Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Surasak Suwanmake/Moment via Getty Images

PATULOY NA MAGBANTAY!

Heat Wave sa Buong Mundo Ngayong Summer 2023—Ano ang Sinasabi ng Bibliya?

Heat Wave sa Buong Mundo Ngayong Summer 2023—Ano ang Sinasabi ng Bibliya?

 Nakakaranas ang buong mundo ng napakatinding heat wave na hindi pa nangyayari noon, pati na ng iba pang problema dahil sa matitinding lagay ng panahon. Tingnan ang mga report na ito:

  •   “Sa nakalipas na 174 na taon, ngayong Hunyo ng taóng ito ang pinakamainit na buwan ng Hunyo.”—National Oceanic and Atmospheric Administration, U.S. Department of Commerce, Hulyo 13, 2023.

  •   “Nakakaranas ngayon ang Italy, Spain, France, Germany at Poland ng matinding heatwave na may air temperature na umaabot ng 48°C [118°F] sa mga isla ng Sicily at Sardinia. Posibleng ito na ang pinakamainit na temperatura sa Europe.”—European Space Agency, Hulyo 13, 2023.

  •   “Habang umiinit ang planeta, asahan natin na makakaranas tayo ng mas malalakas at mas madalas na pag-ulan, kaya magkakaroon din ng mas matitinding pagbaha.”—Stefan Uhlenbrook, director of hydrology, water and cryosphere at the World Meteorological Organization, Hulyo 17, 2023.

 Nag-aalala ka ba sa mga report na ito? Pansinin ang sinasabi ng Bibliya tungkol dito.

Nakahula ba sa Bibliya ang matitinding lagay ng panahon?

 Oo. Masasabing ang mga heat wave sa buong mundo at iba pang matitinding lagay ng panahon ay nakahula nang mangyayari ngayon. Halimbawa, inihula ni Jesus na makakakita tayo ng “nakakatakot na mga bagay,” o “kakaibang mga bagay.” (Lucas 21:11; Magandang Balita Biblia) Dahil sa patuloy na pagtaas ng temperatura sa buong mundo, iniisip ng marami na hindi na matitirahan ang lupa.

Darating ba ang panahong hindi na matitirhan ang lupa?

 Hindi. Ginawa ng Diyos ang lupa para maging permanenteng tirahan natin; hindi niya hahayaang sirain ito ng mga tao. (Awit 115:16; Eclesiastes 1:4) Ang totoo, ipinangako niya na ‘ipapahamak niya ang mga nagpapahamak sa lupa.’—Apocalipsis 11:18.

 Mababasa sa Bibliya na kaya at gusto ng Diyos na protektahan ang lupa mula sa mga sakuna.

  •   “Pinahuhupa [ng Diyos] ang buhawi; kumakalma ang mga alon sa dagat.” (Awit 107:29) Kayang kontrolin ng Diyos ang puwersa ng kalikasan. Kaya niyang ayusin ang mga problema nito, gaya ng matitinding lagay ng panahon, na nagiging dahilan ng paghihirap ng tao.

  •   “Pinangangalagaan mo ang lupa; ginawa mo itong mabunga at napakasagana.” (Awit 65:9) Gagawin ng Diyos na paraiso ang buong lupa.

 Para sa higit pang impormasyon tungkol sa pangako ng Diyos na aayusin niya ang lupa, basahin ang artikulong “Sino ang Magliligtas sa Lupa?