TAMPOK NA PAKSA | ANO ANG TINGIN NG DIYOS SA MGA DIGMAAN?
Ang Tingin ng Diyos sa mga Digmaan Noong Unang Siglo
Ang mga tao ay sinisiil. Gaya ng kanilang mga ninuno, ang mga Judio noong unang siglo ay tiyak na paulit-ulit ding humihingi ng tulong sa Diyos sa panalangin, mula naman sa paniniil ng Imperyo ng Roma. Pagkatapos ay nabalitaan nila ang hinggil kay Jesus. Siya kaya ang inihulang Mesiyas? Hindi kataka-taka, marami ang umaasa na “ang taong ito ang siyang itinalagang magligtas sa Israel” mula sa kanilang mga maniniil na Romano. (Lucas 24:21) Ngunit walang dumating na tulong. Sa halip, nilusob at winasak ng hukbong Romano ang Jerusalem at ang templo nito.
Ano ang nangyari? Bakit hindi nakipaglaban ang Diyos para sa mga Judio, gaya ng ginawa Niya noon? O bakit hindi Niya sila inutusang makipagdigma para makalaya sila sa paniniil? Nagbago na ba ang tingin ng Diyos sa mga digmaan? Hindi. Pero may malaking pagbabago kung tungkol sa mga Judio. Hindi nila tinanggap ang Anak ng Diyos, si Jesus, bilang ang Mesiyas. (Gawa 2:36) Kaya bilang isang bansa, naiwala nila ang kanilang pantanging kaugnayan sa Diyos.—Mateo 23:37, 38.
Wala na ang proteksiyon ng Diyos sa bansang Judio at sa Lupang Pangako nito, ni maaangkin man ng mga Judio na nakikipagdigma sila taglay ang pagsang-ayon o suporta ng Diyos. Gaya ng inihula ni Jesus, ang mga pagpapala at pagsang-ayon ng Diyos ay inilipat mula sa likas na bansang Israel tungo sa isang bagong bansa, ang espirituwal na bansa, na nang maglaon ay tinukoy sa Bibliya bilang ang “Israel ng Diyos.” (Galacia 6:16; Mateo 21:43) Lumilitaw na ang espirituwal na Israel ng Diyos ay ang kongregasyon ng mga Kristiyanong pinahiran ng espiritu. Kaya naman noong unang siglo, sila ay sinabihan: “Kayo . . . ngayon ay bayan na ng Diyos.”—1 Pedro 2:9, 10.
Yamang ang mga Kristiyano noong unang siglo ay “bayan na ng Diyos,” nakipagdigma ba ang Diyos alang-alang sa kanila, para mapalaya sila sa paniniil ng Roma? O inutusan ba niya sila na makipagdigma sa mga naniniil sa kanila? Hindi. Bakit? Pagdating kasi sa mga digmaan na iniutos ng Diyos, siya lang ang nagpapasiya kung kailan makikipagdigma, gaya ng ipinakita sa naunang artikulo. Hindi nakipagdigma ang Diyos para sa mga Kristiyano noong unang siglo, ni inutusan man niya silang makipagdigma. Malinaw na noong unang siglo, hindi pa iyon ang panahon ng Diyos sa pakikipagdigma para wakasan ang kasamaan at paniniil.
Kaya gaya ng mga lingkod ng Diyos noong sinaunang panahon, kailangan ding hintayin ng mga Kristiyano noong unang siglo ang itinakdang panahon ng Diyos para wakasan ang kasamaan at paniniil. Samantala, hindi sila inutusan ng Diyos na makipagdigma sa kanilang mga kaaway. Nilinaw ito ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga turo. Halimbawa, hindi niya inutusan ang kaniyang mga tagasunod na makipagdigma, sa halip sinabi niya sa kanila: “Patuloy na ibigin ang inyong mga kaaway at ipanalangin yaong mga umuusig sa inyo.” (Mateo 5:44) Nang ihula ang panahon kung kailan sasalakayin ng mga hukbong Romano ang Jerusalem noong unang siglo, tinagubilinan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na huwag manatili at makipaglaban, kundi tumakas—na sinunod naman nila.—Lucas 21:20, 21.
Sa patnubay ng banal na espiritu, sumulat si apostol Pablo: “Huwag ipaghiganti ang inyong sarili, . . . sapagkat nasusulat: ‘Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti,’ sabi ni Jehova.” (Roma 12:19) Sinisipi ni Pablo ang sinabi ng Diyos na mga dantaon nang nakaulat sa Levitico 19:18 at Deuteronomio 32:35. Gaya ng nabanggit sa naunang artikulo, ang isang paraan upang ipaghiganti ng Diyos ang kaniyang bayan noong sinaunang panahon ay tulungan silang makipagdigma sa kanilang mga kaaway. Kaya ipinakikita ng pananalita ni Pablo na hindi nagbago ang tingin ng Diyos sa mga digmaan. Noong unang siglo, ang mga digmaan ay matuwid na paraan pa rin ng Diyos upang ipaghiganti ang kaniyang mga lingkod at wakasan ang lahat ng anyo ng paniniil at kasamaan. Subalit gaya noong sinaunang panahon, ang Diyos lang ang nagpapasiya kung kailan at kung sino ang makikipagdigma.
Maliwanag, hindi inutusan ng Diyos ang mga Kristiyano noong unang siglo na makipagdigma. Kumusta naman ngayon? Pinapayagan ba ng Diyos ang anumang grupo ng mga tao na makipagdigma? O ngayon na ba ang panahon para tumulong ang Diyos at makipagdigma alang-alang sa kaniyang mga lingkod? Ano nga ba ang tingin ng Diyos sa mga digmaan ngayon? Sasagutin ng huling artikulo sa seryeng ito ang mga tanong na iyan.