Kung Ano ang Matututuhan Natin Mula kay Jesus
Hinggil sa Kinabukasan ng mga Tao
Ipinangako ba ni Jesus ang buhay sa langit?
Oo, ipinangako niya! Si Jesus mismo ay binuhay-muli, at umakyat sa langit para makasama ang kaniyang Ama. Pero bago siya mamatay at buhaying muli, ganito ang sinabi niya sa kaniyang 11 tapat na apostol: “Sa bahay ng aking Ama ay maraming tirahan. . . . Paroroon ako upang maghanda ng dako para sa inyo.” (Juan 14:2) Gayunman, iilan lamang ang tatanggap ng pribilehiyong ito. Nilinaw ito ni Jesus nang sabihin niya sa kaniyang mga alagad: “Huwag kang matakot, munting kawan, sapagkat sinang-ayunan ng inyong Ama na ibigay sa inyo ang kaharian.”—Lucas 12:32.
Ano ang gagawin ng “munting kawan” sa langit?
Gusto ng Ama na ang maliit na grupong ito ay maging bahagi ng gobyerno sa langit kasama ni Jesus. Paano natin nalaman? Matapos buhaying muli si Jesus, isiniwalat niya kay apostol Juan na may ilang tapat na ‘mamamahala bilang hari sa ibabaw ng lupa.’ (Apocalipsis 1:1; 5:9, 10) Mabuting balita ito. Isa sa mga pangunahing kailangan ng tao ay mabuting gobyerno. Ano ang gagawin ng gobyernong ito na pamamahalaan ni Jesus? Sinabi ni Jesus: “Sa muling-paglalang, kapag ang Anak ng tao ay umupo sa kaniyang maluwalhating trono, kayo na sumunod sa akin ay uupo rin mismo sa labindalawang trono.” (Mateo 19:28) Sa pamamahala ni Jesus at ng kaniyang mga tagasunod, magkakaroon ng “muling-paglalang,” o pagsasauli, ng sakdal na mga kalagayan na tinamasa sa lupa ng unang mag-asawa bago sila nagkasala.
Anong pag-asa ang inilaan ni Jesus sa iba pa?
Ang tao ay nilalang para mabuhay sa lupa, di-gaya ni Jesus na nilalang para mabuhay sa langit. (Awit 115:16) Kaya sinabi ni Jesus: “Kayo ay mula sa mga dakong ibaba; ako ay mula sa mga dakong itaas.” (Juan 8:23) Binanggit ni Jesus ang isang kamangha-manghang kinabukasan para sa mga tao sa lupa. Minsan, sinabi niya: “Maligaya ang mga mahinahong-loob, yamang mamanahin nila ang lupa.” (Mateo 5:5) Tinutukoy niya ang binabanggit ng kinasihang awit: “Ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa, at makasusumpong nga sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan. Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.”—Awit 37:11, 29.
Kaya hindi lamang ang “munting kawan” na pupunta sa langit ang tatanggap ng buhay na walang hanggan. Binanggit din ni Jesus ang pag-asa na bukás sa lahat ng tao. Sinabi niya: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”—Juan 3:16.
Paano aalisin ng Diyos ang pagdurusa ng tao?
Binanggit ni Jesus ang kaginhawahan mula sa dalawang pinagmumulan ng paniniil, nang sabihin niya: “Ngayon ay may paghatol sa sanlibutang ito; ngayon ay palalayasin ang tagapamahala ng sanlibutang ito.” (Juan 12:31) Una, hahatulan at pupuksain ang mga taong di-makadiyos na nagdudulot ng pagdurusa. Ikalawa, palalayasin si Satanas at hindi na niya maililigaw ang sangkatauhan.
Kumusta naman ang mga taong nabuhay at namatay nang hindi nakaalam tungkol sa Diyos at kay Kristo kung kaya hindi nanampalataya sa kanila? Sinabi ni Jesus sa isang manggagawa ng kasamaan na namatay sa Kaniyang tabi: “Makakasama kita sa Paraiso.” (Lucas 23:43) Ang taong iyon, kasama ng milyun-milyong iba pa, ay bibigyan ng pagkakataong matuto tungkol sa Diyos kapag binuhay siyang muli ni Jesus sa paraisong lupa. Magkakaroon siya ng pagkakataon na mapabilang sa maaamo at mga matuwid na tatanggap ng buhay na walang hanggan sa lupa.—Gawa 24:15.
Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang kabanata 3 at 7 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? *
[Talababa]
^ par. 13 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Larawan sa pahina 23]
“Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.”—Awit 37:29