Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tularan ang Kanilang Pananampalataya

Ibinuhos Niya ang Laman ng Kaniyang Puso sa Diyos sa Panalangin

Ibinuhos Niya ang Laman ng Kaniyang Puso sa Diyos sa Panalangin

NAGPAKAABALA si Hana sa paghahanda sa paglalakbay para malimutan ang kaniyang mga problema. Masayang panahon sana iyon; nakaugalian nang isama ng kaniyang asawang si Elkana ang buong pamilya sa taunang mga paglalakbay na ito upang sumamba sa tabernakulo sa Shilo. Gusto ni Jehova na maging masaya ang gayong mga okasyon. (Deuteronomio 16:15) Mula pagkabata, tiyak na tuwang-tuwa na si Hana sa mga kapistahang iyon. Pero nagbago ang mga bagay-bagay.

Si Hana ay pinagpala ng isang asawang nagmamahal sa kaniya. Pero may iba pang asawa si Elkana, si Penina. Para bang wala na itong inatupag kundi gawing miserable ang buhay ni Hana. Nakita ni Penina na magandang pagkakataon ang taunang mga kapistahang ito upang saktan ang damdamin ni Hana. Paano? Pero higit na mahalaga, paano nakatulong kay Hana ang pananampalataya niya kay Jehova para maharap ang problemang tila imposibleng malutas? Kung may mga hamon sa buhay na nag-aalis ng iyong kagalakan, maaantig ka sa kuwento ni Hana.

“Bakit Nalulumbay ang Iyong Puso?”

Ipinakikita ng Bibliya ang dalawang malaking problema ni Hana. Sa unang problema, halos wala siyang magawa. Sa ikalawa naman, talagang wala siyang magagawa. Una, si Elkana ay may isa pang asawa na napopoot kay Hana. Ikalawa, baog si Hana. Napakahirap nito para sa sinumang gustong magkaanak, pero lalo na para kay Hana. Sa panahon kasi nila at kultura, mahalaga ang anak para hindi maputol ang kanilang lahi. Ang pagiging baog ay itinuturing na matinding kadustaan at kahihiyan sa pamilya.

Mas nakayanan sana ni Hana ang sitwasyon kung hindi dahil kay Penina. Hindi talaga maganda ang poligamya, o ang pagkakaroon ng maraming asawa. Karaniwan na ang pagpapaligsahan, alitan, at samâ ng loob. Malayung-malayo iyan sa pamantayang itinakda ng Diyos sa hardin ng Eden, ang monogamya, o ang pagkakaroon ng isang asawa lamang. * (Genesis 2:24) Kaya ipinakikita ng Bibliya ang masaklap na resulta ng poligamya gaya ng naging sitwasyon sa sambahayan ni Elkana.

Mas mahal ni Elkana si Hana. Sinasabi ng mga Judio na unang pinakasalan ni Elkana si Hana at pagkatapos ay si Penina. Totoo man ito o hindi, sobrang pinagseselosan ni Penina si Hana kaya humanap siya ng mga paraan upang saktan ang damdamin ng kaniyang karibal. Lamáng na lamáng si Penina kay Hana dahil sunud-sunod ang anak niya. Lalo siyang yumayabang habang nadaragdagan ang kaniyang anak. Sa halip na maawa kay Hana at aliwin siya, sinamantala ni Penina ang sitwasyon nito. Sinasabi ng Bibliya na lubhang niligalig ni Penina si Hana “upang yamutin siya.” (1 Samuel 1:6) Sinadya ito ni Penina, at nagtagumpay naman siya.

