Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay
Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay
PAANO napagtagumpayan ng dating miyembro ng gang at adik sa marijuana ang kaniyang bisyo? Bakit ipinagupit ng isang dating miyembro ng bandang heavy metal ang kaniyang mahabang buhok at binago ang kaniyang saloobin sa musikang gustung-gusto niya? Ano ang nagpakilos sa isang lalaki na ayaw sumunod sa awtoridad ng simbahan at gobyerno na maging isang ministro ng relihiyon? Narito ang kanilang kuwento.
“Napagtagumpayan Ko ang Pagiging Adik.”—PETER KAUSANGA
EDAD: 32
BANSANG PINAGMULAN: NAMIBIA
MAIKLING TALAMBUHAY: DATING MIYEMBRO NG GANG AT ADIK SA MARIJUANA
ANG AKING NAKARAAN: Lumaki ako sa Kehemu, isa sa apat na malalaking pamayanan sa bayan ng Rundu. Pagtitinda ng mijo, kahoy, at uling ang ikinabubuhay ng mga tao roon.
Dalawang taon pa lamang ako noong mamatay si Nanay kaya si Lola ang nagpalaki sa akin. Simple lamang ang aming buhay. Hindi naman talaga ako rebelde. Pero dahil sa mga kasama ko, napariwara ang buhay ko. Naging miyembro ako ng isang gang sa paaralan. Dahil dito, natuto akong makipag-away sa kalye, magsiga-sigaan, magnakaw, magpuslit ng diamante, at mag-abuso sa alkohol at droga. Dalawang beses akong nakulong dahil sa panloloob at panggagantso.
Noong ako’y 18 anyos, huminto ako sa pag-aaral. Nang maglaon, iniwan ko ang aming lugar pati na ang gang. Gusto kong magbagong-buhay. Pero adik pa rin ako. Kung minsan ay naglalakad ako nang kilu-kilometro para makahithit lamang ng marijuana.
KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO: Noong unang mga buwan ng 1999, may nakausap akong mga Saksi ni Jehova na nag-aalok ng kanilang literatura sa lansangan. Pinakitunguhan nila ako nang may paggalang at dignidad. Talagang nakaantig ito sa akin. Nakumbinsi ako ng literaturang natanggap ko na nasumpungan ko na ang tunay na relihiyon. Masikap kong pinag-aralan ang Bibliya at natanto ko na kailangan kong baguhin ang aking buhay para mapalugdan ang Diyos na Jehova.
Nagtakda ako ng isang petsa kung kailan ko ihihinto ang aking mga bisyo. Pagkatapos, itinapon ko ang lahat ng bagay na may kaugnayan Kawikaan 24:16: “Ang matuwid ay maaaring mabuwal nang kahit pitong ulit, at tiyak na babangon siya.” Nang maglaon, napagtagumpayan ko ang pagiging adik.
dito. Sinabihan ko rin ang mga kaibigan ko na huwag akong bibigyan ng sigarilyo at huwag manigarilyo sa tabi ko. Pero dalawang beses akong bumalik sa aking mga bisyo, ang paninigarilyo at paggamit ng marijuana. Gayunman, hindi ako sumuko. Tinandaan ko ang simulain saHabang mas natututo ako tungkol kay Jehova, lalo ko siyang gustong maging pinakamatalik na kaibigan. Talagang nakaantig sa akin ang Awit 27:10: “Sakaling iwan ako ng aking ama at ng aking ina, si Jehova mismo ang kukupkop sa akin.” Habang patuloy ako sa aking masusing pag-aaral ng Bibliya, naging totoo sa akin ang mga salitang iyon. Si Jehova ay naging isang tunay at nagmamalasakit na Ama sa akin.
Regular din akong nakisama sa mga Saksi ni Jehova. Nakita ko sa kanila ang tunay na pagkakaibigan at pag-ibig sa isa’t isa. Noon ko lamang iyon nadama.
KUNG PAANO AKO NAKINABANG: Sa tulong ni Jehova at ng mga Saksi, maayos na akong manamit, kumilos, at magsalita. Kung babalikan ko ang naging buhay ko, napakalaki ng ipinagbago nito. Natutuwa ang mga kamag-anak ko dahil dito, at nagtitiwala na sila sa akin. Ngayon, may pamilya na ako, at sinisikap kong maging isang maibiging asawa at mapagmahal na ama.
