Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Susi sa Maligayang Pamilya

Pakitunguhan Nang May Paggalang ang Iyong Asawa

Pakitunguhan Nang May Paggalang ang Iyong Asawa

Ang sabi ni Will: * “Kapag masama ang loob ni Rachel, iyak siya nang iyak. Kapag tinatanong ko naman, naiinis siya at ayaw pa nga akong kausapin. Ang hirap talaga, parang gusto ko nang sumuko.”

Ang sabi ni Rachel: “Pag-uwi ni Will, nadatnan niya akong umiiyak. Sinusubukan kong ipaliwanag kung bakit, pero hindi niya ako pinatatapos magsalita. Sinasabi niyang wala lang iyon, at kalimutan ko na lang. Lalong sumamâ ang loob ko.”

GANIYAN din ba ang nararanasan mo? Parehong gustong makipag-usap nina Will at Rachel, pero madalas na wala ring nangyayari. Bakit?

Magkaiba ang paraan ng pakikipag-usap ng lalaki at babae, at magkaiba ang kanilang mga pangangailangan. Baka gustung-gusto ng isang babae na masabi lagi ang kaniyang nadarama. Pero ang gusto naman ng maraming lalaki ay ayusin agad ang problema para manatili ang kapayapaan at hindi na humaba ang isyu. Kung ganito ang sitwasyon ninyong mag-asawa, ano kaya ang magandang gawin? Pakitunguhan nang may paggalang ang iyong asawa.

Ang isang magalang na tao ay nagpapahalaga sa iba at nagsisikap na maunawaan ang damdamin nila. Mula pagkabata, baka tinuruan ka nang gumalang sa mga taong may awtoridad o mas makaranasan kaysa sa iyo. Pero hamon iyan sa mag-asawa, kailangan kasi nilang igalang ang isang taong kapantay lang nila​—ang kanilang asawa. “Alam kong matiyaga at maunawaing nakikinig si Phil sa mga nakikipag-usap sa kaniya,” ang sabi ni Linda na walong taon nang kasal. “Sana ganoon din siya sa akin.” Malamang na matiyaga kang nakikinig at magalang na nakikipag-usap sa iyong mga kaibigan at maging sa mga hindi mo kakilala. Pero gayon ka rin ba sa iyong asawa?

Dahil sa kawalan ng paggalang, nagkakaroon ng tensiyon sa bahay na nauuwi sa away. Sinabi ng isang matalinong hari: “Mas mabuti ang durog na tinapay na may kapayapaan at katahimikan kaysa isang bahay na puno ng pagkain ngunit pinaghaharian ng kaguluhan.” (Kawikaan 17:1, Ang Biblia​—Bagong Salin sa Pilipino) Sinasabi ng Bibliya sa asawang lalaki na pakitunguhan niya ang kaniyang asawa nang may dangal, o paggalang. (1 Pedro 3:7) “Ang asawang babae” rin “ay dapat na magkaroon ng matinding paggalang sa kaniyang asawang lalaki.”​—Efeso 5:33.

Paano ka makikipag-usap nang may paggalang? Tingnan ang ilang praktikal na payo ng Bibliya.

Kapag May Gustong Sabihin ang Iyong Asawa

Hamon:

Mas gusto ng maraming tao na magsalita kaysa sa makinig. Ganiyan ka rin ba? Sinasabi ng Bibliya na ang isang taong “sumasagot sa isang bagay bago niya marinig iyon” ay mangmang. (Kawikaan 18:13) Kaya bago magsalita, makinig ka muna. Bakit? “Mas okey sana kung hindi solusyon sa mga problema ko ang agad na iniisip ng aking asawa,” ang sabi ni Kara na 26 na taon nang kasal. “Hindi niya kailangang kumampi sa akin o alamin ang puno’t dulo ng problema. Ang gusto ko lang ay makinig siya at unawain ang aking nadarama.”

Sa kabilang banda naman, nag-aatubili ang ilang lalaki at babae na sabihin ang niloloob nila at naaasiwa kapag pinipilit sila ng kanilang asawa na magsalita. Natuklasan ng bagong-kasal na si Lorrie na nahihirapan ang kaniyang asawa na magsabi ng niloloob nito. “Kailangan kong maging matiyaga,” ang sabi niya, “at maghintay hanggang sa magsalita siya.”

