Nakaulat ba sa Bibliya ang Lahat Tungkol kay Jesus?
Maaari kayang hindi namatay si Jesus sa Golgota, gaya ng sinasabi ng Bibliya, kundi nanatili siyang buháy? Posible kayang napangasawa niya si Maria Magdalena at nagkaroon sila ng mga anak? O maaari kayang naging ermitanyo siya anupat tinanggihan ang lahat ng kaluguran sa buhay sa lupa? Posible kayang nagturo siya ng mga doktrinang iba sa nababasa natin sa Bibliya?
NAGLITAWANG muli ang ganitong mga espekulasyon kamakailan dahil na rin sa popular na mga pelikula at nobela. Bukod sa mga ito, marami ring aklat at artikulo tungkol sa apokripal na mga akda noong ikalawa at ikatlong siglo C.E. na naglalaman ng mga impormasyon hinggil kay Jesus na hindi binanggit sa mga Ebanghelyo. Totoo kaya ito? Makatitiyak ba tayo na iniulat sa Bibliya ang lahat tungkol kay Jesus?
Upang masagot iyan, kailangan nating malaman ang tatlong bagay. Una, ang mahalagang impormasyon tungkol sa mga sumulat ng mga aklat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan at *
kung kailan nila ito isinulat; ikalawa, kung sino ang bumuo sa kanon ng Kasulatan at paano ito ginawa; at ikatlo, ang ilang impormasyon tungkol sa apokripal na mga akda at kung ano ang pagkakaiba nito sa kanonikal na mga akda.Kailan Isinulat ang Kristiyanong Griegong Kasulatan? Sino ang mga Sumulat Nito?
Ayon sa ilang reperensiya, ang Ebanghelyo ni Mateo ay isinulat noong mga 41 C.E., walong taon pagkamatay ni Kristo. Sinasabi ng maraming iskolar na ito ay isinulat pagkalipas pa ng 41 C.E. Magkagayunman, sang-ayon ang karamihan na naisulat noong unang siglo C.E. ang lahat ng aklat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan.
Buháy pa ang mga nakasaksi sa buhay, kamatayan, at pagkabuhay-muli ni Jesus nang isulat ang mga Ebanghelyo. Kaya madali nilang mapatutunayan ang nilalaman nito at mailalantad ang anumang mali. Sinabi ni Propesor F. F. Bruce: “Ang isa sa matibay na patotoo ng mga orihinal na ulat tungkol sa pangangaral ng mga apostol ay na lubusan itong umaayon sa kung ano mismo ang alam ng mga nakarinig dito; hindi lamang nila masasabing, ‘Mga saksi kami sa mga bagay na ito,’ kundi, ‘Gaya ng nalalaman ninyo mismo’ (Gawa 2:22).”
Sino ang mga sumulat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan? Kasali rito ang ilan sa 12 apostol ni Jesus. Ang mga ito at ang iba pang manunulat ng Bibliya, gaya nina Santiago at Judas, at malamang pati si Marcos, ay naroroon noong araw ng Pentecostes ng 33 C.E. nang itatag ang kongregasyong Kristiyano. Lahat ng manunulat, pati na si Pablo, ay lubusang kaisa ng orihinal na lupong tagapamahala ng unang kongregasyong Kristiyano, na binubuo ng mga apostol at matatandang lalaki sa Jerusalem.—Gawa 15:2, 6, 12-14, 22; Galacia 2:7-10.
Inutusan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na ipagpatuloy ang pangangaral at pagtuturo na sinimulan niya. (Mateo 28:19, 20) Sinabi pa nga niya: “Siya na nakikinig sa inyo ay nakikinig din sa akin.” (Lucas 10:16) Ipinangako rin niya na ang banal na espiritu ng Diyos, o aktibong puwersa, ang magbibigay sa kanila ng lakas upang magawa iyon. Kaya kapag ang mga aklat ay mula sa mga apostol o sa kanila mismong mga kamanggagawa—mga lalaking ginagabayan ng banal na espiritu ng Diyos—agad itong tinatanggap ng unang mga Kristiyano bilang awtoridad.
Pinatunayan din ng ilang manunulat ng Bibliya ang awtoridad at pagkasi ng Diyos sa kanilang kapuwa mga manunulat. Halimbawa, sinipi ni apostol Pedro ang mga liham ni Pablo at sinabing kasuwato ito ng “iba pang bahagi ng Kasulatan.” (2 Pedro 3:15, 16) Kinilala naman ni Pablo ang mga apostol at iba pang propetang Kristiyano bilang kinasihan ng Diyos.—Efeso 3:5.