Tila pumapabor kay Penina ang taunang pagpunta sa Shilo para saktan ang damdamin ni Hana. Binibigyan ni Elkana ng takdang bahagi ng mga hain kay Jehova ang bawat isa sa ‘lahat ng anak na lalaki at babae’ ni Penina. Pero isang bahagi lang ang natatanggap ni Hana. Ginamit ni Penina ang ganitong mga pagkakataon para maipamukha kay Hana ang pagiging baog nito. Ang kawawang si Hana ay walang nagawa kundi umiyak. Nawalan pa nga siya ng ganang kumain. Napansin ito ni Elkana, kaya inaliw niya ang kaniyang mahal na asawa: “Hana, bakit ka tumatangis, at bakit hindi ka kumakain, at bakit nalulumbay ang iyong puso? Hindi ba mas mabuti ako sa iyo kaysa sa sampung anak?”​—1 Samuel 1:4-8.

Alam ni Elkana na nalulungkot ang kaniyang asawa dahil sa pagiging baog nito. Kaya tiniyak niya kay Hana na mahal niya siya, at siguradong pinahalagahan ito ni Hana. * Pero hindi binanggit ni Elkana ang tungkol sa pang-iinis ni Penina, ni ipinakikita man ng ulat na nagsumbong sa kaniya si Hana. Malamang na naisip ni Hana na kung gagawin niya iyon, lalo lamang lalala ang sitwasyon. Talaga kayang may gagawin si Elkana kung magsusumbong siya? Hindi kaya lalo lang mainis sa kaniya si Penina at baka pagtulungan pa siya ng mga anak at lingkod nito? Mas magmumukha lang kawawa si Hana sa sarili niyang sambahayan.

Alam man ni Elkana o hindi ang mga pinaggagagawa ni Penina, alam itong lahat ng Diyos na Jehova. Pinatutunayan ito ng kaniyang Salita, sa gayo’y nagsisilbi itong babala sa sinumang naninibugho o napopoot. Pero matutuwa ang walang-sala at mapagpayapa, gaya ni Hana, na malaman na itinutuwid ng Diyos ang lahat ng bagay ayon sa kaniyang panahon at paraan. (Deuteronomio 32:4) Marahil ay alam din ito ni Hana, kaya kay Jehova siya humingi ng tulong.

“Hindi Na Nabahala”

Maaga pa ay abalang-abala na ang pamilya. Pati ang mga bata ay naghahanda sa paglalakbay. Para makarating sa Shilo, kailangang lakbayin ng pamilya ang mahigit 30 kilometro ng maburol na lupain ng Efraim. * Kung maglalakad sila, tatagal ito nang isa o dalawang araw. Alam ni Hana ang gagawin ng kaniyang karibal. Pero hindi pa rin siya nagpaiwan sa bahay. Kaya isa siyang huwaran para sa mga mananamba ng Diyos hanggang sa ngayon. Hindi natin dapat hayaang makahadlang sa ating pagsamba ang maling paggawi ng iba. Kung gagawin natin iyon, hindi natin matatanggap ang mga pagpapalang tutulong sa atin na magbata.

Matapos ang maghapong paglalakbay sa bundok, malapit na sa Shilo ang pamilya. Naroon iyon sa isang burol na halos napaliligiran ng mas matataas na burol. Habang papalapit sila, malamang na pinag-iisipang mabuti ni Hana kung ano ang sasabihin niya sa panalangin kay Jehova. Pagdating doon, nagsalu-salo ang pamilya. Agad na humiwalay si Hana sa grupo pagkatapos kumain at nagpunta sa tabernakulo ni Jehova. Naroon ang mataas na saserdoteng si Eli na nakaupo malapit sa poste ng pinto ng templo. Pero nakatuon ang pansin ni Hana sa pananalangin. Alam niya kasi na dito sa tabernakulo, tiyak na diringgin siya. Kung walang sinumang makauunawa sa kaniyang problema, mauunawaan siya ng kaniyang Ama sa langit. Parang sasabog na ang dibdib ni Hana sa samâ ng loob, kaya siya ay tumangis.