“Natagpuan Ko Na ang Tunay na Kahulugan ng Buhay.”—MARCOS PAULO DE SOUSA
EDAD: 29
BANSANG PINAGMULAN: BRAZIL
MAIKLING TALAMBUHAY: DATING MIYEMBRO NG BANDANG HEAVY METAL
ANG AKING NAKARAAN: Ang aming pamilya ay nakatira sa bayan ng Jaguariuna sa São Paulo. Saradong Katoliko ang mga magulang ko, at noong bata pa ako, naging sakristan ako. Dahil dito, binansagan akong Padre ng mga kaklase ko sa elementarya. Pero noong 15 anyos na ako, nakahiligan ko ang musikang heavy metal. Nakipagkaibigan ako sa mga umaawit nito. Nagpahaba ako ng buhok. At noong 1996, bumili kami ni Tatay ng una kong set ng drum.
Noong 1998, sumali ako sa isang bandang heavy metal. Ang tinutugtog namin ay sataniko at malaswa. Itinataguyod nito ang karahasan. Naapektuhan nito ang aking pag-iisip, paggawi, at saloobin. Lalo akong naging negatibo at marahas.
KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO: Nakilala ko ang mga Saksi ni Jehova noong 1999. Inalok nila ako na mag-aral ng Bibliya at tinanggap ko naman, kahit na hindi talaga ako interesado. Pero nagbago ang pangmalas ko sa buhay dahil sa natutuhan ko sa Bibliya.
Nakilala ako bilang “long hair,” “rock star,” o “drummer.” Pero dahil sa pagtugtog ko sa banda, napansin kong naging makasarili ako
at mahilig makipagkompetensiya. Hindi tuloy naging maganda ang reputasyon ko. Naisip ko na ang iniidolo kong mga mang-aawit ay walang direksiyon ang buhay. Unti-unti kong naunawaan na kung gusto kong palugdan ang Diyos na Jehova, kailangan kong iwan ang musikang heavy metal at ang imoral na buhay at idolatriyang nauugnay rito.Gustung-gusto ko ang aking musika at mahabang buhok. Parang hindi ko kayang mabuhay nang wala ang mga ito. Magagalitin din ako at alam kong kailangang makontrol ko ito. Gayunman, sa pag-aaral ko ng Bibliya, lalong napamahal sa akin si Jehova dahil sa kaniyang pag-ibig, pagtitiis, at awa. Nanalangin ako kay Jehova na tulungan akong magbago, at tinulungan nga niya ako. Napatunayan kong totoo ang binabanggit sa Hebreo 4:12: “Ang salita ng Diyos ay buháy at may lakas.”
Nang makisama ako sa mga Saksi ni Jehova, natuklasan kong iba sila. Noon ko lamang nakita kung ano talaga ang tunay na pag-ibig. Kitang-kita ito lalo na sa malalaking kombensiyon ng mga Saksi. Hangang-hanga ako sa sipag ng mga nagboboluntaryo upang gawing mas komportable ang pagtitipon para sa iba.
KUNG PAANO AKO NAKINABANG: Sa tulong ni Jehova, nakokontrol ko na ang aking galit. Hindi na ako makasarili at mayabang.
Dati, hinahanap-hanap ko pa rin ang nakasanayan kong buhay—pero hindi na ngayon. Natagpuan ko na ang tunay na kahulugan ng buhay. Maligaya ako na natuto na akong magmalasakit sa iba.