Kung gayon, ang mga ulat ng Ebanghelyo ay talagang maaasahan at totoo. Hindi lamang ito mga gawa-gawang kuwento. Ang mga ito ay kasaysayan na maingat na iniulat, batay sa patotoo ng mga nakasaksi mismo, at isinulat ng mga taong kinasihan ng banal na espiritu ng Diyos.
Sino ang Bumuo sa Kanon?
Sinasabi ng ilang awtor na ang kanon ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ay binuo ng simbahan daan-daang taon pagkatapos itong maging makapangyarihan sa ilalim ni Emperador Constantino. Pero hindi iyan ang sinasabi ng mga ebidensiya.
Halimbawa, pansinin ang sinabi ni Oskar Skarsaune, isang propesor tungkol sa kasaysayan ng simbahan: “Kung aling aklat ang isasama at hindi isasama sa Bagong Tipan ay hindi kailanman pinagpasiyahan ng alinmang konsilyo ng simbahan o ng sinumang tao . . . Ang mga batayan ay madaling maintindihan: Itinuturing na maaasahan ang mga akda na isinulat ng mga apostol o ng kanilang mga
kamanggagawa noong unang siglo C.E. Hindi isinama ang ibang mga akda, liham, o ‘ebanghelyo’ na isinulat nang dakong huli . . . Matagal nang natapos [ang pagbuo sa kanon] bago pa ang panahon ni Constantino at bago pa maging makapangyarihan ang simbahan. Ang mga martir, hindi ang makapangyarihang simbahan, ang nagbigay sa atin ng Bagong Tipan.”Tungkol sa pagbuo ng kanon, ganito ang komento ni Ken Berding na isang propesor na nag-aral ng Kristiyanong Griegong Kasulatan: “Hindi ang simbahan ang pumili ng mga aklat na bumuo sa kanon; mas angkop sabihing tinanggap ng simbahan ang mga aklat na malaon nang itinuring ng mga Kristiyano bilang Salita ng Diyos.”
Gayunman, ang mga Kristiyano lamang ba noong unang siglo ang bumuo sa kanon? Sinasabi sa atin ng Bibliya na mayroon pang higit na mahalaga—at makapangyarihan—na tumulong sa paggawa nito.
Ayon sa Bibliya, ang isa sa makahimalang mga regalo ng espiritu na ibinigay sa kongregasyong Kristiyano noong unang siglo ay ang “kaunawaan sa kinasihang mga pananalita.” (1 Corinto 12:4, 10) Kaya ang ilan sa Kristiyanong iyon ay binigyan ng pantanging kakayahan na maunawaan kung aling mga pananalita ang talagang kinasihan ng Diyos at alin ang hindi. Kaya makapagtitiwala ang mga Kristiyano sa ngayon na ang mga aklat ng Bibliya ay talagang kinasihan.
Kung gayon, maliwanag na hindi lumipas ang matagal na panahon bago nabuo ang kanon sa patnubay ng banal na espiritu. Sa huling bahagi ng ikalawang siglo C.E., nagkomento ang ilang manunulat tungkol sa pagiging kanonikal ng mga aklat ng Bibliya. Pero hindi sila ang nagpasiya kung aling aklat ang mapapasama sa kanon; pinatunayan lamang nila kung ano ang tinanggap ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang mga kinatawan na pinatnubayan ng kaniyang espiritu.
Ang sinaunang mga manuskrito ay nagbibigay rin ng matibay na ebidensiya sa pagiging kanonikal ng Bibliya ngayon. Sa orihinal na wika ng Griegong Kasulatan, may mahigit 5,000 manuskrito kasama na ang ilang kopya noong ikalawa at ikatlong siglo. Ang mga ito ang itinuturing na mapagkakatiwalaan noong unang mga siglo C.E., hindi ang apokripal na mga akda, anupat ang mga ito ay kinopya at malawakang ipinamahagi.
Gayunman, ang pinakamahalagang patotoo ng pagiging kanonikal ng Bibliya ay ang nilalaman nito. Ang kanonikal na mga akda ay kasuwato ng “parisan ng nakapagpapalusog na mga salita” na makikita natin sa iba pang bahagi ng Bibliya. (2 Timoteo 1:13) Hinihimok nito ang mga mambabasa na ibigin, sambahin, at paglingkuran si Jehova. Nagbababala rin ito laban sa pamahiin, demonismo, at pagsamba sa mga nilalang. Ang mga akdang ito ay tumpak ayon sa kasaysayan at naglalaman ng tunay na hula. At pinasisigla nito ang mga mambabasa na ibigin ang kanilang kapuwa. Kitang-kita ito sa mga aklat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Ganito rin ba ang apokripal na mga akda?