Tahimik na idinulog ni Hana kay Jehova ang kirot na nadarama niya habang gumagalaw ang kaniyang mga labi at nanginginig ang katawan sa pag-iyak. Matagal siyang nanalangin, na sinasabi sa kaniyang Ama ang lahat ng laman ng kaniyang puso. Pero hindi lang niya hiniling sa Diyos na bigyan siya ng anak. Hindi lamang siya interesadong tumanggap ng mga pagpapala mula sa Diyos kundi gusto rin niyang ibigay ang maibibigay niya. Kaya nanata siya na kung pagkakalooban siya ng anak na lalaki, iaalay niya ito sa paglilingkod kay Jehova.​—1 Samuel 1:9-11.

Pagdating sa pananalangin, si Hana ay isang huwaran para sa lahat ng lingkod ng Diyos. Magiliw na inaanyayahan ni Jehova ang kaniyang bayan na makipag-usap sa kaniya nang walang pag-aatubili, na sinasabi ang lahat ng kanilang problema gaya ng ginagawa ng isang anak sa kaniyang maibiging magulang. (Awit 62:8; 1 Tesalonica 5:17) Isinulat ni apostol Pedro ang nakaaaliw na mga salitang ito: “[Ihagis] ninyo sa kaniya ang lahat ng inyong kabalisahan, sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.”​—1 Pedro 5:7.

Gayunman, ang mga tao ay hindi maunawain at madamayin na gaya ni Jehova. Habang umiiyak at nananalangin si Hana, nagulat siya nang magsalita ang mataas na saserdoteng si Eli na nagmamasid pala sa kaniya. Sinabi nito: “Hanggang kailan ka magiging lasing? Alisin mo ang iyong alak mula sa iyo.” Napansin ni Eli ang gumagalaw na mga labi ni Hana, at ang kaniyang paghikbi at pagkilos. Imbes na magtanong kung ano ang problema, inisip niya agad na lasing si Hana.​—1 Samuel 1:12-14.

Sa panahon ng pagdadalamhati ni Hana, talagang napakasakit para sa kaniya na maakusahang lasing ng mataas na saserdote! Magkagayunman, muli siyang naging huwaran sa pananampalataya. Hindi niya hinayaang makahadlang sa kaniyang pagsamba kay Jehova ang di-kasakdalan ng iba. Magalang siyang nagpaliwanag kay Eli. Napag-isip-isip ni Eli na nagkamali siya, kaya sinabi niya marahil sa malumanay na tinig: “Yumaon kang payapa, at ipagkaloob nawa ng Diyos ng Israel ang iyong pakiusap na hiniling mo sa kaniya.”​—1 Samuel 1:15-17.

Ano ang naging epekto kay Hana ng pagsamba kay Jehova sa tabernakulo at ng pagsasabi sa Diyos ng nilalaman ng kaniyang puso? Sinasabi ng ulat: “Ang babae ay yumaon sa kaniyang lakad at kumain, at ang kaniyang mukha ay hindi na nabahala.” (1 Samuel 1:18) Ganito ang pagkakasabi sa Biblia ng Sambayanang Pilipino: “Wala nang nabakas na lungkot sa kanyang mukha.” Parang nabunutan ng tinik si Hana nang ipapasan niya ang kaniyang mabigat na dalahin sa isa na mas malakas sa kaniya, ang kaniyang Ama sa langit. (Awit 55:22) May problema bang napakabigat para sa Diyos? Wala​—wala noon, wala ngayon, wala kailanman!

Kapag nabibigatan tayo o labis na nalulungkot, makabubuting tularan si Hana at sabihin ang ating niloloob sa Isa na tinatawag ng Bibliya na “Dumirinig ng panalangin.” (Awit 65:2) Kung gagawin natin iyon nang may pananampalataya, ang ating kalungkutan ay mapapalitan ng “kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan.”​—Filipos 4:6, 7.