“Nadarama Ko ang Kagalakang Dulot ng Pagmamalasakit sa Iba.”—GEOFFREY NOBLE
EDAD: 59
BANSANG PINAGMULAN: ESTADOS UNIDOS
MAIKLING TALAMBUHAY: DATING AYAW SUMUNOD SA AWTORIDAD NG SIMBAHAN AT GOBYERNO
ANG AKING NAKARAAN: Lumaki ako sa isang simpleng pamayanan sa tabi ng dagat sa Ipswich, Massachusetts. Nang adulto na ako, pinili kong manirahan sa liblib na lugar ng Vermont. Kami ng nobya ko ay namuhay nang napakasimple kumpara sa paraan ng pamumuhay ng mga tao sa Hilagang Amerika. Wala kaming kuryente, kaya pinaiinit namin ang bahay at niluluto ang aming pagkain gamit ang mga kahoy mula sa gubat. Nasa labas ng bahay ang aming palikuran at madalas na wala kaming tubig sa gripo. Hindi kami sang-ayon sa pamamalakad sa lipunan, at
makikita ito sa aming hitsura. Minsan, ipinagmalaki ko pa nga na hindi ako nagsuklay ng buhok sa loob ng anim na buwan.Sangkot noon ang Estados Unidos sa Digmaan sa Vietnam. Naapektuhan nito ang saloobin ko sa awtoridad. Nakita ko ang pagpapaimbabaw ng gobyerno at relihiyon. Naisip ko na hindi malulutas ng mga institusyong ito ang mga problema at na pananagutan ng bawat isa ang magpasiya kung ano ang tama o mali. Kaya para sa akin, hindi masama ang magnakaw upang makuha ang kailangan ko.
KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO: Kami ng nobya ko ay nagsimulang magbasa ng Bibliya pero hindi namin ito maintindihan. Nagdodroga pa rin ako kahit gusto ko nang ihinto ito. Gusto ng nobya ko na magpakasal na kami at magpamilya. Nang pagkakataong iyon, dumalaw sa aming bahay ang isang Saksi ni Jehova, at tinuruan niya kami sa Bibliya.
Di-nagtagal, naihinto ko ang aking mga bisyo; pero mas nahirapan akong baguhin ang saloobin ko tungkol sa awtoridad. Kinukuwestiyon ko ang lahat ng bagay. Lumaki ako nang walang nagbabawal sa akin kaya hindi ko matanggap ang ideya na may magdidikta sa akin.
Naniniwala ako sa Maylalang, pero wala akong masyadong alam tungkol sa kaniya. Gayunman, habang nag-aaral ako ng Bibliya lalo kong nauunawaan ang mga katangian ng Diyos na Jehova. Naging maliwanag sa akin kung ano talaga ang gusto niyang gawin ko kasuwato ng kaniyang mga kahilingan. Natutuhan ko rin na gagawin niyang paraiso ang lupa. (2 Pedro 3:13) Ang mga ito ang nagpabago sa akin para maging kuwalipikado akong maglingkod sa kaniya.
Hangang-hanga ako sa paninindigan ng mga Saksi ni Jehova hinggil sa digmaan. Tumatanggi silang makisali rito. Sila lamang ang alam kong relihiyon sa buong daigdig na may gayong paninindigan ayon sa Bibliya.
Alam ko na kung nais kong maglingkod kay Jehova, dapat kong ayusin ang aking hitsura. Sa simula, asiwa akong sundin ang pamantayan sa pananamit ng mga Saksi. Tulad ng aking mga kaibigan, wala akong disenteng kasuutan o sapatos. At wala rin akong kurbata! Ipinagupit ko ang aking buhok at inayos ang aking hitsura. Gayunpaman, naaalaala ko pa rin ang una kong pangangaral sa bahay-bahay. Nakita ko sa salamin ng bintana ang aking bagong hitsura. Naitanong ko sa aking sarili, ‘Ako ba ito?’ Nang maglaon, nasanay na rin ako sa aking bagong hitsura.
KUNG PAANO AKO NAKINABANG: Pinakasalan ko ang aking nobya, at maligaya pa rin kaming nagsasama. Natulungan namin ang aming tatlong anak na ibigin at paglingkuran si Jehova. Natutuwa rin akong makatulong sa iba upang matuto ng mga katotohanan sa Bibliya na nagpabago sa aking buhay.
Dati, ipinagmamalaki ko na wala akong pakialam sa iniisip ng iba. Pero ngayon, nadarama ko ang kagalakang dulot ng pagmamalasakit sa iba at ng pagmamalasakit din ng iba sa akin.
[Blurb sa pahina 26]
“Naglalakad ako nang kilu-kilometro para makahithit lamang ng marijuana”
[Blurb sa pahina 28]
“Nagbago ang pangmalas ko sa buhay dahil sa natutuhan ko sa Bibliya”
[Blurb sa pahina 29]
“Asiwa akong sundin ang pamantayan sa pananamit ng mga Saksi”