TAMPOK NA PAKSA | TOTOO BA SI SATANAS?
Si Satanas ba ay Simbolo Lang ng Kasamaan?
Madaling sabihin na ang Satanas na nababasa natin sa Bibliya ay simbolo lang ng kasamaan. Pero iyon ba talaga ang itinuturo ng Bibliya? Kung oo, bakit iniulat sa Bibliya na nakipag-usap si Satanas kay Jesu-Kristo at sa Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat? Pag-isipan ang dalawang halimbawa ng pag-uusap na iyon.
NANG MAKIPAG-USAP SI SATANAS KAY JESUS
Sa pasimula ng ministeryo ni Jesus, tatlong beses siyang tinukso ng Diyablo. Una, inudyukan siya nito na gamitin para sa sariling pakinabang ang kaniyang kapangyarihan na mula sa Diyos. Pagkatapos, sinulsulan ng Diyablo si Jesus na isapanganib ang buhay niya para makakuha ng atensiyon. Panghuli, inialok ni Satanas kay Jesus ang pamamahala sa lahat ng kaharian sa mundo kapalit ng pagsubsob ni Jesus bilang pagsamba. Tinanggihan ni Jesus ang tatlong tuksong iyon. Sa bawat pagkakataon, sumipi siya sa Kasulatan.—Mateo 4:1-11; Lucas 4:1-13.
Kanino nakikipag-usap si Jesus? Sa kasamaang nasa loob niya? Ayon sa Kasulatan, si Jesus ay “sinubok sa lahat ng bagay tulad natin, ngunit walang kasalanan.” (Hebreo 4:15) Sinasabi rin ng Bibliya: “Hindi siya nakagawa ng kasalanan, ni kinasumpungan man ng panlilinlang ang kaniyang bibig.” (1 Pedro 2:22) Si Jesus ay nanatiling perpekto at tapat. Hindi niya hinayaang tumubo sa loob niya ang anumang kasamaan. Kaya maliwanag na hindi nakikipag-usap si Jesus sa kasamaang nasa loob niya; totoong persona ang kausap niya.
Sa pag-uusap ding iyon, may iba pang ebidensiya na totoong persona si Satanas.
-
Tandaan na inialok ng Diyablo kay Jesus ang pamamahala sa buong mundo kapalit ng gawang pagsamba. (Mateo 4:8, 9) Bale-wala ang alok na iyon kung hindi totoo si Satanas. At saka hindi kinuwestiyon ni Jesus ang pag-aangkin ni Satanas sa gayon kalaking awtoridad.
-
Matapos tanggihan ni Jesus ang mga tukso, ang Diyablo ay “humiwalay sa kaniya hanggang sa iba pang kumbinyenteng panahon.” (Lucas 4:13) Sa kasong ito, masasabi bang kasamaan lang si Satanas, o isang mapilit at pursigidong kaaway?
-
Pansinin na “dumating ang mga anghel at nagsimulang maglingkod” kay Jesus. (Mateo 4:11) Totoo bang persona ang mga anghel na iyon na nagpatibay at tumulong kay Jesus? Maliwanag na oo. Kaya bakit natin iisipin na hindi totoong persona si Satanas?
NANG MAKIPAG-USAP SI SATANAS SA DIYOS
Ang ikalawang halimbawa ay ang ulat tungkol kay Job, isang lalaking may takot sa Diyos. Sa ulat na iyon, dalawang beses na nag-usap ang Diyablo at ang Diyos. Sa dalawang pagkakataong iyon, pinuri ng Diyos ang katapatan ni Job. Pero iginiit ni Satanas na naglilingkod lang si Job dahil sa sakim na pakinabang at binibili ng Diyos ang katapatan ni Job. Pinalalabas ng Diyablo na mas kilala niya si Job. Pinahintulutan ni Jehova si Satanas na kunin ang mga pag-aari at mga anak ni Job at pasapitan ito ng sakit. * Nang maglaon, napatunayan na tama ang pagkakilala ni Jehova kay Job at na sinungaling si Satanas. Pinagpala ng Diyos ang katapatan ni Job.—Job 1:6-12; 2:1-7.
