Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Alam Mo Ba?

Alam Mo Ba?

Alam Mo Ba?

Bakit sinabi ni Jesus na “walang sinuman ang naglalagay ng bagong alak sa mga lumang sisidlang balat”?

Karaniwan nang inilalagay ang alak sa balat ng hayop noong panahon ng Bibliya. (Josue 9:13) Ang mga sisidlan ay mula sa buong balat ng hayop gaya ng batang kambing o kambing. Inaalis muna ang ulo at paa ng patay na hayop. Pagkatapos, maingat na tinatanggal ang balat para hindi mabutas ang tiyan. Kukultihin ang balat at saka tatahiin ang lahat ng butas maliban sa leeg ng hayop o sa isang binti nito. Ito ang magiging butas ng sisidlang balat. Ang butas na ito ay maaaring lagyan ng takip o talian.

Sa kalaunan, ang balat ay titigas at madali nang mapunit. Kaya hindi angkop na gamitin ang lumang mga sisidlang balat para lagyan ng bagong alak na patuloy na kumakasim. Maaaring pumutok ang tumigas na balat ng lumang sisidlan dahil sa pagkasim ng alak. Sa kabaligtaran, ang bagong balat ay hindi madaling mapunit kaya hindi ito puputok kahit patuloy na kumakasim ang alak. Kaya ang binanggit ni Jesus tungkol sa paglalagay ng alak sa sisidlang balat ay isang bagay na pangkaraniwan noong panahon niya. Sinabi niya: “Kung gayon ay papuputukin ng bagong alak ang mga sisidlang balat, at ito ay matatapon at ang mga sisidlang balat ay masisira. Kundi bagong alak ang dapat ilagay sa mga bagong sisidlang balat.”​—Lucas 5:37, 38.

Sino ang binanggit na mga “lalaking may sundang” nang arestuhin si Pablo ng mga Romano?

Ayon sa ulat ng Mga Gawa, nang magkaroon ng kaguluhan sa templo sa Jerusalem, ikinulong si apostol Pablo ng isang Romanong kumandante ng militar sa pag-aakalang siya ang lider ng naghihimagsik na pangkat ng “apat na libong lalaking may sundang.” (Gawa 21:30-38) Sino ba ang mga lalaking ito na may sundang?

Ang salitang Griego para sa mga “lalaking may sundang” ay mula sa salitang Latin na sicarii, na ang ibig sabihin ay “gumagamit ng sica,” o sundang. Inilarawan ng istoryador noong unang siglo na si Flavius Josephus ang Sicarii bilang isang pangkat ng mga panatiko at makabayang Judio na mahigpit na kaaway ng Roma, na nagsasagawa ng organisadong mga pagpatay dahil sa pulitika.

Isinalaysay ni Josephus na ang Sicarii ay “pumapatay ng mga tao kung araw sa gitna ng lunsod; ginagawa nila ito sa panahon ng kapistahan, kapag humahalo sila sa karamihan, at itinatago ang mga sundang sa kanilang kasuutan, na ipinananaksak naman nila sa kanilang mga kaaway.” Kapag patay na ang biktima, ang Sicarii ay nagkukunwaring galit din sa nangyaring patayan para hindi sila mapagbintangan. Sinabi pa ni Josephus na ang mga Sicarii, nang maglaon, ay nagkaroon ng malaking papel sa paghihimagsik ng mga Judio laban sa Roma noong 66-70 C.E. Kaya naman, gusto ng kumandanteng Romano na ikulong ang sinasabing lider ng pangkat na iyon.

[Larawan sa pahina 15]

Lumang sisidlang balat

[Larawan sa pahina 15]

Isang lalaking may sundang na iginuhit ng dalubsining