ehipsiyo, iniuugnay ito sa pagsamba sa araw.
Ang isa pang manunulat na humamak at pumilipit sa katotohanan mula sa Bibliya ay ang awtor ng Epistle of Barnabas. Itinuro niya na ang Kautusang Mosaiko ay isa lamang talinghaga. Ayon sa kaniya, ang malilinis na hayop—ngumunguya ng dating kinain at may hati ang kuko—ay kumakatawan sa mga taong nagbubulay-bulay sa Salita ng Diyos. Ang hati sa kuko, ayon sa manunulat, ay kumakatawan sa taong matuwid na “namumuhay sa daigdig na ito” pero umaasang mabuhay sa langit. Ang mga interpretasyong iyon ay hindi salig sa Kasulatan.—Levitico 11:1-3.
Ang Patotoo ni Apostol Juan
Noong unang siglo, nagbabala si apostol Juan: “Mga minamahal, huwag ninyong paniwalaan ang bawat kinasihang kapahayagan, kundi subukin ang mga kinasihang kapahayagan upang makita kung ang mga ito ay nagmumula sa Diyos, sapagkat maraming bulaang propeta ang humayo sa sanlibutan.” (1 Juan 4:1) Pagkaangkup-angkop nga ng mga salitang ito!
Sa pagtatapos ng unang siglo, iniwan na ng maraming nag-aangking Kristiyano ang mga turo ni Jesus at ng kaniyang mga apostol. Sa halip na tanggihan ang dumaraming maling turo, dinagdagan pa ito ng Apostolic Fathers. Dinumhan nila ng maling mga turo ang malinis na turo ng katotohanan. Ganito ang sinabi ni apostol Juan tungkol sa gayong mga tao: “Ang bawat isa na nagpapauna at hindi nananatili sa turo ng Kristo ay hindi kinaroroonan ng Diyos.” (2 Juan 9) Sa lahat ng taimtim na naghahanap ng katotohanan mula sa Kasulatan, ang babalang ito mula sa Diyos ay napakalinaw—at mananatiling gayon.
[Talababa]
^ par. 5 Ang mga manunulat, teologo, at mga pilosopo na karaniwang tinatawag na mga Ama ng Simbahan ay nabuhay sa pagitan ng ikalawa at ikalimang siglo C.E.
[Blurb sa pahina 29]
Ang ilang Apostolic Fathers, kabilang na si Clemente, ay bumanggit ng alamat, mahiwagang mga ideya, at pilosopiya sa kanilang mga akda
[Larawan sa pahina 28]
Mamatamisin pa ni Polycarp na mamatay bilang isang martir
[Credit Line]
The Granger Collection, New York