“Walang Bato na Gaya ng Aming Diyos”

Kinaumagahan, bumalik si Hana sa tabernakulo kasama si Elkana. Malamang na ipinaalam niya rito ang kaniyang kahilingan at panata, yamang nakasaad sa Kautusang Mosaiko na ang asawang lalaki ay may karapatang ipawalang-bisa ang panatang ginawa ng kaniyang asawa nang wala siyang pahintulot. (Bilang 30:10-15) Pero hindi iyon ginawa ng tapat na si Elkana. Sa halip, magkasama sila ni Hana na sumamba kay Jehova sa tabernakulo bago umuwi.

Kailan napag-isip-isip ni Penina na hindi na niya kayang yamutin si Hana? Hindi sinasabi ng Bibliya, pero ipinahihiwatig ng mga pananalitang “hindi na nabahala” na naging masaya na si Hana mula noon. Hindi na umeepekto ang pang-iinis ni Penina. Hindi na binanggit pa ng Bibliya ang kaniyang pangalan.

Paglipas ng ilang buwan, nagdadalang-tao na si Hana! Walang pagsidlan ang kaligayahan niya. Pero hinding-hindi niya nakalimutan kung saan nagmula ang pagpapalang ito. Nang isilang ang bata, pinili niya ang pangalang Samuel, na nangangahulugang “Pangalan ng Diyos” at malamang na tumutukoy sa pagtawag sa pangalan ng Diyos, gaya ng ginawa ni Hana. Nang taóng iyon, hindi siya sumama kay Elkana at sa pamilya sa pagpunta sa Shilo. Nanatili siya sa bahay na kasama ng bata sa loob ng tatlong taon hanggang sa maawat ito. Nag-ipon siya ng lakas ng loob para sa araw na kailangan nang mawalay sa kaniya ang minamahal niyang anak.

Hindi naging madali ang paghihiwalay na iyon. Siyempre pa, alam ni Hana na aalagaang mabuti si Samuel sa Shilo, marahil ng ilang babae na naglilingkod sa tabernakulo. Pero napakabata pa nito, at sinong ina ang gustong mawalay sa kaniyang anak? Gayunpaman, hindi mabigat sa loob kundi mapagpasalamat na dinala nina Hana at Elkana ang bata. Naghain sila sa bahay ng Diyos, iniharap nila si Samuel kay Eli, at ipinaalaala rito ang panata roon ni Hana ilang taon na ang nakalilipas.

Pagkatapos ay nanalangin si Hana. Itinuring ng Diyos na karapat-dapat mapasama ang panalanging ito sa kaniyang kinasihang Salita. Habang binabasa mo ito sa 1 Samuel 2:1-10, makikita mo ang lalim ng kaniyang pananampalataya. Pinuri ni Hana si Jehova dahil sa Kaniyang kamangha-manghang paggamit ng kapangyarihan​—sa walang-kapantay na kakayahang ibaba ang mapagmataas, pagpalain ang naaapi, at pumuksa o magligtas ng buhay. Pinuri niya ang kaniyang Ama dahil sa Kaniyang walang-katulad na kabanalan, katarungan, at katapatan. Kaya naman masasabi ni Hana: “Walang bato na gaya ng aming Diyos.” Si Jehova ay talagang maaasahan, hindi nagbabago, at isang kanlungan ng lahat ng naaapi na humihingi ng tulong sa kaniya.

Talagang pinagpala ang batang si Samuel ng isang ina na punô ng pananampalataya kay Jehova. Bagaman tiyak na hinahanap-hanap ni Samuel ang kaniyang ina habang lumalaki siya, hinding-hindi niya nadamang siya’y nakalimutan. Taun-taon, dumadalaw si Hana sa Shilo dala ang isang maliit na damit na walang manggas para sa paglilingkod ni Samuel sa tabernakulo. Bawat damit na tinahi niya ay patunay ng kaniyang pag-ibig at pagmamalasakit sa kaniyang anak. (1 Samuel 2:19) Maguguniguni natin si Hana na isinusuot sa bata ang bagong damit, inaayos ito, at magiliw siyang tinitingnan at kinakausap. Pinagpala nga si Samuel na magkaroon ng gayong ina, at siya rin naman ay naging pagpapala sa kaniyang mga magulang at sa buong Israel.

