Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Susi sa Maligayang Pamilya

Kapag Kailangan ng Asawa ang Higit na Pangangalaga

Kapag Kailangan ng Asawa ang Higit na Pangangalaga

Nang masuri na ako’y may chronic fatigue syndrome, ang asawa ko na lamang ang nagtrabaho. Hindi niya ipinaaalam sa akin ang tungkol sa aming mga gastusin. Marahil kinakapos na kami sa pera at alam niyang mai-stress lamang ako kapag nalaman ko ito.​—Nancy. *

HINDI madali ang pag-aasawa lalo na kapag nagkaroon ng nagtatagal na sakit ang isang kabiyak. * Nag-aalaga ka ba ng may-sakit na kabiyak? Kung oo, naitanong mo na rin ba ang mga ito: ‘Paano kung lumubha pa ang sakit ng aking asawa? Hanggang kailan ko siya kayang alagaan at kasabay nito ako pa rin ang magluluto, maglilinis, at maghahanapbuhay? Naiisip ko ba na sana ako na lang ang nagkasakit?’

Sa kabilang banda, kung ikaw naman ang maysakit, baka maisip mo: ‘Paano ako magkakaroon ng paggalang sa sarili gayong hindi ko magampanan ang aking pananagutan? Naiinis kaya sa akin ang asawa ko dahil maysakit ako? Hindi na kaya kami magiging maligaya?’

Nakalulungkot, ang ilang mag-asawa ay naghiwalay dahil sa pagkakasakit. Pero hindi ito nangangahulugan na ganiyan din ang mangyayari sa inyong mag-asawa.

Maraming mag-asawa ang maligaya pa ring nagsasama kahit na may nagtatagal na sakit ang kanilang kabiyak. Kuning halimbawa sina Yoshiaki at Kazuko. Hindi makakilos kahit bahagya si Yoshiaki dahil napinsala ang kaniyang gulugod. Ganito ang sabi ni Kazuko: “Kailangan ng mister ko ang alalay sa lahat ng bagay. Dahil dito, sumasakit ang aking leeg, balikat, at braso, anupat kinailangan kong magpabalik-balik sa isang orthopedic hospital. Napakahirap talagang mag-alaga ng maysakit.” Pero sa kabila nito, sinabi ni Kazuko: “Lalong tumibay ang buklod naming mag-asawa.”

Sa ganitong kalagayan, paano magiging maligaya ang mag-asawa? Una sa lahat, itinuturing ng mga maligayang mag-asawa na ang pagkakasakit ay problema hindi lamang ng asawang may-sakit kundi nilang dalawa. Kasi kapag maysakit ang isa, pareho silang apektado, sa iba’t ibang paraan. Ganito inilalarawan ng Genesis 2:24 ang ugnayan ng mag-asawa: “Iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina at pipisan siya sa kaniyang asawa at sila ay magiging isang laman.” Kaya kapag ang isang asawa ay may nagtatagal na sakit, napakahalagang magtulungan sila upang maharap ang problema.

Karagdagan pa, ayon sa isang pag-aaral, natututuhang tanggapin ng mga mag-asawang may matibay na pagsasama ang kanilang kalagayan at napapakibagayan nila ito. Marami sa mga ito ay kaayon ng di-kumukupas na payo sa Bibliya. Isaalang-alang ang sumusunod na tatlong payo.

Maging Makonsiderasyon sa Isa’t Isa

“Ang dalawa ay mas mabuti kaysa sa isa,” ang sabi ng Eclesiastes 4:9. Bakit? Kasi ayon sa talata 10, “kung mabuwal ang isa sa kanila, maibabangon ng isa pa ang kaniyang kasama.” Nagagawa mo ba ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng komendasyon sa iyong asawa?

May naiisip ka bang praktikal na mga paraan para matulungan ninyo ang isa’t isa? Ganito ang sinabi ni Yong na ang asawang babae ay paralisado ang kalahating katawan: “Sinisikap kong maging makonsiderasyon sa aking asawa sa lahat ng pagkakataon. Kapag nauuhaw ako, naiisip ko na baka nauuhaw rin siya. Kung gusto kong mamasyal, niyayaya ko siyang sumama. Magkasama kami sa hirap at ginhawa.”

Samantala, kung ikaw naman ang inaalagaan ng iyong asawa, may mga bagay ka bang magagawa nang walang tulong ng iba pero hindi naman magpapalala sa iyong kalagayan? Kung oo, lalo kang magkakaroon ng pagpapahalaga sa sarili at maaaring makatulong din ito sa iyong asawa na patuloy kang alagaan.

Sa halip na isiping alam mo kung ano ang pinakamabuting paraan para ipakita ang konsiderasyon sa iyong asawa, bakit hindi mo tanungin kung ano ang gusto niya? Nang maglaon, sinabi ni Nancy, na nabanggit kanina, sa kaniyang asawa kung ano ang nadarama niya kapag hindi niya alam ang kalagayan ng pananalapi ng pamilya. Sa ngayon, sinisikap ng kaniyang asawa na ipakipag-usap ito sa kaniya.

SUBUKIN ITO: Itala ang mga paraan na inaakala mong magagawa ng iyong asawa upang gumaan ang iyong kalagayan, at ipagawa mo rin ito sa kaniya. Pagkatapos magpalitan kayo ng talaan. Piliin ng bawat isa sa inyo ang isa o dalawang mungkahi na sa tingin ninyo ay magagawa ninyo.