Bakit Naiiba ang Apokripal na mga Akda?
Ibang-iba ang apokripal na mga akda sa kanonikal na mga akda. Naisulat ang apokripal na mga aklat noong mga kalagitnaan ng ikalawang siglo, mga ilang dekada matapos isulat ang kanonikal na mga akda. Hindi kaayon ng kinasihang Kasulatan ang paglalarawan ng apokripal na mga akda tungkol kay Jesus at sa Kristiyanismo.
Halimbawa, binabanggit sa apokripang akda na Ebanghelyo ni Tomas ang ilang kakatwang bagay na sinabi raw ni Jesus, gaya ng gagawin niyang lalaki si Maria upang makapasok ito sa Kaharian ng langit. Inilarawan din dito si Jesus bilang salbaheng bata na naging dahilan ng kamatayan ng ibang bata. Ipinagbawal naman ng apokripang Mga Gawa ni Pablo at Mga Gawa ni Pedro ang pakikipagtalik. Sinabi pa nga nito na hinihimok ng mga apostol ang mga babae na hiwalayan ang kanilang asawa. Sinabi naman ng Ebanghelyo ni Judas na pinagtawanan ni Jesus ang kaniyang mga alagad nang manalangin sila sa Diyos para sa pagkain. Ang mga ideyang ito ay salungat sa mababasa sa kanonikal na mga aklat.—Marcos 14:22; 1 Corinto 7:3-5; Galacia 3:28; Hebreo 7:26.
Makikita sa maraming apokripal na akda ang paniniwala ng mga Gnostiko, na ang Maylalang, si Jehova, ay hindi mabuting Diyos. Naniniwala rin sila na hindi literal ang pagkabuhay-muli, na masama ang lahat ng pisikal na bagay, at na si Satanas ang pinagmulan ng pag-aasawa at pag-aanak.
Ang ilang apokripal na mga aklat ay sinasabing isinulat ng mga tauhan sa Bibliya, ngunit hindi ito totoo. Nagkaroon ba ng sabuwatan upang hindi maisama ang mga aklat na ito sa Bibliya? Ayon sa isang eksperto sa apokripa na si M. R. James: “Hindi dapat pag-alinlanganan kung bakit ito ay inihiwalay ng iba mula sa Bagong Tipan.” Sinabi pa niya na ang mga aklat na ito ay talagang hindi kasuwato ng mga kanonikal na aklat kaya maliwanag na hindi ito bahagi ng Bagong Tipan.
Nagbabala ang mga Manunulat ng Bibliya na May Babangong Apostasya
Sa kanonikal na mga akda, marami tayong mababasang babala na may babangong apostasya na sisira sa kongregasyong Kristiyano. Sa katunayan, nagsimula na ang apostasyang ito noong unang siglo, pero napigilan ng mga apostol ang pagkalat nito. (Gawa 20:30; 2 Tesalonica 2:3, 6, 7; 1 Timoteo 4:1-3; 2 Pedro 2:1; 1 Juan 2:18, 19; 4:1-3) Nakatulong ang mga babalang ito para matukoy ang mga akdang nagsimulang lumitaw pagkamatay ng mga apostol na salungat sa mga turo ni Jesus.
Totoo naman na ang mga dokumentong ito ay matagal nang naisulat at talagang pinahahalagahan ng ilang iskolar at istoryador. Pero isipin ito: Halimbawa, may mga iskolar na mangongolekta ng kuwestiyunableng mga akdang inilimbag ngayon, marahil ay mula sa mga magasing naglalaman ng tsismis at sa mga publikasyon tungkol sa radikal na kulto, at pagkatapos ay itatago ang mga ito. Kapag lumipas ang 1,700 taon, magiging totoo na ba at maaasahan ang mga kasinungalingan at walang-kabuluhang pananalita sa mga akdang iyon dahil lang sa matagal na itong naisulat?
Siyempre hindi! Katulad iyan ng sinasabi ng apokripal na mga aklat na napangasawa ni Jesus si Maria Magdalena at ang iba pang kasinungalingan. Kaya bakit ka magtitiwala sa di-maaasahang mga aklat na ito, gayong may makukuha ka namang maaasahang mga aklat? Ang lahat ng bagay na gusto ng Diyos na malaman natin tungkol sa kaniyang Anak ay nasa Bibliya—isang rekord na maaasahan natin.
^ par. 4 Ang salitang “kanon” ay tumutukoy sa koleksiyon ng mga aklat ng Bibliya na may patotoong kinasihan ito ng Diyos. Animnapu’t anim na aklat ang tinatanggap ng karamihan bilang kanonikal at mahalagang bahagi ng Salita ng Diyos.