Alam Mo Ba?
Alam Mo Ba?
Bakit iniuugnay ng Bibliya ang pagsamba sa huwad na diyos na si Baal sa pagpapakasasa sa sekso?
Si Baal ang diyos ng pag-aanak ng mga Canaanita. Naniniwala sila na si Baal ang nagbibigay ng saganang hayupan at pananim. Kaya ayon sa reperensiya na Manners and Customs in the Bible, “nagtatalik ang mga tao sa mga dambana upang hikayatin ang diyos ng bagyo na si Baal na makipagtalik sa kaniyang asawang si Asera, para magkaroon ng saganang ani at dumami ang mga hayop.”
Naniniwala ang mga Canaanita na nagtatago si Baal sa kalaliman ng lupa sa panahon ng tag-init kapag siya ay natalo ni Mot, ang diyos ng tagtuyot at kamatayan. Pero kapag umulan na, naniniwala silang nanaig na muli si Baal at magkakaroon na ng saganang pananim at buhay. Ipinagdiriwang ito ng mga Canaanita sa pamamagitan ng pagpapakasasa sa sekso. Ito ang dahilan kung bakit ang pakikisama ng mga Israelita sa pagsamba kay Baal ng Peor ay nagbunga ng “imoral na pakikipagtalik sa mga anak na babae ng Moab.”—Bilang 25:1-3.
Ano ang ibig sabihin ni Jesus nang tukuyin niya ang mga eskriba at Pariseo na “mga pinaputing libingan”?
Hinatulan ni Jesus ang mapagpaimbabaw na mga eskriba at Pariseo, at sinabi sa kanila: “Nakakahalintulad kayo ng mga pinaputing libingan, na sa labas nga ay nagtitinging maganda ngunit sa loob ay punô ng mga buto ng mga taong patay at ng bawat uri ng karumihan.” (Mateo 23:27) Para pumuti ang mga libingan, karaniwan nang pinapahiran ito ng apog ng mga Judio sa pagtatapos ng tag-ulan, sa ika-15 araw ng Adar, isang buwan bago ang Paskuwa. Kapag umulan na, natatanggal ang apog.
Ayon sa The Jewish Encyclopedia, minamarkahan ang mga libingan upang hindi marumhan ang “mga manlalakbay na papunta sa kapistahan ng Paskuwa.” Binabanggit ng kautusan sa Bilang 19:16 na ang sinumang humipo o makahipo ng bangkay, buto ng tao, o dakong libingan ay magiging marumi nang pitong araw. Kapag marumi ang mga Israelita, hindi sila maaaring makibahagi sa dalisay na pagsamba, yamang ang paggawa nito ay may parusang kamatayan. (Levitico 15:31) Binanggit ni Jesus ang ilustrasyong ito mga ilang araw bago ang Paskuwa; kaya ang taunang pagpapaputi ng mga libingan ay sariwa pa sa isipan ng kaniyang mga tagapakinig. Kaya, sa diwa, sinasabi ni Jesus na ang kaniyang mga kaaway ay mapagpaimbabaw at na nakapagpaparumi ang pakikihalubilo sa kanila.
[Larawan sa pahina 15]
Haliging gawa sa batong-apog ng diyos ng kidlat na si Baal noong ika-14 o ika-13 siglo B.C.E.
[Credit Line]
Musée du Louvre, Paris