Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Banal na Espiritu—Isang Puwersang Kailangan Mo sa Iyong Buhay

Ang Banal na Espiritu—Isang Puwersang Kailangan Mo sa Iyong Buhay

Ang Banal na Espiritu​—Isang Puwersang Kailangan Mo sa Iyong Buhay

“HUWAG mo akong itaboy mula sa iyong harapan; at ang iyong banal na espiritu ay huwag mo sanang alisin sa akin.” (Awit 51:11) Ito ang marubdob na panalangin ni Haring David nang makagawa siya ng malaking pagkakasala.

Madalas maranasan ni David sa kaniyang buhay ang kapangyarihan ng banal na espiritu. Nang tin-edyer pa siya, natalo niya si Goliat​—isang sundalong mahirap talunin​—sa tulong ng banal na espiritu. (1 Samuel 17:45-50) Tinulungan din siya nito na isulat ang ilan sa pinakamagagandang awit na nakatha kailanman. “Ang espiritu ni Jehova ang nagsalita sa pamamagitan ko, at ang kaniyang salita ay nasa aking dila,” ang sabi ni David.​—2 Samuel 23:2.

Pinatunayan mismo ni Jesu-Kristo ang naging papel ng banal na espiritu sa buhay ni David. Noong minsan, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagapakinig: “Sa pamamagitan ng banal na espiritu ay sinabi mismo ni David, ‘Sinabi ni Jehova sa aking Panginoon: “Umupo ka sa aking kanan hanggang sa ilagay ko ang iyong mga kaaway sa ilalim ng iyong mga paa.”’” (Marcos 12:36; Awit 110:1) Alam ni Jesus na nang isulat ni David ang kaniyang mga awit, ginabayan siya ng banal na espiritu. Maaari din ba tayong tulungan ng banal na espiritung iyan?

“Patuloy na Humingi, at Ibibigay Ito sa Inyo”

Maaaring hindi ka susulat ng awit, pero baka mapaharap ka naman sa mga hamon na nakasisira ng loob at kasinlaki ni Goliat. Tingnan ang halimbawa ni Isabel. * Ipinagpalit siya ng kaniyang asawa sa mas batang babae. Iniwan siyang baon sa utang, at hindi nagbigay ng suporta para sa kaniyang dalawang anak na babae. “Pinagtaksilan ako at hinamak,” ang sabi niya. “Gayunpaman, mula nang iwan niya ako, nadama kong tinulungan ako ng banal na espiritu ng Diyos.”

Inaasahan ba ni Isabel na basta na lamang siya tatanggap ng banal na espiritu? Hindi, araw-araw siyang nagsumamo sa Diyos ukol sa banal na espiritu. Alam niyang kailangan niya ang tulong mula sa Diyos upang lakas-loob na maharap ang kaniyang kalagayan, wastong mapangalagaan ang kaniyang mga anak, at maibalik ang kaniyang tiwala sa sarili. Sinunod niya ang sinabi ni Jesus: “Patuloy na humingi, at ibibigay ito sa inyo; patuloy na maghanap, at kayo ay makasusumpong; patuloy na kumatok, at bubuksan ito sa inyo.”​—Mateo 7:7.

Nadama ni Roberto na kailangan din niya ang espiritu ng Diyos sa ibang kadahilanan. Naging sugapa siya sa sigarilyo at droga. Dalawang taon din niyang pinaglabanan ang bisyong iyon, kahit na ilang ulit siyang natuksong gawin ito. “Kapag huminto ka sa paggamit ng droga, balisa ka at hindi mapakali,” ang sabi ni Roberto. “Araw-araw na hinanap ng katawan ko ang droga.”

Sinabi pa ni Roberto: “Pero desidido akong magbago para maging katanggap-tanggap sa Diyos ang aking paglilingkod. Pinunô ko ang aking isipan ng mga positibong bagay mula sa Bibliya. Taimtim akong nagsumamo sa Diyos araw-araw na bigyan niya ako ng lakas para maituwid ang aking landas. Alam kong hindi ko ito magagawa nang mag-isa. At nadama kong sinagot ni Jehova ang aking mga panalangin, lalo na noong nasisiraan ako ng loob dahil natutukso akong bumalik sa aking bisyo. Naniniwala akong muli akong pinalalakas ng banal na espiritu ng Diyos. Hindi ko madaraig ang aking bisyo kung wala ang tulong ng kaniyang espiritu.”​—Filipos 4:6-8.

