Maging Malapít sa Diyos
Maaari Bang Makadama ng Lungkot ang Diyos?
BILANG di-sakdal na mga tao, lahat tayo ay nakadarama ng lungkot kung minsan. Halimbawa, nalulungkot tayo kapag nagkakamali tayo. Pero ang nakapagtataka, sinasabi sa Bibliya na si Jehova ay nakadarama rin ng lungkot. ‘Hindi ba’t sakdal ang Diyos?’ baka maitanong mo. ‘Hindi siya nagkakamali!’ Kung gayon, bakit siya nakadarama ng lungkot? Ang sagot ay makatutulong sa atin na maunawaan ang isang napakahalagang bagay: May damdamin si Jehova, at maaaring makaapekto sa kaniyang damdamin ang ginagawa natin. Isaalang-alang ang ulat sa Hukom 2:11-18.
Nakaulat sa aklat ng Bibliya na Mga Hukom ang isang magulong panahon sa kasaysayan ng Israel. Ang bansa ay naninirahan na sa Canaan, ang lupaing ipinangako ng Diyos kay Abraham. Sa sumunod na mga siglo, paulit-ulit na nangyari sa Israel ang apat na bagay: pagtalikod, paniniil, paghingi ng tulong, at pagliligtas. *
Pagtalikod. Dahil sa impluwensiya ng mga Canaanita, “iniwan nila [ng Israel] si Jehova” at sumunod sa ibang diyos. Sila ay “nagpasimulang maglingkod kay Baal at sa mga imahen ni Astoret.” * Ang gayong pagtalikod kay Jehova ay apostasya. Kaya hindi kataka-taka na “ginalit nila si Jehova,” ang Diyos na nagligtas sa kanila mula sa Ehipto!—Talata 11-13; Hukom 2:1.
Paniniil. Dahil sa makatuwirang galit ni Jehova, inalis niya ang kaniyang proteksiyon sa bayan na tumalikod sa kaniya. Kaya ang mga Israelita ay nahulog “sa kamay ng kanilang mga kaaway,” na nandambong sa lupain.—Talata 14.
Paghingi ng tulong. Kapag dumaranas sila ng matinding pighati, ikinalulungkot ng mga Israelita ang kanilang maling landasin kaya humihingi sila ng tulong sa Diyos. Ang pananalitang “pagdaing dahil sa mga naniniil” ay nagpapahiwatig ng kanilang paghingi ng tulong. (Talata 18) Tuwing mangyayari iyon, humihingi sila ng tulong sa Diyos. (Hukom 3:9, 15; 4:3; 6:6, 7; 10:10) Paano tumugon ang Diyos?
Pagliligtas. “Ikinalulungkot” ni Jehova na marinig ang pagdaing ng Israel. Ang salitang Hebreo na isinaling “ikinalulungkot” ay maaaring mangahulugang “pagbabago ng isip o saloobin.” Ganito ang sinabi ng isang reperensiya: “Palibhasa’y naantig sa kanilang pagdaing, nagbago ang isip ni Jehova, sa halip na parusahan sila, iniligtas Niya sila.” Dahil sa awa, ‘nagbangon si Jehova ng mga hukom,’ na magliligtas sa kaniyang bayan mula sa mga kaaway.—Talata 18.
Napansin mo ba kung bakit nalungkot o nagbago ng isip ang Diyos? Dahil nagbago ng saloobin ang kaniyang bayan. Isipin ito: Maaaring disiplinahin ng isang maibiging ama ang kaniyang nagkasalang anak, marahil sa pamamagitan ng pagkakait ng ilang pribilehiyo. Pero kapag nakita ng ama na talagang nagsisisi naman ang anak, inaalis na niya ang parusa.
Ano ang matututuhan natin kay Jehova sa ulat na ito? Kung napupukaw ang kaniyang galit dahil sa kusang pagkakasala, ang taimtim na pagsisisi naman ay nagpapakilos sa kaniya na magpakita ng awa. Kaya dapat nating pag-isipang mabuti anuman ang ating gagawin yamang makaaapekto ito sa damdamin ng Diyos. Bakit hindi mo alamin kung paano mo ‘mapasasaya ang puso’ ni Jehova? (Kawikaan 27:11) Hinding-hindi mo ito pagsisisihan.
[Mga talababa]
^ par. 2 Ang Hukom 2:11-18 ay bahagi ng sumaryo ng naging paggawi ng Israel na iniulat nang detalyado sa kasunod na mga kabanata.
^ par. 3 Si Baal ang pangunahing diyos ng mga Canaanita, at si Astoret ang diyosa na itinuturing na asawa ni Baal.