Kung Bakit Ka Makapagtitiwala sa mga Ebanghelyo ng Bibliya
“Napakalaking tagumpay ng mga ito. Naging inspirasyon ito sa paggawa ng mga pelikula na ginastusan ng milyun-milyon . . . at sa pagsulat ng mga aklat na naging pinakamabili . . . Tinanggap ang mga ito ng mga sektang Kristiyano. Nagbunga ito ng mga relihiyon at mga teoriya na may pagsasabuwatan.”—SUPER INTERESSANTE, ISANG MAGASIN SA BRAZIL.
ANO ba ito? Tinutukoy ng magasin ang interes na ipinakita kamakailan sa koleksiyon ng huwad na mga ebanghelyo, liham, at mga kinasihang kapahayagan na natuklasan noong kalagitnaan ng ika-20 siglo sa Nag Hammadi at sa iba pang lugar sa Ehipto. Ang mga dokumentong ito at ang iba pang kagaya nito ay karaniwan nang tinatawag na Gnostiko at Apokripal na mga akda. *
Nagkaroon ba ng Sabuwatan?
Sa panahong ito na karamihan sa mga tao ay nag-aalinlangan sa Bibliya at sa pangunahing mga relihiyon, lalo nang nakatawag-pansin ang Gnostiko o Apokripal na mga akda. Malaki ang naging epekto nito sa pangmalas ng marami tungkol sa mga turo ni Jesu-Kristo at Kristiyanismo. Ganito ang sinabi ng isang magasin: “Ang Ebanghelyo ni Tomas at ang iba pang apokripal [na mga akda] ay nakaaabot sa puso ng mga taong patuloy na dumarami sa modernong panahon: mga taong sabik na magkaroon ng kaugnayan sa Diyos ngunit walang tiwala sa relihiyon.” Tinataya na sa Brazil lamang, “may mga 30 grupo na ang paniniwala ay nakasalig sa Apokripa.”
Dahil sa pagkatuklas sa mga dokumentong ito, naging popular ang teoriya na may pagsasabuwatan sa Simbahang Katoliko noong ikaapat na siglo C.E. upang pagtakpan ang katotohanan tungkol kay Jesus. Ayon pa rito, ang ilang ulat tungkol sa buhay ni Jesus ay itinago
sa Apokripal na mga akda at binago ang apat na Ebanghelyo sa modernong mga Bibliya. Ganito naman ang sinabi ni Elaine Pagels, isang propesor ng relihiyon: “Nauunawaan natin ngayon na ang tinatawag nating Kristiyanismo—at ang alam nating tradisyon nito—ay kumakatawan lamang pala sa maliit na bahagi ng piling mga akda, na pinili mula sa maraming iba pa.”Ayon sa mga iskolar, gaya ni Pagels, hindi lamang ang Bibliya ang mapagkukunan ng Kristiyanong paniniwala; may iba pang mga akda, gaya ng Apokripa. Halimbawa, itinampok sa isang programa sa BBC na Bible Mysteries, ang paksang “The Real Mary Magdalene.” Inilarawan doon ng Apokripal na mga akda si Maria Magdalena bilang “isang guro at espirituwal na tagapatnubay ng ibang mga alagad. Hindi lamang siya isang alagad; siya ang apostol ng mga apostol.” May kinalaman sa diumano’y papel ni Maria Magdalena, ganito ang isinulat ni Juan Arias sa pahayagang O Estado de S. Paulo sa Brazil: “Sa ngayon, inaakay tayo ng lahat [ng ebidensiya] na maniwalang ‘makababae’ ang sinaunang Kristiyanismo na itinatag ni Jesus, yamang ang unang ginamit na mga simbahan ay tahanan ng mga babae, kung saan sila nanungkulan bilang mga pari at obispo.”
Para sa marami, mas kapani-paniwala ang Apokripa kaysa sa Bibliya. Dahil dito, bumabangon ang ilang mahalagang tanong: Talaga bang pinagmumulan ng Kristiyanong paniniwala ang Apokripal na mga akda? Kapag sinasalungat nito ang malilinaw na turo ng Bibliya, alin ang dapat nating paniwalaan—ang Bibliya o ang Apokripa? Totoo bang nagkaroon ng sabuwatan noong ikaapat na siglo upang itago ang mga aklat na ito at baguhin ang apat na Ebanghelyo para alisin ang mahahalagang impormasyon tungkol kina Jesus, Maria Magdalena, at sa iba pa? Para sa mga sagot, suriin natin ang isa sa apat na Ebanghelyo ng Bibliya, ang Ebanghelyo ni Juan.