“Paiilanlang na May mga Pakpak na Gaya ng mga Agila”

Gaya nina Isabel at Roberto, naranasan ng milyun-milyong Saksi ni Jehova ang tulong ng banal na espiritu sa kanilang buhay. Maaasahan mo ang tulong ng aktibong puwersa ni Jehova​—ang puwersang ginamit niya sa paglalang ng uniberso. Gustung-gusto ng Diyos na ipagkaloob sa iyo ang kaniyang espiritu kung taimtim mo itong hihilingin. Ngunit upang matanggap ang espiritung iyon, kailangan mong alamin ang katotohanan tungkol sa kaniya at sisikaping gawin ang kaniyang kalooban.​—Isaias 55:6; Hebreo 11:6.

Sa tulong ng banal na espiritu maaari kang magkaroon ng lakas na kailangan mo upang matagumpay na mapaglingkuran ang Diyos at maharap ang anumang problema na maaaring bumangon sa iyong buhay. Tinitiyak sa atin ng Bibliya: “[Si Jehova] ay nagbibigay ng lakas sa pagod; at ang isa na walang dinamikong lakas ay pinasasagana niya sa lubos na kalakasan. . . . Yaong mga umaasa kay Jehova ay magpapanibagong-lakas. Sila ay paiilanlang na may mga pakpak na gaya ng mga agila. Sila ay tatakbo at hindi manlulupaypay; sila ay lalakad at hindi mapapagod.”​—Isaias 40:28-31.

[Talababa]

^ par. 6 Binago ang ilang pangalan.

[Blurb sa pahina 8]

“Taimtim akong nagsumamo sa Diyos araw-araw na bigyan niya ako ng lakas para maituwid ang aking landas. Alam kong hindi ko ito magagawa nang mag-isa. At nadama kong sinagot Niya ang aking mga panalangin”

[Kahon/Mga Larawan sa pahina 7]

ANG PAGKILOS NG BANAL NA ESPIRITU

Ginamit ng Diyos ang banal na espiritu upang lalangin niya ang lupa at ang uniberso. “Kay rami ng iyong mga gawa, O Jehova! Sa karunungan ay ginawa mong lahat ang mga iyon. Ang lupa ay punô ng iyong mga likha,” ang sabi ng salmista. “Kung isusugo mo ang iyong espiritu, sila ay nalalalang.”​—Awit 104:24, 30; Genesis 1:2; Job 33:4.

Ang banal na espiritu ang pumatnubay sa mga taong makadiyos upang isulat nila ang Bibliya. “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang,” ang isinulat ni apostol Pablo. (2 Timoteo 3:16) Ang salitang Griego na isinaling “kinasihan ng Diyos” ay literal na nangangahulugang “hiningahan ng Diyos.” Ginabayan ng hininga, o espiritu, ni Jehova ang kaisipan ng mga manunulat ng Bibliya, anupat naisulat nila “ang salita ng Diyos.”​—1 Tesalonica 2:13.

Ang banal na espiritu ang nagpalakas sa mga lingkod ng Diyos upang ihula nila nang tumpak ang tungkol sa hinaharap. Ipinaliwanag ni apostol Pedro: “Walang hula ng Kasulatan ang nagmumula sa anumang sariling pagpapakahulugan. Sapagkat ang hula ay hindi kailanman dumating sa pamamagitan ng kalooban ng tao, kundi ang mga tao ay nagsalita mula sa Diyos habang ginagabayan sila ng banal na espiritu.”​—2 Pedro 1:20, 21; Joel 2:28.

Ang banal na espiritu ang tumulong kay Jesus at sa iba pang mga taong may pananampalataya upang ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos at gumawa ng mga himala. Sinabi ni Jesus: “Ang espiritu ni Jehova ay sumasaakin, sapagkat pinahiran niya ako upang magpahayag ng mabuting balita sa mga dukha, isinugo niya ako upang mangaral ng pagpapalaya sa mga bihag at ng pagpapanumbalik ng paningin sa mga bulag.”​—Lucas 4:18; Mateo 12:28.

[Kahon/Mga Larawan sa pahina 9]

KUNG PAANO TAYO MAAARING TULUNGAN NG BANAL NA ESPIRITU

Ang banal na espiritu ay maaaring tumulong sa iyo na labanan ang tukso at madaig ang anumang bisyo. Sinabi ni apostol Pablo: “Ang Diyos ay tapat, at hindi niya hahayaang tuksuhin kayo nang higit sa matitiis ninyo, kundi kalakip ng tukso ay gagawa rin siya ng daang malalabasan upang mabata ninyo iyon.”​—1 Corinto 10:13.

Ang banal na espiritu ay maaaring tumulong sa iyo na linangin ang makadiyos na mga katangian. “Ang mga bunga ng espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, mahabang pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, pagpipigil sa sarili.”​—Galacia 5:22, 23.

Ang banal na espiritu ay maaaring magpalakas sa iyo na mabata ang mga pagsubok. “Sa lahat ng bagay ay may lakas ako dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.”​—Filipos 4:13.