Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paano Mo Dapat Disiplinahin ang Iyong mga Anak?

Paano Mo Dapat Disiplinahin ang Iyong mga Anak?

“Inip na inip akong nag-aabang sa bawat sasakyang dumaraan. Ito na ang ikatlong beses na hindi sinunod ni Jordan ang curfew niya. ‘Nasaan na kaya siya?’ ang tanong ko. ‘May nangyari kaya sa kaniya? Naiisip kaya niya na nag-aalala kami?’ Pagdating niya, parang sasabog na ako sa galit.”GEORGE.

“Sumigaw ang anak kong babae, kaya bigla akong nataranta. Nakita kong hawak-hawak niya ang ulo niya at umiiyak. Hinampas pala siya ng apat-na-taon niyang kapatid na lalaki.”NICOLE.

“ ‘Hindi ko po ninakaw ang singsing. Napulot ko lang ‘to!’ ang nagmamakaawang sabi ni Natalie, ang aming anim-na-taóng-gulang na anak. Pilit niyang sinasabing wala siyang kasalanan. Nasaktan kami at napaiyak dahil alam naming nagsisinungaling siya.”STEPHEN.

KUNG isa kang magulang, naiintindihan mo ba ang nadarama nila? Kapag napaharap ka sa katulad na sitwasyon, didisiplinahin mo ba ang iyong anak? Kung oo, paano? Mali bang disiplinahin ang mga anak?

ANO ANG DISIPLINA?

Sa Bibliya, ang salitang “disiplina” ay hindi lang basta katumbas ng salita para sa parusa. Ang disiplina ay pangunahin nang nauugnay sa tagubilin, pagtuturo, at pagtutuwid. Hindi ito kailanman nauugnay sa pag-abuso o kalupitan.Kawikaan 4:1, 2.

Ang pagdidisiplina sa mga anak ay parang paghahalaman. Inihahanda ng hardinero ang lupa, dinidiligan at inaalagaan ang halaman, at pinoprotektahan ito mula sa mga peste at panirang-damo. Habang lumalaki ang halaman, maaari itong tabasan para lumaki sa tamang direksiyon. Alam ng hardinero na ang iba’t ibang pamamaraang ito ay tutulong para maging malusog ang halaman. Pinangangalagaan din ng mga magulang ang kanilang mga anak sa maraming paraan. Kung minsan, kailangan nilang magbigay ng disiplina. Tulad ng pagtabas, maitutuwid agad nito ang maling mga hilig at matutulungan ang mga anak na lumaki sa tamang direksiyon. Gayunman, kailangang maging maingat sa pagtabas dahil baka mapinsala ang halaman. Sa katulad na paraan, dapat ding maging maingat ang mga magulang sa pagdidisiplina.

Ang Diyos ng Bibliya, si Jehova, ay nagpakita ng magandang halimbawa para sa mga magulang. Talagang mabisa at kanais-nais ang disiplinang ibinibigay niya sa kaniyang masunuring mga mananamba sa lupa dahil ‘inibig nila ang disiplina.’ (Kawikaan 12:1) Sila ay ‘nakahawak sa disiplina’ at ‘hindi bumibitiw rito.’ (Kawikaan 4:13) Matutulungan mo ang iyong anak na tanggapin ang disiplina kung maingat mong tutularan ang tatlong aspekto ng pagdidisiplina ng Diyos: Ito ay (1) maibigin, (2) makatuwiran, at (3) hindi pabago-bago.

DISIPLINA NA MAIBIGIN

Pag-ibig ang saligan at dahilan ng pagdidisiplina ng Diyos. Sinasabi ng Bibliya: “Ang iniibig ni Jehova ay sinasaway niya, gaya nga ng ginagawa ng ama sa anak na kaniyang kinalulugdan.” (Kawikaan 3:12) Bukod diyan, si Jehova ay “maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit.” (Exodo 34:6) Kaya si Jehova ay hindi kailanman mapang-abuso o malupit. Hindi rin siya nagsasalita nang masakit, namimintas, o nanunuya, na pawang nakapipinsala na “gaya ng mga saksak ng tabak.”Kawikaan 12:18.

MAKINIG

Sabihin pa, hindi naman talaga lubusang matutularan ng mga magulang ang sakdal na halimbawa ng Diyos sa pagpipigil sa sarili. Kung minsan, masasagad ang iyong pasensiya. Pero sa mahihirap na sitwasyon, laging tandaan na ang pagpaparusa kapag galít ay kadalasan nang malupit, labis-labis, at walang mabuting ibinubunga. Isa pa, ang ganitong pagpaparusa ay hindi talaga pagdidisiplina, kundi kawalan lang ng pagpipigil sa sarili.

Pero kapag nagdidisiplina ka nang may pag-ibig at pagpipigil sa sarili, mas mabuti ang magiging resulta. Pansinin kung paano nilutas nina George at Nicole, mga magulang na nabanggit kanina, ang problema.

