Turo 4: Ang Diyos ay Isang Trinidad
Saan nagmula ang turong ito?
“Pagkatapos ng lahat ng pagsusuri, ang doktrina ng Trinidad ay naimbento lamang pala noong huling bahagi ng ika-4 na siglo. At totoo naman ito . . . Ang ideyang ‘tatlong Persona sa iisang Diyos’ ay walang matibay na saligan, at tiyak na hindi lubusang tinanggap ng mga Kristiyano, bago matapos ang ika-4 na siglo.”—New Catholic Encyclopedia (1967), Tomo 14, pahina 299.
“Nagtipon noong Mayo 20, 325 [C.E.] ang Konseho ng Nicaea. Si Constantino mismo ang nangasiwa, anupat minaniobra niya ang mga talakayan, at ipinanukala . . . ang mahalagang ideya hinggil sa kaugnayan ni Kristo sa Diyos ayon sa kredong pinalabas ng konseho, na ‘ang Ama at si Kristo ay iisa.’ . . . Dahil sa takot sa emperador, ang mga obispo, maliban sa dalawa, ay pumirma sa kredo kahit labag ito sa kanilang kalooban.”—Encyclopædia Britannica (1970), Tomo 6, pahina 386.
Ano ang sinasabi ng Bibliya?
“Puspos ng Espiritu Santo, tumingin si Esteban sa langit at nakita ang kaluwalhatian ng Dios. Naroon si Jesus, nakatayo sa kanang kamay ng Dios. ‘Tingnan ninyo,’ wika niya, ‘Nakikita kong bukas ang langit at ang Anak ng Tao na nakatayo sa kanang kamay ng Dios.’”—Gawa 7:55, 56, Ang Biblia, Bagong Salin sa Pilipino.
Ano ang ipinahihiwatig ng pangitaing ito? Puspos ng aktibong puwersa ng Diyos, nakita ni Esteban si Jesus na “nakatayo sa kanang kamay ng Dios.” Kaya maliwanag, hindi naging Diyos si Jesus nang buhayin siyang muli bilang ibang espiritung persona. Sa ulat na ito, walang binanggit na ikatlong persona sa tabi ng Diyos. Sa kabila ng mga pagsisikap na makakita ng mga teksto na susuporta sa turo ng Trinidad, ganito ang isinulat ng paring Dominiko na si Marie-Émile Boismard sa kaniyang aklat na À l’aube du christianisme—La naissance des dogmes (Ang Pasimula ng Kristiyanismo—Ang Pagsilang ng mga Doktrina): “Ang pananalitang tatlong persona sa iisang Diyos . . . ay wala sa Bagong Tipan.”
Ang turong itinaguyod ni Constantino ay nilayon para tapusin ang di-pagkakasundo sa Simbahan noong ikaapat na siglo. Pero ang totoo, nagbangon ito ng isa pang isyu: Si Maria ba, na nagsilang kay Jesus, ang “Ina ng Diyos”?
Ihambing ang mga talatang ito ng Bibliya: Mateo 26:39; Juan 14:28; 1 Corinto 15:27, 28; Colosas 1:15, 16
ANG TOTOO:
Ang doktrina ng Trinidad ay naimbento lamang noong huling bahagi ng ikaapat na siglo