Solusyon:

Kung may pag-uusapan kayong mag-asawa na posibleng pagtalunan ninyo, pag-usapan ito kapag pareho kayong kalmado at relaks. Paano kung nahihirapan ang iyong asawa na sabihin ang kaniyang niloloob? Tandaan na ang kaisipan ng tao ay “gaya ng malalim na tubig, ngunit ang taong may kaunawaan ang siyang sasalok nito.” (Kawikaan 20:5) Kung mamadaliin mo ang pagsalok ng tubig, kaunti lang ang makukuha mo. Sa katulad na paraan, kung pipilitin mo ang iyong asawa na magsalita, baka lalo siyang magmatigas at hindi magsalita. Sa halip, tanungin siya sa mahinahon at magalang na paraan at matiyagang maghintay hanggang sa sabihin niya ang kaniyang niloloob.

Kapag may sinasabi ang iyong asawa, “maging matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita, mabagal sa pagkapoot.” (Santiago 1:19) Ang isang mabuting tagapakinig ay hindi lang basta nakikinig kundi inuunawa rin niya ang damdamin ng kausap niya. Sa paraan ng iyong pakikinig, mararamdaman ng iyong asawa kung iginagalang mo siya o hindi.

Tinuruan tayo ni Jesus kung paano makikinig. Halimbawa, nang makiusap kay Jesus ang isang maysakit, hindi niya agad ito pinagaling. Nakinig muna siya sa lalaki, at ang napakinggan niya ang hinayaan niyang magpakilos sa kaniya na pagalingin ito. (Marcos 1:40-42) Kapag may sinasabi ang iyong asawa, gayon din ang gawin mo. Tandaan, malamang na mas gusto niyang makita na interesado ka sa kaniyang sinasabi kaysa sa solusyunan mo agad ang problema niya. Kaya makinig na mabuti at damhin ang kaniyang nadarama. Pagkatapos, saka mo tugunan ang pangangailangan ng iyong asawa. Sa paggawa nito, maipakikita mo sa iyong asawa na iginagalang mo siya.

SUBUKAN ITO: Sa susunod na may gustong sabihin ang iyong asawa, makinig munang mabuti. Patapusin mo siya sa pagsasalita at unawain ang kaniyang sinasabi. Sa ibang pagkakataon, tanungin ang iyong asawa, “Kapag may sinasabi ka sa akin, nararamdaman mo bang nakikinig ako sa iyo?”

Kapag May Gusto Kang Sabihin

Hamon:

“Pinalilitaw ng mga palabas sa TV na normal lang na pagsalitaan nang masama, insultuhin, at tuyain ang iyong asawa,” ang sabi ni Linda na sinipi kanina. May mga lumaki sa pamilya na karaniwan lang ang walang-galang na pag-uusap. Kaya kapag nag-asawa na sila, dala-dala rin nila iyon. Ganito ang sinabi ni Ivy na taga-Canada: “Nakalakihan ko na sa amin ang panunuya, paninigaw, at pagbibigay ng bansag.”

Solusyon:

Kapag nagkukuwento ka tungkol sa iyong asawa, sabihin ang “anumang pananalitang mabuti sa ikatitibay ayon sa pangangailangan, upang maibahagi nito ang kaayaaya sa mga nakikinig.” (Efeso 4:29) Kung magagandang bagay ang sasabihin mo tungkol sa iyong asawa, igagalang siya ng iba.

