Ano “ang Wakas”?
Ano “ang Wakas”?
“. . . at kung magkagayon ay darating ang wakas.”—MATEO 24:14.
WARING wala nang katapusan ang usap-usapan tungkol sa katapusan ng mundo. Ginagawa pa nga itong katatawanan at paksa sa siyensiya sa mga aklat, pelikula, at magasin. Nariyan ang pagkalipol dahil sa digmaang nuklear, pagbangga ng asteroid, nakamamatay na mga virus, di-makontrol na pagbabago ng klima, o pagsalakay ng mga taga-ibang planeta.
Iba-iba rin ang pananaw ng mga relihiyon. Itinuturo ng marami na “ang wakas” ang katapusan ng lahat ng buhay sa lupa. Bilang komento sa Mateo 24:14, ganito ang nakatatakot na sinabi ng isang teologo: “Ang tekstong ito ang isa sa pinakaimportanteng talata sa Salita ng Diyos . . . Ang ating henerasyon ay napapaharap sa isang potensiyal at lubusang pagkalipol na ayaw man lamang isipin ng karamihan sa atin.”
Sa gayong mga pananaw, karaniwan nang nakakaligtaan ang isang mahalagang bagay: ‘Matibay na itinatag’ ng Diyos na Jehova ang lupa; ‘hindi niya ito nilalang na walang kabuluhan, kundi inanyuan ito upang tahanan.’ (Isaias 45:18) Kaya nang banggitin ni Jesus “ang wakas,” hindi niya sinasabing gugunawin ang lupa ni lilipulin man ang mga tao. Ang ibig niyang sabihin, ang masasama—yaong tumatangging mamuhay ayon sa maibiging patnubay ni Jehova—ay pupuksain.
Isaalang-alang ang isang ilustrasyon. Ipagpalagay nang mayroon kang isang magandang bahay at may pinatira ka rito nang walang bayad. Ang ilan sa kanila ay mapayapang naninirahan doon at iniingatan ang iyong bahay. Pero ang iba ay magulo, nag-aaway, at pineperwisyo nila ang mababait na naninirahan. Sinisira nila ang pag-aari mo at matitigas ang ulo.
Ano ang gagawin mo? Gigibain mo ba ang iyong bahay? Tiyak na hindi. Malamang na paaalisin mo ang masasamang naninirahan dito at kukumpunihin ang mga nasira.
Ganiyan din ang gagawin ni Jehova. Ginabayan niya ng kaniyang espiritu ang salmista na isulat: “Ang mga manggagawa ng kasamaan ay lilipulin, ngunit yaong mga umaasa kay Jehova ang siyang magmamay-ari ng lupa. At kaunting panahon na lamang, at ang balakyot ay mawawala na; at pagtutuunan mo nga ng pansin ang kaniyang dako, at siya ay mawawala na. Ngunit ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa, at makasusumpong nga sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.”—Binanggit din iyan ni apostol Pedro. Sa patnubay ng espiritu ng Diyos, isinulat niya: “May mga langit mula noong sinauna at isang lupa na nakatayong matatag mula sa tubig at sa gitna ng tubig sa pamamagitan ng salita ng Diyos, at sa pamamagitan ng mga iyon ang sanlibutan ng panahong iyon ay dumanas ng pagkapuksa nang apawan ito ng tubig.” (2 Pedro 3:5, 6) Tinutukoy rito ng apostol ang Baha noong panahon ni Noe. Ang mga taong di-makadiyos ay napuksa, ngunit ang lupa ay hindi nawasak. Ang pangglobong Delubyong iyon ay nagsisilbing “isang parisan para sa mga taong di-makadiyos tungkol sa mga bagay na darating.”—2 Pedro 2:6.
Idinagdag pa ni Pedro: “Ang mga langit at ang lupa sa ngayon ay nakalaan sa apoy.” Ibig bang sabihin niyan ay magugunaw ang lupa? Pansinin ang pagpapatuloy ng talata: “At ng pagkapuksa ng mga taong di-makadiyos.” Ang pupuksain ay ang mga taong di-makadiyos, hindi ang lupa. Ano ang kasunod? Isinulat ni Pedro: “May mga bagong langit [ang Mesiyanikong Kaharian ng Diyos] at isang bagong lupa [isang matuwid na lipunan ng mga tao] na ating hinihintay ayon sa kaniyang pangako, at sa mga ito ay tatahan ang katuwiran.”—2 Pedro 3:7, 13.
Ipinakikita rin ng hula ng Bibliya na “ang wakas” ay malapit na. Basahin ang Mateo 24:3-14 at 2 Timoteo 3:1-5 upang makita ang mga bahagi ng hula na nagpapatunay na ito ay totoo. *
Hindi ba kakatwa na marami ang nalilito tungkol sa Mateo 24:14, isang talata na mauunawaan kahit ng isang bata? May dahilan ito. Binulag ni Satanas ang mga tao sa mahahalagang katotohanang nasa Salita ng Diyos. (2 Corinto 4:4) Gayundin, hindi ipinaalam ng Diyos ang kaniyang layunin sa mga palalo kundi isiniwalat niya ito sa mga mapagpakumbaba. Kaya sinabi ni Jesus: “Hayagan kitang pinupuri, Ama, Panginoon ng langit at lupa, sapagkat itinago mo ang mga bagay na ito mula sa marurunong at matatalino at isiniwalat ang mga ito sa mga sanggol.” (Mateo 11:25) Isa ngang karangalang mapabilang sa mga mapagpakumbaba na nakauunawa kung ano nga ba ang Kaharian ng Diyos at makaaasa sa mga pagpapalang dadalhin nito sa lahat ng sumusuporta rito!
[Talababa]
^ par. 11 Para sa detalyadong impormasyon, tingnan ang kabanata 9 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Larawan sa pahina 9]
‘Wawakasan’ ng Kaharian ang lahat ng kasamaan sa lupa