MANALANGIN

“Pagdating ni Jordan, galít na galít kaming mag-asawa, pero nagpipigil kami habang pinakikinggan namin ang paliwanag niya. Yamang gabing-gabi na, ipinasiya naming pag-usapan ito sa umaga. Sama-sama kaming nanalangin saka natulog. Kinabukasan, mas kalmado na kami para makipag-usap at maabot ang puso ng aming anak. Tinanggap niya ang aming mga restriksiyon at disiplina. Mabuti na lang at napag-isip-isip namin na hindi makatutulong kung haharapin agad ang problema kapag galít ka. Kapag nakikinig muna kami, karaniwan nang mas mabuti ang resulta.”George.

MAG-USAP

“Galít na galít ako nang makita kong sinaktan ng anak kong lalaki ang ate niya nang walang kadahi-dahilan. Sa halip na pagalitan agad, pinapasok ko siya sa kuwarto kasi baka kung ano ang magawa ko sa kaniya. Nang kalmado na ako, ipinaliwanag kong hindi tamang manakit gaya ng ginawa niya sa ate niya. Mabuti ang kinalabasan nito. Nag-sorry siya sa kaniyang ate at niyakap ito.”Nicole.

Oo, ang tamang disiplina, kahit may kasamang parusa, ay laging inuudyukan ng pag-ibig.

DISIPLINA NA MAKATUWIRAN

Ang pagdidisiplina ni Jehova ay laging “sa wastong antas.” (Jeremias 30:11; 46:28) Isinasaalang-alang niya ang lahat ng kalagayan. Paano ito matutularan ng mga magulang? Ganito ang sinabi ni Stephen na binanggit sa simula: “Bagaman nasaktan kami at hindi namin maintindihan kung bakit pilit na itinatanggi ni Natalie ang tungkol sa singsing, sinikap naming isaalang-alang ang edad niya.”

Sinikap din ni Robert, asawa ni Nicole, na isaalang-alang ang lahat ng kalagayan. Kapag makulit ang mga bata, paulit-ulit niyang itinatanong sa sarili: ‘Ngayon lang ba ito nangyari o nakagawian na? Pagód ba o hindi maganda ang pakiramdam ng bata? Senyales ba ito ng iba pang problema?’

Alam din ng makatuwirang mga magulang na ang mga bata ay hindi maliliit na adulto. Alam ito ng Kristiyanong apostol na si Pablo. Sinabi niya: “Noong ako ay sanggol pa, nagsasalita akong gaya ng sanggol, nag-iisip na gaya ng sanggol.” (1 Corinto 13:11) Sinabi ni Robert: “Natutulungan akong maging makatuwiran at huwag labis na magalit kapag inaalaala ko ang mga ginagawa ko noong bata pa ako.”

Napakahalagang maging makatotohanan sa iyong mga inaasahan, at kasabay nito ay huwag ipagmatuwid o kunsintihin ang maling paggawi o saloobin. Kung isasaalang-alang mo ang mga kakayahan at limitasyon ng iyong anak, pati na ang iba pang kalagayan, makatitiyak ka na timbang at makatuwiran ang iyong disiplina.

DISIPLINA NA HINDI PABAGO-BAGO

“Ako ay si Jehova; hindi ako nagbabago,” ang sabi ng Malakias 3:6. Nagtitiwala rito ang mga lingkod ng Diyos at panatag sila sa pagkaalam nito. Panatag din ang mga bata kapag hindi pabago-bago ang disiplina. Kung nagbabago ang iyong mga pamantayan depende sa iyong nadarama, maaaring malito at mainis ang iyong anak.

Alalahanin na sinabi ni Jesus: “Ang inyo lamang salitang Oo ay mangahulugang Oo, ang inyong Hindi, Hindi.” Tamang-tama ito sa pagdidisiplina ng mga magulang. (Mateo 5:37) Mag-isip-isip muna bago magbigay ng mga ultimatum na hindi mo naman gagawin. Kapag sinabi mo sa iyong anak na may katapat na parusa ang kaniyang di-pagsunod, gawin mo iyon.

Para hindi pabago-bago ang disiplina, mahalaga ang mabuting pag-uusap ng mga magulang. Sinabi ni Robert: “Kapag napapayag ako ng aming mga anak sa isang bagay na ipinagbawal pala ng nanay nila, binabago ko ang aking desisyon para suportahan ang aking asawa.” Sakaling hindi magkasundo ang mga magulang kung paano haharapin ang isang sitwasyon, makabubuting pag-usapan nila ito nang silang dalawa lang at magkaisa sa kanilang desisyon.

MAHALAGA ANG DISIPLINA

Kung tutularan mo ang maibigin, makatuwiran, at hindi pabago-bagong disiplina ni Jehova, makatitiyak ka na makikinabang ang iyong mga anak. Ang maibiging patnubay mo ay tutulong sa kanila na maging maygulang, responsable, at timbang paglaki nila. Gaya ng sinasabi ng Bibliya: “Sanayin mo ang bata ayon sa daang nararapat sa kaniya; tumanda man siya ay hindi niya iyon lilihisan.”Kawikaan 22:6.