Magkaroon ng Balanseng Iskedyul

“Sa lahat ng bagay ay may takdang panahon,” ang isinulat ng matalinong hari na si Solomon. (Eclesiastes 3:1) Pero baka imposibleng mapanatili ang isang balanseng iskedyul dahil hindi mo alam kung kailan aatake ang sakit ng iyong kabiyak na makaaapekto sa rutin ng pamilya. Ano ang magagawa mo?

Kalimutan muna ninyo sandali ang tungkol sa karamdaman. Magagawa pa ba ninyo ang ilang bagay na ginagawa ninyo noon bago nagkasakit ang iyong kabiyak? Kung hindi na, anong mga bagong bagay ang puwede ninyong gawin? Maaari kayong magbasa nang magkasama o kung kaya ninyo, mag-aral ng bagong wika. Ang paggawang magkasama na hindi iniisip ang karamdaman ay magpapatibay sa inyong buklod bilang “isang laman”​—at magdudulot ng higit na kaligayahan.

Makatutulong din kung makikisama ka sa iba. Sinasabi ng Bibliya sa Kawikaan 18:1: “Ang nagbubukod ng kaniyang sarili ay naghahanap ng kaniyang makasariling hangarin; laban sa lahat ng praktikal na karunungan ay sasalansang siya.” Napansin mo ba na sinasabi ng talatang iyon na hindi makabubuti kung ibubukod natin ang ating sarili? Pero kung makikisama ka sa iba sa pana-panahon, bubuti ang iyong pakiramdam at tutulong ito upang magkaroon muli ng tamang pananaw sa mga bagay-bagay. Bakit hindi mo anyayahan sa inyong bahay ang isang kaibigan?

Kung minsan, problema din ng asawang nag-aalaga ang pagiging timbang. Ang ilan ay nagtatrabaho nang husto, unti-unting napapagod, at isinasapanganib ang kanila mismong kalusugan. Sa dakong huli, baka hindi na nila kayang alagaan ang kanilang minamahal na kabiyak. Kung nag-aalaga ka ng asawang may nagtatagal na sakit, huwag isaisantabi ang iyong personal na mga pangangailangan. Maglaan ng regular na panahon para makapagrelaks ka. * Nakatulong naman sa ilan sa pana-panahon na ipakipag-usap ang kanilang mga ikinababahala sa isang mapagkakatiwalaang kaibigan na kasekso nila.

SUBUKIN ITO: Itala ang mga hadlang na nakakaharap mo sa pag-aalaga sa iyong asawa. Pagkatapos, itala ang mga gagawin mo upang mapagtagumpayan ang mga ito. Tanungin ang iyong sarili, ‘Ano ang pinakasimple at pinakamadaling paraan para bumuti ang aming kalagayan?’

Panatilihin ang Positibong Pananaw

Nagbababala ang Bibliya: “Huwag mong sabihin: ‘Bakit nga ba ang mga araw noong una ay mas mabuti kaysa sa mga ito?’” (Eclesiastes 7:10) Kaya iwasan ang pag-iisip tungkol sa mga bagay na sana’y magagawa mo kung wala kang sakit. Tandaan na sa daigdig na ito, hindi posible ang lubos na kaligayahan. Ang kailangan lang ay tanggapin mo ang iyong kalagayan at gawin ang pinakamabuti mong magagawa.

Paano ninyo ito magagawa? Pag-usapan ang mga pagpapalang tinatanggap ninyo. Masiyahan kahit sa kaunting pagbuti ng kalusugan. Asam-asamin ang magagandang bagay sa hinaharap, at magkasamang magtakda ng makatuwirang tunguhin.

Ikinapit ng mag-asawang sina Shoji at Akiko ang mga payong nabanggit, at nagdulot ito ng magandang resulta. Nang masuri na may fibromyalgia si Akiko, kinailangan nilang huminto sa pantanging atas sa buong-panahong paglilingkod bilang ministro. Nalungkot ba sila? Siyempre naman. Pero ganito ang payo ni Shoji sa mga nasa katulad nilang kalagayan: “Huwag masiraan ng loob dahil hindi mo na nagagawa ang gusto mo. Magkaroon ng positibong pananaw. Kahit na umaasa kayong babalik sa normal ang inyong buhay balang-araw, masiyahan sa inyong kalagayan ngayon. Para sa akin, nangangahulugan ito ng pagbibigay ng aking panahon sa asawa ko at pagtulong sa kaniya.” Kung ganito ang iyong kalagayan, makatutulong din sa iyo ang praktikal na payong ito.

^ par. 3 Binago ang ilang pangalan.

^ par. 4 Tinatalakay sa artikulong ito ang mga kalagayan kung saan ang isang kabiyak ay may nagtatagal na sakit. Pero makikinabang din sa artikulong ito ang mga mag-asawang nagkakaproblema dahil ang kanilang kabiyak ay naaksidente o dumaranas ng depresyon.

^ par. 20 Depende sa iyong kalagayan, baka makabubuting humingi kahit pansamantalang tulong mula sa mga propesyonal o ahensiya sa komunidad na nangangalaga sa kalusugan, kung mayroon nito.

TANUNGIN ANG IYONG SARILI . . .

Ano ang kailangan naming gawin ngayon bilang mag-asawa?

  • Laging pag-usapan ang tungkol sa sakit

  • Huwag gaanong pag-usapan ang tungkol sa sakit

  • Bawasan ang pag-aalala

  • Magpakita ng higit na konsiderasyon sa isa’t isa

  • Gumawa ng mga bagay na magagawa naming magkasama ngayon

  • Makisama sa iba

  • Magkaroon ng parehong tunguhin