Ebidensiya Mula sa Ebanghelyo ni Juan
Isang mahalagang piraso ng manuskrito ng Ebanghelyo ni Juan ang nasumpungan sa Ehipto sa pagtatapos ng ika-20 siglo at ngayon ay kilala bilang Papyrus Rylands 457 (P52). Nakasulat doon ang Juan 18:31-33, 37, 38 sa modernong Bibliya. Iniingatan ito sa John Rylands Library, sa Manchester, Inglatera. Ito ang pinakamatandang piraso sa natagpuang mga manuskrito ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Naniniwala ang maraming iskolar na ito ay isinulat noong mga 125 C.E., mga 25 taon pagkamatay ni Juan. Kahanga-hanga na ang nakasulat sa piraso ng manuskritong ito ay halos kaparehung-kapareho ng mga manuskritong lumabas pagkatapos nito. Pinatutunayan ng lumang kopya ng pirasong ito ng Ebanghelyo ni Juan na nakarating sa Ehipto ang katotohanan na ang mabuting balita ayon kay Juan ay talagang isinulat mismo ni Juan noong unang siglo C.E., gaya ng sinasabi sa Bibliya. Kung gayon, ang aklat ng Juan ay isang akda ng isang nakasaksi mismo ng mga pangyayari.
Samantala, ang Apokripal na mga akda ay sinimulang isulat mula ikalawang siglo patuloy, isang daan taon o higit pa pagkatapos ng mga pangyayaring iniulat dito. Ikinakatuwiran ng ilang eksperto na ito ay salig sa mas naunang mga akda o paniniwala, pero wala itong katibayan. Kaya angkop ang tanong na, Alin ang mas paniniwalaan mo—ang patotoo ng mga nakasaksi mismo o ang ulat ng mga taong nabuhay isang daan taon pagkatapos ng pangyayari? *
Tiyak na paniniwalaan mo ang patotoo ng nakasaksi.Ang Papyrus Rylands 457 (P52), isang piraso ng manuskrito ng Ebanghelyo ni Juan noong ikalawang siglo C.E., na isinulat mga ilang dekada lamang pagkatapos isulat ang orihinal na kopya
Kumusta naman ang sinasabing binago raw ang mga Ebanghelyo ng Bibliya para maitago ang ilang ulat tungkol sa buhay ni Jesus? Halimbawa, may ebidensiya bang binago ang Ebanghelyo ni Juan noong ikaapat na siglo upang pilipitin ang katotohanan? Upang masagot iyan, tandaan na ang isa sa pangunahing pinagbatayan ng modernong salin ng Bibliya ay ang manuskrito noong ikaapat na siglo, ang Vatican 1209. Kaya kung nagkaroon ng mga pagbabago sa Bibliya noong ikaapat na siglo, makikita ito sa manuskritong iyon. Isa pang manuskrito ang naglalaman ng malaking bahagi ng mga aklat ng Lucas at Juan, ang Bodmer 14, 15 (P75), ay may petsang 175 C.E. hanggang 225 C.E. Ayon sa mga eksperto, ito ay halos parehung-pareho ng Vatican 1209. Ibig sabihin, walang ginawang malaking pagbabago sa mga Ebanghelyo ng Bibliya, at pinatutunayan ito ng Vatican 1209.
Walang dokumento o anuman ang magpapatunay na ang akda ni Juan—o ang iba pang Ebanghelyo—ay binago noong ikaapat na siglo. Pagkatapos suriin ang koleksiyon ng mga piraso ng manuskrito na natuklasan sa Oxyrhynchus, Ehipto, ganito ang isinulat ni Dr. Peter M. Head ng Cambridge University: “Sa pangkalahatan, pinatutunayan ng mga manuskritong ito ang mahahalagang akdang unsyal [manuskritong isinulat sa malalaking titik mula noong ikaapat na siglo patuloy] na bumubuo sa saligan ng modernong edisyon ng sinaunang [Griegong] manuskrito. Wala ni isa man sa mga ito ang nagpapatunay na may binago sa naunang mga pagkopya ng BT [Bagong Tipan].”
Ano ang Ating Konklusyon?