Kung tungkol kay Hana, hindi rin siya nakalimutan. Pinagpala siya ni Jehova ng lima pang anak. (1 Samuel 2:21) Pero ang pinakamalaking pagpapala ni Hana ay ang kaniyang malapít na kaugnayan sa kaniyang Ama, si Jehova, na lalo pang tumibay sa paglipas ng mga taon. Sana’y maranasan mo rin iyan habang tinutularan mo ang pananampalataya ni Hana.

[Mga talababa]

^ par. 7 Para malaman kung bakit pinahintulutan noon ng Diyos ang poligamya, tingnan ang artikulong “Sang-ayon ba ang Diyos sa Poligamya?” sa pahina 30 ng Hulyo 1, 2009 isyu ng Ang Bantayan.

^ par. 10 Bagaman sinasabi ng ulat na ‘sinarhan ni Jehova ang bahay-bata ni Hana,’ hindi ibig sabihin nito na di-nalulugod ang Diyos sa mapagpakumbaba at tapat na babaing ito. (1 Samuel 1:5) Kung minsan, sinasabi ng Bibliya na ang Diyos ang nagpangyari ng isang bagay. Pero ang totoo, pinahintulutan lang niya ito sa loob ng ilang panahon.

^ par. 13 Ang distansiya ay batay sa posibilidad na ang bayan ni Elkana, ang Rama, ang siya ring lugar na tinatawag na Arimatea noong panahon ni Jesus.

[Kahon sa pahina 17]

Dalawang Kahanga-hangang Panalangin

Marami tayong matututuhan sa dalawang panalangin ni Hana na nakaulat sa 1 Samuel 1:11 at 2:1-10. Isaalang-alang natin ang ilan:

▪ Sa unang panalangin ni Hana, tinawag niya ang Diyos na “Jehova ng mga hukbo.” Siya ang unang naiulat sa Bibliya na gumamit ng titulong ito. Lumilitaw ito nang 285 ulit sa Bibliya at tumutukoy sa pangunguna ng Diyos sa kaniyang napakalaking hukbo ng espiritung mga anak.

▪ Pansinin na binigkas ni Hana ang ikalawang panalangin, hindi nang isilang ang kaniyang anak, kundi nang dalhin nila ni Elkana si Samuel sa Shilo upang maglingkod sa Diyos. Ipinakikita nito na nagalak si Hana hindi dahil sa napatahimik ang kaniyang karibal na si Penina, kundi dahil sa pinagpala siya ni Jehova.

▪ Nang sabihin ni Hana, “Ang aking sungay ay naitataas nga dahil kay Jehova,” malamang na ang nasa isip niya ay ang barakong baka, isang malakas na hayop na pantrabaho na may matitibay na sungay. Sa diwa, sinasabi ni Hana: ‘Pinalalakas mo ako, Jehova.’​—1 Samuel 2:1.

▪ Ang mga pananalita ni Hana tungkol sa “pinahiran” ng Diyos ay itinuturing na isang hula. Ito rin ang salitang ginamit para sa “mesiyas,” at si Hana ang unang naiulat sa Bibliya na gumamit nito upang tumukoy sa magiging pinahirang hari.​—1 Samuel 2:10.

▪ Pagkalipas ng mga 1,000 taon, inulit ng ina ni Jesus na si Maria, sa kaniyang sariling pananalita, ang ilan sa mga papuri ni Hana kay Jehova.​—Lucas 1:46-55.

[Larawan sa pahina 16]

Lungkot na lungkot si Hana dahil baog siya, at ginawa ni Penina ang lahat para lalong saktan ang kaniyang damdamin

[Larawan sa pahina 16, 17]

Matutularan mo ba si Hana sa pananalangin mula sa puso?

[Larawan sa pahina 17]

Hindi naghinanakit si Hana bagaman inakusahan siyang lasing ni Eli