Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Alam Mo Ba?

Alam Mo Ba?

Alam Mo Ba?

Talaga bang naghahanda ng pagkain ang mga langgam sa tag-araw at nagtitipon nito sa pag-aani?

Sinasabi ng Kawikaan 6:6-8: “Pumaroon ka sa langgam, ikaw na tamad; tingnan mo ang mga lakad nito at magpakarunong ka. Bagaman wala itong kumandante, opisyal o tagapamahala, naghahanda ito ng kaniyang pagkain sa tag-araw; nagtitipon ito ng kaniyang laang pagkain sa pag-aani.”

Ang ilang uri ng langgam ay nag-iimbak nga ng pagkain. Malamang na ang tinutukoy rito ni Solomon ay ang pinakakaraniwan sa Israel ngayon​—ang harvester ant (Messor semirufus).

Ayon sa isang reperensiya, “iniiwan ng mga harvester ant ang kanilang bahay kapag maganda ang panahon para maghanap ng pagkain . . . [at] nagtitipon ng mga buto sa mga buwan ng tag-init.” Kinukuha nila ang mga buto mula sa mga halaman o pinupulot ito sa lupa. Gumagawa sila ng mga bahay sa ilalim ng lupa malapit sa mga bukid, imbakan, o giikan, kung saan may butil.

Sa loob ng kanilang bahay, ginagawa nilang imbakan ang mga lungga na pinagdurugtong ng mga lagusan. Ang mga ito ay may diyametro na mga 12 sentimetro at may taas na 1 sentimetro. Kaya ang mga kolonya ng harvester ant na maraming naipong pagkain ay maaaring mabuhay nang “mahigit 4 na buwan nang walang pagkain o tubig mula sa labas.”

Ano ang tungkulin ng katiwala ng kopa ng hari?

Si Nehemias ang katiwala ng kopa ni Haring Artajerjes ng Persia. (Nehemias 1:11) Sa mga palasyo noon sa Gitnang Silangan, hindi ordinaryong lingkod ang katiwala ng kopa ng hari​—isa siyang mataas na opisyal. Malalaman natin mula sa sinaunang mga akda at mga relyebeng naglalarawan ng katiwala ng kopa kung gaano kahalaga ang papel ni Nehemias sa palasyo ng Persia.

Ang katiwala ng kopa ang tagatikim ng alak ng hari upang hindi ito malason. Kaya malaki ang tiwala sa kaniya ng hari. “Dahil karaniwan ang pagtatraidor sa palasyong Achaemenido [Persiano], talagang kailangan ang mapagkakatiwalaang mga lingkod,” ang sabi ng iskolar na si Edwin M. Yamauchi. Malamang na ang katiwala ng kopa ay paboritong opisyal din ng hari at may malaking impluwensiya sa kaniya. Dahil araw-araw na kasama ng hari, ang katiwala ng kopa ay maaaring magpasiya kung sino ang puwedeng makalapit sa hari.

Maaaring nakatulong ang katungkulang ito upang payagan si Nehemias na bumalik sa Jerusalem para muling itayo ang mga pader nito. Malamang na mahalaga si Nehemias sa hari. Ganito ang sinasabi ng The Anchor Bible Dictionary: “Ang tanging sinabi ng hari ay ‘Kailan ka babalik?’”​—Nehemias 2:1-6.

[Dayagram/Larawan sa pahina 9]

Relyebe mula sa palasyo ng Persia sa Persepolis

[Dayagram]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Katiwala ng kopa

Tagapagmanang Prinsipe na si Jerjes

Dariong Dakila

[Credit Line]

© The Bridgeman Art Library International