Dapat Ba Tayong Manalangin kay Jesus?
ISANG mananaliksik ang nagsurbey sa mahigit 800 kabataan mula sa iba’t ibang relihiyon kung naniniwala ba silang sinasagot ni Jesus ang mga panalangin. Mahigit 60 porsiyento ang sumagot ng oo. Pero may isang kabataan na binura ang pangalan ni Jesus at pinalitan ito ng “Diyos.”
Sa palagay mo, kay Jesus ba tayo dapat manalangin o sa Diyos? * Alamin natin kung ano ang itinuro ni Jesus sa kaniyang mga alagad.
KANINO TAYO DAPAT MANALANGIN AYON KAY JESUS?
Itinuro at ipinakita ni Jesus kung kanino tayo dapat manalangin.
ANG TURO NIYA: Nang sabihin ng isang alagad kay Jesus, “Panginoon, turuan mo kaming manalangin,” sumagot si Jesus: “Kailanma’t mananalangin kayo, sabihin ninyo, ‘Ama.’ ” (Lucas 11:1, 2) Isa pa, sa kaniyang Sermon sa Bundok, pinasigla ni Jesus ang kaniyang mga tagapakinig na manalangin. Sinabi niya: “Manalangin ka sa iyong Ama.” Tiniyak din niya sa kanila: “Nalalaman ng . . . inyong Ama kung anong mga bagay ang kinakailangan ninyo bago pa man ninyo hingin sa kaniya.” (Mateo 6:6, 8) Noong gabi bago siya mamatay, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Kung hihingi kayo sa Ama ng anumang bagay ay ibibigay niya ito sa inyo sa pangalan ko.” (Juan 16:23) Kaya tinuruan tayo ni Jesus na manalangin sa kaniyang Ama at ating Ama, ang Diyos na Jehova.
ANG HALIMBAWA NIYA: Kaayon ng itinuro ni Jesus, personal siyang nanalangin: “Hayagan kitang pinupuri, Ama, Panginoon ng langit at lupa.” (Lucas 10:21) Minsan, “itiningin ni Jesus sa langit ang kaniyang mga mata at nagsabi: ‘Ama, nagpapasalamat ako sa iyo na dininig mo ako.’ ” (Juan 11:41) At nang mamamatay na si Jesus, ipinanalangin niya: “Ama, sa iyong mga kamay ay ipinagkakatiwala ko ang aking espiritu.” (Lucas 23:46) Nagpakita si Jesus ng malinaw na halimbawa para sa lahat tungkol sa pananalangin sa kaniyang makalangit na Ama
KANINO NANALANGIN ANG UNANG MGA KRISTIYANO?
Mga ilang linggo pa lang pagkabalik ni Jesus sa langit, nililigalig na at pinagbabantaan ng mga sumasalansang ang kaniyang mga alagad. (Gawa 4:18) Siyempre, nanalangin sila para humingi ng tulong
Makalipas ang mga taon, inilarawan ni apostol Pablo kung paano sila nanalangin ng mga kasama niya. Sinabi niya sa kaniyang sulat para sa mga kapuwa Kristiyano: “Pinasasalamatan naming lagi ang Diyos na Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo kapag nananalangin kami para sa inyo.” (Colosas 1:3) Isinulat din ni Pablo sa kaniyang mga kapananampalataya ang tungkol sa ‘laging pagpapasalamat dahil sa lahat ng mga bagay sa ating Diyos at Ama’ “sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Kristo.” (Efeso 5:20) Makikita natin sa mga salitang ito na pinasigla ni Pablo ang iba na manalangin sa kaniyang “Diyos at Ama” dahil sa lahat ng mga bagay
Gaya ng unang mga Kristiyano, maipakikita rin natin ang ating pag-ibig kay Jesus kung susundin natin ang kaniyang payo hinggil sa panalangin. (Juan 14:15) Kung mananalangin tayo tangi lamang sa ating makalangit na Ama, mas magiging makabuluhan sa atin ang mga salita sa Awit 116:1, 2: “Ako ay umiibig, sapagkat dinirinig ni Jehova ang aking tinig . . . Sa lahat ng aking mga araw ay tatawag ako.” *
^ par. 3 Ayon sa Kasulatan, hindi magkapantay ang Diyos at si Jesus. Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang kabanata 4 ng aklat na Ano Ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.
^ par. 11 Para dinggin ng Diyos ang ating mga panalangin, dapat nating pagsikapang mamuhay ayon sa kaniyang mga kahilingan. Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang kabanata 17 ng aklat na Ano Ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?