Kung Ano ang Nasasangkot sa Pagkakilala sa Diyos
MAY kahulugan ba ang pangalan mo? Sa ilang lugar, kaugalian nang bigyan ang isang bata ng pangalang punô ng kahulugan. Maaaring masalamin sa pangalang napili ang mga paniniwala at pamantayan ng mga magulang o ang kanilang mga pangarap para sa bata.
Hindi na bago ang kaugaliang ito. Noong panahon ng Bibliya, ang pangalan ay ibinibigay dahil sa kahulugan nito. Maaaring ipahiwatig nito ang magiging papel ng isang tao sa hinaharap. Halimbawa, nang ipaalam ni Jehova kay David ang magiging papel ng kaniyang anak na si Solomon, sinabi Niya: “Solomon [mula sa salita na nangangahulugang “Kapayapaan”] ang magiging pangalan niya, at kapayapaan at katahimikan ang igagawad ko sa Israel sa kaniyang mga araw.”—1 Cronica 22:9.
Kung minsan, binibigyan ni Jehova ng bagong pangalan ang isang tao ayon sa bagong papel na gagampanan nito. Ang baog na asawa ni Abraham ay tinawag na Sara, na nangangahulugang “Prinsesa.” Bakit? Sinabi ni Jehova: “Pagpapalain ko siya at bibigyan din kita ng isang anak na lalaki mula sa kaniya; at pagpapalain ko siya at siya ay magiging mga bansa; mga hari ng mga bayan ang magmumula sa kaniya.” (Genesis 17:16) Kaya para maunawaan kung bakit binigyan ng bagong pangalan si Sara, kailangang maunawaan ang kaniyang bagong papel.
Kumusta naman ang pinakamahalagang pangalan na Jehova? Ano ang kahulugan nito? Nang tanungin ni Moises ang Diyos tungkol sa Kaniyang pangalan, sinabi ni Jehova: “Ako ay magiging gayon sa anumang ako ay magiging gayon.” (Exodo 3:14) Ganito naman ang salin ni Rotherham: “Ako’y Magiging anuman na kalugdan ko.” Isinisiwalat ng pangalan ni Jehova na marami siyang ginagampanang papel. Bilang paglalarawan: Maaaring gampanan ng isang ina ang maraming papel araw-araw para alagaan ang kaniyang mga anak. Puwede siyang maging nars, kusinera, o guro—depende sa pangangailangan. Ganiyan si Jehova, pero sa mas mataas na antas. Upang maisakatuparan ang kaniyang maibiging layunin para sa sangkatauhan, ginagampanan niya ang anumang papel na kinakailangan. Kaya para masabing kilala nga ng isa si Jehova, dapat na nauunawaan at pinahahalagahan niya ang Kaniyang mga papel.
Nakalulungkot, ang kagandahan ng personalidad ng Diyos ay nakakubli sa mga hindi nakakakilala sa kaniya. Gayunman, sa pag-aaral ng Bibliya, mapahahalagahan mo ang mga papel ni Jehova bilang isang matalinong Tagapayo, makapangyarihang Tagapagligtas, at bukas-palad na Tagapaglaan. Tunay ngang kahanga-hanga ang kahulugan ng pangalan ni Jehova.
Magkagayunman, hindi laging madaling makilala ang Diyos. Ipaliliwanag ito ng susunod na artikulo.