Kung Ano ang Matututuhan Natin Mula kay Jesus
Tungkol sa Buhay Pampamilya
Anong pangmalas sa pag-aasawa ang tutulong para maging maligaya ang pamilya?
Ang pag-aasawa ay sagradong buklod. Nang tanungin si Jesus kung maaaring magdiborsiyo, sinabi niya: “Hindi ba ninyo nabasa na siya na lumalang sa kanila mula sa pasimula ay ginawa silang lalaki at babae at nagsabi, ‘Sa dahilang ito ay iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina at pipisan sa kaniyang asawa, at ang dalawa ay magiging isang laman’? Kung kaya hindi na sila dalawa, kundi isang laman. Kaya nga, ang pinagtuwang ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinumang tao. . . . Sinumang dumiborsiyo sa kaniyang asawang babae, maliban sa saligan ng pakikiapid, at mag-asawa ng iba ay nangangalunya.” (Mateo 19:4-6, 9) Kung susundin ito ng mag-asawa at magiging tapat sa isa’t isa, ang buong pamilya ay magiging maligaya.
Bakit susi sa maligayang pamilya ang pag-ibig sa Diyos?
Sinabi ni Jesus: “‘Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong pag-iisip.’ Ito ang pinakadakila at unang utos.” Ano ang ikalawang utos? Sinabi ni Jesus: “Iibigin mo ang iyong kapuwa [kabilang dito ang iyong pamilya] gaya ng iyong sarili.” (Mateo 22:37-39) Kaya ang susi sa maligayang pamilya ay ang pagkakaroon ng mabuting kaugnayan sa Diyos dahil napakikilos tayo ng pag-ibig sa kaniya na ibigin din ang isa’t isa.
Paano mapaliligaya ng mga mag-asawa ang isa’t isa?
Nagiging maligaya ang mga asawang babae kapag sinusunod ng kabiyak nila ang halimbawa ni Jesus. Mapagsakripisyo siya sa kaniyang makasagisag na asawa, ang kongregasyon. (Efeso 5:25) Sinabi ni Jesus: “Ang Anak ng tao ay dumating, hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod.” (Mateo 20:28) Si Jesus ay hindi kailanman naging diktador o malupit sa kaniyang mga tagasunod kundi pinagiginhawa niya sila. (Mateo 11:28) Kaya dapat maging mabait ang mga asawang lalaki sa pakikitungo nila sa kanilang pamilya.
Makikinabang din ang mga asawang babae sa halimbawa ni Jesus. “Ang ulo . . . ng Kristo ay ang Diyos,” ang sabi ng Bibliya. Sinabi rin nito na “ang ulo naman ng babae ay ang lalaki.” (1 Corinto 11:3) Hindi itinuring ni Jesus na nakabababa ang pagpapasakop sa Diyos. Lubos niyang iginagalang ang kaniyang Ama. “Lagi kong ginagawa ang mga bagay na kalugud-lugod sa kaniya,” sabi ni Jesus. (Juan 8:29) Magiging mas maligaya ang pamilya kung magpapasakop ang asawang babae sa kaniyang asawa udyok ng pag-ibig at paggalang sa Diyos.
Ano ang matututuhan ng mga magulang sa pakikitungo ni Jesus sa mga bata?
Si Jesus ay gumugol ng panahon na kasama ng mga bata at nagpakita ng malasakit sa kanila. Sinasabi ng Bibliya: “Tinawag ni Jesus ang mga sanggol, na sinasabi: ‘Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata.’” (Lucas 18:15, 16) Minsan, pinuna ng mga tao ang ilang batang lalaki na nagpahayag ng kanilang pananampalataya kay Jesus. Pero pinuri ni Jesus ang mga kabataan. Sinabi niya sa mga pumupuna: “Hindi ba ninyo ito nabasa kailanman, ‘Mula sa bibig ng mga sanggol at mga pasusuhin ay naglaan ka ng papuri’?”—Mateo 21:15, 16.
Ano ang matututuhan ng mga bata kay Jesus?
Ang pagiging interesado ni Jesus sa espirituwal na mga bagay ay isang mainam na halimbawa para sa mga bata. Nang siya ay 12 anyos, nasumpungan siya “sa templo, na nakaupo sa gitna ng mga guro at nakikinig sa kanila at nagtatanong sa kanila.” Dahil dito, “lahat niyaong nakikinig sa kaniya ay patuloy na namamangha sa kaniyang unawa at sa kaniyang mga sagot.” (Lucas 2:42, 46, 47) Sa kabila nito, hindi naging mayabang si Jesus. Ang kaniyang kaalaman ay tumulong upang lalo niyang igalang ang kaniyang mga magulang. Sinabi ng Bibliya: “Patuloy siyang nagpasakop sa kanila.”—Lucas 2:51.
Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang kabanata 14 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? *
[Talababa]
^ par. 14 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.