Mapapayapang Tao na Nagtatanggol sa Kanilang Mabuting Pangalan
PARA SA MGA MAMAMAYAN NG RUSSIA: Sa paglalathala ng mga ulat na ito, malalaman ng milyun-milyong tao sa mahigit 230 lupain ang di-makatarungang pagsupil sa kalayaan ng pagsamba sa Russia. Ang magasing Bantayan ang may pinakamalawak na sirkulasyon sa daigdig at isinasalin din ito sa pinakamaraming wika. Sa katunayan, ang artikulong ito ay mababasa sa 188 wika. Mahigit 40 milyong kopya ang ilalathala. Ayaw ng ilang opisyal na malaman ng internasyonal na komunidad ang nangyayari sa mga Saksi ni Jehova sa Russia. Pero matutupad ang sinabi ni Jesus: “Walang anumang maingat na nakakubli na hindi mahahayag, at lihim na hindi malalaman.”—LUCAS 12:2.
NOONG Disyembre 2009 at Enero 2010, dalawa sa pinakamataas na korte sa Russia ang nagdeklarang ekstremista ang relihiyon ng mga Saksi ni Jehova. Hindi na ito bago. Noong namamahala pa sa Russia ang mga Sobyet, libu-libong Saksi ang may-kamaliang pinaratangan na mga kaaway ng bansa. Ipinatapon sila, ibinilanggo, at inilagay sa mga kampo ng puwersahang pagtatrabaho. Nang bumagsak ang rehimeng Sobyet, pinawalang-sala ang mga Saksi ni Jehova. Opisyal na ibinalik ng bagong pamahalaan ang kanilang mabuting pangalan. * Pero ngayon, may mga determinado na namang manira sa mga Saksi.
Noong pasimula ng 2009, pinuntirya ng mga awtoridad ang kalayaan sa relihiyon ng mga Saksi ni Jehova. Noong Pebrero pa lamang, ang mga tagausig ay naglunsad ng mahigit 500 imbestigasyon sa buong bansa. Ang kanilang layunin? Para hanapan ng diumano’y paglabag sa batas ang mga Saksi. Nang sumunod na mga buwan, nilusob ng mga pulis ang mapayapang relihiyosong mga pagpupulong sa mga Kingdom Hall at sa pribadong mga tahanan. May kinumpiska silang mga literatura at personal na pag-aari. Idineport ng mga awtoridad ang mga dayuhang abogado na tumutulong sa mga Saksi at pinagbawalang bumalik sa bansa.
Noong Oktubre 5, 2009, hinarang ng mga opisyal ng customs ang kargamento ng mga literatura sa Bibliya sa hanggahan
malapit sa St. Petersburg. Ang mga literaturang ito ay inimprenta sa Germany para sana sa maraming kongregasyon sa Russia. Ang kargamento ay sinuri ng isang special unit ng mga ahente ng customs para sa mapanganib na mga kontrabando. Bakit? Ayon sa isang opisyal na dokumento, ang kargamento ay “maaaring naglalaman ng materyal na nagsusulsol ng kaguluhan sa relihiyon.”Di-nagtagal, umabot sa sukdulan ang daluyong ng panliligalig. Ang maraming publikasyon ng mga Saksi, pati na ang magasing binabasa mo ngayon ay idineklarang ekstremista ng Korte Suprema ng Russian Federation at ng Altay Republic (bahagi ng Russia). Ang mga Saksi ni Jehova ay umapela, at nagpahayag din ng pagkabahala ang internasyonal na komunidad. Pero wala ring nangyari. Kaya naging ilegal sa Russia ang pag-aangkat at pamamahagi ng mga publikasyong iyon na salig sa Bibliya.
Paano kaya tumugon ang mga Saksi sa mga pagsisikap na ito na sirain ang kanilang reputasyon at hadlangan ang kanilang gawain? At ano ang implikasyon ng mga desisyon ng Korte sa kalayaan sa relihiyon ng lahat ng mamamayan ng Russia?
Isang Mahalagang Aksiyon sa Lumalagong Panganib
Noong Pebrero 26, 2010, Biyernes, mga 160,000 Saksi ni Jehova sa buong Russia ang nagsimulang mamahagi ng 12 milyong kopya ng espesyal na tract na pinamagatang Mauulit na Naman Ba? Isang Tanong sa mga Mamamayan ng Russia. Halimbawa, sa lunsod ng Usol’ye-Sibirskoye, Siberia, daan-daang Saksi ang nagtipon sa mga lansangan noong 5:30 ng umaga. Kabilang sa kanila ang ilan sa mga ipinatapon sa Siberia noong 1951 dahil sa kanilang pananampalataya. Kahit -40 digri Celsius ang temperatura, ipinamahagi pa rin nila ang kanilang suplay na 20,000 tract.
