Pagkabuhay-Muli ni Jesus—Buhay ang Kahulugan!
ANG pagkabuhay-muli ni Jesus ay hindi lang basta isang sinaunang pangyayari na walang gaanong kahulugan para sa atin ngayon. Ipinakita ni apostol Pablo ang kahalagahan nito nang isulat niya: “Si Kristo nga ay ibinangon mula sa mga patay, ang unang bunga niyaong mga natulog na sa kamatayan. Sapagkat yamang ang kamatayan ay sa pamamagitan ng isang tao, ang pagkabuhay-muli ng mga patay ay sa pamamagitan din ng isang tao. Sapagkat kung paanong kay Adan ang lahat ay namamatay, gayundin naman kay Kristo ang lahat ay bubuhayin.”—1 Corinto 15:20-22.
Si Jesus ay binuhay-muli noong Nisan 16, 33 C.E., ang araw kung kailan inihahandog ng mga Judio sa Diyos na Jehova sa santuwaryo ng templo sa Jerusalem ang mga unang bunga ng unang inaaning butil. Nang tukuyin ni Pablo si Jesus bilang unang bunga, ipinahiwatig niyang may iba pang bubuhaying muli.
Ipinaliliwanag ng sumunod na sinabi ni Pablo ang idudulot ng pagkabuhay-muli ni Jesus. “Yamang ang kamatayan ay sa pamamagitan ng isang tao,” ang sabi ni Pablo, “ang pagkabuhay-muli ng mga patay ay sa pamamagitan din ng isang tao.” Dahil sa kasalanan at di-kasakdalang minana natin kay Adan, tayong lahat ay namamatay. Pero dahil ibinigay ni Jesus ang kaniyang sakdal na buhay bilang pantubos, binuksan niya ang daan para ang mga tao ay mapalaya sa kasalanan at kamatayan sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli. Isinulat ni Pablo sa Roma 6:23: “Ang kabayaran na ibinabayad ng kasalanan ay kamatayan, ngunit ang kaloob na ibinibigay ng Diyos ay buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Kristo Jesus na ating Panginoon.”
Ipinaliwanag mismo ni Jesus ang kahulugan para sa atin ng kaniyang kamatayan at pagkabuhay-muli. Sinabi niya tungkol sa kaniyang sarili: “Kinakailangang itaas ang Anak ng tao, upang ang bawat isa na naniniwala sa kaniya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”—Juan 3:14-16.
Isipin na lang—buhay na walang hanggan na wala nang kirot, pagdurusa, o pighati! (Apocalipsis 21:3, 4) Napakaganda ngang pag-asa! Sinabi ng isang iskolar: “Kung paanong ipinaaalaala ng mga libingan na maikli ang buhay, tinitiyak naman ng pagkabuhay-muli na maikli ang kamatayan.” Oo, buhay ang kahulugan ng pagkabuhay-muli ni Jesus!