Posible Ba ang Isang Patas na Sistema ng Ekonomiya?
Sa iba’t ibang bansa, maraming tao ang nagpoprotesta, dahil pakiramdam nila, hindi patas ang mga kalagayan sa ekonomiya. Mas lalo pang lumala ang mga problema dahil sa COVID-19 pandemic. Nagkaroon ng mga kaguluhan, kasi nakita ng mga tao ang malaking pagkakaiba ng mayaman at mahirap dahil sa mga lockdown, kakulangan sa suplay, at limitadong serbisyo sa pagpapagamot.
Matatapos pa kaya ang mga problema sa ekonomiya na nagpapahirap sa mga tao? Oo. Sinasabi ng Bibliya kung ano ang gagawin ng Diyos para alisin ang mga problemang ito.
Mga problema sa ekonomiya na aalisin ng Diyos
Problema: Hindi nakapagtatag ang mga tao ng isang sistema ng ekonomiya na makakapagbigay ng pangangailangan ng lahat.
Solusyon: Papalitan ng Diyos ang mga gobyerno ng tao ng sarili niyang gobyerno, ang Kaharian ng Diyos. Pamamahalaan nito ang buong lupa mula sa langit.—Daniel 2:44; Mateo 6:10.
Resulta: Perpektong mapapamahalaan ng Kaharian ng Diyos ang buong mundo. Hinding-hindi na maghihirap ang mga tao o mag-aalala kung paano sila makakaraos sa buhay. (Awit 9:7-9, 18) Sa halip, sila ang makikinabang sa mga pinagpaguran nila at magkakaroon sila ng sagana at masayang buhay kasama ng pamilya nila. Nangangako ang Bibliya: “Magtatayo sila ng mga bahay at titira sa mga iyon, at magtatanim sila ng ubas at kakainin ang bunga nito. Hindi sila magtatayo pero iba ang titira, at hindi sila magtatanim pero iba ang kakain.”—Isaias 65:21, 22.
Problema: Bahagi na ng buhay ng tao ang pagdurusa at kakapusan.
Solusyon: Aalisin ng Kaharian ng Diyos ang mga dahilan kung bakit takot at di-panatag ang mga tao.
Resulta: Sa ilalim ng pangangalaga ng Diyos, hindi na mararanasan ng mga tao ang mga pangyayaring nagdudulot ng kakapusan sa kanila o sa pamilya nila. Halimbawa, hindi na magkakaroon ng digmaan, taggutom, at pandemic. (Awit 46:9; 72:16; Isaias 33:24) Sinabi ng Diyos: “Titira ang bayan ko sa mapayapang tahanan, sa ligtas na mga tirahan at tahimik na mga pahingahan.”—Isaias 32:18.
Problema: Ang mga tao ay kadalasan nang sinasamantala o dinadaya ng mga sakim at makasarili.
Solusyon: Matututo ang mga sakop ng Kaharian ng Diyos na magpakita ng tunay na pagmamahal at unahin ang kapakanan ng iba.—Mateo 22:37-39.
Resulta: Kapag namamahala na ang Kaharian ng Diyos, ang lahat ay magiging gaya ng Diyos na mapagmahal, na “hindi inuuna ang sariling kapakanan.” (1 Corinto 13:4, 5) Sinasabi ng Bibliya: “Hindi sila mananakit o maninira sa aking buong banal na bundok, dahil ang lupa ay tiyak na mapupuno ng kaalaman tungkol kay Jehova a gaya ng tubig na tumatakip sa dagat.”—Isaias 11:9.
Ipinapakita ng Bibliya na nabubuhay na tayo sa mga huling araw ng sistemang ito. Malapit nang alisin ng Diyos ang lahat ng problema sa ekonomiya gaya ng ipinangako niya. b (Awit 12:5) Pero habang hindi pa nangyayari iyan, makakatulong ang mga prinsipyo sa Bibliya na makayanan mo ang mga problema sa ekonomiya ngayon. Halimbawa, tingnan ang mga artikulong “Paano Ka Makakapag-adjust Kapag Nabawasan ang Iyong Kita?” at “Balanseng Pananaw sa Pera.”
a Jehova ang pangalan ng Diyos gaya ng sinasabi sa Bibliya.—Awit 83:18.
b Para malaman kung bakit ka makakapagtiwala sa Bibliya, tingnan ang artikulong “Ang Bibliya—Isang Aklat ng Katotohanan.”