Sa dalawang tagpong iyon, nakikipag-usap ba si Jehova sa kasamaang nasa loob niya? Sinasabi ng Bibliya: “Kung tungkol sa tunay na Diyos, sakdal ang kaniyang daan.” (2 Samuel 22:31) Sinasabi rin ng Salita ng Diyos: “Banal, banal, banal ang Diyos na Jehova, ang Makapangyarihan-sa-lahat.” (Apocalipsis 4:8) Ang banal ay nangangahulugang dalisay, sagrado, hiwalay sa kasalanan. Perpekto si Jehova at walang kapintasan. Imposibleng magkaroon siya ng anumang masamang katangian.
Ang mga sinabi ni Satanas noong makipag-usap siya sa Diyos ay aktuwal na pinagdusahan ni Job
Pero baka ikatuwiran ng iba na pati si Job ay hindi totoo, kung kaya makasagisag lang ang mga pag-uusap na iyon. Lohikal ba ang ideyang ito? Ipinakikita ng ibang teksto sa Bibliya na totoong tao si Job. Sa Santiago 5:7-11, ginamit ang halimbawa ni Job para patibayin ang mga Kristiyano na magtiis at ipaalaala na ginagantimpalaan ni Jehova ang gayong pagtitiis. Magiging epektibo kaya ang pampatibay na iyon kung hindi totoo si Job, pati ang pagpapahirap sa kaniya ni Satanas? Gayundin, sa Ezekiel 14:14, 20, isa si Job sa binanggit na tatlong lalaking matuwid, kasama nina Noe at Daniel. Gaya nina Noe at Daniel, si Job ay totoong tao na may malaking pananampalataya. Kung totoo si Job, hindi ba makatuwirang isipin na totoong persona rin ang nagpahirap sa kaniya?
Maliwanag, ipinakikilala ng Bibliya si Satanas bilang totoong espiritung persona. Pero baka maitanong mo, ‘Ako ba at ang pamilya ko ay nanganganib din kay Satanas?’
SA PANAHON NATIN NGAYON
Sabihin nating may nanirahang mga kriminal sa lugar ninyo. Siguradong malalagay ka sa peligro at apektado ang moralidad ng buong pamayanan. Ngayon, isipin ang kahawig na senaryo: Inihagis sa lupa si Satanas at ang kaniyang mga demonyo—totoong mga persona na nagrebelde rin sa Diyos gaya ni Satanas. Ano ang naging resulta? Pansinin ang mga balita sa loob at labas ng bansa.
-
Napapansin mo ba ang paglago ng karahasan, sa kabila ng pagsisikap ng buong mundo na sugpuin ito?
-
Napapansin mo ba na dumarami ang mga libangang nagtatampok ng espiritismo, sa kabila ng pagsisikap ng maraming magulang na hadlangan ito?
-
Napapansin mo ba na tuloy-tuloy ang pagsira sa kapaligiran, sa kabila ng mga pagsisikap na isalba ito?
-
Hindi ba ipinahihiwatig nito na may mali sa lipunan—na may nagtutulak sa sangkatauhan tungo sa kapahamakan?
Tingnan kung sino ang tinutukoy ng Bibliya na nasa likod ng lahat ng ito: “Inihagis ang malaking dragon, ang orihinal na serpiyente, ang tinatawag na Diyablo at Satanas, na siyang nagliligaw sa buong tinatahanang lupa; siya ay inihagis sa lupa, at ang kaniyang mga anghel ay inihagis na kasama niya. . . . Sa aba ng lupa at ng dagat, sapagkat ang Diyablo ay bumaba na sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam na mayroon na lamang siyang maikling yugto ng panahon.” (Apocalipsis 12:9, 12) Matapos suriin ang mga ebidensiya, nakumbinsi ang marami na si Satanas ay isang mapanganib na espiritung persona, na patuloy na umiimpluwensiya sa mga tao.
Baka iniisip mo kung paano ka mapoprotektahan. Tama namang isipin iyan. May mga praktikal na tulong sa susunod na artikulo.
^ par. 12 Jehova ang pangalan ng Diyos gaya ng sinasabi sa Bibliya.