Maging Malapít sa Diyos
“Ano ang Hinihingi sa Iyo ni Jehova?”
ANO ang inaasahan ni Jehova sa mga gustong sumamba sa kaniya? Kailangan bang maging perpekto tayo? O inaasahan lang niya na gagawin natin ang ating makakaya? Mahalaga ang sagot sa mga tanong na ito para magkaroon tayo ng kagalakan sa paglilingkod sa Diyos. Suriin natin kung ano ang sinabi ni propeta Mikas tungkol sa mga kahilingan ng Diyos.—Basahin ang Mikas 6:8.
“Sinabi niya sa iyo . . . kung ano ang mabuti.” Hindi na natin kailangang hulaan kung ano ang inaasahan ng Diyos sa atin. Malinaw niyang binabanggit ang mga ito sa Bibliya. Ang hinihiling ng Diyos sa atin ay “mabuti.” Ang “Diyos ay pag-ibig,” kaya kapakanan natin ang iniisip niya. (1 Juan 4:8; 5:3) Kung gagawin natin ang kaniyang mga kahilingan, mapasasaya natin siya at makikinabang tayo.—Deuteronomio 10:12, 13.
“Ano ang hinihingi sa iyo ni Jehova?” May karapatan ba ang Diyos na humingi ng anuman sa atin? Oo! Bilang ang Bukal at Tagatustos ng buhay, dapat na maging masunurin tayo sa kaniya. (Awit 36:9) Kung gayon, ano ang hinihingi niya sa atin? Binuod ni Mikas sa tatlong parirala ang mga kahilingan ng Diyos. Ang una at ikalawa ay may kaugnayan sa pakikitungo natin sa kapuwa, at ang ikatlo naman ay may kinalaman sa kaugnayan natin sa Diyos.
“Magsagawa ng katarungan.” Ayon sa isang reperensiya, ang salitang Hebreo para sa “katarungan” ay “nagsasangkot ng makatuwiran at patas na mga ugnayan sa komunidad.” Hinihilingan tayo ng Diyos na maging makatuwiran, patas, at tapat sa pakikitungo sa iba batay sa kaniyang mga pamantayan. (Levitico 19:15; Isaias 1:17; Hebreo 13:18) Kung makatarungan tayo sa iba, magiging makatarungan din sila sa atin.—Mateo 7:12.
“Ibigin ang kabaitan.” Hinihiling ng Diyos sa atin na huwag lang basta ipakita ang kabaitan, kundi ibigin din ito. Ang salitang Hebreo na isinaling “kabaitan” (cheʹsedh) ay maaari ding isalin bilang “maibiging-kabaitan” o “matapat na pag-ibig.” Sinabi ng isang iskolar sa Bibliya: “Ang pag-ibig, awa, at kabaitan ay hindi sapat na mga salin ng [cheʹsedh]; ito ay kombinasyon ng mga katangiang iyon.” Kung iniibig natin ang kabaitan, kusang-loob natin itong maipakikita; masisiyahan tayong tumulong sa mga nangangailangan. Dahil dito, madarama natin ang kaligayahang dulot ng pagbibigay.—Gawa 20:35.
“Maging mahinhin sa paglakad na kasama ng iyong Diyos.” Sa Bibliya, ang pananalitang “lumakad” ay nangangahulugang “sumunod sa isang partikular na landasin ng pagkilos.” Lumalakad tayo na kasama ng Diyos kung sinusunod natin sa ating buhay ang landasing binabanggit niya sa Bibliya. Kailangan nating “maging mahinhin” sa pagtahak sa landasing iyon. Paano? Kapag tayo ay mahinhin sa harap ng Diyos, makatotohanan nating sinusuri ang ating katayuan sa harap niya at kinikilala ang ating mga limitasyon. Kaya ang “paglakad nang may kahinhinan kasama” ng Diyos ay nangangahulugan ng pagkakaroon natin ng makatotohanang pananaw sa mga kahilingan niya at sa maibibigay natin sa kaniya.
Dapat nating ipagpasalamat na si Jehova ay hindi humihiling ng higit kaysa sa maibibigay natin. Nalulugod siya sa mga pagsisikap nating paglingkuran siya. (Colosas 3:23) Nauunawaan niya ang ating mga limitasyon. (Awit 103:14) Kung may kahinhinan din nating kikilalanin ang ating mga limitasyon, magkakaroon tayo ng kagalakan sa paglakad na kasama niya. Bakit hindi mo alamin kung paano ka makalalakad na kasama ng Diyos? Ang gayong landasin ay magdudulot sa iyo ng saganang pagpapala mula sa kaniya.—Kawikaan 10:22.