Ang apat na Ebanghelyo sa kanon ng Bibliya—Mateo, Marcos, Lucas, at Juan—ay tinatanggap ng mga Kristiyano mula pa noong kalagitnaan ng ikalawang siglo. Ang Diatessaron (salitang Griego na nangangahulugang “sa pamamagitan ng apat”) ni Tatian, na ginamit ng marami at natipon sa pagitan ng 160 at 175 C.E., ay nakasalig lamang sa apat na Ebanghelyo sa kanon ng Bibliya at hindi sa mga Gnostikong “ebanghelyo.” (Tingnan ang kahong “Isang Pagtatanggol sa mga Ebanghelyo.”) Kapansin-pansin din ang obserbasyon ni Irenaeus noong dakong huli ng ikalawang siglo C.E. Iginiit niya na mayroon lamang apat na Ebanghelyo, kung paanong apat ang sulok ng mundo at apat ang pangunahing hangin. Bagaman maaaring kuwestiyunable ang kaniyang paghahambing, pinatutunayan nito na mayroon lamang apat na Ebanghelyo sa kanon ng Bibliya nang panahong iyon.
Ano ang ipinakikita ng mga ito? Ipinakikita lamang ng mga ito na ang Kristiyanong Griegong Kasulatan—kasama na ang apat na Ebanghelyo—gaya ng nasa Bibliya natin ngayon ay hindi nabago mula noong ikalawang siglo patuloy. Walang matibay na dahilan para maniwalang nagkaroon ng sabuwatan noong ikaapat na siglo upang baguhin o itago ang alinmang bahagi ng Kasulatan na kinasihan ng Diyos. Ganito ang isinulat ng iskolar sa Bibliya na si Bruce Metzger: “Sa pagtatapos ng ikalawang
siglo, . . . talagang may pagkakatulad sa pagkaunawa sa malaking bahagi ng Bagong Tipan ang iba’t ibang kongregasyon hindi lamang sa buong Mediteraneo kundi pati sa Britanya hanggang sa Mesopotamia.”Ipinagtanggol nina apostol Pablo at Pedro ang pagiging totoo ng Salita ng Diyos. Binabalaan nila ang mga kapuwa Kristiyano na huwag tanggapin o paniwalaan ang anumang bagay maliban sa itinuro sa kanila. Halimbawa, ganito ang isinulat ni Pablo kay Timoteo: “O Timoteo, bantayan mo ang ipinagkatiwala sa iyo, na tinatalikdan ang walang-katuturang mga usapan na lumalapastangan sa kung ano ang banal at ang mga pagsasalungatan ng may-kabulaanang tinatawag na ‘kaalaman.’ Dahil sa pagpaparangalan ng gayong kaalaman ay lumihis ang ilan mula sa pananampalataya.” Sinabi naman ni Pedro: “Hindi, hindi namin ipinabatid sa inyo ang kapangyarihan at pagkanaririto ng ating Panginoong Jesu-Kristo sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kuwentong di-totoo na may-katusuhang kinatha, kundi sa pagiging mga saksi sa kaniyang karingalan.”—1 Timoteo 6:20, 21; 2 Pedro 1:16.
Kinasihan si propeta Isaias na sabihin ito mga ilang siglo na ang nakalilipas: “Ang luntiang damo ay natuyo, ang bulaklak ay nalanta; ngunit kung tungkol sa salita ng ating Diyos, iyon ay mananatili hanggang sa panahong walang takda.” (Isaias 40:8) Makatitiyak tayo na talagang kinasihan ng Diyos ang Banal na Kasulatan at iningatan niya ito sa paglipas ng mga panahon upang “ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.”—1 Timoteo 2:4.
^ par. 3 Ang “Gnostiko” at “Apokripal” ay mula sa mga salitang Griego. Ang “Gnostiko” ay maaaring mangahulugang “lihim na kaalaman” at ang “Apokripal” naman ay “maingat na itinago.” Ang mga salitang ito ay ginamit upang tumukoy sa huwad at di-kanonikal na mga akdang pilit na gumagaya sa mga Ebanghelyo, Mga Gawa, mga liham, at iba pang kinasihang kapahayagan sa kanonikal na mga aklat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan.
^ par. 11 Ang isa pang problema tungkol sa Apokripal na mga akda ay iilan na lamang ang kopya nito. Halimbawa, may dalawang maliit na piraso na lamang ng Ebanghelyo ni Maria Magdalena ang natitira at isa pang mas mahaba-habang manuskrito, pero kalahati na lamang ng orihinal ang natitira. Gayundin, kapansin-pansin na may malaking pagkakaiba sa mga ito.