PATULOY NA MAGBANTAY!
Sino ang Pipiliin Mong Lider?—Ano ang Sinasabi ng Bibliya?
Mahalagang desisyon ang pagpili ng lider. Kaya pinag-iisipang mabuti ng mga tao kung sino ang mga iboboto nila.
Ano ang sinasabi ng Bibliya?
May limitasyon ang mga tao
Sinasabi ng Bibliya na limitado ang magagawa ng mga taong namumuno.
“Huwag kayong umasa sa mga pinuno o sa anak ng tao, na hindi makapagliligtas. Ang hininga niya ay nawawala, bumabalik siya sa lupa; sa araw ding iyon ay naglalaho ang pag-iisip niya.”—Awit 146:3, 4.
Kahit gaano kahusay mamuno ang isang tao, mamamatay pa rin siya. Hindi rin niya masisiguro na itutuloy ng papalit sa kaniya ang magagandang ginagawa niya.—Eclesiastes 2:18, 19.
Ang totoo, sinasabi ng Bibliya na hindi talaga ginawa ang tao para pamunuan ang sarili nila.
“Hindi para sa taong lumalakad ang ituwid man lang ang sarili niyang hakbang.”—Jeremias 10:23.
Mayroon ba talagang mahusay na lider ngayon?
Isang lider na pinili ng Diyos
Sinasabi ng Bibliya na may pinili ang Diyos na mamuno, si Jesu-Kristo. (Awit 2:6) Siya ang pinakamahusay at pinakamapagkakatiwalaang lider. Si Jesus ang Hari ng Kaharian ng Diyos, isang gobyerno na namumuno mula sa langit.—Mateo 6:10.
Pipiliin mo bang maging lider si Jesus? Sinasabi ng Bibliya kung bakit magandang si Jesus ang piliin mo:
“Parangalan ninyo ang anak [si Jesu-Kristo]; kung hindi ay magagalit ang Diyos at malilipol kayo, dahil ang galit Niya ay biglang sumisiklab. Maligaya ang lahat ng nanganganlong sa Kaniya.”—Awit 2:12.
Kailangan mo nang pumili ngayon. Inihula kasi ng Bibliya na nagsimula nang mamahala si Jesus noong 1914 at na malapit nang palitan ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng gobyerno ng tao.—Daniel 2:44.
Para malaman kung paano mo masusuportahan ang pamumuno ni Jesus, basahin ang artikulong “Suportahan Na Ngayon ang Kaharian ng Diyos!”