TAMPOK NA PAKSA | PAANO MO HAHARAPIN ANG KABALISAHAN?
Pagkabalisa sa Pera
“Nang magkaroon ng matinding implasyon sa aming bansa, naging napakamahal ng pagkain at halos wala ka nang mabili,” ang sabi ni Paul, may asawa at dalawang anak. “Ilang oras kaming pumipila, pero kadalasang ubos na ang pagkain pagdating sa amin. Nangayayat nang husto ang mga tao dahil sa gutom, at ang ilan ay nabubuwal sa lansangan. Ang presyo ng bilihin ay naging milyon, pagkatapos, naging bilyon. Nawalan na ng halaga ang pera, pati ang ipon ko sa bangko, insurance, at pensiyon.”
Alam ni Paul na kailangan niya ng “praktikal na karunungan” para mabuhay ang kaniyang pamilya. (Kawikaan 3:21) “Isa akong kontratista sa elektrikal, pero tinanggap ko ang anumang trabahong makikita ko, kahit mas mababa ang sahod,” ang sabi niya. “Pagkain o mga gamit sa bahay ang ibinayad sa akin ng ilan. Kapag apat na baretang sabon ang ibinayad sa akin, gagamitin namin ang dalawa at ibebenta ang iba. Mula rito, nakabili ako ng 40 sisiw. Nang lumaki na ang mga sisiw, ibinenta ko ang mga ito at bumili ng 300 pa. Nang maglaon, ibinarter ko ang 50 manok para sa dalawang sako ng giniling na mais na tig-50 kilo. Ito ang ipinakain ko sa aking pamilya at sa iba pang pamilya sa loob ng mahabang panahon.”
Alam din ni Paul na ang pinakapraktikal na magagawa ng isa ay ang magtiwala sa Diyos. Kapag sinusunod natin ang utos ng Diyos, tinutulungan niya tayo. Kung tungkol sa pagkakaroon ng mga pangangailangan sa buhay, sinabi ni Jesus: “Tigilan na ninyo ang labis na pagkabalisa; sapagkat . . . nalalaman ng inyong Ama na kailangan ninyo ang mga bagay na ito.”—Lucas 12:29-31.
Nakalulungkot, dinaya ng pangunahing kaaway ng Diyos, si Satanas, ang karamihan ng tao na magpokus sa materyal na mga bagay. Ang mga tao ay lubhang nababahala sa kanilang mga pangangailangan, totoo man iyon o nasa isip lang, at nagpupursiging makuha ang mga bagay na hindi naman talaga nila kailangan. Marami ang nababaon sa utang at natututuhan ang masaklap na katotohanang “ang nanghihiram ay lingkod ng taong nagpapahiram.”—Kawikaan 22:7.
Ang ilan ay gumagawa ng maling mga desisyon. “Iniwan ng mga kapitbahay ko ang kanilang pamilya at mga kaibigan para maghanap ng mas magandang trabaho sa ibang bansa,” ang sabi ni Paul. “Ang ilan ay nangibang-bansa nang walang legal na mga papeles kaya hindi sila nakakuha ng trabaho. Tago sila nang tago sa mga pulis at natutulog sa mga bangketa. Hindi nila binigyan ang Diyos ng pagkakataong tulungan sila. Pero naipasiya namin na sama-samang harapin bilang pamilya ang problema sa pera, sa tulong ng Diyos.”
PAGSUNOD SA PAYO NI JESUS
Idinagdag pa ni Paul: “Sinabi ni Jesus: ‘Huwag kayong mabalisa tungkol sa susunod na araw, sapagkat ang susunod na araw ay magkakaroon ng sarili nitong mga kabalisahan. Sapat na para sa bawat araw ang sarili nitong kasamaan.’ Kaya dalangin ko sa araw-araw na ‘bigyan kami ng Diyos ng aming tinapay sa araw na ito’ para kami mabuhay. At talagang tumulong siya, gaya ng ipinangako ni Jesus. Hindi namin laging nakukuha ang gusto namin. Minsan, pumila ako para sa pagkain nang hindi nalalaman kung ano ang ipinagbibili. Nang ako na ang bibili, nakita kong yogurt pala ito. Ayaw ko ng yogurt, pero pagkain din ito. Kaya yogurt ang kinain namin nang gabing iyon. Nagpapasalamat ako sa Diyos na sa buong panahong iyon, hindi kailanman natulog nang gutóm ang pamilya ko.” *
Ang Diyos ay nangako: “Hindi kita sa anumang paraan iiwan ni sa anumang paraan ay pababayaan.”—Hebreo 13:5
“Sa ngayon, ayos naman kami sa pinansiyal. Pero natutuhan namin mula sa aming naranasan na ang pagtitiwala sa Diyos ang pinakamabisang panlaban sa kabalisahan. Lagi tayong tutulungan ni Jehova * kung patuloy nating gagawin ang kalooban niya. Naging totoo sa amin ang Awit 34:8: ‘Tikman ninyo at tingnan na si Jehova ay mabuti; maligaya ang matipunong lalaki na nanganganlong sa kaniya.’ Kaya naman hindi kami natatakot kung magkaproblema kami muli sa pinansiyal.
“Malinaw na sa amin ngayon na ang kailangan ng tao para mabuhay ay hindi trabaho o pera, kundi pagkain. Pinananabikan namin ang panahon kapag natupad na ang pangako ng Diyos: ‘Magkakaroon ng saganang butil sa lupa.’ Samantala, ‘sa pagkakaroon ng pagkain at pananamit, magiging kontento na tayo sa mga bagay na ito.’ Humuhugot kami ng lakas sa sinasabi ng Bibliya: ‘Maging malaya nawa mula sa pag-ibig sa salapi ang inyong paraan ng pamumuhay, habang kayo ay kontento na sa mga bagay sa kasalukuyan. Sapagkat kaniyang sinabi: “Hindi kita sa anumang paraan iiwan ni sa anumang paraan ay pababayaan.” Anupat tayo ay magkaroon ng lakas ng loob at magsabi: “Si Jehova ang aking katulong; hindi ako matatakot.”’” *
Kailangan ang tunay na pananampalataya para ‘lumakad na kasama ng Diyos’ gaya ng ginagawa ni Paul at ng kaniyang pamilya. (Genesis 6:9) Gipit man tayo sa pera ngayon o magipit sa hinaharap, matututo tayo mula sa pananampalataya at praktikal na karunungan ni Paul.
Pero paano naman kung ang problema sa pamilya ang dahilan ng ating kabalisahan?
^ par. 9 Tingnan ang Mateo 6:11, 34.
^ par. 10 Jehova ang pangalan ng Diyos gaya ng sinasabi sa Bibliya.
^ par. 11 Tingnan ang Awit 72:16; 1 Timoteo 6:8; Hebreo 13:5, 6.