Kahit kayong mag-asawa lang ang nag-uusap, iwasan ang panunuya at pagbibigay ng bansag. Sa sinaunang Israel, nagalit si Mical sa kaniyang asawang si Haring David. May panunuya niyang sinabi na ito ay kumilos na gaya ng “isa sa mga taong walang-isip.” Nasaktan si David, at hindi rin natuwa ang Diyos sa kaniyang sinabi. (2 Samuel 6:20-23) Ang aral? Kapag kausap mo ang iyong asawa, maging maingat sa iyong sinasabi. (Colosas 4:6) Si Phil, walong taon nang kasal, ay umamin na paminsan-minsan ay nagtatalo pa rin silang mag-asawa. Napansin niya na may mga pagkakataong mas lumalala ang sitwasyon dahil sa sinasabi niya. “Naisip ko na hindi mahalagang ‘manalo’ sa argumento, dahil ang totoo, talo pa rin ako. Mas kasiya-siya at kapaki-pakinabang kung patitibayin ko na lang ang aming relasyon.”

Isang may-edad nang biyuda noong sinaunang panahon ang nagsabi sa kaniyang mga manugang na “makasumpong [nawa sila] ng pahingahang-dako bawat isa sa bahay ng kaniyang asawa.” (Ruth 1:9) Kapag binibigyang-dangal ng mag-asawa ang isa’t isa, nagiging “pahingahang-dako” ang kanilang tahanan.

SUBUKAN ITO: Pag-usapan ninyong mag-asawa ang mga mungkahi sa subtitulong ito. Tanungin ang iyong asawa: “Kapag naririnig mong ikinukuwento kita sa iba, nabibigyan ba kita ng dangal o naipapahiya kita? Ano kaya ang dapat kong baguhin?” Makinig na mabuti sa sasabihin ng iyong asawa at sikaping ikapit ang kaniyang mga mungkahi.

Tanggapin na Magkaiba Kayong Mag-asawa

Hamon:

Iniisip ng ilang bagong mag-asawa na ang sinasabi ng Bibliya na pagiging “isang laman” ay nangangahulugang dapat na pareho sila ng opinyon at personalidad. (Mateo 19:5) Pero natutuklasan din nila agad na mali ang iniisip nila. Kadalasan na, ang kanilang mga pagkakaiba ay nauuwi sa pagtatalo. Sinabi ni Linda: “Ang isang malaking pagkakaiba namin ni Phil ay na hindi siya masyadong nag-aalala. Kung minsan, nag-aalala na ako pero kalmado pa rin siya, kaya nagagalit ako dahil parang wala siyang pakialam.”

Solusyon:

Tanggapin ang personalidad ng isa’t isa, at igalang ang pagkakaiba ninyong mag-asawa. Halimbawa: Magkaiba ang trabaho ng mata at tainga; pero nagtutulungan ang mga ito para makatawid ka nang ligtas sa kalsada. Ganito ang sinabi ni Adrienne na mga tatlong dekada nang may-asawa: “Hangga’t hindi lumalabag sa Salita ng Diyos ang aming pangmalas, okey lang na magkaiba kami ng opinyon. Tutal, mag-asawa kami at hindi produkto ng cloning.”

Kapag magkaiba kayong mag-asawa ng opinyon o reaksiyon, huwag lang kapakanan mo ang isipin mo. Isaalang-alang mo rin ang kapakanan ng iyong asawa. (Filipos 2:4) Inamin ni Kyle, mister ni Adrienne: “Hindi ko laging naiintindihan o sinasang-ayunan ang opinyon ng aking asawa sa mga bagay-bagay. Pero ipinaaalaala ko sa aking sarili na mas mahal ko siya kaysa sa aking opinyon. Kapag masaya siya, masaya rin ako.”

SUBUKAN ITO: Gumawa ng listahan ng mga bagay kung saan mas mahusay ang pangmalas o paraan ng pag-aasikaso ng iyong asawa kaysa sa iyo.​—Filipos 2:3.

Ang paggalang ay isa sa mga susi para sa masaya at nagtatagal na pagsasama. “Dahil sa paggalang, nagiging kontento at tiwasay ang pagsasama,” ang sabi ni Linda. “Talagang sulit na lagi itong ipakita.”

^ par. 3 Binago ang mga pangalan.

TANUNGIN ANG SARILI . . .

  • Paano nakatulong sa aming pamilya ang pagkakaiba naming mag-asawa?

  • Bakit makabubuting magparaya sa gusto ng aking asawa kapag hindi naman ito lumalabag sa mga prinsipyo ng Bibliya?