Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagdalaw sa Isang Kahanga-hangang Palimbagan

Pagdalaw sa Isang Kahanga-hangang Palimbagan

Pagdalaw sa Isang Kahanga-hangang Palimbagan

MARAHIL nakabasa ka na ng mga magasing Ang Bantayan at Gumising! Maaaring may mga Saksi ni Jehova na dumalaw sa iyong tahanan at binigyan ka nito upang tulungan kang maunawaan nang higit ang Bibliya. O maaaring nakita mo ang mga Saksi na nag-aalok ng gayong literatura sa Bibliya sa mga lansangan o sa palengke sa inyong lugar. Sa katunayan, mahigit 35 milyong kopya ng magasing ito ang naipamamahagi buwan-buwan, kaya ito ang magasin tungkol sa relihiyon na may pinakamalawak na sirkulasyon sa buong daigdig.

Pero saan kaya at paano ginagawa ang lahat ng literaturang ito? Upang malaman mo, dalawin natin ang isa lamang sa maraming palimbagan ng mga Saksi ni Jehova sa iba’t ibang lupain​—ang nasa Wallkill, New York, E.U.A. Maaaring mahirap para sa marami naming mambabasa sa buong daigdig na dumalaw sa palimbagan ng mga Saksi ni Jehova sa Estados Unidos, kaya tutulungan ka ng mga salita at mga larawan sa artikulong ito na matuto nang higit tungkol sa palimbagan.

Paano ba nagsisimula ang paglilimbag? Ang materyal na ililimbag ay tinatanggap ng Graphics Department sa pamamagitan ng electronic file mula sa Writing Department sa Brooklyn, New York. Ang mga file na ito ay ginagamit sa paggawa ng mga printing plate. Sa Wallkill, mga 1,400 rolyo ng inorder na papel ang dumarating sa palimbagan buwan-buwan. Mga 70 hanggang 90 metriko toneladang papel ang nagagamit araw-araw. Ang mga rolyong ito​—ang ilan ay tumitimbang ng mahigit 1,300 kilo​—ang ginagamit sa limang palimbagang web-offset, kung saan inilalagay ang mga printing plate. Ang papel ay iniimprenta, pinuputol, at tinutupi para maging isang signature na may 32 pahina. Ang magasing ito na binabasa mo ngayon ay tinatawag na isang signature. Paano naman ginagawa ang mga aklat? Sa bindery, ang mga signature ay magkakasamang tinatahi upang maging mga aklat. Ang isa sa dalawang makina sa bindery ay nakagagawa sa loob lamang ng isang araw ng 50,000 aklat na may matigas na pabalat o 75,000 aklat na may malambot na pabalat. Ang isa pang makina ay nakagagawa naman sa isang araw ng mga 100,000 aklat na may malambot na pabalat.

Noong 2008, ang palimbagang ito ay nakagawa ng mahigit 28,000,000 aklat, mahigit 2.6 milyon nito ay Bibliya. Noong taon ding iyon, 243,317,564 na magasin ang nailimbag. Sa palimbagan, mayroong gayong mga literatura sa Bibliya sa mga 380 wika. Kapag nalimbag na ang mga literatura, ano ang susunod na nangyayari?

Ang palimbagan ay tumatanggap ng mga order ng literatura mula sa 12,754 na kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Estados Unidos at 1,369 sa Caribbean at Hawaii. Ikinakahon ng Shipping Department ang lahat ng literaturang inorder at inihahatid ang mga ito sa angkop na mga adres. Mga 14 na milyong kilo ng literatura ang ipinadadala sa mga kongregasyon sa Estados Unidos bawat taon.

Gayunman, ang pinakamahalagang bahagi ng palimbagang ito ay hindi ang mga makina kundi ang mga tao. Mahigit 300 ang nagtatrabaho sa mga departamento sa palimbagan​—Graphics, Scheduling, Pressroom, Bindery, at Shipping. Ang mga manggagawa​—na mga boluntaryo​—ay edad 19 hanggang 92.

Talagang interesado sila sa mga tao​—mga indibiduwal na sabik tumanggap ng mga literaturang ito at maturuan, mapatibay-loob, at magabayan ng mga simulain sa Bibliya na tinatalakay rito. Inaasahan namin na isa ka sa mga mambabasang iyon at na ang mga literaturang inililimbag dito ay tutulong sa iyo na patuloy na kumuha ng kaalaman tungkol sa Diyos na Jehova at kay Jesu-Kristo, na nangangahulugan ng buhay na walang hanggan.​—Juan 17:3.

[Mga larawan sa pahina 16]

[Buong-pahinang larawan sa pahina 17]