Tanong ng mga Mambabasa
Sang-ayon Ba ang Diyos sa Poligamya?
Hindi; ang pamantayang itinakda ng Diyos sa Eden para sa unang mag-asawa ay monogamya o ang pagkakaroon ng isa lamang asawa. Binanggit ni Jesu-Kristo na dapat ding sundin ng kaniyang mga tagasunod ang pamantayang ito.—Genesis 2:18-24; Mateo 19:4-6.
Hindi ba’t maraming asawa ang mga lalaki noong bago ang panahong Kristiyano gaya nina Abraham, Jacob, David, at Solomon? Oo, pero ano ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa gayong kaayusan? Ipinakikita nito na nagkaroon ng di-pagkakasundo sa loob ng sambahayan nina Abraham at Jacob dahil sa poligamya o pagkakaroon ng maraming asawa. (Genesis 16:1-4; 29:18–30:24) Nang maglaon, kasama sa Kautusan ng Diyos ang tagubiling ito sa mga hari: “Huwag . . . siyang magpaparami ng mga asawa para sa kaniyang sarili, upang ang kaniyang puso ay hindi malihis.” (Deuteronomio 17:15, 17) Hindi sinunod ni Solomon ang utos na iyan nang mag-asawa siya ng mahigit 700 babae! Nakalulungkot, ang puso ni Solomon ay lumihis nga mula kay Jehova dahil sa masamang impluwensiya ng kaniyang mga asawa. (1 Hari 11:1-4) Maliwanag na sa Bibliya, hindi maganda ang paglalarawan sa poligamya.
Pero baka iniisip pa rin ng ilan kung bakit pinahintulutan noon ng Diyos sa kaniyang bayan ang pagkakaroon ng maraming asawa. Isaalang-alang ito: May gamit ka ba sa bahay na hindi mo pa inaalis kahit na alam mong kailangan na itong palitan, dahil marahil iniisip mong hindi praktikal na alisin mo ito ngayon? Sabihin pa, ang lakad at kaisipan ng Diyos ay mas mataas kaysa sa atin. (Isaias 55:8, 9) Pero maaari nating maunawaan ang ilang praktikal na dahilan kung bakit niya pinahintulutan noon ang poligamya.
Tandaan na sa Eden, ipinangako ni Jehova na isang “binhi” ang sa dakong huli’y lilipol kay Satanas. Nang maglaon, sinabi Niya kay Abraham na siya ay magiging ama ng isang malaking bansa at na ang ipinangakong Binhi ay manggagaling sa kaniyang angkan. (Genesis 3:15; 22:18) Determinado si Satanas na hadlangan ang pagdating ng Binhing iyon. Kaya desidido siyang lipulin ang sinaunang bansang Israel. Madalas niyang tuksuhin ang Israel na magkasala para maiwala ng bansa ang pabor at proteksiyon ng Diyos.
Upang tulungan ang Israel na labanan ang mga pakana ni Satanas, paulit-ulit na nagpadala si Jehova ng mga propeta para babalaan ang kaniyang bayan kapag lumilihis sila mula sa kaniyang matuwid na mga pamantayan. Pero patiuna na niyang alam na madalas silang susuway maging sa pinakasimpleng utos, gaya ng hinggil sa idolatriya. (Exodo 32:9) Kung nahihirapan na nga silang sundin ang isang napakasimpleng utos, paano pa kaya ang utos tungkol sa poligamya? Dahil lubusang nauunawaan ni Jehova ang likas na paggawi ng tao, nakita niya na hindi pa iyon ang panahon para ipagbawal ang poligamya na matagal nang ginagawa ng mga tao noong mga panahong iyon. Kung ipinagbawal niya ito noon, magiging napakadali para kay Satanas na tuksuhing magkasala ang mga Israelita.
May iba pang kapakinabangan ang pansamantalang pagpapahintulot ng Diyos sa poligamya. Nakatulong ito sa mabilis na pagdami ng mga Israelita. Ang pagdami ng mga Israelita ay nakatulong para matiyak na hindi mauubos ang lahi nila hanggang sa pagdating ng Mesiyas. Maaaring nakatulong din sa paanuman ang poligamya sa ilang babae, anupat mayroon silang sambahayan na kakalinga sa kanila sa panahon ng pangangailangan.
Pero tandaan na hindi si Jehova ang nagpasimula ng gawaing ito. Pansamantala niya itong pinahintulutan, pero kasabay nito’y nagbigay siya ng mga kautusan para hindi ito abusuhin. (Exodo 21:10, 11; Deuteronomio 21:15-17) Nang ipagbawal ni Jehova sa kaniyang mga mananamba ang poligamya, ginamit niya ang kaniyang sariling Anak para muling banggitin ang pamantayan ng pag-aasawa na itinakda Niya sa Eden. Kaya ipinagbawal ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod ang poligamya. (Marcos 10:8) Sa gayon, lalong naging maliwanag ang katotohanang ito: Ang Kautusan ni Moises ay mabuti noong panahon nito, pero ang “kautusan ng Kristo” ay mas mabuti.—Galacia 6:2.