Tanong ng mga Mambabasa
Dapat Ka Bang Maniwala sa Trinidad Para Maging Kristiyano?
Ayon sa World Religions in Denmark, isang aklat-aralin sa haiskul na inilathala noong 2007, ang mga Saksi ni Jehova ay isang maliit na grupo ng mga Kristiyano na mahigpit na sumusunod sa Bibliya. Pero ang totoo, ang mga Saksi ni Jehova ang ikatlo sa pinakamalaking relihiyong Kristiyano sa Denmark.
Gayunman, binatikos nang husto ng isang obispo ng Danish National Church ang desisyon ng awtor na isama ang mga Saksi sa aklat-aralin. Bakit? “Wala pa akong nakilalang teologo na itinuturing [ang mga Saksi ni Jehova] bilang mga Kristiyano,” ang sabi ng obispo. “Hindi sila naniniwala sa Trinidad, ang pangunahing turo ng relihiyong Kristiyano.”
Binanggit ng awtor ng aklat na si Annika Hvithamar, isang sosyologong eksperto sa relihiyon, na kapag tinatanong ang mga tao kung bakit sila Kristiyano, hindi naman nila sinasagot na dahil naniniwala silang ang Diyos ay isang Trinidad. Isa pa, ganito ang sinabi ng seksiyong “Isa Ka Bang Kristiyano?”: “Ang Trinidad ang isa sa pinakamahirap ipaliwanag na mga turo ng teolohiyang Kristiyano.” Sinabi pa nito: “Mahirap ipaliwanag sa mga Kristiyanong hindi nakapag-aral ng teolohiya na ang Diyos ng mga Kristiyano ay hindi tatluhang diyos kundi iisang diyos pa rin.”
“Ang Trinidad ang isa sa pinakamahirap ipaliwanag na mga turo ng teolohiyang Kristiyano”
Maliwanag, simple, at madaling unawain ang turo ng Bibliya tungkol sa Diyos at kay Jesus. Ang salitang “Trinidad” ni ang ideyang ito ay wala sa Salita ng Diyos. Malinaw na sinasabi ng Bibliya na si Jesu-Kristo ang panganay na Anak ng Diyos. (Colosas 1:15) Binanggit din nito na si Jesus ang “tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao.” (1 Timoteo 2:5) Tungkol sa Ama, sinasabi ng Bibliya: “Upang malaman ng mga tao na ikaw, na ang pangalan ay Jehova, ikaw lamang ang Kataas-taasan sa buong lupa.”—Awit 83:18.
Naniniwala ang mga Saksi ni Jehova na napakahalaga ng pananampalataya kay Jesus. (Juan 3:16) Dahil dito, sinusunod nila ang utos ni Jesus: “Si Jehova na iyong Diyos ang sasambahin mo, at sa kaniya ka lamang mag-uukol ng sagradong paglilingkod.” (Mateo 4:10) Oo, ang sinumang nagsisikap sumunod sa mga utos ni Jesus ay matatawag na Kristiyano.