Upang ianunsiyo ang tatlong-araw na kampanya, nagpatawag ng press conference ang mga Saksi ni Jehova sa Moscow, ang kabisera ng Russia. Kasama sa mga inanyayahang tagapagsalita si Mr. Lev Levinson, isang eksperto mula sa Human Rights Institute. Inilahad niya sa maikli ang di-makatuwirang panliligalig at pang-uusig ng mga Nazi sa Germany at ng Unyong Sobyet sa mga Saksi ni Jehova. Binanggit din niya ang opisyal na pagpapawalang-sala sa mga Saksi. Sinabi pa niya: “Lahat ng nagpahayag ng kanilang relihiyosong paniniwala na pinag-usig noong panahon ng rehimeng Sobyet ay pinawalang-sala ng dekreto ni Presidente Yeltsin. At lahat ng nawala sa kanila ay dapat ibalik. Ang mga Saksi ni Jehova ay walang partikular na pag-aari sa ilalim ng Unyong Sobyet, pero naibalik sa kanila ang mabuting pangalan nila.”
Muli na namang nanganganib mawala ang mabuting pangalang iyan. “Ang mismong bansa na nagpahayag ng pagsisisi,” ang sabi ni Mr. Levinson, “ang siya ngayong nang-uusig nang walang basehan sa mga taong ito.”
Magandang Tugon sa Tract
Nagtagumpay ba ang kampanya ng pamamahagi ng tract? Sinabi ni Mr. Levinson: “Habang papunta sa [press] conference, nakita ko ang mga tao sa [tren] na nakaupo at nagbabasa ng maliit na pulyetong ipinamamahagi ngayon ng mga Saksi ni Jehova sa buong Russia. . . . at talagang binabasa nilang mabuti ang mga iyon.” * Pansinin ang ilang karanasan.
Sa isang rehiyon sa sentral Russia na maraming Muslim, isang may-edad nang babae ang tumanggap ng tract at nagtanong kung tungkol saan ang babasahín. Nang sabihin sa kaniya na tumatalakay ito sa mga karapatang pantao at kalayaan sa Russia, naibulalas niya: “Sa wakas, may nagtawag-pansin din sa mga isyung ito! Bumabalik na naman kasi ang Russia sa panahon ng Unyong Sobyet. Maraming salamat. Ang galing ninyo!”
Isang babae sa Chelyabinsk na inalok ng tract ang nagsabi: “May kopya na ako ng tract na ito at nabasa ko na. Talagang kampi ako sa inyo. Wala akong alam na ibang relihiyon na magtatanggol ng kanilang pananampalataya sa napakaorganisadong paraan gaya ninyo. Gusto ko kayong manamit, at maayos kayong makipag-usap. Kitang-kita na malaki ang pananalig ninyo sa inyong mga paniniwala. Sa tingin ko, sumasainyo ang Diyos.”
Sa St. Petersburg, isang lalaki na nagsabing nakatanggap na siya ng tract ang tinanong kung nagustuhan niya ang kaniyang nabasa. “Oo,” ang sagot niya. “Habang binabasa ko iyon, kinilabutan ako, at napaiyak pa nga. Ang lola ko kasi ay
siniil din [noong panahon ng rehimeng Sobyet] at marami siyang kuwento tungkol sa mga nakasama niya sa bilangguan. Marami ay kriminal, pero may mga inosente rin na nabilanggo lang dahil sa pananampalataya nila. Sa palagay ko, dapat malaman ng lahat ang nangyayari, kaya tama ang ginagawa ninyo.”Ano Kaya ang Mangyayari sa Russia?
Pinahahalagahan ng mga Saksi ni Jehova ang kalayaang tinatamasa nila sa Russia sa loob ng nakalipas na dalawang dekada. Pero alam na alam nilang puwede itong mawala anumang oras. Kung ang kamakailang daluyong ng mga paninira ay indikasyon na bumabalik na naman ang Russia sa madilim na yugto nito ng panunupil, panahon lang ang makapagsasabi.
Gayunman, determinadung-determinado ang mga Saksi ni Jehova na ipagpatuloy ang kanilang pangangaral ng mensahe ng kapayapaan at pag-asa mula sa Bibliya, anuman ang mangyari. Ganito ang konklusyon ng espesyal na tract hinggil sa kanilang determinasyon: “Hinding-hindi magtatagumpay ang panunupil. Hindi kami hihinto sa maayos at magalang na pakikipag-usap tungkol sa Diyos na Jehova at sa kaniyang Salita, ang Bibliya. (1 Pedro 3:15) Hindi kami huminto nang siilin kami ng mga Nazi sa Germany, hindi kami huminto noong madilim na yugto ng panunupil ng ating bansa, at hindi rin kami hihinto ngayon.—Gawa 4:18-20.”
^ par. 3 Tingnan ang kahong “Sertipiko ng Rehabilitasyon.”
^ par. 13 Mga ilang oras pa bago ang press conference, ang mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Moscow ay namahagi na ng tract.