TAMPOK NA PAKSA | KUNG PAANO MASISIYAHAN SA IYONG TRABAHO
Mabibigat na Trabaho—Inaayawan Na Ba?
Napabuntonghininga si Alex, isang pahinante, habang nagkakarga ng mga kahon sa trak. ‘Bakit ba ako napasok sa trabahong ito?’ ang sabi niya sa sarili. ‘Kailan kaya ako aasenso? Ang sarap sana ng buhay kung hindi ko na kailangang magtrabaho!’
Gaya ni Alex, marami sa ngayon ang ayaw nang magtrabaho nang mabigat. “Iniisip ng marami na hindi bagay sa kanila ang ‘mababang uri’ ng trabaho,” ang sabi ni Aaron na isang mekaniko. “Ang saloobin nila: ‘Gagawin ko lang naman ito hanggang sa may makita akong mas magandang trabaho.’”
Bakit marami ang nakadaramang hindi para sa kanila ang mabibigat na trabaho? Malamang na naimpluwensiyahan na sila ng media, na inilalarawan ang “ideal” na buhay bilang maluho at maalwan. “Iniisip ng marami na kapag mabigat ang trabaho mo, hindi ka matagumpay,” ang sabi ni Matthew, nagtatrabaho bilang tagamantini. Gayundin ang napansin ni Shane na isang janitor. Sinabi niya: “Ayaw na ng mga tao na magtrabaho nang husto para sa maghapong suweldo.”
Pero ang totoo, nasisiyahan ang maraming matagumpay na tao sa mabibigat na trabaho. “Sa palagay ko, talagang kasiya-siya ang mabibigat na trabaho lalo na kung ang tunguhin nito ay kapaki-pakinabang,” ang sabi ni Daniel, 25-anyos na nagtatrabaho sa konstruksiyon. Sang-ayon diyan si Andre, 23 anyos. “Ang kaligayahan at kasiyahan ay karugtong ng pagtatrabaho,” ang sabi niya. “Ang mas kaunting trabaho at gawain ay aakay lang sa pagkabagot, hindi sa namamalaging kaligayahan!”
Paano nagkaroon ng positibong saloobin sina Daniel at Andre tungkol sa mabibigat na trabaho? Ikinapit nila ang mga simulain sa Bibliya. Hindi hinahadlangan ng Bibliya ang pagtatrabaho nang mabigat. Pinasisigla pa nga tayo nito na maging masipag at matiyaga. Bukod sa pagsasabing magtrabaho tayo, ipinakikita rin ng Bibliya kung paano tayo masisiyahan sa ating trabaho.
Anong mga simulain sa Bibliya ang tutulong sa iyo na makontento at masiyahan sa iyong trabaho? Tatalakayin ang ilan sa mga ito sa susunod na artikulo.